Hunyo 1 – 15, 2016
![]() |
|
Nora Aunor |
|
![]() |
|
Gretchen Barretto |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Zsa Zsa Padilla![]() |
|
Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
Mariel Rodriguez |
Nora Aunor – Wala ang pamilya nang nagdiwang ng kaarawan
Wala ang mga anak ni Nora Aunor nang bigyan siya ng sorpresang birthday party ng kaniyang mga tagahanga. Wala rin sa selebrasyon ang kaniyang mga kamag-anak.
Hindi inaasahan ng marami ang pagdalo sa party nina Ian de Leon, Lotlot, Matet, Kiko at Kenneth. Kahit ang presensiya ng mag-iinang Lala Aunor, Marion at Ashley ay hindi rin dapat asahan.
Malalim ang problema ng mag-iina. Noong huli naming makakuwentuhan si Ian ay pilit nitong iniiwasan ang paksa kapag ang Superstar na ang itinatanong sa kaniya, marespeto pa rin sa kaniyang ina ang aktor.
Si Lotlot naman ay pahapyaw nang naglabas ng kaniyang emosyon sa social media pagkatapos sumbatan ni Nora ang kaniyang mga anak; hindi man lang daw dalawin ng magkakapatid ang kanilang Tito Buboy (Eddie Villamayor, bunsong kapatid ng Superstar na matagal nang nasa ospital), malaki raw ang nagawa nito sa kanilang lahat.
Nang magbalik sa bansa si Nora ay napakalaki ng itinulong sa kaniya ni Maribel Aunor. Lahat-lahat ng suporta ay ginawa sa kaniya ni Lala, pero sa bandang huli ay ito pa ang naging masama.
Pumanaw si Mamay Belen, ang ina ni Lala na nagpasimula sa singing career ng Superstar, pero hindi man lang sumilip sa lamay si Nora. May malaking puwang sa pagitan ng aktres at ng kaniyang mga anak at maging ng kaniyang mga kamag-anak.
At kapag ganoon ang sitwasyon, ang mahahalagang araw ay pansamantalang nakakalimutan; hindi dapat naghahanap ang may pagkukulang.
Komunikasyon ang kulang na kulang kay Nora at sa kaniyang mga anak. Nand’yan lang ang mga anak niya, handang makipagkita sa kaniya, pero may magsasalubong ba sa gitna kung sumusulong ang iba at umuurong naman ang gusto nilang makita?
Gretchen Barretto – Lalong napakaganda ngayon ng aktres
Isang hapon ay nakita ng aming mga kaibigan si Gretchen Barretto. Mukhang nag-gym daw ang aktres dahil wala siyang ka-make-up-make-up. Naka-jogging pants lang daw ang aktres at simpleng t-shirt.
Sabi ng isa naming kaibigan, “Pero ang ganda-ganda niya! Pakitanong naman kung ano ang brand ng ginagamit niyang facial cream dahil ang kinis-kinis ng face niya!
Dalawang kasambahay raw na naka-uniform ang kasama ni Gretchen, mukhang may dinaanan lang siya sa isang branded shop; pagkatapos ay umalis na rin agad kasama ang kaniyang mga bodyguards.
Tinanong namin ang grupo kung totoo ang kuwentong kumakalat na halatang-halata ang pagpaparetoke ni Gretchen. Sobrang payat na rin daw niya, parang anorexic na ang kaniyang itsura, sabay-sabay na kumontra ang aming mga kaibigan.
“Kung ganoon naman ang magiging itsura ng magpaparetoke, e, gugustuhin ko nang magparetoke araw-araw! Ang ganda-ganda niya, partida pa iyon, dahil wala siyang make-up!
“Marami na akong nakikitang artistang fully-made-up pa nga, pero si Gretchen, nagmumura ang ganda niya without koloretye sa mukha!” excited na kuwento ng aming kaibigan.
Noong minsan ay nakasabay naman sa biyahe ng isang kaibigan namin si Gretchen. Natural, maraming nagpaparetrato sa kaniya, hindi nga naman sa lahat ng panahon ay makakasabay nila sa eroplano ang aktres.
Papuri ng aming friend, “Mukha lang siyang maldita, pero mabait siya. Very generous siya sa pagpapa-picture sa mga pasahero. Siya pa nga ang lumalapit nang husto at umaakbay sa katabi niya.”
Sabi nga, don’t judge a book by its cover, especially if you’re not a judge.
Korina Sanchez – Nabulilyaso na naman ang pagiging First Lady
Isang buong gabi iyon na ang naging paksa sa isang umpukan ay si Korina Sanchez. Si Ate Koring, ang misis ni Secretary Mar Roxas, ang puntong tinilad-tilad tungkol sa magaling na news anchor ay ang pagiging mailap sa kaniya ng titulong First Lady.
Totoo naman iyon. Bago ganapin ang eleksiyon noong 2010 ay nagpakasal sila ni Secretary Mar. Plantsado na noon ang pagtakbo sa panguluhan ni Kuyang Mar pero buwan ng Agosto 2009 ay sumakabilang-buhay si Tita Cory.
Si P-Noy ang minanok sa panguluhan ng partido Liberal. Si Secretary Mar Roxas ang tumakbong vice-president, tinalo ito ni VP Jejomar Binay.
Naunsiyami agad ang pagiging First Lady ni Korina. Pero nitong nakaraang eleksiyon ay nagkaroon ng katuparan ang pagtakbo sa panguluhan ni Secretary Mar; maraming nagsabing sa wakas, magiging First Lady na rin si Ate Koring.
Walang nag-akala na mayroon palang biglang susulpot na kandidatong matapang, ang labanan nila ni Senadora Grace Poe ay nasahugan pa ng iba; olat ang mister ni Ate Koring.
Sabi ng isang miron sa umpukan, “Ganoon talaga iyon, kapag hindi para sa kaniya ang opportunity, may mangyayari. May haharang. May susulpot na balakid.
“Nasa kanila na ang makinarya, lahat-lahat, hawak na ni Secretary Mar, pero nabulilyaso pa dahil kay Mayor Digong na pinagtatawanan lang nila noong una.
“Nabulilyaso na naman ang pagiging First Lady ni Korina. Hindi siguro talaga siya para sa title na iyon, dahil nand’yan na ang lahat, pero nakawala pa sa mga kamay niya,” sabi ng source.
Pag-aanalisa naman ng isa sa umpukan ay wala sa mga palad ni Ate Koring ang maging Unang Ginang. Matalino ang kaniyang mister, may napatunayan naman, sagana pa sa salapi.
“Pero wala pa rin. Walang nakakaalam ng eksaktong recipe ng victory. Mayroon bang nag-akala na si Mayor Digong ang mananalo, samantalang wala ngang makinarya iyong tao?
“Noong matalo si Secretary Mar, eh, nagtawagan kaming magkakaibigan. Si Korina ang topic namin. Nakawala na naman sa palad niya ang title na First Lady.
“Parang palos sa dulas ang titulo para sa kaniya, kailan kaya matutupad ang pangarap ng marami para kay Korina na maging First Lady?” kuwento naman ng isang kaibigan namin.
Pero masakit man ang pangyayari ay hindi pa rin natutuldukan ang karera ni Ate Koring. Magaling pa rin siyang news anchor, anumang oras niyang gustong bumalik sa harap ng mga camera ay bukas ang pintuan para sa kaniya ng ABS-CBN, tuloy pa rin ang buhay para sa kaniya.
Pero totoo ang destiny. Ibang klaseng gumalaw ang kapalaran. Sino nga ba ang mag-aakala na ang dalawang tao pang hindi nga maingay noong eleksiyon ang nakatakdang mamuno sa ating bayan?
John Lloyd Cruz – Madaling nga bang sawaan sa relasyon?
Ang dami-daming nang-uusisa sa amin tungkol sa kinauwian ng relasyon nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban. Sino raw ba ang may pagkukulang sa dalawa kaya nauwi sa wala ang matagal-tagal din nilang relasyon?
Bakit daw napakatahimik ni JLC at hindi man lang sinasagot ang mga hugot lines ni Angelica? May nagkomento rin na nakakatakot palang karelasyon ang aktres dahil kapag tapos na ang lahat ay may kadulasan ang kaniyang dila sa pagbubulalas ng kaniyang emosyon sa publiko.
Sabi pa ng aming kausap, “Ang ganda niyang babae, pero parang katapusan na ng mundo para sa kaniya si John Lloyd, tigas siya sa kahahabol!”
Hindi namin sila kasama nang 24 oras, wala kaming karapatang manghusga kung sino kina John Lloyd at Angelica ang may malaking kamalian, puro mga kuwento lang ng mga taong malapit sa kanila ang aming pinagbabasihan.
May kampi kay JLC, may pabor naman kay Angelica.
Kapag kampo ni John Lloyd ang nakakuwentuhan mo ay natural lang na si Angelica ang nagkulang; siya ang may mga nagawang pagkakamali nang paulit-ulit, kaya dumating na si JLC sa puntong ayaw na nitong ipagpatuloy pa ang kanilang relasyon.
Kontra naman iyon kapag mga kaibigan na ni Angelica ang nakausap mo, siyempre’y si JLC ang may malaking pagkakamali; kaya ihininto na ni Angelica ang pagiging martyr sa isang relasyon na dapat ay nagbibigayan ang mga nagmamahalan.
“It was a one way street, John Lloyd is selfish. Todo ang ibinibigay na pagmamahal sa kaniya ni Angelica, pero siya, may mga reservations.
“Magaling lang siya sa umpisa, pero kapag nagtagal na ang relasyon, kulang na kulang na siya sa pag-aalaga. He’s not getting any younger, kailangang nasa mapa na ng buhay niya ang pagseseryoso sa lovelife niya,” reaksiyon ng isang beking nakausap namin.
Isang madalas katrabaho naman ng magaling na aktor ang hiningan namin ng obserbasyon, ang sabi nito, “Hindi naman perfectionist si John Loyd, hindi siya ganoon, alam niya naman na walang perfect relationship. Pero madali siyang mawalan ng enthusiasm. Totoo iyon.
“Madaling magsawa ba ang tawag doon? Hindi naman siguro. Pero mabilis siyang manglamig sa relasyon. For whatever reason, iyon lang ang napapansin namin sa kaniya,” pagtatapat ng kaibigan ni JLC.
Pero sana nga, nawala man ang relasyon ay makaya nilang alagaan ang kahit pagkakaibigan na lang. Sayang naman kasi ang kanilang pinagsamahan kahit pa hindi natupad ang pangarap ng mga taong malapit sa kanila na mauwi na sana sa altar ang kanilang relasyon.
Angelica Panganiban – Napakadaling lapitan ng fans, walang attitude
Isa si Angelica Panganiban sa mga artistang pinakamadaling lapitan para sa pagpapapiktyur na kasama siya. Alam namin ang kuwento dahil marami kaming kaibigan sa NAIA na ganoon ang palaging sinasabi.
Noong minsang nasa Mabuhay Lounge si Angelica at abalang kumakain bago ang kaniyang boarding time ay isang janitress ang lumapit sa kaniya. Nakiusap ito para makapagpakuha ng picture sa tabi niya.
Kuwento ng aming kaibigan, “Arroz caldo ang kinakain niya noon, binitiwan niya ang kutsara. Nakipag-picture taking siya sa janitress, walang kaarte-arte. Nagpa-thank you pa nga siya.
Isa pang eksena ng papuri ng mga kaibigan naming nagtatrabaho sa airport tungkol kay Angelica, “Kapag bumibiyahe siya, eh, napakasimple ni Angel. Puting t-shirt na hindi na bago, shors na maong, nakapusod lang siya at walang make-up.
“Pero napakaganda niya! Lalo na kapag naka-black shades na siya, napakaganda ng batang iyon! Siguro, kaya ganito ang feeling namin, eh, dahil mabait siya sa mga fans.
Zsa Zsa Padilla – Minamaliit daw ng pamilya ng arkitekto
Mismong malalapit kay Zsa Zsa Padilla ang nagkukuwento na anumang panunuyo-pagsusumamo ang gawin ngayon ni Architect Condrad Onglao sa singer-actress ay mahihirapan na ito.
Sabi ng isang kausap naming nakakakilala nang husto kay Zsa Zsa, “Masyadong matiisin ang babaeng iyon, kaya niyang magtiis hanggang kaya niya. Pero kapag hindi na talaga niya ma-take ang isang bagay, iyon na!
“The mere fact na siya ang umalis, may matinding reason iyon, hindi na niya kinaya ang lahat kaya umalis na siya. Iyon ang ugali ni Zsa Zsa, martyr pero palaban,” kuwento ng aming kausap.
Umuwi na nga ang singer-actress sa bahay nila ng namayapang Hari Ng Komedya. Hindi siya tumira sa ibang lugar; umuwi pa rin siya sa kanilang bahay ni Tito Dolphy, dahil ayon sa malalapit kay Zsa Zsa ay iyon ang lugar na nagbibigay sa kaniya ng kapayapaan ng kalooban.
Isa pang isyung pinagpipistahan ngayon tungkol sa kanilang paghihiwalay bukod sa kuwentong masakit magsalita ang negosyante ay ang istoryang minamaliit ng pamilya ng arkitekto si Zsa Zsa.
Nakakalungkot ang ganoong kuwento. Maraming taong gustung-gustong makipagrelasyon sa mga artista dahil parang tropeo para sa kanila ang mga personalidad. Dagdag-angas para sa kanila ang pagkakaroon ng karelasyong artista.
Pero sa bandang huli ay ang artista pa ang nagiging kawawa. Maliit ang tingin sa kaniya ng pamilya ng lalaki, na hindi naman kinayang ipagtanggol ng kaniyang mahal.
Sharon Cuneta – Unti-unti nang nababawasan ang timbang ni Mega
Kausap namin ang mga katrabaho ngayon ni Sharon Cuneta sa ABS-CBN. Medyo nabawasan na nga raw ang kaniyang timbang ngayon, pero dahil lumaki siya nang todo ay halos hindi mo mapapansin ang kaniyang pagpayat.
Kapag lumobo nga naman nang husto ang tao, makapagbagsak man siya nang malaking porsiyento ng timbang ay hindi gaanong mabibigyan ng halaga ang nawala, dahil natatalo pa rin iyon ng bigat niya sa kasalukuyan.
Kuwento ng aming source, “Kailangan pa rin niyang magsuot ng black para hindi masyadong maging obvious ang weight niya. May nabawas, totoo iyon, pero it’s not enough to make her small.
“Lumaki kasi siya nang todo, sumobra ang laki niya, kaya makapagbawas man siya nang fifty pounds ngayon, malaki pa rin ang itsura niya,” reaksiyon ng aming kausap.
Todong diet at exercise pa rin daw ang kailangang pagsakripisyuhan ng Megastar para magmukha na siyang maliit sa screen. Madaya pa naman ang telebisyon, lumalaki nang ten pounds ang personalidad, napakalaki ng kaibahan sa personal.
“Pero maganda pa rin siya, ibang klase ang ganda ni Sharon, alam mong hindi iyon produkto ng siyensiya. Wala siyang operasyon sa face, bumawi naman siya sa katawan,” natatawa pang kuwento ng aming impormante.
Pero pumayat man ang Megastar o hindi ay siya pa rin ang singer-actress na patuloy na sinusuportahan ng ating mga kababayan. Walang makahahalili sa kaniyang trono, hanggang sa huling pagtutuos ay siya pa rin si Sharon Cuneta na malaking bituin ng telebisyon at pelikula.
Jose Manalo – Magaling at matalinong komedyante
Nag-iisa lang talaga si Jose Manalo. Aliw na aliw kami sa magaling na komedyante habang ginagaya niya ang malapit nang maupong pangulo ng ating bayan na si Mayor Rodrigo Duterte sa Sunday PinaSaya.
May mahalaga kaming dapat gawin, pero hindi namin maiwan-iwan ang pagtutok kay Jose, dahil plakadung-plakado niya ang pagkilos at pananalita ng nanalo sa panguluhan.
Naka-checkered din siyang polo na paborito ng magiging pangulo ng ating bayan, pati ang pangangalumbaba at pabigla-biglang pagsasalita ni Mayor Digong ay kuhang-kuha ni Jose Manalo, dagdag na aliw na naman ito para sa ating mga kababayan.
Iyon ang maganda kay Jose Manalo, ibubukod mo talaga siya sa karamihan dahil sa kaniyang kakaibang talento, hindi lang siya basta nagpapatawa kundi pinag-aaralan niyang mabuti ang karakter na ine-empresonate niya.
Kahit sa Eat…Bulaga! ay siya ang nagdadala ng mahalagang bahagi ng noontime show, ang Juan For All, All For Juan; maaasahan mo siya sa pagkokomedya pero madadala ka sa payasong ito kapag nagseseryoso na siya.
Magaling siyang sumundot ng emosyon. Kapag nangingilid na ang luha ng kanilang kalahok ay magaling siyang maglitanya para tuluyan na itong maiyak, damang-dama mo ang kaniyang sinseridad, papalakpakan mong mag-isa si Jose Manalo kapag pinanonood mo siya.
Dahil sa kahenyohan ng komedyanteng ito ay kumpleto na ang segment, wala ka nang hahanapin pa, dahil siya naman kasi ang karne ng sinigang at mga sahog lang ang iba.
Nag-iisa ka lang, Ging-Ging, ikaw na!
Kris Aquino – Humanda kayo! Babalik na sa morning TV!
Maiinis na naman ang mga bashers ni Kris Aquino kapag nagkataon. Kapag nakarating sa kanila ang kuwento na babalik din agad sa bansa ang aktres-TV host para plantsahin na ang mga bagong shows na gagawin niya sa ABS-CBN ay siguradong magwawala na naman ang mga nakabantay sa buhay ni Kris para siya birahin-upakin sa social media.
Masarap daw kasing gawing panghimagas si Kris sa mga umpukan, mabenta siyang produkto sa social media. Isang pagpapatunay lang na sa ayaw at sa gusto ng kaniyang mga bashers ay nasa gitna pa rin ng aksiyon ang TV host.
Ang umiikot na balita ngayon sa bakuran ng Dos ay babalik na sa dati niyang oras si Kris. Nasanay na raw kasi ang ating mga kababayan na sa umaga siya pinanonood. Siya ang hinahanap ng manonood kahit pa may bago nang show na ipinalit sa kaniyang time slot.
Ibig sabihi’y hindi makukumpleto ni Kris at ng kaniyang mga anak ang dalawang buwang bakasyon. Mabibitin sina Josh at Bimby, dahil kailangan nang makipagmiting si Kris sa network.
Isang bagong kapaligiran na ang naghihintay kay Kris ngayong malapit nang bumaba sa posisyon ang kuya niyang pangulo. Kahit idenay pa ni Kris ay malaki ang karagdagang ambag sa kaniyang career ang pagiging presidential sister niya.
Sikat siya, magaling sa kaniyang linya, pero ibang-iba pa rin ang dating ng titulong ikinakambal sa pangalan niya. Pero tanggap naman ni Kris na may simula at wakas ang pagiging pangulo, lalo na ang pagiging kapatid niya sa tagapamuno ng ating bayan. Pinaghahandaan na ni Kris Aquino ang senaryong haharapin niya sa pagbaba sa puwesto ni P-Noy. Na dapat lang naman.
Robin Padilla – Matulungin sa kapuwa kaya pinagpapala
Hindi totoo ang kuwento na tinanggihan na ni Betchay Vidanes ang pagbalik ni Robin Padilla sa kaniyang pangangalaga.
Balik na uli si Robin sa pangangalaga ng talent agency ni Betchay Vidanes. Kami ang makapagpapatotoong sila na uli, dahil sa malaking tulong na ibinigay ng action star sa comatose naming kaibigang si Richard Pinlac na si Betchay mismo ang nagdala sa ospital.
Nang malaman ni Robin ang sitwasyon ni Richard ay nag-usap agad sila ng kaniyang manager; agad-agad ay ihinatid na ni Betchay ang pinansiyal na tulong sa Capitol Medical Center, mismong ina ni Richard ang tumanggap noon mula kay Betchay.
Iyon ang isang katangian ni Robin na walang kakupas-kupas. Hindi siya nagdadalawang-isip na tumulong sa mga kasamahan niya sa industriya, napakabukas-palad niya, kaya naman lalong pinagpapala ang aktor.
Richard Pinlac – Sana’y isama ninyo sa dasal ang aming kaibigan
Isang umuulang gabi iyon na kailangan naming makapakinig ng suwabeng musika para kahit paano’y mabawasan ang magdadalawang linggo na naming kalungkutan sa kinahinatnan ng aming kaibigan-kasamang si Richard Pinlac.
Malaki ang blood clot sa kaliwang brain niya, sa pagdadaan ng mga araw ay namaga pa, pero tumanggi na ang kaniyang pamilya na pabuksan ang kaniyang ulo.
Walang garantiya ang operasyon, suntok sa buwan ang magiging resulta, pinili na lang ng ina ni Richard na idaan sa medikasyon ang gamutan.
Umaga at gabi ay nasa ICU kami ng Capitol Medical Center, naghihintay sa pagganda ng kaniyang sitwasyon; sabik na sabik na makakita ng milagro dahil napakaraming nagmamahal-nagdarasal para sa kaniyang paggaling.
Mula sa isang linggong pagkakatulog ay bahagya siyang nagmulat ng mga mata. Iyak nang iyak si Mama Yolly, sana raw ay senyal na iyon na malalampasan ng kaniyang panganay ang matinding laban na ito, pero mukhang hindi pa rin.
Noong Biyernes nang hapon ay sumailalim si Richard sa dialysis, umaalon ang kaniyang tiyan sa sobrang hirap sa paghinga, kahit pa may nakakabit nang respirator at oxygen sa kaniya.
Nakabukas nga ang kaniyang mga mata pero wala naman siyang nakikita. “Katukin n’yo na po ang mga pintuan ng bawat simbahan, lapitan n’yo na po ang lahat ng Santo,” sabi ng doktor ni Richard sa kaniyang ina.
Mabait ang showbiz, maraming kamay na humahaba para makapag-abot ng tulong na pampinansiyal sa pamilya ni Richard, bawat sentimo ay mahalaga ngayon dahil hindi biro ang gastusin sa ICU.
Si Richard Pinlac ang posteng sinasandalan ng kaniyang mga magulang. Lahat ay ginagawa ng aming kaibigan para sa kaniyang pamilya, kahit doon man lang sana ay bigyan pa siya ng isang pagkakataong mabuhay.
Maraming salamat sa lahat-lahat ng nagdarasal para sa kaniyang kaligtasan. Maraming salamat sa mga tumutulong para mairaos ang kaniyang mga gastusin, maraming salamat sa mga kapuwa manunulat na laging nand’yan lang kapag kahanay na nila ang nalalagay sa matinding peligro.
Paulit-ulit ang posisyon ng kaniyang mga doktor, “Saka na po natin pag-uusapan ang rehabilitasyon at therapy. Survival po ang pinakamahalagang tinututukan namin ngayon.”
Mariel Rodriguez – Sana’y mabiyayaan na ng supling
Maligaya kami sa muling pagdadalantao ni Mariel Rodriguez. Anak na lang ang kulang sa magandang relasyon nila ni Robin Padilla, iyon na lang talaga, kaya sana’y biyayaan sila ng supling sa pagkakataong ito.
Lahat ng ginawa niya sa nakaraan niyang pagdadalantao na hindi nakaganda sa kaniya ay maiiwasan na ngayon ni Mariel. Natuto na sigurado siya sa mga nakaraan niyang pagdadalantao.
Siguradong magmamana sa kaguwapuhan ng kaniyang ama at kagandahan ng kaniyang ina ang magiging anak nina Robin at Mariel.
Sana’y huwag muna nilang masyadong ipakilala sa social media ang binhi habang wala pa. Pabayaan muna nilang lumaki ang sanggol para sabi nga ng marami ay hindi mausog.
Pero marami ring nakaiintindi kung bakit ganoon sila sa mga nakaraang pagdadalantao ni Mariel, sobrang excited na kasi sila, kaya kahit wala pa ay ibinabahagi na nila ang punla sa publiko.
Napakaraming maligaya ngayon para sa mag-asawa dahil sa wakas ay makukumpleto na ang kanilang pamilya at kaligayahan. Mahal ni Mariel ang mga anak ni Robin kay Liezel Sicangco pero iba pa rin ang anak na mula mismo sa kaniyang sinapupunan.
Isang mapayapa at masayang paglalakbay kay Mariel Rodriguez tungo sa mundo ng pagiging ina.