Hunyo 16-30, 2020
![]() Janine Gutierrez |
|
![]() |
|
Janine Gutierrez Instagram photos |
|
![]() |
|
Angel Locsin |
|
![]() |
|
Enrique Gil & Liza Soberano |
|
![]() |
|
Senator Lito Lapid & Coco Martin |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
![]() |
|
Eat Bulaga |
|
![]() |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Nora Aunor |
|
![]() |
|
Food delivery worker in Manila |
|
![]() |
Pinoy online sellers – Kay liit na nga ng kita, pagbabayarin pa ng tax?
Nang magkaroon ng lockdown ay parang kabuteng nagsulputan ang mga online sellers. Lahat ng mga pangunahin nating pangangailangan ay hindi na natin kailangan pang bilhin sa labas. Sila na ang nagdedeliber.
Kailangan nilang gawin iyon dahil napakahirap ng buhay. Bawal lumabas ng bahay, wala silang pinagkakakitaan, kaya nakaisip sila ng paraan para kahit paano’y makaraos sila sa maghapon.
Karamihan sa mga online sellers ay mas piniling sumentro sa mga pagkain. Kung ano ang kailangan ng mga kababayan natin ay iyon ang kanilang ibinebenta.
Gamit ang kanilang kaisa-isang sandata sa laban, ang kanilang cellphone, ay nireretratuhan nila ang mga produkto at saka ipino-post.
At dumarating ang order sa tamang oras, maayos at masarap ang kanilang mga produkto, kundi nila iyon gagawin ay ano nga naman ang mangyayari sa buhay nila?
Alangan namang ngumanga na lang sila at maghintay ng ayuda ng gobyerno? Maganda ang negosyong pinasok nila, kahit paano’y tumutubo sila ng panggastos naman nila sa kanilang pamilya, hindi na nila inoobliga ang pamahalaan para bigyan sila ng pamatid-gutom.
Tama lang ang opinyon ni Jennylyn Mercado, iyong maliliit na online seller, pagbabayarin pa ng buwis?
Ang naitatabi nilang ilang libong piso na pinagulong lang nila para lumago ay hihingan pa ng tax? Bakit hindi habulin ng BIR ang malalaking negosyanteng hindi tapat sa pagbabayad ng kanilang buwis sa gobyerno?
Bakit ang maliliit na isda lang ang kanilang pinupuntirya, bakit ang mga kababayan lang nating marunong pumaraan ang kailangang kalampagin para magbayad ng buwis, napakahirap talagang maging mahirap sa mundong ito.
Palagi na lang walang pamimilian ang maliliit, palagi na lang walang karapatan ang mahihirap, kaya mayorya ang umaangal at nag-aaklas!
Coco Martin – Super-busy para sa pagsahimpapawid uli ng FPJ’s Ang Probinsyano
Sa hirap ng buhay ngayon ay payag na ang mga artista na bawasan ang kanilang talent fee. Mas maganda na nga naman iyon kesa sa wala silang kinikita.
Maganda lang sa tingin ang mga artista, pero hindi malayo ang kanilang sitwasyon ngayon sa mga kababayan nating manggagawa na nangangapa, dahil pinagbawalan silang magtrabaho mula noong ideklara ang lockdown.
Puwede na uli silang magtrabaho nang ipailalim na ang NCR sa GCQ, pero hindi naman ganoon kasimple ang lahat, mamumuhunan pa rin sila sa muling pagbabalik sa trabaho.
Ang talagang nahagip ng sitwasyon ngayon ang mga artista ng ABS-CBN, tapos na ang lockdown sa maraming lugar, pero wala naman silang babalikang istasyon.
Sino nga ba ang mag-aakala na maipapasarado pala ang kinikilalang higanteng network, may nag-iisip ba na dadaan pala sa ganito katinding indulto ang istasyon, dahil sa kawalan ng prangkisa para paandarin ang kanilang operasyon?
Mayroon na silang binuong bagong paraan para mapanood pa rin ang kanilang mga programa, ang Kapamilya Channel, pero hindi naman sa isang iglap lang ay sabay-sabay nang makapagtatrabaho ang kanilang mga artista.
Ang mga magsisimula na sa kanilang taping ay kailangan munang dumaan sa masusing proseso, ang mga pinaghihinalaang apektado ng virus ay hindi puwedeng magtrabaho, bukod doon ay naka-lock-in lang sila sa isang lugar sa loob nang isang buwan na walang uwian talaga hanggang hindi pa natatapos ang kanilang mga eksena.
Abalang-abala ngayon si Coco Martin para sa pagsahimpapawid uli ng kaniyang pinagbibidahang FPJ’s Ang Probinsyano, siya ang namamahala sa halos lahat ng anggulo ng taping, hindi nga naman ang pagpapasarado sa ABS-CBN ang magiging simula at wakas ng kanilang karera.
Liza Soberano – Postponed muna ang serye hanggat’t wala pang vaccine
Hindi na idinaan pa ni Liza Soberano sa kung anu-anong palusot ang dahilan kung bakit hindi na mapapanood ang serye nila ni Enrique Gil.
Mayroon kasing lumabas na kuwento na kaya raw hindi na iyon ibabalik pa ay dahil sa laki ng gastos ng produksiyon dahil sa laki rin ng casting ng serye.
Maraming tagasuporta nila ang malungkot, maganda nga naman ang kanilang serye, pero bakit sila pinabayaan ng kanilang network?
Hindi mahilig sa kung anu-anong mga palabok na salita ang magandang young actress, diretso siya kung diretsong magsalita, siya mismo ang malinaw na nagpaliwanag kung bakit.
Tinanong sila para sa pagpapatuloy ng kanilang serye, magsisimula na dapat sila bukas, June 13. Mahal na mahal ni Liza ang kaniyang trabaho, napakapropesyonal ng batang ito, pero mas mahal niya ang kaniyang sarili.
Kahit pa nakapailalim na tayo sa GCQ ay hindi naman iyon nangangahulugang ligtas na tayo sa mapamuksang COVID-19. Nandito pa rin ang salot, nakahandang sumalakay lalo na sa pagsasama-sama ng marami, iyon ang dahilan kung bakit hindi siya pumayag.
Nagpakatotoo lang si Liza, marami pang oportunidad na darating para sa kaniya, pero ang kaniyang buhay ay iisa lang. Malaki ang posibilidad ng pamemeligro hindi lang ng buhay niya kundi pati ang kanilang mga kasama ni Enrique sa location.
Wala pang nadidiskubreng bakuna para sa corona virus, pinagsusunugan pa ng kilay ng mga siyentipiko ang lunas sa salot, kapag mayroon na ay puwede na nga naman nating isugal ang buhay natin dahil may katapat nang gamot.
Parang AIDS lang iyon na noong unang ipanganak ay wala pang lunas, hindi sinuwerte sina Freddie Mercury at Rock Hudson, suwerte naman ng mga personalidad na kinapitan noong mga huling taon (Magic Johnson) dahil mayroon nang bakunang nakapagliligtas.
Kaligtasan ang dahilan ni Liza Soberano, ang pera nga naman ay kinikita pero ang buhay na nawala na ay hindi na maaaring ibalik pa.
Janine Gutierrez – Walang takot bumangga sa mga “trapo” sa gobyerno
Matapang si Janine Gutierrez. Sa hanay ng mga kabataang artista ngayon ay siya ang pinakalantad ang mga saloobin tungkol sa mga kaganapan sa ating bayan.
Kung ang iba’y pumoposisyon pa sa kung saan sila hindi maba-bash ay walang pakialam si Janine, talagang sinasabi niya ang kaniyang opinyon, bukas ang pintuan niya sa mga bashers at trolls.
Ibig sabihi’y mulat siya sa mga nangyayari, hindi hanggang pag-arte lang ang kaniyang alam, nakikilahok siya sa mga usaping pambayan.
At kapansin-pansin na ang kaniyang kinokontra ay malalaking personalidad lang. Una ay si Senador Bong Revilla kung saan siya kumakain ng pamba-bash mula umaga hanggang gabi.
Ngayon naman, kahit wala siyang binanggit na pangalan ay bigay na bigay na si Congresswoman Vilma Santos ang kaniyang tinutukoy sa may reserbasyong pagboto ng yes sa Anti-Terror Bill, may iba pa ba?
Sabi ng isang kaibigan namin, “Si Janine lang pala, ang apo ng kumare ni Congresswoman Vilma, ang katapat niya!
“Commendable si Janine, matapang, hindi siya natakot na banggain si Cong. Vilma na trapong-trapo na ang dating! Parang nawawala na ang paninindigan niya.
“Nasaan na si Sister Stella L at si Amanda Bartolome ng Dekada ‘70 na punumpuno ng paninindigan?” komento nito.
Sa restaurant lang daw kasi tanggap ang reservation, hindi sa pagdedesisyon, kung hindi isandaang porsiyento ang paniniwala ay huwag na lang bumoto.
Nora Aunor – Kahit kaunti lang ang pera, nagbibigay pa rin ng ayuda
Nakatutuwa naman ang kuwentong nakarating sa amin tungkol sa Superstar na si Nora Aunor. Alam naman natin na taghirap talaga ang mga artista ngayon dahil sa pagpapahinto sa taping at shooting.
Problemado ang mga personalidad dahil puro palabas ang pera sa kanilang bulsa ngayon, walang pumapasok, pero ibahin natin ang kagandahan ng puso ng Superstar.
Noong kasagsagan ng lockdown ay marami siyang pinadalhan ng ayuda, wala na nga siyang trabaho ay inintindi niya pa rin ang mga taong walang pagkukunan, ibinahagi niya ang kung anumang mayroon siya na talaga namang isang napakagandang ehemplo.
Maraming nagsasabing wala na raw pera ang Superstar, naghihirap na raw siya ngayon, pero pinatutunayan ng marami niyang natulungan na hindi man milyunan ang mayroon siya ngayon ay may puso pa rin siyang tumulong.
“Iyon na nga. Maraming artista d’yan na milyonaryo, hindi sila apektado ng lockdown, pero naalala man lang ba nilang magpadala ng ayuda sa mga nangangailangan?
“Wala na raw pera si Guy, sabi ng iba d’yan, pero siya pang walang pera ang nakaalala,” madiing sabi ng aming source. Oo nga naman.
Kris Aquino – Malamang na pumasok sa mundo ng pulitika
Mukhang nabuhay ang esntusiyasmo ni Kris Aquino sa mundo ng pulitika na kinagisnan-kinalakihan niya. Hindi niya naman diretsong sinabi na may plano siyang tumakbo sa darating na eleksiyon pero iyon ang kutob ng ating mga kababayan.
Gusto niyang pag-ibayuhin ang pag-aaral, mayroon na siyang diploma sa kolehiyo pero gusto pa rin niyang magpakadalubhasa sa Political Science, doon nagkaroon ng konklusyon ang marami na may plano na siyang lumahok sa mundo ng pulitika sa 2022.
At bakit naman hindi? Una ay may karapatan si Kris na tumakbo dahil matalino siya, bukod pa sa alam na alam na niya ang likaw ng bituka ng pulitika, may maitatago pa ba naman sa kaniya?
Bahagya pa lang siyang umaangat sa lupa ay umaakyat na siya sa entablado de kampanya ng kaniyang ama nang kumandidatong senador.
Naging pangulo si Tita Cory, ganoon din ang kapatid niyang si Noynoy, nasa kaniyang dugo ang serbisyo-publiko.
Lantad na kay Kris ang usaping-pulitika, nasaksihan niya iyon mula sa kaniyang mga magulang at kapatid, at kung talagang nasa mga palad niya ang pagiging matagumpay na pulitiko ay wala nang makahaharang pa sa kaniyang plano.
Napakalaki ng papel na ginagampanan ng salitang destiny sa ating buhay. Sino ba ang mag-aakala na pamumunuan pala ng isang Black-American ang pinaghaharian ng mga Puti?
Sa simula pa lang ng kampanya ay winasak-minaliit na agad ang anak ng Kenyan na si Barrack Obama pero dahil nakadestino na itong magtagumpay ay may nagawa ba ang mga pangmemenos sa pagiging Black-American ng dating pangulo ng Amerika?
At mayroon din bang nag-akala na magiging pangulo pala natin ang dating mayor ng Davao na si PRRD? Na magiging pangulo rin ng Republika ng Pilipinas ang artistang si Joseph Estrada?
Sa pagkapanganak pa lang natin ay malinaw nang nakaguhit sa ating palad kung saan tayo pupunta at kung ano ang linyang pagtatagumpayan natin.
Nagtagumpay nang TV host si Kris Aquino, hawak niya ang korona sa naturang linya, pero paano kung nandoon din pala sa kaniyang mga palad ang bituin sa mundo ng pulitika?
Noong minsan ay sinabi sa amin ni Kris, “My mom told me never akong puwedeng mag-Senate because 23 people will want to kill me.”
Kung hindi pala siya puwede sa Senado ay ano kaya ang posisyong napipintong takbuhan ni Kris Aquino kapag talagang desidido na siya?
Dalawang posisyon lang ang mapagpipilian natin, ang pagiging pangulo o bise-presidente, alin kaya sa dalawang upuang iyon ang nakaguhit sa mga palad niya na mapapasakaniya?
Iyon ang kailangan nating abangan.
Eat…Bulaga! – Balik na sa GMA-TV! It’s Showtime – balik na rin, di ba?
Pagkatapos ng 83-araw ay nagbalik na sa himpapawid ang Eat…Bulaga! noong nakaraang Lunes (June 8) nang tanghali. Nagsabog na naman sila ng isang libo’t isang tuwa sa ating mga kababayan.
Si Vic Sotto ay work from home lang, pero ang tropa nina Alden Richards, Jose Manalo, Wally Bayola at marami pang iba nilang mga kasamahan ay nagtrabaho na sa kanilang studio.
Naka-facemask ang mga hosts, sinusunod nila ang physical distancing, may nakahanda rin silang pang-spray sa palibot ng studio para sa kanilang kaligtasan.
Nanibago lang sila pero naitawid ng tropa nang maayos ang programa. Tuwang-tuwa ang mga hosts dahil mahirap nga naman ang walang trabaho, walang pumapasok sa kanilang kaban, tapos na ang kanilang pagtitiis ngayon sa paghihintay.
Ang tanong ng ating mga kababayan, kailan daw naman kaya babalik ang katapat nilang It’s Showtime? Nakakalungkot lang na kahit gustung-gusto nang magpasaya ng mga hosts ng noontime show ay wala naman silang babalikang istasyon dahil sa pagkakasarado nga ng ABS-CBN.
Pero kumpleto naman sa gadgets ang network, gamit na gamit nga nila ang Zoom, baka isang araw ay magbalik na rin sa ere ang tropa ni Vice Ganda.
Matindi talaga ang epekto sa mga artista ng Dos ang kawalan ng regular na trabaho. Ang mga magaling pumaraan ay nakakaraket sa You Tube, Twitter at iba pang account, pero ang mga walang gaanong alam ay naghihintay na lang sa muling pagbabalik ng istasyon.
May mga personalidad mula sa ABS-CBN na ayon sa aming source ay nagbebenta na ng mga nabili nilang properties. Sa panahon nga naman ngayon na walang kasiguruhan kung mabibigyan agad ng prangkisa ang kanilang network ay kailangan nilang mag-isip ng paraan para hindi sila kapusin.
Suwerte ang mga artista ng istasyon na nakapag-ipon, magtagal man ang usapin ng prangkisa ay hindi sila magugutom, pero paano ang mas nakararami na sa ABS-CBN lang talaga umaasa?
Alden Richards – Interesadong maging reservist ng Philippine Air Force
Nagpahayag na ng interes si Alden Richards na maging reservist ng Philippine Air Force. Hinihintay niya na lang ang desisyon ng GMA Artist Center kung kailan siya puwedeng magsimula sa matinding training.
Mahirap na nga namang sumagot siya, pero napakarami niya naman palang trabahong kailangang gampanan, hindi magiging tuluy-tuloy ang kaniyang training sa PAF.
Sa pagkakaalam namin ay mapapalaban nang husto ang Pambansang Bae sa masusing training, ganoon din ang pinagdaanan ng ibang mga personalidad na pumasok sa pagiging reservist, pero handa naman si Alden anumang oras na kailangan na siyang sumailalim sa matindihang preparasyon kapag naiayos na nila ng Artist Center ang kaniyang schedule.
“Para sa bayan,” sabi ni Alden Richards na kilalang-kilala sa pagiging matulungin pero hindi lang niya iyon ipinagmamakaingay.
Daddy’s Girl – Vic Sotto at Maine, tinapos nang maayos ang kanilang sitcom
Pinanood namin ang Daddy’s Girl noong isang gabi. Sa pamamagitan ng Zoom ay itinawid nina Vic Sotto at Maine Mendoza ang kanilang sitcom.
Malinaw ang kanilang eksena, nabigyan ng kani-kaniyang moment ang buong cast, kaya nga lang ay limitado ang kanilang mga galaw.
Hindi sila puwedeng humiwalay sa maliit na kuwadro ng Zoom, wala ring mga ekenang magkakasama sila bilang obserbasyon sa physical distancing, pero nairaos nila ang programa.
Positibo ang pagsasara nila sa sitcom, sabay-sabay silang nagdasal para sa kaligtasan ng lahat sa COVID-19, ang gandang panoorin ng lahat ng cast sa kani-kanilang maliit na kuwadro na nagsabi ng Amen.
Manny Pacquiao – Hindi totoong kakandidato sa pagiging pangulo sa 2022
Mabilis na binawi ni Senador Manny Pacquiao ang pinakalat na impormasyon ng promoter ng Top Rank na si Bob Arum na kakandidato siya sa pagiging pangulo sa 2022.
Malinaw ang sinabi ng kaniyang promoter, sinabi raw sa kaniya ng Pambansang Kamao ang kaniyang planong pagsabak sa panguluhan sa susunod na eleksiyon, desidido na raw ang senador.
At lumundag na agad si Pacman sa kaniyang tagumpay, ayon pa sa promoter, dahil iniimbitahan na diumano ito ng Pambansang Kamao sa kaniyang inagurasyon.
Ayon sa boksingero ay wala raw silang napag-usapan tungkol sa mundo ng pulitika ng kaniyang promoter, umikot lang daw sa boxing ang kanilang paksa, wala raw siya sinabing sasabak na siya sa panguluhan sa 2022.
Umaksiyon agad ang senador para linawin ang sinabi ng Top Rank promoter dahil hindi naging maganda ang resulta ng inilabas nitong impormasyon.
Puro negatibong reaksiyon ang tinanggap ng Pambansang Kamao, lalo na tungkol sa diumano’y imbitasyon niya sa promoter sa kaniyang inagurasyon, napakasyumero raw naman ng palabang boksingero sa papasukin niyang laban sa pagiging pangulo.
Ang unang-unang naglabas ng saloobin ay ang kaniyang mga empleyado sa MPBL, ang kaniyang sariling propesyonal na paliga sa basketball na iba-ibang probinsiya ang naglalaban-laban, may 50 empleyado niya ang mag-aapat na buwan na ngayong hindi sumusuweldo.
Ang masaklap pa, ayon sa grupo ay dumaan ang pinakamatinding hamon sa kanilang buhay, ang lockdown, pero kahit kaunting ayuda man lang ay walang ibinigay sa kanila ang senador.
Sabi pa ng aming source, “Kaya kapag napapanood nila si Pacman na namimigay ng tulong sa mga kababayan natin, e, sumasama ang loob nila. Kapag may mga camera raw, e, mabilis siyang mamahagi ng ayuda, samantalang silang mga nagtatrabaho sa MPBL, e, nagugutom ang mga pamilya!” madiing reaksiyon ng aming kausap.
Sino kaya sa kanila ng kaniyang boxing promoter ang nagsisinungaling at nagsasabi ng totoo? Kung walang kinumpirma si Senador Pacquiao kay Bob Arum ay napakatsismoso naman pala ng boxing promoter na ito?
Maselan ang isyung inilabas nito, mapaghahandaan na agad ng kaniyang mga makakatunggali sa posisyon ang kampeong boksingero, saka hindi maganda sa pandinig na ngayon pa lang ay siguradung-sigurado na ang senador sa kaniyang tagumpay sa panguluhan.
Agad-agad? Parang wala lang? Na nakaamba na palang maging First Lady si Jinkee Pacquaio?
Angel Locsin – Walang sawa ang pagtulong pero bakit may mga bashers pa?
Sa kabila ng magagandang ginagawa ni Angel Locsin ay kung anu-ano pang pangalan ang ikinakapit sa kaniya ngayon.
Mula’t mula raw naman ay pro-NPA na ang aktres, may tumatawag din sa kaniya ng terorista, ganoon pa ba naman ang matatanggap na premyo ni Angel sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtulong sa mga kababayan natin ang ipinamamalas niya?
Nakakalungkot lang ang ganoon dahil hindi naman lahat ng mga personalidad ay mulat sa pag-ayuda sa mga nangangailangan. Bibihira lang ang ganoon at isa si Angel Locsin sa mga artistang hindi nagsasayang ng panahon at pagkakataong makatulong siya.
Kung saan-saang lugar ng bansa siya nakararating para sa pamamahagi ng tulong, sarili niyang pera at halagang ipinagkakatiwala sa kaniya ng mga pangunahing produktong kailangan ng mga nabibiktima ng kalamidad, hindi naman ipinanganganak palagi ang tulad ng aktres na may magandang puso.
Nakakalungkot ding isipin na sa bansang ito, kapag pinuna mo ang kakapusan ng ating pamahalaan, ay babansagan ka nang terorista at komunista.
Kalaban na agad ang turing sa iyo samantalang ginagamit mo lang naman ang iyong karapatang magpahayag bilang isang Pilipino. Para naman sa mas nakararami ang kaniyang pamununa at hindi naman siya nang-eengganyo ng mga kababayan natin para lumaban sa gobyerno.
Kamag-anak kasi ni Angel Locsin ang pulitikong palaging pumupuna sa ating gobyerno, si Party List Congressman Neri Colmenares, iyon siguro ang dahilan ng pagtawag sa kaniya bilang tagasuporta ng NPA mula pa noon.
Kung para naman sa mayorya ang pagkilos ay walang masama, kailan pa naging krimen ang pagtulong sa mga nangangailangan, nakaposisyon man sa pamahalaan o hindi ang tumutulong sa ating mga kababayan ay isang dakilang aksiyon. – CSF