Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Agosto 1-15, 2015

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 1 – 15, 2015

  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
  Yaya Dub
 
Yaya Dub
  Alden Richards & Yaya Dub
 
Alden Richards & Yaya Dub
  Willie Revillame
 
Willie Revillame
  James Yap
 
James Yap
  Ai Ai delas Alas
 
Ai Ai delas Alas
  Gladys Reyes
 
Gladys Reyes
  Tirso Cruz
 
Tirso Cruz

Daniel Padilla – Hindi ordinaryong teenager lang, kailangang mag-ingat

Mabuti naman at inagapan agad-agad ni Daniel Padilla ang pagkakasangkot ng kaniyang pangalan sa makasaysayang pambubuga ng usok sa kaniyang ka-loveteam na si Kathryn Bernardo.

Hindi raw siya nagsisigarilyo, wala raw siyang bisyo, pekeng yosi lang daw ang pinanggalingan ng usok (vapor) ng e-cigarette na ibinuga niya kay Kathryn na parang sasabunging manok.

Kailangan nang mag-ingat ang sikat na heartthrob sa kaniyang mga kilos at pananalita. Sa kaniya nakasentro ang atensiyon ng publiko bilang pinakasikat na bagets actor. Anumang gawin at sabihin niya ngayon ay malaking balita, lalo na kung negatibo iyon na makasisira sa kaniyang imahe.

Tama, tao lang si Daniel Padilla na gustong makaranas ng mga ginagawa ng kaniyang kaedad. Teenager si Daniel at ngayon ang kasagsagan ng pagiging pasaway ng bawat lalaking gustong madiskubre ang mundo.

Naiiba lang ang kaniyang sitwasyon dahil sikat siya, iniidolo ng mga kabataan, itinuturing na modelo ng mga magulang para tularan ng kanilang mga anak.

Sunud-sunod na ang kinasasangkutang hindi kagandahang isyu ni Daniel Padilla. Kailangang triple na ang gawin niyang pag-iingat ngayon. Kundi siya sigurado sa kaniyang sarili ay dapat siyang mas hindi sigurado at kampante sa mga taong nakakasama niya.

Isang araw ay magsasawa na ang ating mga kababayan sa kaniyang mga dahilan at katwiran. Kung isa-dalawa lang ang nagpapayo sa kaniya ay kailangang madagdagan. Mas maraming bibig na nagpapaalala sa kaniya ay mas makabubuti, dahil ang mga teenager ngayon na tulad ni Daniel ay maraming gustong madiskubre.

Walang kasiguruhan ang pag-aartista. Isang maling hakbang lang na maling-mali ay mauuwi na sa katapusan ng kanilang career. Nakapanghihinayang na ang oportunidad na ipinagkatiwala sa kanila ay balik pa sa dati ang kanilang buhay.

Ang kasutilan ay namimili ng panahon at lugar. Si Daniel Padilla mismo ang nag-iimbita ng kanegahan sa kaniyang karera.

Kapag lumamlam na ang kinang ng kaniyang bituin at kapag bumitiw na ang ating mga kababayan sa pag-idolo sa kaniya ay saka lang siya magigising.

Madalas naming napapasok ang personal na buhay ng mga artista, nakakausap namin ang kanilang pamilya at mga kamag-anak, gusto naming isipin na katangi-tangi si Daniel Padilla sa masarap na respeto at pagmamahal na kusang-loob niyang ibinabahagi sa kaniyang ama, ina at mga kapatid.

Yaya Dub – Bagong paborito ng bayan

May lagnat ang bayan ngayon kay Yaya Dub, alalay ni Wally Bayola bilang si Lola Nidora ng Juan For All…All For Juan ng Eat Bulaga, ultimo mga batang paslit ay nakakakilala na ngayon sa kaniya.

Barometro namin ang mga bata tungkol sa popularidad ng mga artista. Kapag kilala ng mga batang paslit ay panalo, pero kapag nakakunot ang kanilang noo at nagtatanong ang tingin, waley!

Eh, kilalang-kilala na si Yaya Dub ng mga bata, ginagaya-gaya pa nga ng mga ito ang kaniyang pagsayaw, pati ang paggamit niya ng abaniko-pamaypay at pag-irap-irap ay pinaplakado na ngayon ng mga bata.

Natututukan din namin si Yaya Dub. Aliw na aliw kami sa kaniya kapag pinasasayaw siya nang walang humpay, gusto na niyang magpahinga ay hindi niya magawa dahil tuluy-tuloy pa rin ang tugtog.

At magaling siyang mag-dubsmash, sabay na sabay ang buka ng kaniyang bibig sa materyal na ipinagagawa sa kaniya, markado ang pag-irap-irap ni Yaya Dub.

Nakakaaliw rin ang kunwari’y pagkontra ni Lola Nidora sa pagkagusto ni Yaya Dub kay Alden Richards, tanong nga ng mga apo namin, “Asawa ba niya si Alden?”

Si Yaya Dub ay isang propesyonal, nagtapos siya ng Culinary Arts sa College of St. Benilde, nag-OJT siya sa Paris at tubong-Sta. Maria, Bulacan.

Sabihin mang uso lang ngayon si Yaya Dub ay gusto pa rin naming bigyan ng kredito ang Eat Bulaga sa pagdidiskubre ng mga talentong kinaaaliwan ng manonood.

Willie Revillame – Pansamantalang itinigil muna ang Wowowin

Kumpirmado! Huling episode na ng Wowowin ang ipinalabas noong Linggo (July 26) nang hapon. Wala nang kasunod iyon. Pero bago pa malungkot ang mga tagasuporta ni Willie Revillame sa panandaliang kaligayahang ibinigay ng kanilang idolo ay kailangang malaman muna nila ang kabuuang kuwento kung bakit.

Hindi tinanggal ng network si Willie. Bilang prodyuser ng kaniyang sariling show na minsan sa isang linggo lang sumasahimpapawid ay gumagastos nang walong milyong piso buwan-buwan si Willie.

Isang oras lang ang kaniyang programa, alas tres y medya ng hapon pa umeere, hindi iyon tamang oras para sa isang game-variety show. Hindi papasukin ng mga sponsors ang isang programang nasa isang patay na oras kung tutuusin.

Hindi basta host lang ng Wowowin si Willie, siya rin ang prodyuser ng kaniyang programa, nagbabayad siya para sa airtime bilang blocktimer at siya rin ang nagpapasuweldo sa kaniyang staff at crew.

Kung ang GMA-7 ang masusunod ay binibigyan siya ng network ng kalayaang ituloy ang Wowowin, pero bilang producer-host ay nagdesisyon si Willie, maghihintay siya ng takdang panahon para mabigyan siya ng schedule para sa isang daily show. Isang pang-araw-araw na programa na mapapanood sa tamang oras, iyon ang inuupuan nila ngayon ng mga ehekutibo ng GMA-7. May transaksiyong nagaganap ngayon sa pagitan nila ng istasyon.

Kaya huwag munang malungkot ang mga tagasuporta ni Willie Revillame. Hindi pa katapusan ng mundo. Mula noong May 10 nang magsimula ang Wowowin ay palaging panalo ang show sa ratings. Patunay lamang na mula noon hanggang ngayon ay nandiyan pa rin ang mga kababayan nating hindi bumibitiw ng pagtutok at pagmamahal kay Willie Revillame.

Phillip Salvador – Aminadong hindi kayang suportahan si Josh

Sa kahit anong interbyu ni Phillip Salvador ay hindi niya minsan man sinabi na nakapagbibigay siya ng suportang pampinansiyal kay Joshua. Aminado naman si Kuya Ipe na wala siya sa sitwasyong dapat gawin ng isang ama sa kaniyang anak.

Panay-panay nga ang papuri ng action star kay Kris Aquino dahil mag-isa lang na itinataguyod ng actress-TV host ang mga espesyal na pangangailangan ng kanilang anak. Walang kuwestiyon doon.

Hindi ikasasama ng loob ng aktor ang katotohanan. Siya pa nga ang umaamin sa kaniyang mga pagkukulang sa dapat sana’y mga obligasyong ibinibigay niya kay Josh.

Si Kuya Ipe ay aminadong kapos, pero si James Yap ay kumikita nang milyones bilang star player ng kaniyang team sa PBA, ano kaya ang naging problema at sinasabi ngayon ni Kris na walang tinatanggap na sustento si Bimby mula sa kaniyang ama?

Noong kasagsagan ng kanilang pagkakasuhan, sa pagkakaalam ng marami ay inayos na rin nila ang magiging sustento buwan-buwan ni James para sa kanilang anak. Hindi kaya sinunod ni James ang pinirmahan nilang kasunduan sa korte?

Ang obligasyon ay obligasyon. Kumikita man nang milyones si Kris Aquino at kaya man nitong pakainin nang walong beses sa maghapon ang kaniyang mga anak ay dapat suportahan ng kanilang mga ama ang magkapatid.

Samantala, suhestiyon ng kaibigan naming propesor na tutok na tutok sa showbiz ay dapat sigurong ipahiram ni Kris Aquino nang kahit dalawang buwan lang si Bimby kay James Yap.

Napanood daw kasi nito ang mga episodes ng programa ni Kris kung saan nag-co-host si Bimby, nakakaaliw daw naman ang child star dahil bibung-bibo, pero mas makabubuting makasama ng child star ang kaniyang ama.

“Sobrang exposed na si Bimby sa showbiz, sa mga palaging nakakasama ni Kris na karamihan, e, beki, kailangan na niyang ipahiram si Bimby kay James para mabago naman ang mundo ng bata.

“Kuhang-kuha na ni Bimby ang mga galaw ni Kris, pati ang pag-roll-roll ng eyes ng mommy niya, plakado na ng bata. Kapag palaging ganoon, e, mahahawa na ang bagets sa katitili ng mga taong nakapaligid sa nanay niya,” pagpansin ng aming source.

Kapag si James Yap daw kasi ang makakasama ni Bimby ay maiiba naman ang punto ng interes ng child star. Puro malalaking tao sa hardcourt ang kaniyang makikita, tuturuan itong magdribol at mag-shoot ng kaniyang ama, madadagdagan ang kaalaman ni Bimby.

Sabi nami’y hindi madaling mangyari iyon, maganda nga sana kung halinhinang makakasama ni Bimby ang kaniyang mga magulang, pero hindi pa siguro ngayon magaganap ang lahat dahil hindi pa maayos na maayos ang samahan nina James at Kris.

James Yap – Umasim na ang relasyon kay Michaela Cazzola

Bulung-bulungan ngayon sa mundo ng basketball ang pag-asim ng relasyon nina James Yap at Michaela Cazzola. Kapansin-pansin na noong mga huling laro ng Star Hotshots (Purefoods) sa huling conference ng PBA ay hindi na nakikitang nanonood ang Italyana sa kaniyang boyfriend.

Dati, basta nakaka-three points si James Yap ay maagap ang mga cameramen, agad na nilang tututukan si Michaela, palakpak nang palakpak ang girlfriend ni James sa magaganda niyang ginagawa sa bawat laro ng kaniyang team. Proud na proud si Michaela sa kaniyang boyfriend.

Ang kuwento tungkol sa kanilang relasyon ay nadagdagan pa nang mag-post si James ng mga patagilid na emosyon, tungkol sa paghihiwalay ng isang magkarelasyon ang tinutumbok ng basketbolista sa kaniyang post, pero wala siyang binanggit na pangalan.

Sabi ng isang miron, “Pustahan tayo, kapag na-confirm nang hiwalay na nga sina James at Michaela, may isang babaeng eepal na naman. Makikisahog na naman siya sa issue. Pustahan tayo?”

Sino pa nga ba ang tinutukoy nito kundi si Kris Aquino? Kahit ayaw nang magsalita pa ng aktres-TV host tungkol sa senaryo ay hindi pa rin ito makalulusot, siguradong hihingan ito ng komento, at magbibigay naman si Kris.

Sayang naman, kasalan na ang pinag-uusapan noon nina James at Michaela, pero mukhang mabubulilyaso pa yata ang kanilang planong pagharap sa altar.

Sana’y isang ordinaryong problema lang ang pinagdadaanan nila ngayon na maihahanap pa nila ng solusyon. Harinawa.

Ai Ai delas Alas – Dakila kung tumulong sa mga nangangailangan

Huling baraha. Ganoon kung ilarawan ng mga taga-showbiz ang ginawang pagtulong-pagkupkop ni Ai Ai delas Alas kay Jiro Manio. Huling baraha na ito ng batang aktor, kapag umulit pa siya at hindi nag-ingat sa kaniyang sarili, wala nang magtitiwala pa uli sa kaniya.

Ang bawat tao ay dapat regaluhan ng pangalawang pagkakataon, iyon ang sabi, pero ibang usapan na kung ang ibinibigay na pagkakataon sa kaniya ay hindi niya naman pinahahalagahan.

Apat na beses nang ipinare-rehab ng kaniyang pamilya at mga kaibigan si Jiro, pero nanghihinayang ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa batang aktor, dahil sa wala rin naman nauuwi ang pagpapa-rehab sa kaniya.

Balik pa rin siya sa panghihingi ng lakas ng loob sa bisyo, naglalayas siya palagi, tinatamad na siya sa pagtatrabaho at mas gusto niyang nagpapakalat-kalat sa kalye.

Pasalamat si Jiro Manio dahil may isang kaluluwang nagsalba sa kaniya. Hindi niya kadugo si AiAi, hanggang sa harap lang ng mga camera ang pagnananay nila, pero tinulungan siya nang buong puso ng Comedy Concert Queen.

At hindi lang para kay Jiro ang malasakit ni AiAi, ang kapatid niyang si Anjo ay waiter na ngayon sa Zirkoh Comedy Bar, magpagawa man ng damit ngayon si Jiro Manio ay walang makakasukat-makakapantay ang busilak na kalooban ni AiAi.

Ang huling baraha ay iniingatan. Hindi itinatapon. Hindi sinasayang. Ganoong importansiya sana ang ibigay ni Jiro Manio sa kaniyang huling baraha.

Gladys Reyes – Pinapayuhan ang mga kapatid sa INC na magkaisa

Hiningi sa amin ni Gladys Reyes ang cellphone number ng magaling na news anchor-komentatristang si Ted Failon. Gusto lang magpasalamat ng aktres kay Ted dahil napakinggan niya ang napakaparehas na opinyon ng news anchor sa kaniyang programa sa radyo sa matinding isyung kinapapalooban ngayon ng Iglesia Ni Cristo.

Simple lang ang sinabi ni Gladys bilang isang tapat at aktibong miyembro ng INC, “Gusto ko lang pong pasalamatan si Sir Ted dahil napakinggan ko ang stand niya kanina tungkol sa INC.

“Napakaparehas po niya, hindi siya mapanghusga, napakamarespeto po ni Sir Ted,” papuri ni Gladys kay Ted Failon.

Ang relihiyon at pag-ibig ang pinakametikulosong paksa para pagtalunan. Walang nananalo at natatalo pagdating sa argumento ng pananampalataya at pagmamahalan.

Sinasaluduhan namin si Gladys Reyes bilang tao at miyembro ng INC. Tama ang kaniyang payo sa kanilang mga kapatid na huwag manglupaypay, mas kailangan nilang magkaisa at magkapatatag ngayon, sa mga panahong ito masusubok ang malalalim na pundasyon ng kanilang pananampalataya.

Tirso Cruz III – Nagpapasalamat dahil ligtas na sa lung cancer

Isang napakagandang balita ang tinanggap namin mula sa mag-asawang Tirso Cruz III at Lyn Cruz. Dati na silang mapagpahalaga at marunong magpasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob sa kanila ng Panginoon pero tripleng pasasalamat pa ang inuusal-usal nila ngayon.

Mahabang proseso ng gamutan ang pinagdaanan ni Pip pero idineklara na siyang ligtas sa lung cancer noong July 16 sa quarterly check-up.

Pero tutok pa rin ang actor-singer sa kaniyang pagpapa-check-up tuwing ikatlong buwan at sa pinakahuli nga niyang check-up ay ganoon na lang ang kanilang pasasalamat ni Lyn at ng kanilang mga anak.

Ang resulta ng kaniyang PET at CT Scan, “No recurrence of cancer. No traces of cancer cells.” Masayang komento ng aming forever idol, “God is always good, really good. Praise the Lord!”

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles