Oktubre 1 – 15, 2015
![]() |
|
James Reid & Nadine Lustre |
|
![]() |
|
Daniel Padilla & Kathryn Bernardo |
|
![]() |
|
Ryzza Mae Dizon |
|
![]() |
|
Lea Salonga |
|
![]() |
|
Maine Mendoza |
|
![]() |
|
Alden Richard & Maine "Yaya Dub" Mendoza |
|
![]() |
|
Lola Nidora, Jose Manalo & Wally Bayola |
|
![]() |
|
Sheryl Cruz |
JaDine love team – Higit na mas mainit kumpara sa KathNiel at LizQuen
Napakalaki talaga ng nagagawa ng imahe sa mga personalidad. One false move, sabi nga, ay sapat na para mabawasan ang ningning ng kanilang bituin.
Ang unang napagitna sa kontrobesiya ay si Daniel Padilla. Ang paninigarilyo ng binata kahit pa makina lang naman iyon at hindi tunay na sigarilyo.
Sumunod ay ang paglalasing-pagwawala ni Enrique Gil sa eroplano. Kung anu-anong dahilan na ang sinabi ng young actor at nanghingi na nga ng paumanhin, pero sa panlasa ng ating mga kababayan, ang kaniyang inasal ay hindi hinihingi ng pagkakataon.
Sumunod ay si Kathryn Bernardo at ang makasaysayang pang-iisnab ng dalaga sa kaniyang mentor na si Direk Bobot Mortiz. Minarkahan si Kathryn bilang maldita at walang utang na loob, maraming hindi nagkagusto sa kaniyang ginawa, napakahalaga pa naman ng pagtanaw ng utang na loob para sa ating lahi.
Bakit sa tatlong loveteams na pambato ngayon ng ABS-CBN ay mas lumalakas ang hatak ng loveteam nina James Reid at Nadine Lustre? Bakit ang kanilang tambalan ang pinananabikan at tinitilian ngayon?
Bakit ang JaDine ang may mas malakas na magneto ngayon sa manonood? Hindi kasi sila nasasangkot sa mga isyung nakapagpapatabang sa paghanga ng publiko.
Kailangang himigpit ang hawak ngayon ng KathNiel at LizQuen sa publiko dahil maraming beses nang napatunayan na ang JaDine loveteam ang pinakamainit ngayon.
Kathryn Bernardo – Nag-apologize kay Direk Bobot Mortiz
Ano ba ang nangyari kay Kathryn Bernardo at Direk Bobot Mortiz?
Kung mamalasin ka nga naman. Iyon siguro ang naglalaro ngayon sa utak ni Kathryn.
Napakaganda pa naman niyang dumating sa Star Magic Ball. Pinaghandaan niya ang gabing iyon, pero masasangkot lang pala siya sa isang matinding kontrobersiya.
Sadya man o hindi ay inulan siya ng mga bira sa hindi man lang niya paglapit sa direktor na napakalaki ng tulong na nagawa sa kung anumang popularidad na hawak niya ngayon.
Masyadong nalungkot si Direk Edgar Mortiz sa nangyari. Nagtayuan ang mga bagets stars ng ABS-CBN at bumeso sa kaniya, pero si Kathryn ay parang walang nakita sa laki ng bultong iyon na mayroon si Direk Bobot.
Napakalaki ng naitulong sa kaniya ni Direk Bobot. Sa pangkabataang show pa lang na Goin Bulilit ay artista na siya nito, kaya nang magpakita siya ng pambabalewala ay nasaktan ang actor-singer-director.
Pero kailan lang ay tumawag na pala ang young actress kay Direk Bobot para manghingi ng paumanhin. Katanggap-tanggap man o hindi, totoo man o ano ang ibinigay niyang dahilan ng hindi niya pagbibigay-pugay sa direktor, ang mahalaga ay nakapag-sorry na siya.
Na dapat lang naman. Kailangang marunong tumanggap ng pagkakamali ang nagkulang. Ginagawa pa naman siyang role model ng mga kabataan, pagkatapos ay mabubutasan siya sa usapin ng paggalang. Maraming babaklas ng paghanga sa kaniya.
Respeto at pagtanaw ng utang na loob ang tawag sa ganoon. Walang labis, walang kulang. Hindi natin binabalewala ang mga taong nakatulong nang malaki sa pagtupad ng ating mga pangarap.
Ryzza Mae Dizon – Hindi pinababayaan ng Eat Bulaga si Aling Maliit
Bukod sa kalyeserye ng Eat…Bulaga noong nakaraang Sabado na tunay namang tinutukan ng buong bayan ni Juan ay markado rin para sa amin ang ginawang pagpupugay ng noontime show kay Ryzza Mae Dizon.
Binigyan ng magandang oras ng TAPE, Inc. ang Aleng Maliit para sa kaniyang seryeng nagsimula na ngayon, ang Princess in The Palace, bago ang Eat…Bulaga.
Sa pagsulpot at pagkapanganak ng AlDub ay tanggapin natin ang katotohanan na nabawasan ang ningning ng child star. Kung siya ang dating pinagpipistahan sa noontime show ay napunta na iyon sa AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub.
Pero hindi pinabayaan ng produksiyon si Ryzza Mae. Binigyan pa rin siya ng proyektong siya ang bumibida ng TAPE, Incorporated, hindi ngayon at pinakinabangan na nila ang bata ay basta maeetsa-puwera na lang.
Kahit nga si Aiza Seguerra na tulad ni Ryzza Mae ay produkto rin ng Little Miss Philippines ay hinding-hindi pinababayaan ng TAPE, Inc. Magiging regular na rin ito ng Eat…Bulaga sa pansamantala nitong pagbabakasyon sa isang variety show ng Dos na taon na rin ang binibilang ng kaniyang partisipasyon.
Kinantahan pa ng Tito, Vic and Joey si Ryzza Mae. Bibihira na lang gawin ng matagumpay na trio ang ganoon, pero dahil naging malaking bahagi ng Eat…Bulaga ang Aleng Maliit ay nag-effort ang mga poste ng noontime show.
Ganoon ang marespetong pagbibigay-halaga sa mga personalidad. Hindi basta-basta itinatapon na lang kapag ang popularidad ay nababawasan na.
At doon markadung-markado ang produksiyon ni Tony Tuviera.
Lea Salonga – Dapat mag-ingat sa pagtu-tweet
Nakatutok ang buong bayan ngayon sa kahihinatnan ng pagpapalitan ng tweet nina Joey de Leon at Lea Salonga. Nag-tweet kasi ang international performer na okey lang sa kaniya ang kababawan, pero hanggang doon na lang daw ba iyon? Nagtatanong lang daw naman ang singer-actress.
Natural, nabulabog ang mga tagasuporta ng AlDub, sila raw ang pinariringgan ni Aling Lea, kaya nang mga sumunod pang minuto ay kumakain na ng apdo mula sa mga bashers ang bida ng Miss Saigon.
Nag-tweet din si Joey de Leon. Humihingi ng paliwanag ang henyong aktor-komedyante-TV host sa tweet ni Lea, “Bigyan ako nang dalawampu’t limang milyon at anim na raang libong dahilan kung bakit may ‘kababawan’ ang kalyeserye. Baka KABEBEWAN.”
Dumepensa agad si Lea. Wala raw naman siyang pinatatamaan sa kaniyang tweet, hindi nga raw niya alam kung ano ang nangyayari dahil hindi naman siya nanonood ng kalyeserye.
Sa kahit anong ginagawa-sinasabi ng isang tao ay siguradong may kakambal na motibo. Siguradong mayroon. Kaya lang ay hindi iyon direktang tinukoy ni Lea.
Ingat-ingat kasi sa pagtu-tweet. Nandiyan ang makasaysayang kuwento ng pako na nakatago ang katawan pero nakalitaw naman ang ulo.
Maine Mendoza – Nananatiling mabait at madaling lapitan si Yaya Dub
Marami kaming nalamang kuwento tungkol kay Maine Mendoza na mas kilala na ngayon kahit ng mga musmos na bata bilang si Yaya Dub. Ang mga unang kuwento ay mula sa kaniyang mga nakatrabaho sa paggawa ng mga commercials.
Ayon kay Ogie Narvaez Rodriguez na kaibigan mismo ng mga nag-ayos kay Yaya Dub sa paggawa ng TVC, “Ang akala kasi nila, e, katulad si Yaya Dub ng ibang mga artista na nale-late sa calltime. Pero hindi. Mas nauna pa siyang dumating kesa sa ibang staff.
“Wala raw siyang kahirap-hirap ayusan dahil wala siyang arte sa katawan. At isa pang talagang hanggang ngayon, e, inuulit-ulit nila, napaka-flawless daw ni Yaya Dub.
“Wala raw siyang dumi sa buong katawan, kung mayroon man pero hindi nila nakita, e, nunal lang. Saka napaka-generous pala niya sa time. Talagang pinagbibigyan niya ang mga nagpapa-picture taking, nakikipag-selfie, number one si Maine ngayon sa listahan ng mga personalities na nakakatrabaho nila,” kuwento ni Ogie.
Sa All For Juan, Juan For All ng Eat…Bulaga ay ganoon din ang mga kuwentong nakararating sa amin. Nakikiusap si Yaya Dub sa kaniyang mga security na kung puwede, kapag may mga gustong magparetrato sa tabi niya ay pabayaan lang iyon ng mga nag-aalaga sa kaniyang seguridad, bibihira ang mga personalidad na mapagbigay sa kanilang mga tagahanga.
Ang mga ganoong kuwento ay mas nagpapataas pa sa kasikatang hawak na niya ngayon. Lumilipat-lipat sa iba’t ibang tenga ang kaniyang kabutihan at kabaitan sa mga taong naging dahilan ng kaniyang katanyagan ngayon.
“And to think na anak-mayaman siya, ha? Wala siyang kaere-ere, mabait siya, maganda ang breeding ni Yaya Dub,” pahabol pang papuri ni Ogie Narvaez Rodriguez.
Alden Richards – Nakatanggap ng Gold Record award mula sa Universal Records
Napakaraming nakiluha kay Alden Richards nang tumanggap siya ng Gold Record award mula sa Universal Records. Bakit nga naman hindi maiiyak ang tinaguriang Pambansang Bae, dalawang taon na niyang ginagawa ang nasabing album, pero ngayon lang bumenta at tinangkilik ng ating mga kababayan?
Napakalaki talaga ng milagrong nagawa sa kaniyang career ang tambalan nila ni Maine Mendoza, dahil sa AlDub ay nagising ang interes sa kaniya ng publiko, marami talagang dapat ipagpasalamat si Alden sa magagandang oportunidad na dumarating sa kaniya ngayon.
Kuwento ng kaibigan naming si Tita Nene Ulanday, “Ako talaga, noong una ko pa lang siyang napanood, si John Lloyd Cruz ang nakikita ko sa kaniya. Eh, hindi pa naman siya sikat noon, nasisilip ko lang siya sa Ilustrado, sino ba ang mag-aakalang sisikat siya nang ganito katindi?”
Isang pelikulang pipilahan sa takilya na lang ang kulang ngayon kay Alden para masabing nandoon na nga siya.
May dagdag na kuwento si Mama Ana Llaguno para sa mga tagahanga ni Alden.
Sabi ni Mama Ana, “Kapitbahay ng anak kong si Rowena si Alden, pareho pa ang depository bank nila sa Sta. Rosa, Laguna.
“Hindi pa raw sumisikat, eh, valued depositor na nila si Alden. Wala raw siyang ipinagbago, kahit sikat na sikat na siya ngayon, eh, siya pa rin ang dating Alden na napakasimple, mabait, saka palaging may nakahandang smile sa mga bumabati sa kaniya.
“Kahit daw ngayong Pambansang Bae na siya, eh, ganoon pa rin si Alden, tahimik lang na nakaupo, patiently waiting for his turn to be called.
“At kapag may mga nagre-request sa kaniya for picture taking, wala siyang binibigo, pumapayag siya, puring-puri si Alden ng mga taga-BDO,” nakakatuwang kuwento ni Mama Ana Llaguno.
Napakaraming maligaya sa pagsikat ni Alden Richards, siya lang yata ang sikat na artistang hindi nasasangkot ang pangalan sa mga negatibong kuwento, lahat ay nagsasabing nakaguhit talaga sa kaniyang palad ang pagtatagumpay dahil sa mabuti niyang puso at magandang ugali.
Panalung-panalo kay Alden Richards ang AlDub World!
Jose Manalo – Kailangan ding magpahinga si Lola Nidora
Sumama ang katawan ni Jose Manalo noong isang araw. Iyon ang dahilan kung bakit wala siya sa isang episode ng kalyeserye. Ginawan na lang ng paraan sa kuwento na kunwari ay nagpunta siya sa Embassy para ayusin ang kaniyang mga dokumento.
Hindi simple ang ginagawa nila ni Wally Bayola araw-araw. Isang katawang yari sa bakal ang kailangan nila dahil sumasampa na sila sa entablado ng Zirkoh sa gabi ay halos wala pa silang tulog na nagre-report na agad sa location ng All For Juan, Juan For All ng Eat…Bulaga.
Kundi nila aalagaan ang kanilang sarili ay talagang magkakasakit silang dalawa. Inagapan agad ng mga namamahala ng TAPE Incorporated ang sitwasyon ni Jose, hindi na muna siya pinag-report sa kalyeserye, para makabawi siya ng lakas.
Bukod sa kilig ng AlDub ay napakahalaga ng papel na ginagampanan nina Jose at Wally sa kalyeserye, idagdag pa si Paolo Ballesteros, sila ang bumubuhay sa parte ng pagkokomedya sa matagumpay na segment ng Eat…Bulaga.
Sabi nga ni Lola Nidora, “Lahat ay nangyayari sa tamang panahon…” At ito na iyon.
Sheryl Cruz – Naiinggit ba kay Sen. Grace Poe?
Negang-nega ang imahe ngayon ni Sheryl Cruz. Habang nagkakaisa ang mga taga-lokal na aliwan sa pagsuporta kay Senadora Grace Poe sa papasukin nitong laban sa pagkapangulo ay heto naman si Sheryl Cruz, nasa kabilang bakod, siya pa mismo ang nagsasabing hilaw pa ang senadora sa pagkandidato sa panguluhan.
Kung ibang artista lang sana ang nagsabi ng ganoon ay mas madaling maunawaan, pero si Sheryl Cruz ito, pamangking buo ni Susan Roces na kinikilalang ina ng senadora.
May kuwentong lumabas na mana raw ang dahilan ng inggit ni Sheryl sa kaniyang Manang Grace. Hindi namin pinaniniwalaan iyon, kahit sa labanang legal ay walang dahilan si Sheryl na mainggit sa mana, dahil hindi naman siya anak ng namayapang Hari Ng Pelikula at ni Manang Inday.
Kung may kuwestiyon man siya sa mana ay direkta niyang dapat kuwestiyunin ang kaniyang ina, hindi si Manang Inday, dahil hindi naman siya anak nito at pamangkin lang.
Natutulog sa nakaraan si Sheryl. Pakiramdam niya ay ginagamit sa kandidatura ni Senadora Grace Poe ang kaniyang inang si Rosemarie Sonora.
Nananahimik na nga raw ang mommy niya sa Amerika, pero nakakaladkad pa ang pangalan nito, wala man lang daw nagtanggol sa kaniyang ina sa mga isyung may kinalaman sa pagiging mag-ina nito at ni Senadora Grace.
At ipinakadiin-diin pa ni Sheryl na hindi siya papayag na magpa-DNA test, hindi raw niya kapatid si Senadora Grace, magkaiba raw ang kanilang ina.
Nineteen kopong-kopong na ang inaariba ni Sheryl, iyon ang kuwentong kumalat noon na si Senadora Grace daw ay anak ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos sa kaniyang inang si Rosemarie, isang urban legend na ginagawa na lang na joke ngayon nina Senadora Grace at Senador Bongbong Marcos.
Hindi maganda sa panlasa na si Sheryl pa ang nagpapakawala ngayon ng mga salitang kontra sa kaniyang Manang Grace. Iba na lang sana, huwag na siya, dahil hindi man sila direktang magkadugo ay nandiyan si Manang Inday na dapat niyang irespeto.
Ano ba ang nangyayari kay Sheryl? Naiinggit ba siya kay Senadora Grace dahil sa tagumpay nito sa larangan ng pulitika? Naiinggit ba siya dahil nakikita niyang mahal na mahal ni Manang Inday ang senadora kahit wala ni isang patak na dugong nag-uugnay sa kanila?
Kunsabagay, kung matatandaan, nang sumakabilang-buhay ang kaniyang amang si Ricky Belmonte ay hindi umuwi si Sheryl para masilip man lang ang bangkay ng taong naging dahilan kung bakit siya ipinanganak sa mundo.
Maysakit daw ang kaniyang anak, isang dahilang hindi binili ng partido ng kaniyang ama, dekada muna ang lumipas bago sila nagkaayos ng kaniyang mga pinsan sa ama.
Tatay na niya ang sangkot sa kuwento, sariling dugo at laman na niya, pero kinaya ni Sheryl na hindi man lang masilip sa pinakahuling pagkakataon.
Sino ba naman si Senadora Grace Poe para paglaanan niya ng respeto? Kaanu-ano ba niya ang senadora? May dugo bang nag-uugnay sa kanila?
May nakakalimutan si Sheryl Cruz sa ginagawa niyang pagkontra sa pangarap ni Senadora Grace Poe. Tama, opinyon niya iyon, karapatan niyang ilantad ang kaniyang saloobin dahil may sarili siyang paninindigan.
Pero nandiyan si Susan Roces na kapatid ng kaniyang nanay. Sa pananakit niya sa kalooban ni Senadora Grace Poe ay doble ang sakit noon sa tiyahin niyang nagmahal at nagturing na tunay na anak sa taong kaniyang kinakalaban.
Doon na papasok ang respeto, ang delicadeza, ang pagtanaw ng utang na loob sa isang taong nagturing din sa kaniya na hindi na iba.