Oktubre 16 – 31, 2015
![]() |
|
Maine Mendoza |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
Paolo Ballesteros "Lola Tidora" |
|
![]() |
|
Wally Bayola a.k.a. Lola Nidora & Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub |
|
![]() |
Eat…Bulaga! – Pinarangalan ng CBCP Catholic Social Media
Isang malaking sampal sa katapat nilang programa sa pananghalian ang mga parangal na tinanggap noong isang araw ng Eat…Bulaga!, TAPE, Inc., at nina Alden Richards, Maine Mendoza at Wally Bayola.
Habang kinakalampag ng isang samahan ng mga kababaihan ang It’s Showtime ay ginawaran naman ng parangal ng CBCP sa kanilang unang Catholic Social Media ang pagpapahalaga ng kalyeserye sa kabutihang-asal.
Ayon sa CBCP ay nagsilbing huwarang modelo sa mga kabataan ang kabuuan ng kalyeserye. Binibigyan nila ng importansiya ang kaugaliang Pilipino na dapat pa ring pinaiiral at pinahahalagahan ng mga kabataan ngayon. Pinuri ng CBCP ang mga litanyang binibitiwan ni Lola Nidora (Wally Bayola) sa kinahihibangang palabas ngayon ng ating mga kababayan.
Napakalaking puntos noon para sa TAPE, Inc., patunay iyon na makabuluhan at hindi mababaw lang ang kalyeserye at ang kilig na ibinibigay ng nangungunang loveteam ngayon nina Alden Richards at Yaya Dub, napakasarap na premyo ang kanilang tinanggap mula sa kung tutuusi’y konserbatibo pa ngang grupo.
Sa kaniyang pangtanggap sa parangal ng CBCP ay umalingawngaw ang mga sigawan at tilian nang magsalita na si Maine Mendoza. Ganoon siya katindi. Bubuka pa lang ang kaniyang bibig ay hindi na magkamayaw ang mga tao sa auditorium.
Puwedeng angkinin ni Yaya Dub ang entablado. Panahon niya ngayon. Walang puwedeng kumuwestiyon sa tagumpay. Panahon ngayon ng AlDub sa ayaw at sa gusto ng iba d’yan.
Yaya Dub – Kinailangang mag-disguise upang huwag magkagulo ang fans
Nag-disguise si Maine Mendoza (Yaya Dub) nang manood siya ng concert ng Lifehouse. Gustong manood ni Yaya Dub nang hindi na niya kailangan pang magbago ng itsura, pero ang mga taong nagmamalasakit sa kaniya ang nagsabing huwag, dahil baka siya masaktan.
Pumayag si Yaya Dub. Nanood siya ng concert na naka-disguise, tatlong security ang kasama niya. Pero kahit malayo na sa kaniyang itsura sa telebisyon ang gayak niya noong gabing iyon ay may mga nakakilala pa rin sa kaniya. May mga lumapit para makipag-selfie. Mabilis na siyang inialis sa venue ng kaniyang mga security.
May mga nagkokomento na ilusyunada raw si Maine Mendoza. Bakit daw kailangan pa niyang mag-disguise? Ano raw ang akala ni Yaya Dub sa kaniyang sarili? Sikat na sikat na siya para pagkaguluhan?
Alam kaya ng mga taong iyon ang kanilang sinasabi? Kaya ba nilang panagutan kung sakaling kuyugin si Yaya Dub ng mga kababayan nating nahihibang sa kanilang tambalan ni Alden Richards?
Kung hindi nag-disguise si Yaya Dub nang manood siya ng concert ay siguradong magkakagulo. Maagaw niya ang atensiyon ng publiko. Nakakahiya sa mga performers.
At kung ganoon nga ang ginawa ni Maine Mendoza ay siguradong may magagalit-mamimintas pa rin sa kaniya. Ang ipupukol namang komento laban sa kaniya ay wala siyang respeto sa mga nasa entablado. Alam na nga niyang pagkakaguluhan siya ay hindi pa nakaisip si Yaya Dub na itago ang kaniyang identity.
Di ba naman? Kumanan siya at kumaliwa ay tiyak na may masasabi pa rin sa kaniya. Pero iyon ang presyo ng kasikatang hawak niya ngayon na kailangan niyang pagbayaran.
Alden Richards – Hindi kumpleto ang AlDub kung wala ang pambansang bae
Matinding sakripisyo ang kailangang harapin ni Alden Richards sa mga darating na araw. Puwede pa rin siyang tumanggap ng mga shows sa malalayong probinsiya pero kailangang sa hapon na ang kaniyang pagbiyahe at kailangan din niyang bumalik nang maaga kinabukasan.
Kailangang magkita sa gitna ang GMA Artist Center at ang TAPE, Inc., kailangan nilang resolbahan ang hindi pagliban ni Alden sa Eat…Bulaga! kalyeserye, dahil hinahanap siya ng mga tagasuprota nila ni Yaya Dub.
Hindi nga naman kumpleto ang AlDub kapag wala ang Pambansang Bae, kailangang pareho silang nasa kalyeserye ni Maine Mendoza, para kumpleto ang kaligayahan ng kanilang mga fans.
At kailangang tanggapin natin ang katotohanan na sumikat si Alden sa Eat…Bulaga! dahil sa kalyeserye. Tinanggap ng mga kababayan natin ang tambalan nila ni Yaya Dub, nagningning ang pangalan ni Alden dahil sa loveteam nila ni Maine Mendoza.
Kailangan nila ang isa’t isa, hindi puwedeng si Alden o si Yaya Dub lang, ang kanilang loveteam ang minamahal ng publiko. Hindi puwedeng paghiwalayin.
Kahit pagsama-samahin pa ang maraming tambalan d’yan ay nagsasalita ang katotohanan na ang AlDub ang number one. Sila talaga. Hindi iba.
Kris Aquino – Mayor Bistek ba ang dahilan ng pag-back out?
Masamang-masama ang loob ngayon ng mga ehekutibo ng Star Cinema kay Kris Aquino. Sinira ni Kris ang kalendaryo ng produksiyon. Plantsado na ang lahat ng aspeto, pero biglang tinalikuran ng aktres-TV host ang proyekto.
Nakarating sa amin ang impormasyon na nagdesisyon si Kris na huwag nang ituloy ang pelikula nila ni Mayor Herbert Bautista para sa MMFF nang malaman niya ang nakalulungkot na resulta sa boxoffice ng pelikulang Etiquette For Mistresses. Mababang-mababa kesa sa pinalulutang nila ang kinita ng pelikula.
Kung anu-anong kiyeme pang katwiran ang ibinigay ni Kris noon. Kesyo hindi raw nito makakasama ang isang cinematographer sa pelikula, kesyo ito raw kasi ang nag-aalaga sa kaniyang mga anggulo, kaya dahil hindi puwede ang cinematographer ay basta na lang tinalikuran ng aktres-TV host ang pelikula.
Nabulabog ang Star Cinema. Nagtangka si Kris na kausapin ang mga ehekutibo ng produksiyon kasama ang kaniyang mga kapatid, pero nakatanggap sila ng abiso na huwag nang tumuloy dahil hindi na nila kailangan pang mag-meeting para resolbahan ang kanilang problema.
Pero biglang nagbago na naman ng dahilan si Kris, si Mayor Herbert naman ang isinangkalan nito sa pagtalikod sa proyekto, hindi pa rin ito handang makasama ang aktor-pulitiko sa pelikula.
Siguradong ikinawindang ng mayor ng Kyusi ang mga bagong sigaw ni Kris. Naman! Noong nakaraang taon pa pinagpistahan ang kanilang naudlot na relasyon pero hanggang ngayon pala’y isyu pa rin iyon para kay Kris?
Ano naman ang kasalanan ni Mayor Herbert, pinipilit ba ang pakikipagrelasyon, kung sa ayaw ng tao ay may magagawa ba si Kris? Isang malaking hamon para sa aktres-TV host si Mayor Herbert.
Parang usaping-pulitika na ito. Hindi man niya direktang sinabing manggagamit ang aktor-pulitiko ay eksaktong ganoon na rin ang gusto niyang sabihin.
Matindi ang saloobin ni Kris kay Mayor Bistek dahil sa unang pagkakataon ay nakatagpo siya ng lalaking hindi atat na atat sa kaniyang kasikatan at kayamanan.
Sa pagkakasabi pa lang ni Kris na, “He has never given value to my feelings nor my thoughts,” ay nasagot na ng linyang iyon ang lahat-lahat ng kaniyang mga ipinagsisintir ngayon.
Nasanay na kasi si Kris Aquino sa mga lalaking nangyuyupa sa kaniyang kasikatan at kayamanan. Pero heto ang isang Mayor Herbert na hindi ganoon, deadma, kaya inis na inis si Kris!
Kung mahina lang ang loob at maigsi lang ang pasensiya ni Mayor Herbert ay baka dinadalaw na ito ngayon sa basement ng isang ospital ni Mayora Tates Gana at ng kanilang mga anak na sina Athena at Harvey.
Sa totoo lang.
April Boy Regino – Walang pag-asang makakitang muli
Binalot na naman nang matinding depresyon kamakailan si April “Boy” Regino. Ayaw na naman niyang kumain, iyak na naman siya nang iyak, awang-awa ang Jukebox King sa kaniyang sarili.
Nangyari iyon pagkatapos ng pinakahuli niyang check-up. Sinabihan siya ng kaniyang eye specialist na mahihirapan nang magbalik ang dati niyang paningin, naging matindi pala ang pagkasira ng mga ugat sa magkabila niyang mata.
Pag-amin ng magaling na singer, “Kinuwestiyon ko na naman po ang Diyos. Nanghina na naman po ang faith ko. Tao lang naman po kasi ako na kapag pinanghinaan ng loob, e, inaatake talaga ng depresyon.
“Pagkatapos ko pong tanungin ang Diyos, nagsisisi po ako. Magdarasal naman po ako para humingi ng tawad sa Kaniya. Sabi ko, pakiunawa Niya na lang sana na tao lang akong marupok,” sabi ni April Boy.
Napakadakila ng kaniyang misis na si Madel. Ito ang tagatanggap ng mga reklamo at hinaing ni April Boy. Ito ang nasisigawan kapag dumarating na ang kaniyang mister sa puntong nawawalan na ng pag-asang makakitang muli.
Naaawa na si April Boy sa kaniyang misis, kailanman daw ay hindi siya pinabayaan ni Madel, pero ganoon pa ang kaniyang isinusukli. Napakahaba ng pasensiya ng kaniyang misis. Naiintindihan ni Madel ang pinagdadaanan ng kaniyang mister, hindi iyon simpleng tanggapin ng kahit sino.
May pag-asa pa, sabi ni Madel kay April Boy, basta huwag lang siyang bibitiw sa kaniyang pananampalataya na tanging Diyos lang ang makapagpapagaling sa kaniya.
Harap-harapan pang payo ni Madel sa kaniyang mister, “Akala mo lang, sa amin ka humuhugot ng lakas ng loob, pero baligtad. Kami ang humuhugot ng pag-asa sa iyo. Makita ka lang naming hindi umiiyak, masaya na kami ng mga anak mo.
“Kapag nakikita ka naming umiiyak at pinanghihinaan ng loob, mas nanghihina kami. Tulungan tayo, walang ibang magdadamayan kundi tayu-tayo lang,” mahinahong sabi ng misis ng Jukebox King.
Paolo Ballesteros – Malayo na ang nararating ni Lola Tidora
Napaka-resourceful ni Paolo Ballesteros. Mahal na mahal niya ang kaniyang trabaho, hindi siya napapagod magsaliksik ng mga paraan para mapaunlad pa ang kaniyang propesyon, nag-aaral ang magaling na komedyante-TV host.
Palibhasa’y apo siya ng pambansang alagad ng sining na si Fernando Amorsolo ng sining na biswal, biniyayaan din si Paolo ng mga kamay na mapagmilagyo, tulad ng ginagawa niyang make-up transformation na plakadung-plakado ang mga ginagaya niyang banyagang pesonalidad.
At muling pinatunayan ni Paolo Ballesteros kamakailan lamang na hindi siya natutuyuan ng mga ideya sa mga sinasalihan niyang labanan.
Ang ginawa niyang pag-a-acrobat sa ere nang walang harness ay hindi simple. Kahit mga propesyonal na sirkero ay nagsisiguro, pero buung-buo ang loob ni Paolo habang nagpe-perform sa entablado ng Eat…Bulaga.
Siya ang unang nag-perform. Siya ang nagbukas sa labanan. Doon pa lang ay sinabi na agad ng manonood na wala nang aagaw pa sa kaniya ng kampeonato.
Hindi lang siya basta nagsirku-sirko, hindi napabayaan ni Paolo ang kaniyang galaw, kumikilos siya ayon sa tugtog at tiyempo.
“Nakaka-proud si Paolo. Buwis-buhay ang ginawa niya. Sa suot pa lang niya, e, alam mo nang pinaghandaan niya ang contest. Ang make-up niya, grabe, hindi mo siya makikilala,” papuri ng kaibigan naming tahimik niyang tagahanga.
Napakalayo na nga ng narating ng aming kababayan, si Lola Tidora, ang bonggang lola ni Yaya Dub.
Sunday PinaSaya at Wowowin – Super-panalo sa Sunday ratings!
Nagbubunyi naman ang mga staff ng magka-back-to-back na shows ng GMA-7 tuwing Linggo, ang Sunday PinaSaya at Wowowin, dahil super-panalo na naman ang kanilang rating.
Nasubaybayan namin ang pag-uumpisa at pagtatapos ng Sunday PinaSaya at Wowowin. Sa sobrang pagkalibang ay hindi namin namalayan ang oras, aliw na aliw kami sa mga comedy attack nina Ai Ai delas Alas, Wally Bayola at Jose Manalo, idagdag pa ang pagpapa-cute ni Alden Richards bilang isang chef.
At ang Wowowin, gusto naming papurihan si Willie Revillame sa pagbibigay ng puwang sa mga talentadong kabataan para maipakita ang kanilang kahusayan sa pagsayaw at pagkanta.
Komento ng kaibigan naming propesor, “Si Willie na lang at ang Eat…Bulaga! Ang nagbibigay ng improtansiya sa mga kababayan nating may talento.
“Hindi sila maramot, hindi nila inaangkin ang stage, palagi silang may time para i-showcase ang talent ng mga kabataang galing pa naman sa mahihirap na pamilya.
“Iyon ang reason kung bakit lalo silang minahala ng manonood, iyon ang malinaw na dahilan kung bakit sila number one,” may pagmamalaking sabi ni prop.
Willie Revillame – Co-producer na ang GMA7 sa Wowowin
Ang Wowowin ay co-production na ngayon ng WBR Productions ni Willie Revillame sa GMA-7.
Malaking kagaanan iyon para sa aktor-TV host dahil hindi na niya sinosolo ang lahat ng gastusin sa bawat episode ng kaniyang programa. May kahati na siya sa gastos at sa kita na rin ng show.
Maraming nakapansin sa punumpuno niyang commercials, halos konti na lang daw ang talking time ni Willie, pero ikinaliligaya iyon ng kaniyang mga tagahanga na alam na alam ang katotohanan na kapag walang patalastas o sponsors ang isang show ay nalalagay iyon sa sangkalan ng network para patayin na.
Maganda ang tiyempo ng pagbabalik ni Willie pagkatapos nang mahigit na isang taon ng pamamahinga. Natiyempo siya sa kasiglahan ng network, sa isang panahong mataas ang pagsuporta ng publiko sa mga programa ng istasyon, maganda ang kaniyang pagbabalik sa himpapawid.
Wala pang AlDub noon, wala pa rin ang Sunday PinaSaya, pero mula noong May 10 nang magbalik siya ay palagi nang nananalo sa rating ang kaniyang Wowowin.
Kapag hindi nagbago ang mga plano, sa mga unang buwan ng susunod na taon ay makakasama na si Willie araw-araw ng kaniyang mga tagasuporta, magde-daily na ang Wowowin na matagal nang hinihiling ng kaniyang mga tagahanga.