Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Agosto 16-31, 2015

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 16 – 31, 2015

  aldub
 
Alden Richards & Yaya Dub (Maine Mendoza)
  sharon
 
Sharon Cuneta
  robin mariel
 
Robin Padilla & Mariel Rodriguez
  ozawa
 
Maria Ozawa
  grace poe
 
Sen. Grace Poe
  vilma
 
Gov. Vilma Santos
  alma
 
Alma Moreno

Yaya Dub at Alden – Kinikilig ng bayan dahil sa Aldub loveteam!

Wala na talagang makapipigil pa sa lagnat ng bayan na ibinibigay ng AlDub. Mula Apari hanggang Jolo ay kinakikiligan ngayon ang tambalan nina Yaya Dub (Maine Mendoza) at Alden Richards.

Natural, kilalang-kilala rin sina Lola Nidora at Frankie Arenolli ng ginagampanan sa Kalyeserye nina Wally Bayola at Jose Manalo, marami tuloy naaawa sa kanilang katapatang programa habang buhay na buhay ang Kalyeserye ng Eat…Bulaga ay parang nangangailangan nang tone-toneladang suwero para mabuhay ang kanilang palabas.

Walang bukambibig ngayon ang mga paslit kundi AlDub. Ang matatanda namang nagtatrabaho sa labas ay pinipilit na makauwi agad sa tanghalian para matutukan ang Kalyeserye.

Sa ningning ngayon ng All For Juan, Juan For All ay kailangan na talagang mag-meeting de avance ang mga taga-It’s Showtime para kahit kalahati lang ng rating ng Eat…Bulaga ay makaambos sila.

Komento ng isang kaibigan naming mapagpuna sa mga palabas sa telebisyon, “Bagong putahe kasi ang AlDub. Nakuha nila ang pulso ng bayan, nakopo nila ang kilig, masang-masa ang atake ng loveteam.

“Walang makakukuwestiyon sa kilig ng bayan kina Alden at Yaya Dub. Saan ka naman nakakita ng ganoong kuwento na sa TV lang sila nagkakakitaan, sa screen lang, pero kapag ipinakikita na sila via split screen, eh, parang hihimatayin na ang mga fans nila?

“At sina Jose at Wally, panahon talaga nila ngayon, kahit ano’ng gawin nila, bumebenta sa televiewers. Napakanatural kasi nila, walang script-script, very spontaneous ang style nila.

“Sorry to say, sawa na ang manonood sa mga pinaggagagawa ni Vice Ganda. He had his time, pero ang mga ganoon kasing birada, eh, hindi naman magtatagal talaga. Maghahanap ng bago ang manonood, iyong bagung-bago talaga at hindi paulit-ulit lang,” kumpletong pahayag ng aming kaibigan.

May ipinakitang pigura sa amin ang isang kasamahan sa hanapbuhay, nasa mahigit na treinta porsiyento ang rating ng Eat…Bulaga, onse lang ang rating ng It’s Showtime.

Isang malaking senyal na ito na kailangan nang ligisin-katasin ng mga think tank ng Dos ang laman ng kanilang creative juices. Gawin na dapat nila ang lahat-lahat para kahit kalahati man lang ng rating ng Eat…Bulaga ay makaamot sila.

Kapag hindi pa sila kumilos agad ay alam na natin ang kanilang kauuwian. Ang ipinagmamalaki nilang palabas ay makikita na lang nating lumalangoy sa kangkungan.

Opinyon naman ng mga nakakausap namin, kung si Willie Revillame pa rin daw ang pambato hanggang ngayon ng ABS-CBN ay hindi lalamang nang milya-milya ang Eat…Bulaga, bibigyan daw ng magandang laban ni Willie ang programang naghahari-harian na sa loob nang mahigit na tatlong dekada.

Pero si Willie Revillame ay nasa GMA-7 na rin ngayon, kaalyado na ng mga taga-Eat…Bulaga, para ring malakas na bagyo ngayon na nananalasa ang Wowowin sa kaniyang mga ka-time slot sa Dos.

Ganoon nga naman ang buhay. Ang kangkong na itinapon ay mabubuhay pa rin kahit saan. At ang magkakalaban noon ay magkakakampi na ngayon. At grabe silang magpabagsak ng mga kalaban.

Sharon Cuneta – Sinisingil na ang kalusugan dahil sa tigas ng ulo

Sinisingil na si Sharon Cuneta sa katigasan ng kaniyang ulo kapag may nararamdaman siyang hindi maganda sa kaniyang katawan. Madiing sinabi ng isang kaibigan ng Megastar na mahilig siyang mag-self medicate.

Tamad siyang magpa-check-up, lalong ayaw na ayaw niyang magpaospital, maraming bawal sa kaniya pero dahil sa katigasan ng ulo ay palagi pa ring ginagawa iyon ni Mega.

Kuwento ng isang source, “Ang lakas-lakas niyang kumain ng lechon. Kahit pa may iniinom siyang gamot na pangontra, hindi pa rin makagaganda para sa health niya ang madalas at malakas na pagkonsumo ng paborito niyang lechon. Cholesterol iyon.

“Sobra rin siyang kumain ng banana cue. Grabe, nakakailang tuhog siya, times two ang isang tuhog, sobra-sobrang potassium naman iyon!”

Hindi nawawala ang kaniyang ubo, kapag umaariba iyon ay parang ayaw nang tumigil, inom lang siya nang inom ng maligamgam na tubig. Pero tuloy pa rin ang kaniyang pagyoyosi.

Mabuti naman at nakinig na ngayon si Sharon sa kaniyang mga doktor. Napapayag na siyang magpaospital. Malaki ang pagkakaiba nila ni Kris Aquino na bahagyang kibot lang ay nagpapa-confine na.

Noon ay puwedeng umiwas sa pagpapa-check-up si Sharon dahil bata pa siya. Habang nagkakaedad ang tao ay maraming nagbabago, maraming bahagi ng katawan ang humihina, kaya kailangang-kailangan ang paggabay ng mga doktor.

Harinawang magpaalam na ang matindi niyang pag-ubo. Kailangang gumaling agad si Sharon para hindi makaapekto iyon sa kaniyang unang pag-ibig – ang pagkanta.

Sabi nga ng mga kaibigan namin, “Kung sino pa ang may pera, iyon pa ang ayaw magpa-check-up. Kung ako si Sharon, kung ako ang tulad niya na nahihiga sa salapi, sa ospital na ako titira!”

Rico J. Puno – Foul ang pamimintas kay Sharon at Rey Valera

May mga kaibigan kaming nanood ng nakaraang matagumpay na concert ni Rey Valera sa Solaire Casino. Mahal ang tickets pero punumpuno ang venue. Poste na ng mundo ng musika ang isang Rey Valera.

Dalawa sa mga special guests ni Rey sina Rico J. Puno at Sharon Cuneta. Dalawang unang piyesa ni Sharon ang sumikat na si Rey ang kompositor, Mr. DJ at Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, kaya hindi matatanggihan ng Megastar ang nagbinyag sa kaniya bilang singer.

Na-off lang ang aming mga kaibigan sa ginawang panunudyo ni Rico J. Puno kay Sharon. Pinansin daw ng Megastar ang toupee ng singer, kalbo kasi ito ngayon, dahil sa pinagdaanang heart operation.

“Ginantihan niya si Sharon. I can’t say exactly kung ano ang sinabi ni Rico, pero more or less, sinabi niya na ang taba-taba raw ni Sharon. Hindi raw niya alam kung nakaharap o nakatalikod si Sharon dahil sa sobrang katabaan.

“Hindi naman napikon si Sharon, pero she said something like, ‘Binigyan ka na ng second chance na mabuhay, magbago ka na sana.’ Sinabihan din ni Rico si Rey Valera na mukhang bangkay.

“Nakaka-off lang dahil sa isang babae, pansinin mo na ang lahat sa kaniya, huwag lang ang kaniyang weight. Kung very sensitive ang babae sa kaniyang age, much more sa weight niya. It’s not politically right to say na ang taba-taba ng babae.

“Foul! Lalo na kay Sharon na talagang pinoproblema ang weight niya. Hindi na nga malaman noong tao kung paano siya magbabawas ng timbang, ididiin pa ni Rico na ang taba-taba niya? Too foul!” kuwento ng aming source.

Iyon kasi ang tatak ni Rico J. Puno. Hindi siya ang nasa entablado kung wala siyang nilalait, kung wala siyang pinipintasan, iyon na siya talaga.

Hindi tagahanga ni Sharon ang aming kaibigan, pero nasaktan pa rin ito, kaya ano kaya ang magiging damdamin ng mga tagahanga ng Megastar sa ginawang pamimintas ni Rico J. Puno?

Robin at Mariel – Balot ng lungkot dahil sa pagkawala ng triplets

Balot na balot ng kalungkutan ngayon ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez. Ang triplets na pumipintig sa sinapupunan ni Mariel ay nakalulungkot na isa-isa-sunud-sunod na nawala.

Todo na ang kanilang pagkasabik, may mga pangalan na nga ang mga binhing dinadala ng TV host, pero noong idineklarang nakunan si Mariel ay maraming nalungkot talaga.

Para sa tulad nilang mag-asawang may katagalan na ring ikinakasal at naghihintay ng magiging produkto ng kanilang pagmamahalan ay napakasakit ng pangyayaring ito.

Noong unang mawala ang dinadala ni Mariel ay para na siyang pinagsukluban ng langit at lupa sa matinding kalungkutan. Matagal bago siya nakausad mula sa malungkot na kaganapan.

Napakasipag mag-post ni Robin ng mga impormasyon tungkol sa pagdadalantao ni Mariel. Una ay twins, pero naging triplets na, sobra-sobrang kaligayahan ang hatid sa mag-asawa ng maselang pagdadalantao ni misis.

Parang nakikinita na namin ang matinding lungkot ng mag-asawa ngayon, inilaan pa naman nang buung-buo ni Robin ang kaniyang panahon at atensiyon sa pagdadalantao ng kaniyang misis, pero hindi sila pinalad.

Kunsabagay ay marami pa namang panahong nakalaan para kina Robin at Mariel para magkaroon ng anak. Hindi pa ngayon ang panahon para magkaroon sila ng supling, lahat ng pangyayari ay may takdang panahon ng pagdating, hindi pa katapusan ng mundo para sa mag-asawa.

Maria Ozawa – Patol nang patol sa mga bashers

Patola rin ang Maria Ozawa na ito. Patol siya nang patol sa mga nangba-bash sa kaniya dahil sa nangyari kay Mariel Rodriguez. Nakikipagpalitan talaga nang maaanghang na salita ang Japanese porn star sa kaniyang mga bashers.

Walang preno ang kaniyang bibig, mas matitinding salita pa nga ang ibinabalik niya sa mga tagasuporta nina Mariel at Robin Padilla, akala yata ng hubaderang ito ay nasa Japan siya at wala sa Pilipinas.

Siya kasi ang sinisisi ng kampo ng mag-asawa sa pagkawala ng triplets, kundi raw siya nagsalita laban kay Robin dahil sa marespeto nitong pag-urong sa pagtatambalan nilang pelikula ay hindi sana nangyari ang nakalulungkot sa senaryo, galit na galit si Aling Maria!

Ano’ng akala n’yo, sabi niya, na gustung-gusto ko ang nangyari kay Mariel? Mga sira-ulo kayo! Wala kayong pakiramdam, mga hayup kayo! Parang ganoon ang isinagot ng porn star sa mga tagasuporta nina Robin at Mariel.

Lalo tuloy nagalit sa kaniya ang mga tagahanga ng mag-asawa, kung anu-anong masasakit na salita ang ibinato laban sa kaniya, iyon ang napala ni Aling Maria.

Sa totoo lang ay walang direktang kinalaman ang Haponesa sa nangyari sa triplets, aminado naman si Mariel na mahina ang kapit ng punla sa kaniyang sinapupunan, hindi si Maria Ozawa ang dapat sisihin doon.

Napagdiskitahan na lang siya ng mga nagmamahal sa mag-asawa dahil kuda pa rin kasi siya nang kuda, marami siyang sinasabi laban sa aktor, kaya ang akala ng mga fans nina Robin at Mariel ay isa siya sa mga dahilan kung bakit nalaglag ang triplets na dinadala ni Mariel.

Senadora Grace Poe – Hindi pinapatulan ang mga naninira

May katwiran ang komento ng mga kausap namin na kung sila raw si Senadora Grace Poe Llamanzares ay hindi na lang nila bibigyan ng panahon ang mga ibinabatong pagtuligsa ng kaniyang mga kalaban.

“Siya rin kasi ang magsusubo sa bibig ng mga kalaban niya ng iba pang puwedeng ipangbanat sa kaniya. Parang siya pa ang magbibigay ng idea sa mga iyon ng mga impormasyong ikasisira niya,” komento ng kaibigan naming propesor.

Ang mahalaga, ayon sa aming mga kakuwentuhan, ay ang mga dokumentong makapagpapatunay na mali ang mga paghusgang ibinabato laban sa kaniya. Kailangang mapatunayan niya sa pamamagitan ng mga hawak niyang dokumento na isa siyang tunay na Pilipino at hindi makatwiran ang sinasabi ng kaniyang mga kalaban sa pulitika na bawal siyang lumahok sa susunod na halalan.

“Ang pananahimik niya ang magiging alas niya. Don’t pay attention na lang sa mga nagpaplanong wasakin siya dahil she’s a big threat. They will not see anything good in her eyes, kalaban siya, kailangang ilaglag siya,” madiin pang sabi ng aming kausap.

Pero ang paulit-ulit na kasinungalingan ay nagiging totoo na para sa mga nakamasid kapag madalas nilang naririnig. Kailangan ding tumayo ni Senadora Grace Poe para magpaliwanag at ipagtanggol naman ang kaniyang sarili.

Kailangang maging parehas ang laban, hindi puwedeng isang kampo lang ang ating naririnig, kung may boses ang iba ay hindi puwedeng habambuhay na lang na maging pipi ang kanilang hinuhusgahan.

Gov. Vilma Santos-Recto – Walang interes maging running mate ni Kuya Mar

Nagsalita na nang tapos si Governor Vilma Santos-Recto. Walang kahit anong makapagpapabago sa kaniyang desisyon na hindi maging runningmate ni DILG Secretary Mar Roxas sa darating na eleksiyon.

Sarado na ang kaniyang isip, wala nang makapagpapabago pa sa kaniyang desisyon, lahat ng mga kuwentong naglalabasan ngayon tungkol sa kaniyang pagtakbo bilang vice-president ay puro press release lang.

Hindi siya interesado, sabi ng magaling na aktres-pulitiko, mahal niya ang probinsiya ng Batangas at wala namang pormal na nakikipag-usap sa kaniya tungkol sa mga plano.

Kunsabagay ay wala ni sa hinagap ni Governor Vilma ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa ating pamahalaan. Ni hindi nga niya pinlano ang pagtakbong mayor ng Lipa City, kahit ang pagiging gobernador ng Batangas ay wala naman sa kaniyang plantilya, nasa kapalaran lang talaga niya ang lumaban at magtagumpay.

Wala siyang kinalaman sa mga naglalabasang balita na siya ang magiging katuwang ni Secretary Mar sa darating na halalan. Kahit ang kaniyang pulitikong mister na si Senator Ralph Recto ay wala ring alam tungkol doon.

Sarado na ang posibilidad. Nagsalita na nang tapos ang Star For All Seasons. Alisin na dapat ang kaniyang pangalan sa mga pinamimiliang tumakbo sa pagka-bise-presidente sa 2016.

Alma Moreno – Tatakbo bang Senador sa ticket ni Binay?

Inuupakan na sa social media si Alma Moreno. Nang lumutang ang balita na tatakbo siya sa pagka-senador sa partido ni Vice-President Jejomar Binay ay naging aktibo na ang kaniyang mga bashers.

Kung anu-ano nang pangmamaliit-panglalait sa maganda pa ring aktres sa kabila ng kaniyang paglusog ang ibinabato laban sa kaniya. Ano raw naman ang gagawin ng isang Alma Moreno sa Senado na pinamumugaran ng matatalinong mambabatas?

Kung pagandahan daw ang labanan ay kakabugin niya sina Senadora Grace Poe, Senadora Pia Cayetano at Senadora Miriam Santiago pero pagdating sa usapin ng katalinuhan ay nasa Row 4 ang aktres katabi ang mabahong basurahan.

Kahit kailan naman ay hindi nagpanggap na matalino si Alma Moreno. Tanggap niya ang katotohanan na kapos siya sa kaalaman dahil maaga siyang inagaw ng pag-aartista at hindi na nakapagpatuloy ng pag-aaral.

Pero sa pagpasok sa mundo ng pulitika ay hindi lang naman katalinuhan ang puhunan, marami pang ibang katangian ang dapat isaalang-alang, maaaring mayroon noon si Alma Moreno na wala ang ibang pulitiko.

Nasaksihan namin ang sinserong paglilingkod ni Ness sa mga nasasakupan ni Mayor Joey Marquez noon. Hindi nga siya ang nakaupong punong-lunsod pero may mga proyektong pinamunuan si Alma na nakadagdag sa pagbango ng pangalan ni Mayor Joey.

At bilang konsehal nang tatlong termino at naging pangulo pa ng samahan ng mga konsehal sa buong Pilipinas ay walang kapagud-pagod niyang ginampanan ang kaniyang tungkulin kahit pa mayroon na siyang dinaramdam na pisikal.

Hindi namin sinasabing si Alma Moreno na ang magiging sagot sa mga problema ng ating bayan, hindi rin namin isinusubo ang kaniyang pangalan sa mga botante, pero bago siya laitin ay tingnan din naman muna sana ng iba ang magaganda niyang nagawa bilang serbisyo-publiko.

Hindi nabibili ang sinseridad sa paglilingkod. Kahit saang mall o palengke ay hindi ibinebenta ang pangarap na makapaglingkod nang mula sa puso sa ating mga kababayan.

Walang dapat katapat na presyo ang pusong sinsero. At kung kami ang papipiliin ay doon kami sa pusong handang maglingkod kesa sa matalino nga pero palagi namang napapako ang mga binibitiwang pangako.

Kris Aquino – Dedma kung susuportahan ba o hindi si Kuya Mar?

Ngayon pa lang ay nang-aagaw na ng atensiyon si Kris Aquino sa pagtataas ng kamay ni DILG Secretary Mar Roxas bilang opisyal na kandidato sa panguluhan ng Liberal Party.

Ayon kay Kris sa kaniyang panayam noong August 1 sa pag-alala sa ikaanim na taong kamatayan ni dating Pangulong Cory Aquino ay ganoon naman daw talaga sa bawat pamilya, may mga pagkakataong hindi nagkakasundu-sundo ang magkakaptid sa isang bagay, parang gusto niyang sabihin na hindi siya kaisa ni P-Noy sa pagpili kay Secretary Mar para maging ulo ng partido sa darating na halalan.

At nang may magtanong na reporter kung susuportahan ba niya ang kandidatura ng mister ni Korina Sanchez ay nagbigay siya nang blangkong tingin. Ewan kung sadyang pinutol ang footage sa ganoong akto ni Kris, pero wala siyang sagot, basta makahulugang ngiti lang.

Sa kaparehong interbyu ay sinabi ni Kris na nag-usap na raw sila ng kaniyang kapatid na pangulo. Nirerespeto raw niya ang kanilang pinag-usapan kaya sana’y irespeto rin iyon ng mga mamamahayag.

Kung mayroon mang ibang minamanok si Kris sa panguluhan ay hindi krimen iyon. Kaniya iyon, ibibigay natin sa kaniya iyon, siya na rin ang nagsabi na sa kanilang pamilya ay walang pilitan ng kung ano at sino ang kanilang gusto.

Pero sana’y hindi na niya ipinararamdam sa publiko ang kaniyang disgusto. Sana’y sarilinin na lang niya iyon bilang pagbibigay-respeto sa isang taong nagbigay-daan sa kaniyang kapatid para kumandidatong pangulo noong 2010.

Kasadung-kasado na noon ang pagtakbo sa panguluhan ni Secretary Mar, pero pumanaw ang kanilang ina noong August 1, sa kaniyang pahayag sa Manila Cathedral bago inilibing si Tita Cory ay nagpahimakas na si Kris na sila ng kaniyang kuya Noy ang inaasahan ng kanilang pamilya na susunod sa yapak ng kanilang mga magulang.

At isang araw nga ay nagtipun-tipon na ang mga magkakaalyado sa partido Liberal. Nagulantang ang buong bayan dahil ang kaniyang kuya na ang tatakbong pangulo at si Secretary Mar Roxas naman ay dumausdos bilang kandidato sa pagka-bise presidente na lang.

Hindi nga sila lumaking magkakapatid na ipinipilit sa kanila ang isang tao o bagay na ayaw nila pero sigurado kaming hindi rin sila tinuruang maging manhid sa pagrespeto at pagpapahalaga sa mga taong nagsakripisyo para sa pagbuo ng kanilang mga pangarap.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles