Nobyembre 1 – 15, 2015
![]() |
|
James Reid & Nadine Lustre |
|
![]() |
|
Tito Sotto, Vic Sotto & Joey de Leon |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Grace Poe & Susan Roces |
|
![]() |
|
Vina Morales |
Alden at Maine – Mas matindi ang kilig ng fans nang magsalita na
Sinadya naming hindi palampasin ang unang episode ng kalyeserye ngayong nagsasalita na si Maine Mendoza, ngayong pinayagan na silang magyakapan ni Alden Richards, ngayong hindi na nila pinadadaan ang kanilang emosyon sa fan sign.
May mga nagkokomento kasi, lalo na ang mga kumakalaban sa AlDub, na hihina na ang karisma sa publiko ng loveteam dahil wala na raw aabangan pa sa kanila.
Pero maling-mali sila. Parang mas tumindi pa nga ang kilig at pagkagusto sa kanila ng manonood dahil malinaw na ang kanilang kumunikasyon. Nasasabi na nina Alden at Maine Mendoza nang lantaran at diretso ang kanilang nararamdaman.
Halatang-halata na nahihiya pa noong una si Yaya Dub sa pagho-host, tawa siya nang tawa, idinadaan na lang niya sa katatawa ang paninibago niya ngayong isa na siya sa mga co-hosts ng Eat…Bulaga.
Ang dami-daming kinikilig sa kanila ngayon ni Alden, isang kaibigan naming becki ang huminto muna sa pananghalian para lang magkomento, “Mas nakakakilig pa sila ngayon dahil nagsasalita na si Yaya Dub! Dati kasi, puro dubsmash at fan sign lang sila. Ngayon, deretsahan na!”
Sabi nga ni Lola Nidora ay hindi matitigil ang kalyeserye, tuluy-tuloy lang ang palabas na minahal nang todo ng ating mga kababayan, isa pa ay kailangan pa munang makita ni Lola Nidora ang kaniyang apo kina Alden at Maine.
Alden Richards – Nakabili na ng sariling bahay at sasakyan
Nakakalula pala ang halaga ng talent fee nina Alden Richards at Maine Mendoza sa kanilang mga TV commercials. Puro malalaking kumpanya ang kumukuha sa kanilang serbisyo, may multi-national pa nga, kaya hindi na nakapagtataka kung bakit may nabiling bahay sa Nuvali (Sta. Rosa) si Alden at maginhawa na rin siyang nagbibiyahe ngayon dahil sa bagung-bago niyang Road Trek.
Maraming maligaya sa magandang kapalaran ni Alden Richards, sino nga ba ang mag-aakala na kakabugin niya ang lahat ng mga artista ngayon, isang Yaya Dub lang pala ang sagot sa napakatagal niyang paghihintay.
Sabi nga ni Mama Ana Llaguno na nakasubaybay sa buhay at career ni Alden Richards, “It really pays to be good and humble.”
Ihinatid si Alden Richards sa matinding tagumpay ng kaniyang magandang imahe, ng pagiging masikap at pagiging mapagkumbaba. Lahat ay maligaya sa magandang suwerteng dumating sa kaniyang karera.
Sayang lang talaga dahil nang dumating sa kaniya ang napakagandang suwerteng ito ay hindi na masasaksihan ng kaniyang ina ang katuparan ng isang pangarap.
Pero ganoon talaga. Hindi ibinibigay ng Diyos ang lahat-lahat sa isang tao lang.
Vice Ganda – Dapat tanggapin na hindi niya kayang itaob ang AlDub
Sa sobrang kanegahang pinagdadaanan ngayon ni Vice Ganda ay isang kaibigan ang nagpaalala sa amin tungkol sa libro-nobelang sinulat ng sikat na si Sidney Sheldon.
“Naalala mo iyon? Iyong novel niyang The Sun Shines Down? Bagay na bagay iyon ngayon sa mga nangyayari kay Vice Ganda,” tanong-opinyon ng isang kaibigan naming tiyahin ng isang nagkokontrabidang aktres.
Kung paanong sumisikat nang matindi ang araw na halos nakapapaso na lalo sa tanghalian ay lumalamlam ang kaniyang liwanag kapag malapit na ang dapit-hapon. Hanggang sa magtago na sa likod ng mga ulap sa magdamag at muling magsasabog ng kinang kinabukasan.
May isang dating produktong si Vice Ganda ang nag-eendorso, pero ngayon ay pinag-uusapan na ng ahensiya at ng GMA Artist Center na si Alden Richards na ang gagawa ng TVC, siguradong magiging malaking isyu na naman iyon.
Sasabihin na naman ng mga maka-Vice na tagapagmana lang si Alden, na pinagsawaan na iyon ng kanilang idolo. Hindi nila iisipin na kaya si Alden na ang mag-eendorso ng produkto ay dahil siya ang sikat at may magandang imahe.
Isang malakas na pagtapik hindi lang kay Vice kundi sa lahat ng personalidad ang mga nangyayari ngayon. Totoong-totoo na hindi ipinangangako ang bukas para sa mga artista.
Nakakontrata lang sa publiko ang kanilang popularidad. Habang gusto sila ng tao ay nand’yan lang sila, pero kapag bumitiw na sa pagsuporta ang publiko, anumang pagmamakaawa at pagpapakumbaba ang kanilang gawin ay pinagsasaraduhan na sila ng pintuan.
Iba ang naging pagtanggap ng marami sa pagbababa ng boses ng komedyante sa pagsasabing kailanman ay hindi nila naging layunin ang talunin ang Eat…Bulaga.
Nakalimutan ni Vice na walang amnesia ang ating mga kababayan, pinagsama-sama nila ang mga komento at banat na ginawa noon ni Vice Ganda sa GMA-7, sa Eat…Bulaga, kay Jessica Soho, pati na sa AlDub, na siya ang nagpasimunong tawaging AlDog.
Ayun, bumalik sa mukha ni Vice ang mga basurang itinapon niya, tinawag siyang plastik at nagpapakumbaba lang dahil nakangudngod na siya sa lupa.
AlDub – Sobrang sikat, ang daming naninira!
Asahan na natin na isang araw ay sina Alden Richards at Maine Mendoza na ang pagbibintangang pumatay kay Dr. Jose Rizal. Kakambal iyon ng kasikatan, bahagi iyon ng katanyagan.
May mga tao talagang hindi marunong tumanggap ng katotohanan. Kung anu-anong masasakit na salita ang ibinabato sa loveteam, kung anu-anong senaryo ang kanilang iniimbento para lang wasakin ang pinakasikat na tambalan. Wala pa rin silang kasawa-sawa sa paninira sa AlDub.
May mga kumakalat na ring photoshopped na retrato ngayon ni Alden Richards. Palibhasa’y wala silang naamoy na kung anong malansa sa pagkatao ng Pambansang Bae ay hayun, may mga dinoktor nang larawan niya ngayon na ang insinwasyon ay becki siya.
At dahil din sa kaniyang kasikatan ngayon na walang pinipiling estado sa lipunan ay kung anu-anong kuwento na ang pinalulutang ngayon laban kay Maine Mendoza. Sikat na sikat na nga si Yaya Dub kaya maraming inimbentong kuwento na ang ikinakapit sa kaniya ngayon.
Kesyo adik daw siya sa pakikipag-party, marami na raw siyang nakarelasyon noong hindi pa siya nag-aartsita, kaya hindi na bagay sa kaniya ang pagpapabebe kay Alden Richards.
Benite anyos lang ngayon si Maine Mendoza (March 3, 1995 nang ipanganak siya), kaya ang pagdalo sa mga party ng isang dalagang tulad niya ay napakanatural lang. Hindi naman siguro ipinanganak noong kopong-kopong si Yaya Dub para hindi makipag-party. At ano naman ang masama sa pakikipag-party? Ang hindi magandang pakikipag-party ay kapag hinaluan na ng paggamit ng droga, kapag nagwawala na ang mga gumagamit, isang bagay na hinding-hindi naman ginawa ni Maine.
Inggit lang ang maliwanag na dahilan noon.
Tito, Vic and Joey – Nadadamay sa mga paninira ng inggit sa AlDub
Inggit pa rin ang namamayani sa paghahanap nang maibabato laban sa sikat na AlDub. Pati mga kuwentong nakalibing nang parang bangkay tungkol kina Senator Tito Sotto, Bossing Vic at Joey de Leon ay kinakalkal na rin ngayon. Napakadesperado naman ng mga nagpapasimuno sa negatibong makinaryang ito laban sa mga hosts ng Eat…Bulaga.
Napakasimple lang naman ng dapat nilang gawin, bibili lang sila ng puting tela, sabay wagayway bilang pagsuko. Mahirap bang gawin iyon?
Walang masama sa pagkatalo. Ang bawat labanan naman ay binubuo ng pananalo at pagkatalo, pero hindi ngayon at natalo ka ay wala nang pagkakataon para sa muling pagbangon.
Paulit-ulit na naming sinasabi, panahon ngayon ng AlDub, kalyeserye at Eat…Bulaga, kaya sinumang tumapat sa kanila ay siguradong knockout. Anumang programa ang magtangkang magpataob sa kanila ngayon ay siguradong titihaya.
Sen. Tito Sotto – Kay Tito Sen susuporta ang AlDub sa kampanya
Pati ang mundo ng pulitika ay binubulabog na rin ngayon ng sikat na tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza. Gamit na gamit ang kanilang pangalan. Nagpapabebe na rin ang mga pulitikong mataas na posisyon ang inaasinta sa darating na eleksiyon, lahat ng linya ay napasok na ng AlDub.
Maraming partido ang siyempre pa’y may hangad na makakasama sa kampanya ang AlDub. Sa totoo lang, at magpakatotoo na tayo, sa mga panahong ito ay bulag at bingi na lang ang hindi nakakakilala kina Alden at Yaya Dub.
Ganoon sila kasikat ngayon, pati sa mga banyagang programa ay binibigyan na sila ng espasyo, ang tawag sa AlDub ay social media phenomenon.
May lumutang na kuwento na inoperan nang isandaang milyong pisong kontrata ang AlDub para sa kampanya ng Liberal Party. Idenenay agad iyon ng partido. Puro libre lang daw ang mga artistang umaakyat sa kanilang entablado.
Isa pa, siyempre raw naman ay sa partidong kinaaaniban ni Senador Tito Sotto aakyat sa pambansang entablado ang AlDub, ang ikalawang katwiran lang ng partido Liberal ang aming pinaniniwalaan.
Sa ngalan ng delicadeza, na siyempre’y mayroon ang AlDub, ay totoong susuportahan nila si Senador Tito Sotto. Kaya kung saang partido nandoon ang kanilang Tito Sen (sa partido ni Senadora Grace Poe guest candidate ang aktor-pulitiko-TV host) ay doon din sila susuporta.
Pero malaking kasinungalingan ang sinabi ng tagapagsalita ng Liberal Party na libre lang ang mga artistang nakakasama nila sa kampanya. Totoong maraming naiimbitahang performers si Kris Aquino nang libre lang, pero hindi lahat ay pro bono lang kumbaga sa abogado, malaking magbayad ang Liberal Party.
Personal naming mapaninindigan ang kuwentong ito dahil maraming artista at singers silang isinasama sa pag-iikot sa buong Pilipinas na sa amin pa nga idinadaan ng partido ang kanilang imbitasyon.
Sa amin nila pinakukuha ang singer o ang banda, pero sila na ang direkta naming pinag-uusap, hindi namin linya ang pangongomisyon sa kahit anong transaksiyon.
Ang totoo ay hindi kasi nila makukuha ang serbisyo ng AlDub. Alam nila na napakalaki ng utang na loob ng sikat na tambalan sa kalyerserye ng Eat…Bulaga kaya alangan namang ang mga kalaban pa ni Senador Tito Sotto ang kanilang ikampanya, kalokohan naman iyon.
Sa mga lokal na kandidato ay puwedeng sumuporta sina Alden at Maine, pero sa pangnasyonal ay sa partido siyempre ni Tito Sen sila aakyat, kaya talagang malabong makasama nila sa kampanyahan ang Liberal Party.
At mismong si Alden Richards ay nagdenay na tungkol sa lumabas na balita, walang taga-Liberal Party na nag-alok sa kanila ni Maine nang isandaang milyong piso para lang mag-endorso ng mga kandidato ng partido, kuryente ang balita.
Kris Aquino – Nagbago ang isip, balik na sa movie para sa MMFF
May lumabas na namang bagong kuwento si Kris Aquino sa social media.
Nagkalinawan na raw sila ng Star Cinema. Nagkaintindihan na raw sila, kaya tuloy na tuloy na uli ang pelikulang pinagbibidahan niya para sa darating na MMFF.
Ang tanong – makakasama na kaya uli ni Kris sa proyekto ang cinematographer na isinangkalan niyang dahilan kaya ayaw na niyang ituloy ang pelikula? Nagtagpo na kaya ang kanilang schedule?
Isa pang tanong – makakasama pa rin kaya niya sa pelikula si Mayor Herbert Bautista na isa pa ring dahilang ibinigay niya nang magmarakulyo siya’t basta na lang iniwanan nang walang kaabug-abog ang proyekto ng Star Cinema?
Paano na ngayon sina Jodi Sta. Maria at Richard Yap na sana’y magiging salbabida sa tinalikurang proyekto ni Kris? Kasama pa rin kaya sila sa pelikula?
At isa pang tanong – tinablan kaya si Kris sa opinyon ng marami nating kababayan na kaya siya umurong ay dahil natatakot siyang pasemplangin ng pelikulang pinagsasamahan nina Bossing Vic Sotto, Ai Ai delas Alas at ng sikat na sikat ngayong tambalan nina Alden Richards at Yaya Dub?
Kung anuman ang totoong dahilan ay tanging si Kris Aquino lang ang nakakaalam. Pero ang pagbabagu-bago ng kaniyang desisyon ay hindi na ikinagugulat ng marami. Sanay na ang publiko sa kaniyang mga pangakong karamihan ay napapako, si Kris Aquino nga siya! E, di wow!
Sen. Grace Poe – Nangunguna pa rin sa mga survey
Kailangang sementuhan ni Senadora Grace Poe ang paligid ng kaniyang puso ngayon dahil sa dami na ng nag-file ng asunto para sa kaniyang disqualification sa pagtakbong pangulo sa darating na halalan.
Talagang siya ang pinupuruhan at tinututukan ngayon ng kaniyang mga katunggali sa posisyon. Bakit nga naman hindi, siya ang palaging number one sa survey, mabangung-mabango ang kaniyang imahe at mayroon na siyang napatunayan bilang senador.
Manginginig nga sa nerbiyos ang mga makakaagawan niya sa posisyon. Idagdag pa na anak siya ng mga sikat na pigura sa lokal na aliwan. Hindi maihihiwalay ang pangalan ni Senadora Grace Poe sa namayapang Action King na si Fernando Poe, Jr. at sa Reyna Ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces.
Maraming nagpapa-disqualify kay Senadora Grace, kung ano’ng motibo ng mga kumukuwistiyon sa kaniyang pagiging tunay na Pilipino ay siguradong mayroon, kaya nga lang ay hindi pa lumulutang ngayon.
Pero mabilis bumasa ng motibo ang ating mga kababayan. Mulat na mulat na ang mga botante ngayon. Lagyan man ng piring ang kanilang mga mata at sumpalan man ang kanilang mga bibig ng pera ay susundin pa rin nila ang dikta ng kanilang puso.
Gasgas na linya, pero totoong-totoo, tanggapin ang pera kung kusang ibinibigay pero utak at puso pa rin ang mas pairalin sa pamimili ng kung sinong kandidato ang sa pakiramdam nati’y makapagbibigay ng pagbabago sa kahirapang dinaranas ngayon ng mas nakararaming Pinoy.
Sa tanong kung sinong kandidato ang magiging pinakaepektibong tagapamuno ng ating bayan sa darating na eleksiyon ay isang batang nakangiti ang sumagot, “Ako po.”
Vina Morales – Walang suwerte sa pakikipagrelasyon sa lalaki
Sana’y magkita na lang isang araw nang personal si Vina Morales at si Avi Siwa na kaagawan niya sa isang lalaki. Mas maganda siguro kung magpapalitan sila ng opinyon nang harap-harapan kesa naman sa itinitinda pa nila ang kanilang mga baho sa publiko.
At ang nakakahiya pa ay isang lalaki lang ang pinag-aawayan nila. Para silang mauubusan ng lalaki sa mundo sa paglalabas nila ng mga ebidensiya kung sino sa kanilang dalawa ang mas nakilala ng Marc Lambert na pinag-aawayan nila.
Pagkatapos ng kanilang relasyon ni Cedric Lee na ama ng kaniyang anak ay matagal na nanahimik si Vina. Pero nang lumantad siya sa pagsasabing mayroon na siyang bagong karelasyon ay ito naman ang kaniyang inabot, ang guluhin-sira-siraan ng isang babaeng naanakan pala ng French guy na karelasyon niya, at sa social media pa sila nag-aaway ngayon.
Ipinipilit ni Vina na matagal na silang magkakilala ng lalaki. Ayon naman sa kaniyang kaagawan ay mas nauna raw ito. Nakakahiyang pagtatalo dahil buong mundo pa ang nakakasaksi sa pag-aagawan nila sa isang lalaki lang.
Wala ring suwerte sa pakikipagrelasyon si Vina Morales. Sa isang panahong akala niya’y heto na ang tunay na pagmamahal ay may kahati naman pala siya.
Sana’y maging busy na lang sa kaniyang career si Vina Morales para hindi na niya bigyan ng panahon ang pakikipagtaltalan sa social media na nakasisira lang sa imahe niya.
Sa pagdadala ng relasyon, naturingan mang mas bata si Shaina Magdayao, ay mas maganda itong humawak. Malaki ang milagrong nagagawa ng pananahimik lang.
Toni at Direk Paul – Suportado ang ninong na si Sen. Bongbong Marcos
Siguradong magkakabanggaan ang paniniwala at prinsipyo ng maraming personalidad habang papalapit ang eleksiyon. Magkakaroon ng kampi-kampihan, ng pagpapaksiyun-paksiyon, pipili sila ng mamanukin lalo na sa matataas na posisyon.
Inalok si Chito Miranda ng Parokya Ni Edgar nang milyones para suportahan ang isang tumatakbo sa mahalagang puwesto sa ating gobyerno. Prinsipyo ang kaniyang pinaiiral, hindi nito tinanggap ang alok, mayroon na kasing minamanok sa darating na eleksiyon ang bokalista.
Mas gusto nitong suportahan sina Mayor Rodrigo Duterte at Senador Miriam Santiago kahit pa libre. Napakagandang paninindigan.
Binabanatan naman ngayon sa social media sina Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga dahil sa ibinibigay nilang suporta kay Senador Bongbong Marcos na ninong nila sa kasal.
Wala raw bang sense of history ang mag-asawa? Limot na raw ba nila kung paano pinahirapan ng rehimeng Marcos ang ating mga kababayan noong naglulunoy pa sila sa kapangyarihan?
Mas maganda sigurong saliksikin natin kung bakit kinuhang ninong sa kasal nina Direk Paul at Toni si Senador Bongbong Marcos. Siguradong may malalim na dahilan iyon. Mahirap at maselan ang pagpili ng ninong at ninang, kailangang malaman natin kung bakit nila pinagkakatiwalaan ang kanilang ninong na tumatakbo bilang bise-presidente.
Si Kris Aquino, kahit pabagu-bago pa ang takbo ng kaniyang isip, ay siguradong hindi pababayaan ang manok ng kaniyang kuya sa halalan.
Lahat ng ito ay katanggap-tanggap. Ang mahirap unawain ay kung bakit may isang Sheryl Cruz na hindi lang basta kumampi sa iba, minaliit pa nito ang kapasidad ni Senadora Grace Poe, na hindi na iba sa kaniya kung tutuusin.
Hindi naman ang senadorang tatakbong pangulo ang direktang sinaktan ni Sheryl Cruz. Mas matindi ang tama noon sa kaniyang mismong tiyahin, kay Susan Roces, na dugo at laman ng kaniyang sariling ina.