Pebrero 1-15, 2018
![]() |
|
Kathryn Bernardo & Daniel Padilla |
|
![]() |
|
Mocha Uson |
|
![]() |
|
Maryo delos Reyes & Nora Aunor |
|
![]() |
|
Robin Padilla, Jodi Sta. Maria
|
|
![]() |
|
Coco Martin & Ang Probinsyano cast |
|
![]() |
|
Korina Sanchez |
|
![]() |
|
Mark Anthony Fernandez |
|
![]() |
|
Claudine Barretto |
|
![]() |
|
Lovi Poe |
Daniel Padilla at Kathryn Bernardo – Matibay pa rin ang KathNiel
Maraming tagahanga nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang nag-aalala na baka makaapekto sa kanilang relasyon ang paglutang ng isang girl na nagsasabing kinuha ng heartthrob ang cellphone number nito.
Dahil sa sobrang saya siguro dahil dati pala’y sinusundan-sundan lang ng dalaga ang mga mall shows nina DJ at Kathryn ay ipinost nito ang kanilang retrato ng kaniyang idolo na may bonus pang kuwento na kinuha ni Daniel ang kaniyang numero.
Sabi ng isang KathNiel supporter, “Tao lang naman kasi si DJ. Paano kung isang araw, e, umiral ang kahinaan niya? Paano kung matukso siya? E, sa sobrang excitement ng babaeng iyon, e, siguradong ilalabas niya na naman sa social media ang nangyari sa kanila if ever,” sabi ng tagahanga ng magka-loveteam.
Positibo ang ganoong pag-aalala, magsisilbing paalala kay Daniel ang damdamin ng mga tagahanga nila ni Kathryn, dahil totoo namang tao lang siyang nadadarang din paminsan-minsan sa tawag ng laman.
Hindi naman agad-agad na pumapatol si Kathryn sa mga kuwentong nakararating sa kaniya, hindi nagpapadala sa mga sulsol ang young actress, mas matibay para sa kaniya ang pinag-usapan nila ni Daniel.
Mayroon silang usapan na walang bibitiw sa kanilang kasunduan. Malinaw rin ang kanilang pag-uusap na bago sila maniwala sa kung anu-anong kuwento ay kailangan muna nilang mag-usap nang masinsinan.
Pero, hindi kayang basagin ng kahit sino at ng kahit ano ang pundasyon ng relayon nina DJ at Kathryn. Sa harapan at talikuran ay mahal na mahal ng young actor si Kathryn.
Nakarating sa amin ang kuwento kung bakit nawala sa poder ng aktor ang isang taong malapit sa kanilang pamilya. Nalaman ni DJ na naturingang kaibigan nila ang taong iyon pero unang-una naman palang nagsasalita nang talikuarn laban kay Kathryn.
Kinausap ni Daniel ang kaniyang ina, sinabi niya kay Karla Estrada na hindi na pala nila kailangan ng kaaway mula sa labas dahil nasa loob lang mismo ng kanilang bahay ang naninira kay Kathryn.
Nag-imbestiga ang mag-ina, maraming nagpatotoo kung paano siraan ng taong iyon ang dalaga, kaya nagdesisyon silang palayuin na sa kanila ang itinuring pa naman nilang kapamilya.
Sabi ng aming source, “Ang katwiran ni DJ, e, iisang tao lang naman ang ipinakikisama niya, si Kathryn lang, pero sinisiraan pa. Hindi siya makapapayag na may manira kay Kathryn, siya ang siguradong makakalaban ng taong iyon.”
Mocha Uson – Alam na ngayon na ang Mayon volcano ay nasa Albay
May punto ang suhestiyon ng aming mga kaibigan na para makaiwas si Asec Mocha Uson sa pagpakahiya ay kailangan niyang bumili ng mapa ng Pilipinas.
Mura lang naman iyon sa mga bookstore, hindi siya gagastos nang malaki, pero ang bentaheng ibibigay noon sa kaniya ay walang katapat na halaga.
Nandoon ang kumpletong listahan ng mga probinsiya, siyudad at bayan sa buong Pilipinas, pati ang mga kaliit-liitang lugar ay nandoon din, napakalaki ng maitutulong ng lokal na mapa para kay Asec Mocha.
Huwag na muna niyang tutukan ang iba-ibang bansa, ang ating bayan muna, para hindi nangyayari ang makasaysayan niyang paglilipat sa Naga City ng bulkang Mayon sa Albay.
“Nasa elementary pa lang si Asec Mocha, eh, itinuturo na kung nasaan ang Mayon volcano. Huwag naman niyang sabihin na absent siya noong ituro iyon!
“Saka nakakailang putok na ang Mayon, siguro naman, eh, aware siya doon, kaya para hindi na siya ginagawang katatawanan, eh, magpabili na lang siya ng map of the Philippines,” rekomendasyon ng kaibigan naming propesor.
Sumusumpa si Asec Mocha Uson na hindi siya kayang ibagsak ng kaniyang mga kalaban nang dahil lang sa paglilipat niya ng bulkang Mayon mula sa Albay sa Naga City.
Huwag daw ang munti lang niyang pagkakamali ang dapat pansinin at bombahin ng kaniyang mga detractors kundi ang kaniyang panawagan na kailangang matulungan ang mga naninirahan sa palibot ng bulkang Mayon na namumuksa ngayon ng mga kabuhayan.
Ang gustong itawid na mensahe ni Asec Mocha ay mas mahalaga ang kaniyang layuning tumulong, iyon daw sana ang mas bigyan ng bigat, hindi ang kaniyang pagkakamali na ang Mayon volcano ay nasa Naga at wala sa Albay.
Sunud-sunod na ang mga nagiging bloopers ni Asec Mocha, dala-dala niya pa naman ang pangalan ng PCOO, kaya kailangan na niyang magsunog ng kilay para hindi siya ginagawang laruan ng ating mga kababayan.
Mabilis namang manghingi ng paumanhin si Asec Mocha kapag nagkakamali siya, hindi niya naman ipinagpipilitan ang kaniyang katwiran. Pero hanggang kailan ba siya magso-sorry sa mga nagagawa niyang kapalpakan?
Direk Maryo J. delos Reyes – Maraming apektado sa maagang pagpanaw
Nakagugulat na sobrang nakalulungkot ang biglaang pagpanaw ni Direk Maryo J. delos Reyes. Wala naman kasing pahimakas man lang ang kaniyang pagkawala.
Napakasaya ni Direk Maryo noong Sabado (Jan. 27) nang gabi habang kasama ang kaniyang mga kaibigan sa isang party sa Dipolog City.
Sayaw siya nang sayaw, masarap ang pakikipagkuwentuhan niya sa mga nandoon, pero sa pinakahuling tugtog na sinayawan niya ay bigla na lang siyang natumba.
Ang akala ng mga nandoon ay simpleng pagkapatid lang iyon, pero nang ibangon siya ng mga kaibigan ay wala na siyang malay.
Ganoon lang ang kuwento. DOA na siya nang isugod sa isang ospital sa siyudad. Napakabilis ng mga pangyayari, walang nag-akala na mawawala agad ang premyadong direktor, dahil wala namang anumang balita tungkol sa kaniyang pagkakasakit.
Maraming apektado sa pagkawala ng magaling na direktor. Ang mga kabataan noong dekada ‘80 na karamihan ay nasa ibang bansa na ngayon ay nakikidalamhati sa kaniyang pagpanaw dahil sa unang pelikulang idinirek niya, ang High School Circa ‘65, na pinagbibidahan nina Lala Aunor, Roderick Paulate, Jingle, Margie Braza at marami pang iba.
Nagluluksa rin ang Sandico Brothers na sina Bobby, Ricky at Michael dahil nagsimula ang kanilang pag-aartista sa mga pelikulang pinamahalaan ni Direk Maryo sa Agrix Films.
Si Direk Maryo rin ang nagdirek ng Bagets, ang pelikulang mas nagpaningning sa karera nina Aga Muhlach, Herbert Bautista, William Martinez, Raymond Lauchengco, JC Bonnin, Eula Valdez, Cheska Iñigo, Ramon Christopher at marami pang ibang bagets stars.
Nakilala ng buong bayan si Annie Batungbacal dahil kay Direk Maryo, ang Superstar na si Nora Aunor ang bumida sa pelikula, na nasundan pa ng maraming pelikulang nagtagumpay sa takilya.
Umaapaw na ang pakikisimpatya ngayon sa pagpanaw ni Direk Maryo J. delos Reyes dahil sa dami ng pusong hinipo niya, ginabayan at natulungan sa kanilang mga pangarap.
Robin Padilla at Jodi Sta. Maria – Balik TV sa “Sana, Dalawa Ang Puso”
Parang masarap abangan ang bagong seryeng pinagtatambalan nina Robin Padilla at Jodi Sta. Maria. Sa mga teaser pa lang na ipinalalabas bilang imbitasyon sa kanilang bagong proyekto ay parang hindi masasayang ang pambayad natin sa kuryente sa Sana, Dalawa Ang Puso ng ABS-CBN.
Napakaganda ni Jodi sa lahat ng anggulo, halimaw ang aktres na ito kapag na-make-up-an nang sopistikada, pero parang mas nakakaaliw ang isa pa niyang role bilang tambay ng sabungan.
Parang ang laki-laki niya sa screen kung tingnan pero sa personal ay napakaliit niya at manipis ang kaniyang katawan. Kahit saang anggulo mo tingnan ang aktres ay walang mali sa kaniyang mukha.
Maligaya ang mundo nila ngayon ni Vice-Governor Jolo Revilla dahil kasal na lang ang kulang sa kanilang relasyon. Iyon na lang ang kanilang hinihintay para makapagbuo na sila ng sariling mundo.
At nakakatuwa silang tingnan habang kasama nila sa pamamasyal sa ibang bansa sina Pampi Lacson at Iwa Moto, magkakalaro ang kanilang mga anak, parang isang pamilya lang sila.
Si Iwa mismo ang nagkukuwentro na nalampasan na nila ang kumplikadong estado ng kanilang buhay. Kapag hindi mabibigyan nang sapat na panahon ni Jodi ang anak nila ni Pampi na si Thirdy ay si Iwa ang sumusundo sa bagets sa school.
“Hindi ko po alam kung paano ko ide-describe ang situation namin ngayon, pero super-cool! Ang ganda-ganda, nagsusuportahan kami. Kung sino ang available para tumingin sa mga bagets, nagtutulungan kami,” masayang kuwento ni Iwa Moto.
Kitang-kita naman sa aura ni Jodi Sta. Maria na wala na siyang mahihiling pa ngayon. Maayos ang kaniyang lovelife, maganda ang takbo ng kaniyang career, wala na ngang hinahanp pa ngayon ang magandang aktres.
Coco Martin – “Ninong” ng mga mga action stars at ng mga kontrabida
Ninong talaga ng mga action stars at ng mga kontrabida si Coco Martin. Napakalawak ng kuwento ng kaniyang pinagbibidahang Ang Probinsiyano. Maraming artistang kailangan, maraming kontrabida ang nabibigyan niya ng trabaho, nabuhay uli mula sa kawalan ang maraming action stars nang dahil sa magaling na actor-director.
Maraming artistang maaapektuhan kapag nagtapos na ang kuwento ni Ricardo Dalisay, ang prinsipyadong pulis na nagiging kalaban ng mga sindikato, ang dami-daming personalidad na umaasa sa kaniyang matagumpay na serye.
Siksik na siksik sa mga karakter ang serye. Napakalaki ng produksiyon ng Ang Probinsiyano. Sa catering na lang ay gaano kaya kalaki ang nagagastos ng Dreamscape Productions sa bawat taping nila?
Pero sulit na sulit naman iyon dahil hindi bumibitiw ang manonood sa serye, nananatili silang number one sa labanan ng rating, marami nang sumubok na pantayan man lang ang Ang Probinsiyano pero walang nagtagumpay.
Ito ang serye na kapag tinapos ay siguradong makakaramdam ng separation anxiety ang mga artista. Sa tagal na ng kanilang pagsasama-sama na pumapasok na sa ikatlong taon ay naging isang malaking pamilya na sila sa set.
Si Coco Martin ang unang-unang maaapektuhan ng kalungkutan kapag kailangan nang palitan ang serye, parang mga kapatid na ang turing ng action star sa kaniyang mga kasamahan, napamahal na rin sa kaniya ang mga child stars sa Ang Probinsiyano.
Mga dating bumibida sa pelikula, mga komedyante, mga rapper at kilalang-kilalang kontrabida. Lahat sila’y mahalagang bahagi ng malakas na serye ni Coco Martin.
Kung puwede nga lang sanang habampanahong na nand’yan ang Ang Probinsiyano. Pero nagbabago ang panahon, kung paanong nagbabago rin ang panlasa ng manonood, kaya kailangang palitan iyon ng bago sa paningin ng mga telebyuwers.
Korina Sanchez – Ang bata ni ateng! Bagong modelo ni Dra. Vicki Belo
Noong una naming makita ang billboard ni Korina Sanchez sa kabahaan ng EDSA ay nagdikit ang mga kilay namin sa pag-iisip kung sino ang bagong modelo ng Belo Medical Group.
Ang tingin namin noong una ay si Julia Montes ang nasa billboard, pero bakit thermage ang produktong ibinebenta, napakabata pa nito para sumailalim sa ganoong proseso.
Tukod ang traffic isang umaga, tiyempo namang napakatagal naming napatapat sa billboard, noon lang namin napagtanto na si Ate Koring pala ang modelo ng produkto ni Dra. Vicki Belo.
Sa simula nga ay magugulat ka sa bago niyang hitsura ngayon dahil sa sobra niyang kapayatan. Hawas ang kaniyang mukha, may mga nagbago, pero kung alam mo ang kuwento noong maaksidente siya ay hindi na nakagugulat ang pinapansing ilong ngayon ni Ateng Korina.
Dati nang gawa ang ilong ni Korina. Isinabay iyon sa pagkaaksidente niya kung saan napuruhan ang kaniyang ilong. Nandoon na nga rin lang naman, di isabay na ang pagpapa-nose enhancement niya, para isahang sakit na lang.
Ang bata-bata ni Ate Koring! Parang hinila ang kaniyang balat sa magkabilang punong-tenga niya dahil sa sobrang pagkabanat. Pero walang operasyon ang thermage, non-invasive ang proseso, may mga bagong makinarya lang ang Belo Medical Group na ginagamit para magmukhang bata sa kanilang tunay na edad ang mga pasyente nila.
Sorry sa mga namimintas kay Korina na reyna na siya ng retoke dahil walang binago sa kaniyang mukha. Iyon pa rin ang dati niyang hitsura, talagang nagmukhang bata lang siya dahil sa thermage, lumayo na tuloy ang itsura niya ngayon sa kaniyang mister na bukod sa puro puti na ang buhok ay mukhang pinatanda nang husto ng mundo ng pulitika.
Mukhang magtiyuhin na sila ngayon ni dating Senador Mar Roxas. Huwag namang mag-ama, sobra naman ang ganoong paglalarawan, nagmukhang uncle lang niya si Kuyang Mar.
Ang nagagawa nga namang milagro ng siyensiya, bow!
Mark Anthony Fernandez – Nakalaya na, babalik na sa pag-aartista
Hindi pinagbago nang mahigit na isang taong pagkakulong ang kakisigan ni Mark Anthony Fernandez. Tama ang kuwento ni Alma Moreno, lumaki lang siya, kailangan lang niyang mag-gym para bumalik ang dating bulto ng kaniyang katawan.
Sa unang pagharap ng guwapong aktor sa mga press people pagkatapos nang mahigit na isang taon ay maraming nagparamdam sa kaniya ng mainit na pagwelkam.
Nakilala kasi si Mark Anthony bilang mabait at mapagkumbabang personalidad, walang kuwento ng pambabastos na ikinabit sa kaniyang pangalan, humuhugot din siya ng puhunan sa mga magulang niyang sina Rudy Fernandez (SLN) at Alma Moreno.
Nilinaw ni Mark Anthony na kailanman ay hindi siya nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Hindi siya gumamit ng shabu, cocaine at iba pang mga salot na ibinebenta sa merkado.
Hanggang marijuana lang siya, hanggang damo lang, na naging dahilan ng kaniyang pamamalagi sa kulungan nang matagal-tagal na panahon.
Kapani-paniwala naman ang kaniyang sinabi dahil walang pagkakakilanlan ng paggamit ng droga kay Mark Anthony, maayos ang kaniyang pagsasalita, lumulutang lang paminsan-minsan ang pagiging mahiyain niya.
Maganda ang plano para sa kaniya ng Viva, kailangan niyang magbawas ng timbang para makabalik na siya sa pagtatrabaho, sabayan sila ngayon ng dati niyang karelasyong si Claudine Barretto sa paghahanda sa pagtatambalan nilang pelikula.
Maligaya si Alma Moreno para sa kaniyang panganay, kuwento ng medyo lumaki lang pero maganda pa ring aktres, “Nakita ko kasi ang higpit ng yakap sa kaniya ng mga nandoon sa una niyang pagharap sa media. Mahigpit, may mga tapik sa balikat ng anak ko, ang sarap-sarap noon sa pakiramdam ko.
“Hindi nila pinagdamutan ng chance ni Mark, ipina-feel nila ang masarap na pag-awelcome, iyon ang kailangang-kailangan ngayon ng anak ko,” sabi ni Ness.
Na totoo naman dahil pang-unawa at panibagong pagkakataon ang hinihingi ngayon ni Mark Anthony Fernandez. Nangangako ang aktor na hindi siya mapapahiya sa mga taong nagbibigay ng tiwala sa kaniya ngayon.
Bukod sa gagawin nilang proyekto ni Claudine ay malapit na ring mapanood si Mark Anthony sa mga serye ng ABS-CBN. Hindi lang naman kasi siya guwapo, magaling na action star si MAF, na puwede ring isalang sa madadramang tagpo.
Kung minsan talaga ay kailangang nagpapautang tayo ng tiwala at pang-unawa sa mga nagsisikap magbago para maipambayad nila sa mga kakapusan at kalabisan ng nakaraan.
Alma Moreno – Dakila, sumasaludo kami sa katatagan ng kalooban
Sumasaludo kami sa katatagan ng kalooban ni Alma Moreno. Para nga namang roller coaster ang buhay ng magandang aktres, ang dami-dami niyang nakakaengkuwentrong paghamon, pero matatag pa rin siyang nakatayo.
Komento ni SOS, “Sobrang agree po ako sa inyo na isang dakilang ina si Alma Moreno. Kahit pa iba-iba ang ama ng mga anak niya, eh, iisa lang ang puso niya para sa magkakapatid.
“Marami na siyang pinagdaanan, pero dahil sa matinding pananalig niya sa Diyos, eh, nalalampasan niyang lahat. Matinding sakripisyo na ang naengkuwentro niya dahil kina Mark Anthony at Vandolph, pero dahil sa palagi niyang sinasabing dasal lang, kinakaya niya ang lahat.
“Sa lahat ng mga interviews niya, isa lang ang hindi niya nakakalimutang sabihin, ‘Dasal lang.’ Totoong-totoo naman kasi, dasal lang talaga, napakalaki ng nagagawa ng panalangin,” emosyon ni SOS.
Dahil araw-araw niyang gustong madalaw si Mark Anthony ay umupa na siya ng bahay sa Angeles City, doon na siya nanggagaling sa halip na sa Paranaque pa, dala-dala ang mga gustong pagkain ng kaniyang anak.
Ngayon ay abala na si Mark Anthony sa pagdyi-gym. May magandang plano ang Viva Films para sa hindi lang guwapo kundi magaling ding aktor.
“Lahat ng anak ko, ipinagdarasal ko. Minsan nga, nakakalimutan ko na ang sarili ko. Sila ang dahilan kung bakit ako patuloy na lumalaban, kailangan nila ako.
“At kailangan ko rin sila para maging inspirasyon ko. Sila ang lahat-lahat para sa akin, sila ang buhay ko,” pahayag ni Alma Moreno.
Maaaring maraming kalabisan at kakapusan si Alma Moreno bilang tao, pero bilang isang ina ay nasubaybayan namin ang serbisyo niya sa kaniyang mga anak, dakila siyang nanay.
Nakadikit sa kaniyang laylayan ang mga anak niya, kahit saan siya magpunta ay bitbit ni Ness sina Mark, Vandolph, Yeoj, Winwyn, VJ at Em-Em, hindi siya masayang lumalabas ng bahay na hindi niya kasama ang magkakapatid.
Harinawang makabalik agad sa trabaho si Mark Anthony, siguradong miss na miss na rin ng aktor ang kinalakihan nitong kapaligiran, maraming nagmamahal kay Mark dahil maganda ang kaniyang puso.
Isa lang ang nasabi ni Ness, “Maraming-maraming salamat sa Diyos dahil dininig Niya ang aming mga dasal. At salamat sa mga taong hanggang ngayon, eh, nagtitiwala pa rin kay Mark. Mabait talaga ang anak ko.”
Claudine Barretto – Dinadalaw ng panic attack at depression
Si Claudine Barretto ang naging paksa naming magkakaibigan noong isang gabi. Lahat kami’y humahanga sa magandang aktres dahil sa kaniyang pagpapakatotoo hindi lang sa kaniyang sarili kundi pati na sa publiko.
Hindi lahat ng sikat na personalidad ay lalantad para magsabing oo, dumadaan ako ngayon sa isang psychiatric process, at masaya ako sa ginagawa ko.
Dahil sa maling konotasyon na kapag sumailalim ang isang tao sa proseso ng pagpapatingin sa isang psychiatrist ay may diperensiya na siya sa utak ay maraming hindi umaamin sa ganoong kundisyon.
Mismong mga doktor na ang nagpapatunay na lahat tayo ay nangangailangan ng ganoong proseso, pero hindi ibig sabihing may sayad na tayo, kundi pagbabalanse lang ng ating emosyon ang kailangang sinusuri ng mga psychologist at psychiatrist.
Inilarawan ng aktres ang kaniyang pinagdaanan, palagi siyang dinadalaw ng panic attack disorder, matinding-matindi ang nangyayari sa kaniya kapag umaatake na ang kaniyang sakit.
Gusto niyang tumalon sa mataas na gusali, hindi siya makahinga, napakadilim ng kaniyang paligid dahil pakiramdam niya’y paliit nang paliit ang kinaroroonan niya.
Kahanga-hangang aktres. Hindi lahat ng personalidad na dumadaan sa ganoong proseso na tulad niya ay makahaharap sa publiko para amining totoo, may mali sa kaniyang sistema, at gusto niyang gumaling.
Hindi dapat ikinahihiya ang ganoon, mas maganda kung ilalatag ng personalidad ang kaniyang mga baraha sa publiko para tapos na ang mga pagtatanong, ganoon ang ginawa ni Claudine Barretto.
Ang isa sa mga dahilang ibinigay ni Claudine ay ang pagkamatay ng kaniyang dating boyfriend na si Rico Yan. Sumakabilang-buhay ang aktor noong March 28, 2002 pero hanggang ngayon ay inaatake pa rin ng panic disorder ang aktres kapag bumabalik sa kaniyang isip ang pagkamatay ni Koriks.
Sa pagkakatanda namin ay Mahal Na Araw noon. Nang sumabog ang balitang natagpuang wala nang buhay si Rico sa isang lugar sa Palawan ay magkasama naman sina Claudine at Raymart Santiago sa bahay ng kaniyang mga magulang sa Subic.
Iyon kaya ang dahilan kung bakit hanggang ngayo’y hindi pa rin natatahimik ang kalooban ni Claudine kapag pumapasok sa kaniyang sistema ang pagkamatay ng aktor?
Mabait ang publiko, kapag nagpapakatotoo ang isang personalidad ay palaging may nakareserbang pang-unawa ang ating mga kababayan, makababalik agad sa trabaho si Claudine Barretto.
Lovi Poe – Walang kaduda-duda, anak nga siya ni FPJ
Hanggang sa kaniyang ikalawang buhay siguro ay hinding-hindi na makakalimutan pa ng isang utility ang ginawa ni Lovi Poe habang ginagawa nila ni Erich Gonzales ang The Significant Other.
Dumating sa location si Lovi nang alanganing oras. Tapos nang kumain ang lahat at nagliligpit na ang catering. Wala nang pagkain, pero nakita ng aktres ang isang lalaking kumakain sa isang sulok, nilapitan niya ito.
Ang kaniyang sabi, “Kuya, puwedeng hati na lang tayo sa kinakain mo?” Isang piraso ng pritong manok ang ulam ng lalaki, iyon ang paghahatian nila ni Lovi, natural lang na ma-shock iyong tao.
Tinotoo ng magaling na aktres ang kaniyang sinabi, naupo siya, humingi ng kanin at pinaghatian nila ng tauhan pala ng catering ang isang pirasong pritong manok.
Bakit nga naman hindi siya kakain kung gutom na talaga siya? Malayo ang location, matatagalan pa bago makabalik ang bibili ng kaniyang pagkain, kaya nakisalo na lang siya sa utility para maibsan ang pagkalam ng kaniyang sikmura.
Kalat na kalat ang kuwentong iyon sa buong produksiyon. Kapag tinatanong ang utility kung ano ang kaniyang naramdaman habang kasalo si Lovi Poe ay halos hindi ito makapagsalita, puwede raw palang mangyari ang ganoon, puring-puri ng lahat si Lovi Poe sa pagiging totoo niya.
Sabi ng nagkuwento sa amin tungkol sa naganap, “Walang kaduda-duda, anak nga siya ni FPJ. Ganoon din ang tatay niya, nakikisalo sa mga crew, hindi maselan, hindi ihinihiwalay ang sarili niya sa mga ordinaryong tao.”
Ang kabutihan ng puso at pagpapakumbaba ay nasa dugo. Nasa genes. Kakambal na ng ating inunan. Totoo ang komento ng aming kausap, anak nga siya ni Fernando Poe, Jr., ang Hari Ng Pelikulang Pilipino na mahigit na isang dekada nang pumanaw pero palaging binubuhay ng kaniyang kabutihan sa puso ng ating mga kababayan. –CSF