Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Marso 1 – 15, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMarso 1 – 15, 2016

  aldub
 
Alden Richards & Maine Mendoza
  Derrick Monasterio
 
Derrick Monasterio
   James Yap Michaela Cazzola
 
James Yap & Michaela Cazzola
  kathniel
 
Kathryn Bernardo & Daniel Padilla
  aiai.jiro
 
Jiro Manio & Ai Ai Delas Alas
  Cesar Montano
 
Cesar Montano
  claudine
 
Claudine Barretto
  vice
 
Vice Ganda
  nora
 
Nora Aunor
  jeyrick
 
Jeyrick Sigmaton
  wenn
 
Wenn Deramas

AlDub Nation – Balanse ang suporta kay Alden at Maine

Kung susukatin ang kapasidad ng mga solidong tagahanga nina Alden Richards at Maine Mendoza ay mas malakas ang puwersa ng mga tagasuporta ni Yaya Dub.

Aktibo sa pagtatanggol sa kanilang idolo ang grupo ni Maine. Nakukuha ng mga ito pati ang contact number ng mga manunulat. Mas nagkakaroon tuloy ng bentahe si Yaya Dub kung espasyo ang pag-uusapan.

Kung walang kibo si Alden ay parang ganoon din ang kaniyang mga tagasuporta. Kung deadma si Alden sa pagpasok sa eksena ni Derrick Monasterio ay deadma lang din ang kaniyang mga fans, mas nagkakaroon ng milyahe ng depensa ang mga maka-Maine Mendoza.

Ang bumabalanse lang ay ang mga miyembro ng AlDub Nation, walang kinakampihan ang grupo, para sa kanila ay tuluy-tuloy lang ang kilig na pinalulutang ng kanilang mga idolo.

Komento ng isang nakausap namin, “Mas dapat talagang maging active ang mga solid fans ni Maine dahil ang idol naman nila ang palaging sumasabit sa mga issue. May kuwento ng pagmamaldita niya sa pictorial, may isyung inisnab niya pati ang owner ng bahay na pinagpahingahan nila sa kalyeserye.

“Talagang kailangang maging aktibo ang mga fans niya sa pagdepensa. Wala naman kasing nagiging problema kay Alden, walang mga kuwentong dapat depensahan involving him.

“Puro ang paglaki lang naman ng eyebags niya ang napapansin ng marami, ang kawalan niya ng tulog at pahinga, self-explanatory na iyon dahil totoo namang super-busy siya ngayon,” makahulugang sabi ng aming kausap.

Pero dapat talaga ay walang mangyaring pagpapaksiyun-paksiyon sa mga tagahanga nina Alden at Maine. Mas malakas ang kanilang puwersa kapag nagkakasundo sila. Mas magtatagal ang AlDub sa magkakasama nilang suporta.

Maine Mendoza – Tuloy pa rin ang tsismis na lasenggera raw

Bakit kaya ayaw mamatay ng kuwentong lasengga si Maine Mendoza? Sa pagkakatanda namin ay isang dating kaklase niya ang nag-post ng istorya. Dinampot-pinagpistahan naman iyon ng mga hindi masaya sa kaniyang kasikatan. Hanggang ngayon ay ikinakabit pa rin sa dalaga ang pagiging tomadora.

Hndi raw siya magandang ehemplo sa mga kabataan, sabi pa, idolo pa naman daw siya ng mga bagets pero nagpapabaya si Maine. Pero ang tanong, kailan ba nagpakita sa publiko si Maine na naglalasing, mayroon na ba?

Talung-talo si Yaya Dub sa mga ganoong kuwento. Sinu-sino kaya ang muling nagpapalutang ng pagiging lasenggera ng ka-loveteam ni Alden Richards?

May mga tao kayang nagpapaalpas ng kanilang galit dahil sa pagpasok sa eksena ni Derrick Monasterio? Wala na bang karapatang makipagkaibigan sa iba si Maine? Talaga bang kailangang naka-focus lang siya kay Alden?

Iyon ang presyong kailangang pagbayaran ni Maine Mendoza sa pagiging sikat niya ngayon. Nahaharangan ang kaniyang kalayaan bilang tao.

Derrick Monasterio – “Anaconda” ang tawag ng AlDub fans

Maraming AlDub fans ang naiinis sa biglang pag-entra sa eksena ni Derrick Monasterio. Nakikiangkas daw kasi ang aktor sa kasikatan ng loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza.

May tumatawag din ng Anaconda kay Derrick dahil naturingan pa naman daw itong kaibigan ni Alden, pero hindi nito binigyan ng respeto at pagpapahalaga ang Pambansang Bae, may kaibigan daw bang ganoon?

Kinainisan ng tropa ang kuwentong dalawang beses nang lumalabas sina Maine at Derrick, samantalang sila nga ni Alden ay puro sa kalyeserye lang nagde-date, sana raw ay nag-iingat din si Maine sa kaniyang mga ginagawa.

Natural na sa mga fans ng isang loveteam ang pagiging maramot at seloso, ayaw nilang nauugnay ang sinuman sa magka-loveteam sa iba, siguradong kontrabida ang labas ng kahit sinong eeksena.

Pero sa isang banda ay marami namang kasama sina Maine at Derrick nang lumabas sila. Hindi date na matatawag iyon kundi bonding lang ng magkakaibigan.

Wala pa namang relasyon sina Alden at Maine sa totoong buhay, working team lang sila, kaya malaya silang makipagkita kahit kanino. Iyon nga lang, makakaapekto ang ganoon sa kanilang loveteam dahil magiging malinaw na iba naman pala ang gusto nila kesa sa ipinakikita nila sa publiko, ganoon ang magiging ideya ng kanilang mga tagasuporta.

Pero hindi iyon sapat na dahilan para pagbintangang playgirl si Yaya Dub, huwag naman, hindi ba puwedeng palakaibigan lang siya?

James Yap – Magiging tatay muli ang tatay ni Bimby

Maligaya kami para kay James Yap. Magiging tatay na uli ang tatay ni Bimby.

Maayos ang pagdadalantao ni Michaela Cazzola. Regular ang pagdalaw niya sa isang OB-Gyne na doktora rin ng isa naming kaibigan. Nakakatuwang malaman na pumipila si Michaela kapag dumarating sa clinic at hindi nakikipag-unahan sa mga kapwa niya nagdadalantao rin.

“Wala siyang kaarte-arte, nakikipagkuwentuhan siya sa mga mothers sa clinic. First baby niya ito, kaya nagtatanung-tanong siya sa mga nanganak na nang ilang beses kung anu-ano ang dapat niyang gawin sa pregnancy niya.

“Mas gusto niyang dito manganak, saka ihinahatid siya ni James sa kaniyang check-up. Ang ganda-ganda pala ni Michaela,” kuwento pa ng aming kaibigan.

Kris Aquino – Tahimik lang sa pagdadalantao ni Michaela

Kay Kris Aquino dapat ikinakabit ang salitang tamang panahon. Magaling kasing tumayming ang aktres-TV host. Alam niya kung kailan siya hihirit, kung ano ang kaniyang ihihirit, at kung sino ang kaniyang ihihirit.

Doon magaling si Kris. Alam niya kung kailan siya magsasalita, kung anu-ano ang sasabihin niya, hindi siya magbibitiw ng mga rebelasyon kapag may personalidad pang pinagpipistahan.

Pahuhupain muna niya iyon, ike-clear niya muna ang kapaligiran, kapag solong-solo na niya ang pagkakataon ay saka siya hihirit nang bonggang-bongga!

Maraming nakakapansin na tahimik lang daw si Kris tungkol sa pagdadalantao ngayon ni Michaela Cazzola, karelasyon ng basketbolistang si James Yap, ang kaniyang ex at ama ni Bimby.

Mas maraming naniniwala na humahanap lang ng magandang timing si Kris, hindi niya kayang manahimik tungkol doon, positibo o hindi kagandahan ay siguradong magbibitiw siya ng komento isang araw tungkol sa pagdadalantao ng Italyanang girlfriend ni James Yap.

Naghahanap lang ng dahilan ang TV host, hindi pa man ay si Bimby na ang hinuhulaan ng marami na isasangkalan ni Kris sa kaniyang magiging tirada, peksman, Superman, Batman.

Si Kris pa? Mananahimik ang mga naggigiyerang bansa sa Middle East, pero hindi ang kaniyang bibig, lalo na’t masayang-masaya ngayon si James Yap dahil sa nalalapit na nitong pagkakaroon uli ng anak. Pustahan?

KathNiel – Takot ba sa kasikatan ngayon ng JaDine?

Nag-viral sa internet ang sinasabing paghalik ni Kathryn Bernardo kay Daniel Padilla pagkatapos ng isang basketball game. Komento ng iba, kailangan na raw gumawa ng gimik nina Daniel at Kathryn, dahil mas sikat na sa kanila ngayon ang tambalan nina James Reid at Nadine Lustre.

Matindi na raw ang insekuridad ng KathNiel sa tambalang JaDine dahil trumiple ang ingay ng mga ito nang umamin na tungkol sa kanilang relasyon.

Pero hindi namin binili ang ganoong komento, mas naniniwala kaming halik lang ng pagbati ang ibinigay ni Kathryn kay Daniel. Hindi na nila kailangan pang gumimik para lang makipaghabulan sa kasikatan ng JaDine loveteam.

Pagkatapos ng seryeng Pangako Sa ‘Yo ay nagbuo ng anim na teams si Daniel, ayaw kasi niyang magkahiwa-hiwalay agad sila ng mga artista at crew ng serye. Malaki ang impluwensiya kay Daniel ng kaniyang pagiging Padilla.

Sa dalawang subdivision lang sila naglalaro. Si Daniel ang gumawa ng paraan para magkaroon ng uniform ang anim na teams. Ganoon katinding magpahalaga ang batang aktor sa pinagsamahan at pagkakaibigan.

Natural lang na manonood din ng laro si Kathryn. Bukod sa suportang ibinibigay nito kay Daniel bilang kaniyang ka-loveteam ay gusto ring makasama ng young actress ang mga taong nakasama nila nang ilang buwan sa kabuuan ng serye. Doon nakita na nag-kiss si Kathryn kay Daniel pagkatapos ng isang game.

Nag-kiss lang, insecure na agad, humalik lang bilang pagbati, eh, malandi na agad-agad si Kathryn? Hindi ba puwedeng sinusuportahan lang ng dalaga ang koponan ng kaniyang ka-loveteam?

Ai-Ai delas Alas – Tuloy pa rin ang suporta kay Jiro Manio

Hanggang ngayon pala, kahit nabigo si Ai-Ai delas Alas sa pangarap niyang magbago na si Jiro Manio, ay ang Comedy Concert Queen pa rin ang sumasagot sa panibagong pagpapa-rehab ng aktor.

Kung iba-iba lang ang komedyana, siguradong bibitiw na siya sa pagsuporta kay Jiro, dahil walang positibong pagbabagong ipinakikita ang aktor at mukhang lumala pa nga.

Kuwento ng aming source, “Kapag hindi nasusunod ang gusto niya, nagiging demonyo si Jiro. Nagwawala, nagmamarakulyo, wala nang sinisino. Nagiging bastos na siya, mura siya nang mura, kailangan na talaga siyang ibalik sa rehab,” sabi ng aming kausap.

Pero pinanindigan ng Comedy Concert Queen ang kaniyang pangako na anuman ang mangyari ay susuportahan pa rin niya ang magaling pa naman sanang aktor. Hindi siya titigil hanggang hindi siya nagtatagumpay sa pangarap na magbago si Jiro Manio, may isang salita si Ai-Ai delas Alas.

Bumitiw na ng suporta ang pamilya ng aktor. Una ay hiyang-hiya ang mga ito sa komedyana, ikalawa ay hindi naman sinusunod ni Jiro ang mga ito at inaaway pa nga.

Isang source nga ang nagkuwento sa amin na gustung-gustong mapanood ni Ai-Ai ang concert ni Madonna, pero sa halip na manood sila ng kaniyang boyfriend na si Gerald Sibayan, mas inuna niyang ginastusan ang muling pagpapa-rehab kay Jiro Manio.

“Minsan lang nangyayari ang ganyan, idol din ni Ai-Ai si Madonna, pero pinalampas na lang niya ang pagkakataon dahil mas kailangan niyang unahin ang pagpapa-rehab uli kay Jiro.

“Maganda talaga ang puso ni Ai-Ai, basta pagtulong sa nangangailangan na ang pinag-usapan, nand’yan lang siya palagi,” kuwento ng aming impormante.

Kaya naman patuloy ang pagdating sa kaniya ng grasya, kaya naman sa kabila ng paninira sa kaniya ay nananatiling nakatayo pa rin ang Comedy Concert Queen, ang magandang puso niya ang dahilan noon.

Cesar Montano – Napakahusay talagang aktor

Ang aktor, anuman ang pagdadaanan niyang delubyo, ay aktor pa rin. Parang iniiwanan lang muna niya sa isang sulok ang bitbit niyang problema at saka na lang uli niya iyon dadamputin pagkatapos ng kaniyang mga eksena.

Ganoon mismo si Cesar Montano. Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang labanan nila ni Sunshine Cruz sa husgado lalo na tungkol sa custody ng kanilang mga anak pero magaling magdala ng problema ang aktor.

Kapag napapanood siya sa Bakit Manipis Ang Ulap? – ang pinagbibidahan nilang serye ni Claudine Barretto sa TV5 – ay magtatanong ka na lang kung paano at bakit siya nakaaarte na parang walang kaproble-problema sa personal niyang buhay.

Cool na cool ang pagganap ni Buboy. Kinakain niya nang buung-buo ang kaniyang mga kaeksena, samantalang kung iisipin ay ngayon ang pinakamadilim na bahagi ng mundo ni Cesar dahil sa matinding away nila ng ina ng kaniyang mga anak.

Painit na nang painit ang kuwento ng serye. May mga hugot lines nang maririnig mula sa mga bida. Maganda ang minsang binitiwang dialogue ni Claudine na, “Paano ba magtira ng pagmamahal sa sarili? Puwede bang magmahal nang 50% lang? Ano iyon, midnight sale?”

Doon panalo ang Bakit Manipis Ang Ulap? na magkatambal na inilunsad ng TV5 at Viva Entertainment sa direksyon ni Direk Joel Lamangan.

Claudine Barretto – Hindi pa rin kinakalawang ang aktres

Kung magbabawas pa ng timbang si Claudine Barretto ay mas masisiyahan ang kaniyang mga tagahanga at ang mga kababayan nating matagal nang naghihintay sa kaniyang pagbabalik-serye.

Noong nasa Dos pa ang aktres ay hindi maitatanggi ang katotohanan na siya ang nagrereyna. Malalakas ang mga seryeng pinagbibidahan niya, panalung-panalo sa rating.

Totoo ang kuwento ng aming mga kasamahan sa TV5 na hindi kinalawang ang pag-arte ni Claudine. Kitang-kita iyon sa kaniyang mga eksena sa Bakit Manipis Ang Ulap?, natural na natural ang kaniyang pagganap.

Sumasarap na ang daloy ng kuwento ng seryeng pinagtutulungang ihandog ng TV5 at Viva Entertainment. Kaabang-abang na ang mga eksena, lalo na ang mukhang magiging problemadong sitwasyon bilang mag-asawa nina Claudine at Cesar Montano.

Kung kumportable ang pagganap nina Cesar at Claudine ay parang hindi nakasasabay sa kanila si Diether Ocampo na parang naninigas sa pag-arte. Bukod sa parang galit na galit na ang aktor sa pagdadayalog ay hindi pa nito iniaangat ang kaniyang upper lip sa pagsasalita.

Sana’y maging relax din si Diet na tulad ng kaniyang mga kapwa artista sa serye – kung si Bernard Palanca nga na matagal ding nabakante ay angat pa rin ang acting – para hindi siya sinasabihang ham actor.

Maricel Soriano – Maligaya si Marya kahit hindi na sikat

Sa mga nagtatanong kung ano na ang nangyayari kay Maricel Soriano, siya’y nasa mabuting kalagayan. Tahimik lang na ipinagdiwang ng Diamond Star ang kaniyang kaarawan noong nakaraang February 24. Kasabay ng anibersaryo ng People Power ang kaarawan ni Marya.

Noong Martes nang gabi ay nag-dinner lang si Marya at ang kaniyang mga kapatid. Miyerkules nang gabi ay nagkita-kita uli ang magkakapatid. Nagsama-sama sila sa isang masaganang hapunan, ang bunsong si Mel Martinez na isang chef (matagumpay ang Kusina Ni Bunso ng aktor) ang nangasiwa sa salu-salo.

Nandoon ang anak ni Marya na si Sebastien na mas gusto nang magpatawag ngayon sa pangalang Seb kesa sa Tien. Napakatangkad ng binata, malaki na rin ang ibinagsak ng kaniyang timbang.

Ang maganda kay Marya ay mayroon siyang mga kapatid na karamay sa lahat ng panahon. Talikuran man siya ng mundo ay nand’yan pa rin sina Beckbeck, Mike, Junior at Mel na kasama niya sa lahat ng laban, magkakapatid-magkakaibigan ang kanilang turingan.

Totoo ang sinasabi ni Mel na payback time ito. Ngayon pa lang sila nakapagpapasalamat sa kanilang Ate Marya na bata pa lang ay nagpapagod-nagpupuyat na para sa kanilang pamilya.

Lumaki si Maricel Soriano na ang kakambal ay resibo ng ilaw at tubig, pamalengke, pambayad sa matrikula ng kaniyang mga kapatid, pambili ng gamot at bill ng ospital kapag nagkakasakit ang kanilang mga kamag-anak.

Mahigit na apat na dekada niyang pinasan ang ganoong sakripisyo. Hindi sinarili ng Diamond Star ang mga biyayang napasakamay niya, kaya ngayon ay namimitas naman siya ng bunga ng kabutihan ng kaniyang puso.

Hindi na ganoon kapaboloso ang kaniyang estado at hindi na umaawas sa biyaya ang kaniyang bulsa pero masaya siya sa piling ng kaniyang mga kapatid at iilang kaibigang nasa tabi pa rin niya hanggang ngayon.

At nand’yan sina Seb at Marron, ang kaniyang mga tropeong hindi ipinagkaloob ng kahit anong award-giving body sa kaniya, dalawang anak ang ibinigay sa kaniya ng Diyos para maging tungkod niya sa pagtanda.

Manny Pacquiao – Sana’y matapos na ang kontrobersiya

Sabi na nga ba, ang problema ay hindi nakikitira sa ating bahay, nakikiraan lang. Parang kontrobersiya rin na napakainit ngayon, pero pagkatapos lang nang ilang araw ay malamig na, may bago na namang kuwentong pagpipistahan.

Ilang araw din na puro si Congressman Manny Pacquiao ang laman ng lahat ng mga pahayagan. Siya ang sentrong paksa ng mga programa sa radyo, sa lahat ng linya ng komunikasyon lalo na sa social media ay puro si Pacman ang parang hayop na kinakatay.

Binulabog niya kasi ang kuta ng langgam. Maraming nasaktan sa naging pahayag niya na mas masahol pa pala ang tao sa hayop kung tungkol sa pakikipagrelasyon ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae ang magiging basehan.

Nag-umalsa ang mga becki at tibo, talagang sumigaw nang sabay-sabay ang kaniyang mga minaliit, sadya man o aksidente lang. Para siyang karneng tinilad-tilad ng mga bashers na karamihan ay miyembro ng LGBT community.

Lumambot ang puso ng mga miyembro ng LGBT community nang manghingi siya ng dispensa. Agad-agad na ginawa iyon ni Pacman. Hindi na siya nagsayang ng panahon.

Nagpakataklesa si Pacman. Kitang-kita iyon. Pero hindi dahil sa isinusumpa niya ang mga becki at tibo, pinaninindigan lang ni Pacman ang kaniyang konbiksiyon. Inilabas lang ng Pambansang Kamao ang kaniyang tunay na saloobin at pananaw tungkol sa same sex marriage.

Sana’y matapos na ang kontrobersiya. Iwanan na natin ang isyu. Tinanggap na ni Pacman ang kaniyang kakapusan. Ano pa ba ang kailangan niyang gawin para regaluhan siya ng pang-unawa ng mga taong hindi nagkagusto sa kaniyang mga sinabi?

Sa Abril ay papagitna na uli siya sa ring, makikipagsalpukan siya kay Timothy Bradley na bitbit ang pangalan ng ating bayan. Sana’y ipabaon na natin kay Pacman ang katahimikan ng kalooban.

Vice Ganda – Sino siya para husgahan si Pacquiao?

Sinoplak ng mga tagasuporta ng Pambansang Kamao ang mga inilalabas na pahayag ni Vice Ganda. Isa si Vice sa mga pinakalantad ang saloobin tungkol sa sinabi ni Congressman Manny Pacquiao na opinyon niya sa relasyon ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae ang pag-uusapan.

Biglang nag-throwback ang ating mga kababayan. Muling hinukay sa baul ng alaala ang pamba-bash noon sa komedyante dahil sa panlalait niya sa timbang ng magaling na broadcast journalist na si Jessica Soho.

Sino raw si Vice Ganda para magkomento nang sobrang negatibo ngayon tungkol sa Pambansang Kamao? Sa lahat daw ng beki ay si Vice Ganda ang pinakawalang karapatang magbigay ng ganoong reaksiyon, dahil mas matindi pang manglait ang komedyante.

Sa mga panahong ito na sobrang epektibo ang social media ay mahirap magbigay ng komento lalo na kapag may maibabato sila pabalik sa nag-aalburotong personalidad.

Parang ganito rin kay Pacman ngayon. Hindi tinantanan ng ating mga kababayan si Vice hanggang hindi siya nanghihingi ng paumanhin sa broadcast journalist, tinanggap naman iyon ni Ms. Soho sa napaka-edukadong paraan, kaya wala raw karapatang humusga ngayon ang komedyante.

Nora Aunor – Nag-boomerang ang puna kay Pacman

Hala! Tulad ni Vice Ganda ay pinupupog din ngayon sa social media si Nora Aunor dahil sa kaniyang sinabi na mas masama ang pagsusugal at pambababae kesa sa pakikipagrelasyon ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kaparehong kasarian.

Paglabas ng pahayag ng Superstar ay kani-kaniyang opinyon na ang mga bashers. Maraming taga-showbiz din ang nagulat sa naging pahayag ng Superstar. Alam daw kaya niya ang kaniyang mga sinasabi? Bakit daw niya binutasan si Pacman sa aspeto ng sugal samantalang palagi siyang laman ng casino?

May isang nag-text sa amin, “Nagpa-interview si Nora tungkol sa pagkukumpara ni Pacman sa tao sa hayop. Nagpakawala na naman siya ng mga salitang siguradong magbu-boomerang sa kaniya.

“Ano raw ba ang pakialam ni Manny Pacquiao sa mga members ng LGBT community, mas masama raw ang sugarol at babaero! Eh, di sinabi na rin ni Nora na masama siya dahil madalas siyang mag-casino?”

Pero mas matindi ang balik-komento ng isang impormante tungkol sa pagbabanggit ni Nora sa pagiging sugarol ni Pacman kahit pa hindi niya naman direktang inakusahang sugarol ang Pambansang Kamao.

“Huwaw! Nora Aunor talking about pagsusugal? Talaga? Talaga lang, ha? At iyon pa ang napili niyang ibato laban kay Pacman, ha? Wrong choice of words!

“Look, who’s talking! Sana, iba na lang ang binanggit niyang comparison, hindi ang pagiging sugarol. Kahit ang mga taxi drivers, pinagtatawanan ang argumento at opinyon niya!

“Nagsugal man si Pacman, eh, nagbago na siya, tinalikuran na niya ang mga bisyo niya, he’s a reformed Christian now. Pero si Nora, ano ba ‘yan? Nasa kumunoy pa siya ngayon ng pagsusugal, hindi pa siya nakaaahon!” madiing pahayag ng aming source.

Iyon ang mahirap sa pagbibigay ng komento, lalo na kung puwedeng ibalik sa nagsalita ang kaniyang posisyon, siguradong siya pa ang madidiin sa sitwasyon.

Tama ang sinabi ng isang nakausap namin. Sana raw ay ipinagtatanggol na lang ng Superstar ang LGBT community, hindi na lang siya nagbanggit ng kahit anong detalye tungkol sa pagsusugal.

Parang si Pacman din. Sana’y nagbigay na lang ito ng opinyon tungkol sa same sex marriage, hindi na ito nagpakalawak pa sa pagpapaliwanag na humantong sa pagkukumpara nito sa tao sa hayup, tuloy ay delubyo ang kaniyang inabot.

“It’s a tie!” tanging nasabi ng aming kausap.

Jeyrick Sigmaton – pinasikat ng social media

Isang katutubo ang pinasikat ng social media, si Carrot Man. Mayroon pang isa, si Cabbage Man. Ilang sangkap na lang ang kailangan at puwede na silang magbuo ng grupo na ang puwede nilang ipangalan ay Chopsuey.

Pinagpistahan ang mga retrato ni Carrot Man, si Jeyrick Sigmaton, isang Igorot na nakikiani ng mga produktong gulay sa Mountain Province.

Wala lang, napagtripan lang siyang kunan ng larawan ng dalawa nating kababayan na nagsadya sa kanilang lugar, guwapo kasi si Carrot Man at namumukod ang kaniyang dating at hitsura sa iba pa niyang mga kasamahang nagtatrabaho sa kabundukan.

Mabilis ang tropa ni Jessica Soho; agad-agad ay naglaan ang kaniyang team ng panahon para hanapin si Carrot Man. Nagtagumpay naman silang makilala nang personal ang iwing manggagawa na ihinahalintulad ang kakisigan kay Alden Richards.

Malapit ang loob namin sa mga katutubo na tulad ni Carrot Man. Isang pagkakaibigang nag-ugat pa sa kolehiyo ang iniingatan namin hanggang ngayon. Naging inaanak pa namin sa binyag ang isang kalahi ni Carrot Man, si Habagat, na naninirahan sa Balatoc, Itogon.

Nagnganganga si Carrot Man, pulampula ang kaniyang bibig dahil ang paniwala nila ay pampatibay ng mga ngipin ang pinaghalu-halong dahon ng ikmo, bunga, maskada at apog. Nakakahanga ang kaniyang kasimplehan.

Ang kaniyang trabaho sa araw-araw ay ang mamitas ng mga gulay. Itinatawid nila ‘yun sa truck na naghihintay sa highway hanggang sa mapuno. Kapos pa sa pang-araw-araw niyang pangangailangan ang kinikita ni Jeyrick Sigmaton.

Sabi ni Bradly Guevarra, pagkatapos ni Marky Cielo (SLN) ay isang Igorot na naman ang napagtuunan ng pansin ng publiko. Hindi kailanman pinangarap ni Carrot Man ang mag-artista pero sa tamang panahon ay buong mundo pa ang nakakilala sa kaniya.

Mabuhay ang mga katutubo!

Direk Wenn Deramas – pumanaw na ang blockbuster director

Mabigat na malungkot ang pagbubukas ng aming umaga kahapon dahil sa kaliwa’t kanang mensahe sa text na tinanggap namin. Nagluluksa ang mga mensahe dahil sa maagang pagpanaw ng blockbuster direktor na si Wenn Deramas.

Totoong nakabibigla ang balita dahil wala man lang kaming nalamang kuwento tungkol sa kaniyang pagkakasakit. Mayroon pero hindi ‘yun nagkaroon ng ingay. Cardiac arrest ang ikinamatay ni Direk Wenn kahapon ng umaga.

Napakabilis ng buhay, tama ang mensahe sa amin ni Attorney Ferdie Topacio, “Life is indeed fleeting. We must enjoy it and do good to others while we still can.”

Kulang na isang dekada ang pinagsamahan namin ni Direk Wenn dahil naging bahagi siya ng Showbiz Lingo namin ni Tito Butch Francisco bilang continuity writer.

Busog na busog kami sa mga kuwentuhan bago at matapos ang talk show. Isang mapagmahal na anak si Direk Wenn; marami siyang pangarap para sa kaniyang ina, mga hiling na siguradong naibigay niya bago namayapa ang kaniyang ina noong 2009.

Maaalala rin si Direk Wenn Deramas bilang isang blockbuster director. Ang tambalan nila ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas ang pinakamarkado. Bilyon ang iniakyat nila sa baul ng kayamanan ng Star Cinema.

Maraming natulungang personalidad si Direk Wenn. Para siyang gobyerno; matulungan lang ang nakikiusap sa kaniya ay siya mismo ang hahanap ng role na puwedeng gampanan ng artistang lumalapit sa kaniya.

Sa mga oras na ito ay naaalala namin ang isang payak na staff member namin sa Showbiz Lingo. Bago magsimula ang programa ay dala-dala na niya ang sequence guide, ipinaliliwanag sa amin ang mangyayari sa kabuuan ng show, at tuwing commercial break ay patakbo siyang lumalapit sa amin ni Tito Butch para sabihin uli kung anu-ano ang mangyayari sa susunod na gap.

Napakabilis ng buhay. Nakalulungkot ang bawat pagpanaw ng mga taong may iniwanang marka sa ating puso. Napakabata pa ni Direk Wenn Deramas, mas marami pa sana siyang mapatutunayan sa pinili niyang linya, pero talagang hanggang dito na lang ang kaniyang pagbiyahe sa mundo.

Dalawa lang ang tiyak sa buhay na ito. Maraming nagaganap, maraming nagbabago, pero ang tanging sigurado lang ay ang tayo’y ipanganak at mamatay sa takdang panahon.

Isang kaway ng pamamaalam sa isang kaibigan-katrabaho. Isang mapayapang paglalakbay sa isang matagumpay na director. Isang mapusong pamamaalam kay Direk Wenn Deramas.

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles