Hulyo 16 – 31, 2015
![]() |
|
Jiro Manio |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Piolo Pascual |
|
![]() |
|
Claudine Barretto |
|
![]() |
|
![]() |
|
Noni, Julia & Sharmaine Buencamino |
Nora Aunor – No show sa kasal ng anak na si Ian De Leon
Linggo ng hapon ay hindi masyadong nagtagal sa PNP Custodial Center si Tita Malou Fagar. Konting kuwentuhan lang pagkatapos ng aming pananghalian ay nagpaalam na ito.
Makalulusot ba iyon kay Senador Jinggoy Estrada na alam na alam ang galaw ng mga nasa paligid? May magandang dahilan ang pag-alis agad ni Tita Malou Fagar, magnininang kasi siya sa kasal ni Ian de Leon, kaya ang tanungan ng mga nandoon ay kung dadalo kaya ang ina ng groom?
Tulad ng inaasahan ng mas nakararami ay hindi dumalo sa kasal ng kaniyang tunay na anak ang Superstar. May sakit daw ito. Masakit daw ang kaniyang likod.
Noong huli naming makakuwentuha si Ian de Leon sa birthday ni Maribel Aunor ay inamin niya na hindi pa sila nagkakausap ng kaniyang ina. Puro iling lang ang isinasagot ng aktor sa mga tanong namin.
Hanggang bahagi pa ng buhay ni Nora Aunor si John Rendez, palagay nami’y hindi pa magkukrus ang landas nilang mag-ina, lantaran ang pag-ayaw ni Ian sa lalaki.
May business si Ian, nagpaparenta siya ng mga sound system at iba pang technical rider sa mga concert. Maayos ang kanilang relasyon ng kaniyang amang si Christopher de Leon pati ng kaniyang madrastang si Sandy Andolong.
Regular din siyang napapanood sa Baker King ng TV5. Magaling umarte si Ian de Leon, anak talaga siya ng kaniyang mga magulang, mata pa lang ng aktor ay umaarte na at nagdedeliber ng dayalog.
Daniel Padilla – Sobrang in demand, pinakasikat pa rin
Walang kahit sinong makakokontra sa kasikatan ng isang personalidad. Mayroon mang mga labis at kulang ang artista ay nababalewala. Panahon niya kasi. Kaniya ang mundo.
Isang grupo ng mga show promoters ang nakausap namin kailan lang. Si Daniel Padilla ang palaging hinihiling sa kanila kahit saan. Napakamahal ng talent fee ng sikat na heartthrob, napakahirap pang kumuha ng schedule sa mga namamahala sa kaniyang career. Pero walang pamimilian ang mga promoter kundi ang maghintay.
Komento pa ng isa, “Ang dami-daming magagaling na singers ngayon, pero si Daniel pa rin ang request ng mga kababayan natin. E, hindi naman siya singer talaga, nakakakanta lang. Nagkataon lang kasing sikat talaga siya ngayon, kaya carry na rin.”
Nang makausap namin ang road manager ni DJ ay nagulantang kami sa kaniyang schedule. Punumpuno. Halos wala nang pahinga ang young singer-actor.
Kaya kapag wala siyang trabaho ay sinasamantala ni Daniel ang pagkakataon. Pagkatapos niyang regaluhan ng masarap na pahinga at tulog ang kaniyang sarili ay bike siya ang bike sa kanilang subdivision.
Tumitigil lang siya sa pag-iikot kapag rumepeke nang parang kampana ang bibig na kaniyang inang si Karla Estrada na alalang-alala sa mukha ng kaniyang mina ng ginto.
Kapag binabawal na nito sa pagbibisikleta ang sikat na heartthrob pero sige pa rin nang sige ay pasigaw na sasabihin ni Karla, “Sige, sirain mo ang mukha mo! Sige, galusan mo ang katawan mo!
“Kapag nawasak ang mukha mo sa kabibisiklita, babalik na naman tayo sa pagtira sa ilalim ng tulay! Gusto mo iyon!”
Jiro Manio – Nagpapagaling na, sana’y tuloy-tuloy na
Napakabusilak ng puso ni AiAi delas Alas. Ang pagmamahal at malasakit na ibinibigay ng Comedy Concert Queen sa kaniyang sariling pamilya ay dinugtungan niya ng ekstensiyon para kay Jiro Manio.
Hindi sila magkadugo ni Jiro, pero isinabuhay ng komedyana ang ilang ulit nilang pagsasama sa pelikula. Siya ang tumatayong dakila at tanging ina ngayon ng batang aktor.
Nagbigay-respeto muna si AiAi kay Mang Andrew, ang kinikilalang ama ni Jiro, nagkasundo sila agad dahil magkapareho lang ang kanilang layunin para kay Jiro. Ang maisalba sa bisyo ang batang aktor, ang magkaroon ito ng magandang kinabukasan, ang makapagtrabaho kapag maayos na ang kaniyang sitwasyon.
Nasa isang maayos na kapaligiran na ngayon ang batang actor. Nakaprograma na ang lahat ng kaniyang gagawin sa pakikipagkomunikasyon ni AiAi sa mga namamahala sa rehabilitation center, maraming tumutulong sa komedyana sa pinagdesisyunan niyang hakbang para kay Jiro Manio.
Tumulong si Lorna Tolentino, nakaabang na ang trabahong ibibigay ni Marvin Agustin sa young actor kapag kapaki-pakinabang na. Hindi lang ang kasalukuyang sitwasyon ni Jiro ang pinagmamalasakitan ni AiAi kundi pati na ang kinabukasan nito.
Hindi na namin ikinagulat ang pinagpipistahang kuwento ngayon tungkol sa magaling na batang aktor na si Jiro Manio. Maraming beses na kasi siyang nag-iikot sa kaniyang mga kaibigan at kakilala para manghingi ng pinansiyal na tulong.
Minsan ay binulabog niya pa nga ang mahimbing na tulog ng isang aktor, katok siya nang katok sa gate ng bahay nito, pati ang mga kapitbahay ng ginigising niyang personalidad ay nainis sa kaniyang pang-aabala.
Nagulat naman ang isang kasamahan niyang artista nang magsadya siya sa bahay nito, karga ni Jiro ang kaniyang anak, kailangan daw niya ng pambili ng gatas.
Ipina-rehab na noon ni Direk Maryo J. delos Reyes at ng iba pang mga nagmamalasakit sa kaniya ang batang aktor. Nag-aral pa nga siya at nakapagtapos ng isang mabilisang kurso, kaya ang akala ng mga taga-showbiz ay maayos na siya, pero hindi pa rin naman pala.
Nakapanghihinayang si Jiro Manio. Lumipas man ang maraming taon ay hindi pa rin mawawala sa kamalayan ng mga Pinoy ang pelikula niyang Magnifico. Nag-akyat-baba siya sa entablado ng mga award-giving bodies dahil sa napakahusay niyang pagganap sa nasabing pelikula.
Maawa man ang buong mundo kay Jiro Manio ay walang pagbabagong magaganap hanggang hindi siya mismo ang magmamahal at magmamalasakit sa kaniyang sarili.
Tayo ang gumuguhit-nagdidisenyo ng ating buhay at kinabukasan. Tayo ang arkitekto ng ating kapalaran. Walang ibang makapgbibigay ng milagro sa ating buhay kundi tayo mismong may katawan.
Ai Ai Delas Alas – Bigay-todo kung tumulong at makipagkaibigan
Kung mayroon mang higit na nakakakilala sa Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas bukod sa kaniyang pamilya ay si Arnell Ignacio ang nangunguna sa listahan. Makabuluhan ang kanilang pagkakaibigan dahil nagsimula at umusbong iyon noong mga panahong wala pa silang pera at nangangarap pa lang.
Sabi ni Arnelli, “Kulang ang libro sa mga pinagdaanan ni Martina. Lahat na yata ng pagsubok, eh, natikman niya. Sa pamilya, sa lovelife, sa showbiz, nalundagan niyang lahat iyon!
“Lagi ko siyang hahangaan. Maganda ang puso ng babaeng iyon! Kung minsan nga, eh, niloloko na siya, pero tulong pa rin siya nang sige. Ang katwiran niya, eh, hindi naman siya ang magdadala noon kundi ang nanloloko sa kaniya.
“Napaka-pure ng puso niya, walang masamang tinapay kay Martina. Saka marunong siyang magpahalaga at tumanaw ng utang na loob. Bibihira na lang ang tulad niya.
“Bigay-todo siya kung tumulong at makipagkaibigan, kaya matindi rin siyang masaktan kapag may gumagawa ng hindi maganda sa kaniya,” sinserong komento ng magaling na komedyante-TV host na pinagdudahang ama ng panganay ni AiAi na si Sancho Vito.
Naalala lang namin. Magsisimula na noon ang Movie Magazine nang humahangos na dumating ang kasamahan naming reporter na si Alex Marcelino. May karay-karay itong baguhang stand-up comedian.
Igine-guest ni Alex ang naka-make-up nang pagkakapal-kapal at nakaayos ng taras bulbang babae. “Kahit ilang tanong lang, magaling siya, nakakaaliw!” papuri pa ni Alex Marcelino sa kaniyang kasama.
“Sino ba ‘yan?” sarkastikong tanong ng isang nasa studio. “Si AiAi delas Alas siya, stand-up comedian, nagse-set sa Music Box!” mabilis na sagot ni Alex.
Ipinasok si AiAi noong bandang huli na, pumapasok na ang closing credits, nagmamagandang hapon pa lang siya at nag-imbitang panoorin siya sa Music Box.
Ang kumontra sa maagang pag-upo ni AiAi sa talk show ay nabalagoong na sa kaniyang posisyon, samantalang si AiAi delas Alas ay sinuwerte, sumikat nang sikat na sikat.
Toni Gonzaga – Nabigla ang sistema dahil sa pag-aasawa
Mukhang sobrang nabigla si Toni Gonzaga sa bagong sitwasyon niya ngayon kaya humina ang sistema ng kaniyang katawan. Kuwento ng mga kasamahan naming reporters ay ubo siya nang ubo at matindi ang kaniyang sipon na kundi naagapan ay siguradong mauuwi sa trangkaso.
Bakit nga naman hindi? Si Toni na mismo ang nagsasabi na makapagmamalaki si Direk Paul Soriano na ito ang nakauna sa kaniya? Ang direktor lang ang tanging lalaking nakasabay niyang lumipad-umakyat sa langit-langitan ng kaligayahan.
Natural, dahil iyon ang unang karanasan ng aktres ay nagulantang siya, maaaring nakadagdag iyon sa paghina ng kaniyang sistema bukod pa sa stress na inabot niya sa paghahanda sa itinago nilang pagpapakasal ni Direk Paul.
At walang pamimilian si Toni, sa ganoong sitwasyon ay kailangan pa rin niyang magtrabaho, kaya sa unang salang niya sa mga camera ay abut-abot pa rin ang kaniyang pag-ubo.
Madaling intindihin ang lungkot na nararamdaman ngayon ni Toni. Lumaki kasi sila ni Alex na ang kanilang mga magulang lang ang kasama nila. Mayroon silang mga pinsan na nakakasama nila paminsan-minsan pero ang kinagisnan nilang mundo ay aapat na tao lang sila.
Bigla siyang kumawala sa mundong kinasanayan na niya, sila na ni Direk Paul ang magkasama ngayon, matatagalan pa talaga bago matutuhang yakapin ni Toni ang buhay na malayo na sa kaniyang pamilya.
Cesar Montano – Comparing notes ang mga ex na sina Shine at Tong
Sa unang pagkakataon pagkatapos silang maging bahagi ng buhay ni Cesar Montano ay nagkita na nang personal sina Sunshine Cruz at Teresa Loyzaga. Sina Shine at Tong.
Mas naunang naging karelasyon ni Teresa si Cesar, si Diego ang naging anak nila, pero si Sunshine ang pinakasalan ng aktor.
Isinama ni Tong si Diego sa Australia, lumaki itong kasama si Sephie, anak ni Teresa kay Arnold na pinakasalan niya. Nang lumaki si Diego ay hiniling nito sa kaniyang mommy ang pagbalik sa Pilipinas, kinausap niya muna si Cesar, pumayag naman ang aktor pagkatapos nilang mag-usap ni Sunshine.
Noon pa man ay nagkakatawagan na at nagtetekstan sina Tong at Sunshine. Lalo na nang magkaroon ng problema sa pagitan ng mag-ama, kailangang makibalita si Tong tungkol sa pangyayari, kinakausap niya sina Cesar at Shine.
Pero ibang-iba na ang senaryo ngayon dahil hiwalay na sina Cesar at Sunshine, nagdedemandahan pa, kaya pakiramdam ng marami ay nakakita ng kakampi si Sunshine kay Tong.
Ano nga kaya ang naging takbo ng kanilang usapan lalo na nang masayaran na ng alkohol ang kanilang mga lalamunan? Napakadiretso pa naman ng dila ni Teresa, tamaan na ang tatamaan, pero talagang sasabihin niya kung ano ang kaniyang nararamdaman.
Nag-exchange notes kaya ang dalawang babae? Pinagkuwentuhan kaya nila ang kani-kaniyang nakaraang karanasan sa piling ni Cesar?
Matagal nang nakapag-move on si Tong, si Sunshine ay nakapagitna pa sa labanan, kung kilala nga namin si Teresa ay siguradong pinagpayuhan niya si Sunshine.
Napaka-smart ni Tong, malawak ang naaabot ng kaniyang utak, kapag nagkakaroon sila ng argumento ni Cesar ay palaging talo ang aktor at iyon nga siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi sila nagtagal.
Isa sa pinakamasisipag na babaeng nakilala namin si Teresa Loyzaga. Mabubuhay siya nang walang kasambahay. Siya ang nagluluto (napakasarap niyang magluto) at naglilinis ng maluwang nilang bakuran sa Antipolo na wala kang maririnig na anumang reklamo sa kaniya.
At mayroon siyang paninindigan. Kung ano ang sinabi niya ay tinatayuan niya, daig pa niyang magdesisyon ang lalaki, maraming nakaimbak na Christmas balls sa kaniyang katawan si Teresa Loyzaga.
Angelica Panganiban – Walang takot ang ginawang rebelasyon
Siguradong ipatatawag ng mga tagapamuno ng ABS-CBN si Angelica Panganiban dahil sa pinakahuling post niya tungkol sa maling kalakarang nangyayari sa set ng ginagawa niyang tele-serye sa network.
Ang reklamo ni Angelica ay siguradong sasang-ayunan ng mga kapuwa niya artista, hindi nga lang nagsasalita ang mga ito, dahil may punto ang hinaing ng magandang aktres.
Dumarating siya sa set nang walang script. Ikinukuwento na lang daw sa kanila ng assistant director kung ano ang mangyayari sa mga eksenang gagawin ng mga artista, pati ang mga dialogue ay doon na lang nila nalalaman, gulatan ang dating noon para kay Angelica.
Maraming nagulantang sa rebelasyon ng aktres, napakalaking network nga naman ng ABS-CBN, pero ganoon ang nangyayari? Ano ang ginagawa ng kanilang mga scriptwriters, bakit pinagteteyping nila ang kanilang mga artista nang walang script, ganoon na ba talaga ang kalakaran ngayon sa Dos?
Kung ang mga datihan na ngang artista ay nagrereklamo sa ganoong sistema, ano pa ang nangyayari sa mga baguhang artista na may script na nga ay hindi pa makaarte nang tama, di lalong mangangamote sa pag-arte at pagdadayalog ang mga bagitong personalidad?
Hindi dapat magalit ang network kay Angelica, sa halip ay dapat nilang kalampagin ang mga pool of writers nila na nagpapabaya, nagpapakapropesyonal ang kanilang mga artista pero paano sila makapagtatrabaho nang walang script?
Kung ayaw nilang nagrereklamo ang mga artista ng network, dapat ding gawin ng ibang departamento ang kanilang trabaho, sa ganoong paraan lang mareresolbahan ang problema.
Ayon sa mga miron ay umariba na naman daw ang pagkataklesa ni Angelica Panganiban. Dapat daw ay hindi na niya ipinost pa ang malaking kahihiyang aabutin ng kaniyang istasyon.
Pero kontra-opinyon naman ng mas nakararami, kung ginagawa ng ibang departamento ng network ang kanilang trabaho, di sana’y wala ring reklamong nanggagaling sa mga artista?
Piolo Pascual – Halata nang nagkaka-edad ang guwapong aktor
Hindi man kasinglaki ng kinita ng mga pelikula ni Sarah Geronimo kapag si John Lloyd Cruz ang katambal niya ay magandang balita na rin na nagtagumpay ang pagpapareha nila ni Piolo Pascual.
Ang mahalaga ay nakalusot ang tambalan nila ni Piolo, kumita ang kanilang pelikula, minsan pang pinatunayan ng young singer-actress na kapag siya ang bumibidang babae sa proyekto ay sigurado na iyon sa takilya.
Napanood ng mga kaibigan namin ang proyekto nina Piolo at Sarah. Walang dudang napakaguwapo pa rin ni Piolo, komento ng mga nanood, pero bilang na bilang na ang panahon ng mga ganoong role para sa aktor.
“Wala siyang pinipiling anggulo, sobrang guwapo pa rin ni Piolo, pero sa mga close-up shots niya, e, mahahalata mo na rin ang pagkakaedad niya. Kailangan nang ingatan iyon dahil anumang milagro ang gawin ng director, e, halatado na,” sabi ng mga kaibigan namin.
Ang edad ng tao, gaano man kagagaling ang mga doktor at mga produktong anti-aging, ay hindi maipagkakaila. Sumasabay ang itsura ng tao sa kaniyang edad. Magparetoke man ay alam mong hindi na natural ang kaniyang itsura.
May isang kilalang aktor na mas may edad lang nang konti kesa kay Piolo ang nanghingi na ng tulong sa siyensiya. Nagpa-botox na ito para maitago ang mga pileges sa kaniyang mukha.
Nagtagumpay naman ang aktor sa gusto nitong mangyari pero sa mga eksenang galit na galit ito at kailangang maglabas ng emosyon ay hindi na gumagalaw ang kaniyang noo.
Para nang wax ang itsura ng kilalang aktor, hindi na natural ang kaniyang pag-arte, sa pag-iwas nitong tumanda ay nangingislap naman ang kaniyang noo dahil sa madalas na pagpapa-botox.
Claudine Barretto – Sana’y magtagumpay sa pagbabalik-pelikula
Malaking timbang na ang nawawala ngayon kay Claudine Barretto. Pero hindi pa masaya doon ang nagbabalik-pelikulang aktres, kailangan pa raw niyang mag-diet, ayaw raw niyang mapahiya sa publiko sa muli niyang pagsalang sa harap ng mga camera.
Masayang-masaya naman ang mga tagasuporta ni Claudine na hindi bumitiw ng katapatan sa kaniya dahil may bago na siyang pagkakaabalahan ngayon. Hindi na puro hearing lang sa mga kasong isinampa niya laban kay Raymart Santiago.
Sabi ng isang kausap naming propesor, “Sabi na nga ba, isang araw, e, magigising din si Claudine, maiisip din niya ang importance ng mga sinasayang niyang panahon. Ito na iyon!
“Sayang na sayang ang career niya, hindi naman siya basta-basta artista, naging successful siya. Kundi pa niya maiisip ngayon ang pagbabalik sa trabahong minahal niya, e, kailan pa mangyayari iyon?” tanong-opinyon ng aming kaibigan.
Malaking-malaki ang nawala kay Claudine mula nang masira ang kanilang relasyon ni Raymart Santiago. Sa kinikita na lang niya noon sa paggawa ng mga TV commercial ay puwede na siyang magbuhay-reyna.
Kumawala sa kaniyang mga palad ang oportunidad dahil sa digmaan nila sa korte ni Raymart, nabahiran ang kaniyang imahe, hanggang sa tuluyan nang malugmok ang kaniyang pinaghirapang career.
Pero ang mahalaga ay nandito na siya uli, binalikan na niya ang mundong mahal na mahal niya, na sana’y mahalin niya pabalik dahil binigyan pa uli siya ng ikalawang pagkakataon.
Markadong linya ng isa naming kaibigan, “Ito na ang huling baraha ni Claudine, pag-ingatan na sana niya, sayang na sayang ang chance na ito kapag pinabayaan pa niya.”
Kris Aquino – Madulas ang dila kaya nauupakan sa social media
Nagbigay na ng maigsing pahayag si Kris Aquino tungkol sa pinagpistahang isyu na sinabi diumano niya na huwag nang iugnay sa kaniyang kapatid na pangulo ang Japanese porn star na si Maria Ozawa dahil marami nang lalaki ang gumamit sa babae.
Dahil kilala nga sa pagiging taklesa si Kris ay maraming naniwala sa lumabas, kani-kaniyang wagwagan na naman ang dila ng mga netizens, binalikan ng mga ito ang aktres-TV host sa pagkokomentong, “Look, who’s talking!”
Sabi ni Kris, bilang depensa sa kaniyang sarili, kung gustong mapag-usapan ng mga naglabas ng kuwento ay huwag naman sana siya ang gamitin. Wala siyang sinasabing anuman tungkol sa Haponesang porn star, wala ring nakakainterbyu sa kaniya, kaya wala siyang kinalaman tungkol sa isyu.
Doon lang kung minsan natatalo si Kris. Kahit hindi niya naman sinasabi ang mga bagay-bagay na makasisira sa ibang tao ay maraming naniniwala na kaya niyang magsalita nang ganoon.
Ang imahe nga niya kasi ay sobrang dulas ng kaniyang dila, taklesa siya, mabilis siyang humusga sa kahit sino. Tuloy ay nauupakan siya sa social media, mas masasakit na salita pa ang natitikman niya, samantalang wala naman siyang kinalaman sa kontrobersiyang ipinaaako at ibinabato laban sa kaniya.
Doon lang madalas na napupuruhan si Kris Aquino. iyon na kasi ang imahe niya, doon na siya nakilala ng publiko, kaya nalalagay siya sa indulto.
Boots Anson Roa – High-tech at modernong Lola Basyang sa TV5
Sinadya naming abangan ang unang sultada ng Lola Basyang.com, ang bagong Fanta-serye ng TV5, mula sa magkahawak-kamay na pagtatrabaho nina Direk Jun Lana at Perci M. Intalan ang palabas.
Sa mga teaser pa lang kasi ng Lola Basyang.com ay nang-iimbita nang manood ang mga eksena, gusto naming ipanood iyon sa aming mga anak at apo, kaya inilaan namin ang Sabado nang gabi para sa programa.
Modernong Lola Basyang si Boots Anson Roa, kakontemporary niya ang panahon, techie ang lolang nagkukuwento dahil tutok na tutok siya sa social media.
Sa mga unang eksena pa lang ng Lola Basyang.com tungkol sa modernong pagtatawid ng klasikong alamat ni Maryang Makiling ay nakanganga na ang aming mga apo. Bakit nga hindi? Bukod sa napaka-glossy nitong kulay ay makaagaw-pansin ang kanilang mga visual effects.
Sa pag-uusap pa lang ng malaking ahas at ni Rodjun Cruz, hanggang sa ang ahas ay biglang naging si Jasmine Curtis na, ay hawak na sa leeg ng palabas ang mga bata.
Nang sunugin si Tomas (ginampanan ni Carlos Agassi) dahil sa pagnanakaw nito ng libro ay kitang-kita namin ang pagpapalakpakan ng mga bata, buhay na rin sa kanilang kamalayan ang paghihiganti, dapat talagang pinarurusahan ang mga gumagawa ng mali at iniaangat ang mga nagpapalaganap ng tama.
Bitin ang palabas. Gusto pa ng mga bata ay tapos na ang klasikong kuwento ni Maryang Makiling na may modernong atake. Pero maganda ang aming narinig, may mga susunod pang kuwento si Lola Basyang, tututok daw sila uli.
Isang mahigpit na yakap ng pagbati kina Direk Jun Lana, Sir PMI, sa anak-anakan naming si Omar Sortijas na matagal naming naging EP sa mga programa ng TV5, at sa bumubuo ng The IdeaFirst Company sa pamumuno nina Direk Jun at Sir Perci. Mabuhay kayo!
Julia Buencamino – Hindi mapigilang mapag-usapan sa social media
Sa kabila ng mga pakiusap nina Noni at Sharmaine Buencamino na maging pribado ang pagkawala ng nagpatiwakal nilang bunso na si Julia ay napakarami pa ring naglabasang detalye tungkol doon sa social media.
Hindi kayang pigilan iyon ng mag-asawa, may sarili nang komunidad ngayon ang social media, sa ayaw at sa gusto ng mga taong sangkot gaano man sila kapribado ay lulutang at lulutang pa rin ang maraming kuwento.
Lumabas ang mga kakatwang imahe sa mga huling paintings ni Julia, nakakatakot ang itsura ng kaniyang mga iginuhit, mayroon pang isang nagpatiwakal na may imahe ng parang demonyo sa kaniyang likuran.
Mayroon ding imahe ng isang babaeng naglalakad na ang nakalagay na caption, humigit-kumulang, ay dead girl walking.
May isang barkadahan pala sina Julia na puro mga batang pintor sila. Minsan ay mamamasyal sila sa mall, kapag nakakita sila ng isang lugar na puwede nilang gamitin, mauupo silang lahat doon at magpe-painting sila.
Isang pari ang nakausap namin tungkol kay Julia. Tinanong namin ang alagad ng Diyos kung totoo ba ang kapaniwalaan na hindi tinatanggap sa langit ang mga nagpapakamatay?
Wala raw katotohanan iyon. Kasabihan at kapaniwalaan lang daw ng matatanda ang ganoon. Lahat tayo, ayon sa nakakuwentuhan naming pari, ay dalawang kamay na pagbubuksan ng langit sa kahit anong dahilan pa ng pagkawala ng ating lupang katawan.