Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Pebrero 16 – 29, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 16 – 29, 2016

  PH PRESIDENTIAL CANDIDATES 2016
 
Presidential candidates Mar Roxas, Grace Poe, Jejomar Binay, Rodrigo Duterte 
  Miriam Defensor Santiago
 
Miriam Santiago
   Ai Ai Delas Alas
 
Ai Ai Delas Alas
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  LUIS AND ANGEL
 
Luis Manzano & Angel Locsin
  ALDEN AND MAINE
 
Alden Richard & Maine Mendoza
  Pia Wurtzbach
 
Pia Wurtzbach
  Ciara Sotto
 
Ciara Sotto
  jinggoy erap estrada 20140624
 
Jinggoy & Joseph Estrada
  SEN BONG AND LANI
 
Lani Mercado & Bong Revilla

Eleksyon sa Pilipinas – Parang fiesta na naman ang kapaligiran!

Sinuyod namin at pinagpuyatan ang replay ng mga ginanap na proclamation rally ng apat ng pulitikong nag-aagawan sa pinakamataas na upuan ng ating bayan.

Parang piyesta ang kapaligiran. Kani-kaniyang pabongga ang lahat ng partido. Mayroon silang mga unipormadong tagasuporta na nagwawagayway ng kanilang mga banner at kung anu-ano pang mga materyales de kampanya.

Magaling magsalita si VP Jejomar Binay. Armas nito sa laban ang lahat ng mga bintang na ibinabato sa kaniya. Pakomedya naman ang atake ni Mayor Rodrigo Duterte at ni Senadora Miriam Santiago.

Puro banat naman sa kaniyang mga katunggali ang laman ng talumpati ni Secretary Mar Roxas. Wala itong binabanggit na mga pangalan, para itong pako na nakatago nga ang katawan pero nakalitaw naman ang ulo.

Ang talumpati ni Senadora Grace Poe ang ni hindi namin halos pinikitan. Kinikilabutan kami sa panonood sa kaniya. Ang bawat salitang binibitiwan ng primera senadora noong nakaraang halalan ay parang matalim na kutsilyong humihiwa sa aming puso.

Kris at Ai Ai – Kontra pa rin ngayong kampanya ang dating mag-BFF

At ngayong nagsimula na ang kampanya para sa pangnasyonal na halalan. Lantaran na ng baraha ito para sa mga sikat na personalidad. May kalayaan silang mamili ng kanilang kandidato sa panguluhan.

Kung nasa entablado ni Senadora Grace Poe sina Jose at Wally ay nakisaya naman ang Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas sa partido ni VP Jejomar Binay.

May mga performers din ang Liberal Party, ang tropa ni Mayor Duterte. May sariling diskarte rin ang tambalan nina Senador Miriam Santiago at Senador Bongbong Marcos sa Norte.

Komento ng isa naming kaibigan, “Okey lang sina Jose at Wally, natural lang na kung nasaan si Tito Sen Sotto, nandoon din sila. Pero malayo na talaga ang possibility na bumalik ang dating friendship nina Ai Ai at Kris Aquino.

“Kahit sa kulay ng pulitika, magkalaban sila. Kung A si Kris, B naman si Ai Ai. Hindi na talaga sila magkakasundo,” sabi nito.

Naging emosyonal kami sa sinserong talumpati ni Senadora Grace Poe sa Plaza Miranda, ramdam na ramdam ang bawat salitang binibitiwan ng senadorang tuloy ang pagtakbo sa panguluhan, pero pinahalakhak naman kami ni Pacman nang umakyat ito sa entablado ng UNA.

Sabi ng sumisigaw na Pambansang Kamao na tumatakbong senador, “Narito na siya, ang magiging prisidinti ng ating bayan, the next prisident of the Pelepens, Prisidinti Jijumar Binay!”

Luis Mansano at Angel Locsin – Palaisipan pa rin kung bakit naghiwalay

Malaking palaisipan para sa amin ang takbo ng kuwento na noong magkasamang nagbakasyon sa ibang bansa ang mga pamilya nina Luis Manzano at Angel Locsin ay saka lang nagdesisyon ang aktor na makipagkalas na kay Angel.

May bitbit na ispekulasyon ang kuwento. Ibig bang sabihin ay sa ibang bansa lang napatunayan ni Luis ang tunay na ugali ng kaniyang girlfriend?

Kung totoo iyon ay anu-ano naman kayang ugali ni Angel na lihim pa sa kaniya ang nadiskubre ni Luis? Pero may duda kami sa kuwento, palagi kasi kaming naniniwala na walang desisyong biglaan. Laging may malalim na pinag-uugatan ang anumang aksiyon tungkol sa pakikipaghiwalay.

Nakapagtataka rin na ang mas malaking bahagi ng paghusga ay nasa parte ni Angel. Hindi ba puwedeng balanse, dahil aminado naman silang dalawa na hindi sila santo at perpekto?

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin para sa amin ang mga kuwento tungkol sa paghihiwalay nina Luis at Angel. Lalo na ngayon na nagpo-post ang aktres ng kung anu-anong makahulugang mensahe na siyempre’y ipinapalagay ng mga nakakabasa na patungkol kay Luis.

Mas makatutulong siguro para kay Angel, kung totoo ngang umaasa pa rin ito ng pagbabalikan, ang pananahimik na lang muna. Hindi nakatutulong sa kaniya ang social media, mas lalawak pa ang pagitan sa kanila ni Luis, kung pagbabalikan ang kaniyang gusto.

Si Luis, hindi man nagsasalita, ay sigurado kaming naaalalayan ng kaniyang ina. Sinasabi siguro ni Governor Vilma Santos sa kaniyang anak na huwag sasagot sa anumang parinig-patutsada ni Angel sa social media.

Kung kilala nga namin ang Star For All Seasons ay siguradong ipinapayo nito kay Luis, “Anak, babae si Angel. Sa kahit anong argumento, hindi magandang tingnan na nakikipagsagutan ang lalaki sa babae.” At isang masunuring anak si Luis Manzano.

Alden at Maine – Milyones ang kinikita sa mga product endorsements

Hala! Halos lahat na yata ng produktong mabenta sa merkado ay ang AlDub na ang tagapag-endorso. Kundi man magkasama sina Alden Richards at Maine Mendoza ay may solohan din silang TVC. Ganoon sila kabenta ngayon sa mga ahensiya.

Kinabog na ng dalawa ang mga dating naghahari-harian at nagrereyna-reynahan sa paggawa ng mga patalastas. Sila ang pinakamabenta ngayon, sila ang binabayaran nang milyones. Napakasuwerte talaga ng AlDub.

Ayon sa isa naming source ay makukumpleto ni Alden ang ipinagagawa niyang bahay sa Nuvali sa pamamagitan ng paggawa niya ng kaliwa’t kanang commercials.

Malaking bahay ang ipinagagawa niya, konting-konting panahon na lang at Nuvali boy na ang guwapong aktor.

Si Maine naman ay nakadeposito lang sa bangko ang kinikita ngayon. Palibhasa’y maayos naman ang kanilang pamumuhay at nakatira pa rin ito sa kaniyang mga magulang ay walang pinagkakagastusan ang dalaga. Pero isang araw ay may plano si Maine na mamuhunan para sa isang food chain.

Natural lang na i-bash sila ng mga taong walang magawa sa buhay, lalo na ng mga kampong direktang kinabog nina Alden at Maine ang career, maaasahan na ang ganoong kalakaran.

Basta wala silang sinasaktan at sinasagasaan ay wala silang dapat ipag-alala, publiko ang nagregalo sa kanila ng popularidad, hindi nila iyon inagaw kaninuman. Pana-panahon lang ‘yan.

Alden Richards – Maangas ang bagong manager ng Pambansang Bae

Si Dudu Unay na may malaking tulong na nagawa sa career ni Alden Richards ay discoverer din ng magandang young actress na si Liza Soberano. Maayos pa rin ang samahan nila ni Liza, maligaya si Dudu Unay sa magandang kapalaran ng batang aktres, kakaiba sa nangyari sa kanila ni Alden Richards.

Kalat na kalat sa showbiz ang senaryo. Si Dudu ang nakakuha ng proyektong Alakdana para kay Alden, ito ang kumukuha ng script ng sikat na aktor ngayon sa produksiyon ng serye, ito rin ang kasama-sama ni Alden sa pagmememorya ng kaniyang script.

May isang naglabas ng kuwento na hindi na nga pinasasalamatan ni Alden si Dudu Unay ay binlock pa sa FB ng aktor. Doon na nagsimulang lumutang ang istorya ng kawalan ng utang na loob ng Pambansang Bae sa taong may malaking nagawa sa kaniyang career.

Biglang umentra sa eksena ang isang Carlites de Guzman na nagpapakilalang manager ni Alden. May mga inilabas itong kuwento na puro pabor sa kaniya at naeetsa-puwera na ang tulong na nagawa ni Dudu.

Ayos lang iyon, tutal naman ay hindi ipinagpipilitan ni Dudu ang kaniyang sarili, ibang tao naman ang nagbukas ng kuwento at hindi ito.

Pero alanganin ang atake ng manager ni Alden. Kung may basbas man iyon ng aktor o wala ay sila-sila lang ang nakakalaam. Pinalabas ni Carlites na luko-luko ang mga nagkakalat ng isyung walang utang na loob si Alden at makikitid naman ang utak ng mga naniniwala sa kuwento.

Hindi namin alam kung saang puno ng sampalok nanggaling ang Carlites de Guzman na ito. Hindi namin siya kilala nang personal, pero nag-iwan ng kaangasan sa amin ang kaniyang damage control.

Maraming nanegahan sa manager ni Alden, bagitung-bagito pa lang kasi ito sa paghawak ng mga artista, pero maangas-maanghang na itong magbitiw ng mga salita.

Dapat malaman ng taong ito na ang kalyeserye ng Eat…Bulaga ang gumawa ng milagro sa karera ni Alden. Ang kanilang penomenal na tambalan ni Maine Mendoza na iniluwal ng kalyeserye ang dahilan ng kaniyang popularidad ngayon.

Ang suportang ibinibigay nang walang kundisyon ng AlDub Nation ang dahilan kung bakit inuulan kundi man binabagyo ng suwerte at biyaya ngayon si Alden Richards.

Ang manager ay nagpapalawak sa mundo ng kaniyang alagang artista at hindi nagpapaliit.

Miss Universe Pia Wurtzbach – Walang kaere-ere, napaka-down-to-earth

Nagsadya sa isang restaurant sa San Francisco, California ang aming mga kaibigan para lang makita nang personal ang kababayan nating Miss Universe na si Pia Wurtzbach.

Tuwang-tuwa pala si Pia kapag nakakakita ng mga Pinoy, hindi siya nagsasalita sa Ingles, lengguwahe talaga natin ang buong-ningning niyang ginagamit.

“Saka basta Pinoy ang lumalapit sa kaniya, eh, inuuna niya, picture-picture agad, tuwang-tuwa siya!” kuwento pa ng aming kaibigang si Sheryl na nagtatrabaho sa Bay Area.

Pinagkakaguluhan daw si Pia kahit saan siya magpunta. Hindi raw napapagod ang dalaga sa pagkaway at pagpaparetrato, kaya puring-puri siya ng lahat.

Natawa ang tropa ni Sheryl dahil bago sila umalis ay bumulong pa sa kanila si Pia, “Nagke-crave ako sa Filipino food. Gusto ko nang kumain ng tinola at pakbet!”

Para sa isang babaeng may putong na korona sa ulo bilang pinakamagandang babae sa balat ng lupa ay nagkakaisa ang mga Pilipino sa Amerika sa pagsasabing walang kaere-ere si Pia Wurtzbach.

“Ang mga security niya ang nakakainis! Malalakas mangtabig ng mga lumalapit kay Pia. Parang sila ang Miss Universe!” tawa pa nang tawang komento ng aming kaibigan.

Ciara Sotto – Mapait at galit ang ang mga posts sa social media

Mahal namin si Ciara Sotto. Alam din namin ang masaklap na problemang personal na pinagdadaanan niya ngayon. Pero siguro’y puwede ring bahaginan ng panahon ng singer-actress ang payo at opinyon ng mga kababayan nating nagmamalasakit sa kaniya.

Maraming tumatawag-nagte-text sa amin tungkol sa mga ipino-post ni Ciara sa kaniyang mga social media account. Karapatan niya iyon, kaniya ang mga nasabing account, pero hindi kaya naiisip ni Ciara na sa kapo-post niya ng mga nangyayari tungkol sa kaniyang personal na buhay ay biglang mabaligtad ang pagtanggap ng publiko sa kaniyang pinagdadaanan?

Bukod sa nagdurugo niyang puso ngayon ay nandoon ang mga patagilid niyang atake sa nakahiwalay niyang mister na si Jojo Oconer at sa sinasabi niyang kabit nito.

Hindi ipinagmamakaingay ang mga personal na pangyayari. Hanggang maitatago ay ganoon ang dapat gawin ng mga kilalang personalidad dahil parang paghahain na rin iyon ng pagkain na siguradong titikman ng publiko.

Hindi dapat nagbibigay si Ciara ng mga detalyeng para sa kanilang dalawa lang ng nakahiwalay niyang mister. Pagpipistahan lang iyon ng mga nakakabasa, gagawing palengke ang kanilang buhay, may mga magkokomento pa nang napakasakit na siguradong hindi niya ikasasaya. Dapat ay may natutunan na siya mula sa mapait na karanasan sa mga social media bashers ng kaniyang pinsang si Sharon Cuneta.

At kung totoo ngang may bagong karelasyon ang kaniyang mister na kung tawagin niya’y kabit, ang ganoong bagay ay hindi pa rin ibinubulgar sa buong bayan, dahil isang malaking kahihiyan iyon para sa kaniya bilang misis na ipinagpalit ng kaniyang asawa sa ibang babae.

Punumpuno ng sama ng loob kundi man matinding galit ang puso ni Ciara Sotto ngayon. At madaling unawain ang ganoong emosyon. Walang babaeng magkakagusto na mayroon siyang kahati sa atensiyon at pagmamahal ng kaniyang mister.

Pero sana’y maghinay-hinay si Ciara kapag nagpo-post na siya. Baka isang araw ay magulat na lang si Ciara dahil baligtad na ang istorya. Hindi na siya ang biktima, siya na ang nagmumukhang kontrabida, lalo na’t hindi niya naman pinapangalanan hanggang ngayon ang sinasabi niyang kabit ng kaniyang asawa.

Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong – Tuloy pa rin ang laban

Kahit pa maaliwalas naman ang aura nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla nang huli namin silang dalawin sa PNP Custodial Center ay ramdam na ramdam namin ang lungkot sa kapaligiran ng maliit na bakurang pansamantala nilang tinitirhan.

Lalo na’t nagsimula na ang pormal na kampanya para sa pangnasyonal na eleksiyon, siguradong ikinalulungkot nila iyon, dahil dati’y lumalahok sila sa laban.

Hindi na natin kailangang magkaroon ng diploma para hanapin ang rason kung bakit sila nakapiit ngayon. Malalaki silang isda sa mundo ng pulitika, maraming nabahag ang buntot sa kanilang kandidatura, kaya para sila patahimikin ay kailangang tanggalan sila ng karapatan na makalahok pa sa laban.

Hindi naiiba ang kapalaran ng dalawang senador sa tumatakbo sa panguluhan ngayon na si Senadora Grace Poe. Nakalalaya lang ang senadora, pero kung iisipin, ang mga ginagawang panggigipit ngayon sa kaniya ay kasimbigat din ng ginawang panggigipit kina Senador Jinggoy at Senador Bong.

Pero magkikita-kita rin sila sa finals, sabi nga, isang araw ay malalampasan din nilang lahat ang mga paghamong dala ng kanilang paninindigan.

Pero kahit nakapiit ngayon ang dalawang senador ay nakasuporta pa rin sila sa pagkandidato ng kanilang mga mahal sa buhay. Sina Pangulong-Mayor Joseph Estrada at Konsehal Janella Ejercito (tumatakbong vice-mayor ng San Juan) para kay Senador Jinggoy at sina Congresswoman Lani Mercado (sa laban bilang mayor ng Bacoor) at Vice-Governor Jolo Revilla ng Cavite. Kaya tuloy pa rin ang laban!

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles