Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Hunyo 1-15, 2020

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHunyo 1-15, 2020

      GCQ SIMULATION SA LRT ABS CBN PHOOT
PNP trainees line up at the turnstile of LRT-2 Recto station minutes before a simulation exercise on May 26, 2020. Metro Manila eases GCQ June 1st. (Photo: George Calvelo, ABS-CBN News)
  SHARONS PHOTO ON ABS CBN WALL
 
“My photo among the many of all Kapamilya stars in one of the ABS-CBN corridor walls. I miss you already, my HOME.” (Photo from Sharon Cuneta’s Facebook)
  Nora Aunor
 
Nora Aunor plays “Lola Doc” for Tanghalang Pilipino’s “Pansamantanghalan.” Show premiered on her 67th birthday.
  Liza Soberano
 
Liza Soberano
  Catriona Gray
 
Catriona Gray
  heart evangelista anxiety depression4
 
Heart with her painting, “Upended 2020,” which was sold to Art for Life. The actress donated all proceeds to support Filipino frontliners. (Photos from Heart Evangelista’s IG)
  heart evangelista anxiety depression
  kris aquino
  Kris Aquino gets allergic reaction
 
Kris Aquino’s allergic reaction to wrong medication (Photos from Kris Aquino’s IG)
  Vice Ganda
 
Vice Ganda
  ABS CBN
  Coco Martin
 
Coco Martin

Pagbabago ng GCQ – Nasa yugto na tayo ng sinasabing new normal

Ngayong Lunes (June 1) na ang hudyat ng mga pagbabago sa ilalim ng GCQ. Parang nakikinita na namin na parang mga ibong ikinulong sa hawla nang dalawang buwan at kalahati na magpupulasan sa paglipad ang ating mga kababayang nasabik sa kalayaan.

Iyon ang nakakatakot. Dahil sa pagiging malaya na sa paglabas ng bahay ay mas magiging malapit na tayo sa amba ng COVID-19.

Sa paglabas ng bahay ay kailangang bitbit pa rin natin ang susi ng kaligtasan. Face mask, physical distancing at paghuhugas ng mga kamay. Kaya lang, siguradong may mga hindi susunod sa mga ipinagbabawal, liberasyon ito para sa mga pasaway.

Pero siguradong marami ring mga Pinoy ang mag-iisip ngayon na huwag na munang lumabas dahil sa malaking takot na baka mawalan ng saysay ang dalawang buwan nilang pagsasakripisyo.

Baka sa isang araw nga lang naman ay bigla silang dapuan ng sakit, hindi tayo sigurado sa kaganapan, kaya magpapalipas muna sila ng panahon at magmamatyag lang muna.

Maraming binago ang COVID-19, naninibago ang buong mundo ngayon, pero maraming salamat pa rin dahil humihinga tayo nang walang nakatangkeng tulong ng oxygen.

Nasa yugto na tayo ng sinasabing new normal. Hindi na tulad nang dati ang ating pang-araw-araw na buhay, hanggang hindi pa nadidiskubre ang gamot na panglunas sa COVID-19 ay kailangan nating sundin ang mga alituntunin ng DOH at ng ating pamahalaan, nakapaninibago ang kapaligiran.

Nasa atin ang pagdedesisyon para sa ating kaligtasan. Hawak na natin ang mga paraan para hindi natin masagap ang salot na hindi natin nakikita.

Lagi nating iisipin na iisa lang ang regalong buhay sa atin ng Diyos. Nag-iisang buhay na kapag nawala na ay hindi na maaaring palitan pa.

Kahit mga bilyonaryo ay walang kapasidad na bumili ng panibagong buhay. Hindi ipinagbibili ang buhay sa mga sikat na shop, sa palengke o saan mang merkado, kaya nasa ating mga kamay ang pagpapaigsi at pagdudugtong ng mga taon ng ating buhay.

Sharon Cuneta – Kahit bilyonaryo na, apektado rin ang bulsa

Hindi na nakapagtataka kung milyong kababayan natin ang sumisigaw ngayon at naglalabas ng mga hinaing dahil sa pinagdadaanan nilang hirap dahil sa COVID-19.

Sa isang panahong hindi natin alam kung ano ang ihahatid ng kinabukasan ay tunay namang mapapatulala ka na lang dahil hindi mo kontrolado ang mga nagaganap.

Hindi na iyon nakakapanibago dahil kahit nga ang bilyonaryo nang si Sharon Cuneta sa kaniyang pinakahuling IG post ay nagpahayag din ng kaniyang pangamba at panghihinayang.

Anim na buwan na raw siyang walang trabaho, puro palabas ang nangyayari pero wala namang pumapasok, ang mga kababayan pa kaya nating walang kinikita talaga dahil pinagbawalang magtrabaho ang hindi magrereklamo sa kanilang kalagayan?

Si Sharon Cuneta na ang nagsasalita, ha? Megastar na. Bilyonaryo na. Pero nakakaramdam pa rin ang singer-actress ng pagkurot ng corona virus sa kaniyang kabuhayan

Wala pang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa hinihinging prangkisa ng ABS-CBN, mahabang proseso pa ang pagdadaanan noon, kaya ganoon din kahaba anag hihintaying panahon ng mga artista ng istasyon.

At sa ABS-CBN nagseserbisyo si Sharon, habang sarado ang network ay sarado rin ang pintuan ng kaniyang karera para sa pagpasok ng mga biyaya, hinayang na hinayang siya sa senaryo.

Hindi rin natuloy ang world tour nila ni Regine Velasquez, marami nang producers ang kumukuha sa kanilang concert pero apektado ang buong mundo ng corona virus, kaya nag-atrasang lahat ang mga mamumuhunan para sa kanilang konsiyerto.

Kahit nga magtagal pa nang ilang taon ang lockdown ay hindi naman maghihirap ang Megastar, matatalbusan lang ang kaniyang kayamanan, pero makapamumuhay pa rin siya nang masagana at paboloso.

Hindi naman sinabi ni Sharon na naghihirap na siya, nahihirapan lang ang Megastar dahil walang pumapasok sa kaniyang kaban, magkaibang argumento iyon.

Nora Aunor – 67 years old na ang Superstar noong nakaraang May 21

Nagdiwang ng kaniyang 67-taong kaarawan noong nakaraang Mayo 21 ang Superstar. Simple lang ang selebrasyon.

Noong kasagsagan ng kasikatan ni Nora Aunor ay parang pambansang pagdiriwang ang nagaganap tuwing dumarating ang Mayo 21.

Malayo pa ay pinaghahandaan na ng kaniyang mga loyalista ang gagawing sorpresa, kaliwa’t kanan ang selebrasyon niya sa mga programa sa telebisyon, partikular na sa kaniyang programa tuwing Linggo nang gabi na Superstar.

Lahatin na natin ang mga nagreyna sa lokal na aliwan, pero walang makapapantay sa popularidad na naabot ni Nora Aunor, ang artistang nangwasak sa kalakaran na matatangkad at mestisa lang ang nagtatagumpay sa larangang pinasok niya.

Kung ilarawan siya ng mas nakararami ay pinakamaningning na bituin sa langit. Ang nag-iisang Superstar.

Pero si Nora Aunor ay barometro rin ng katotohanan na ang lahat ng bagay at pangyayari sa mundo ay temporaryo lang. Walang panghabambuhay.

Naabot niya ang pinakamataas na antas ng tagumpay bilang artista at singer, wala talagang nakaabot sa narating niya, pero hindi pa rin garantiya iyon nang panghabampanahong pupularidad.

Pagkatapos ng mga dekadang hinawakan niya ang trono ay nandito pa rin ang Superstar, patuloy pa ring aktibo sa kaniyang propesyon, may mga pagkakaiba na nga lang ang sitwasyon.

Noong kaniyang kapanahunan ay nagsasarado ang mga sinehan dahil hindi na makayanan ng teatro ang dami ng mga kababayan nating sumusuporta sa kaniya.

Malaki ang posibilidad na bumagsak ang gusali kapag pinapasok ang kaniyang mga tagahanga, masyadong maliit ang espasyo sa sobrang laki ng bilang ng mga loyalista niya, ganoon ang senaryo noong mga panahong iyon.

Pero dahil wala ngang garantiya ang anumang kaganapan sa mundo ay unti-unting nabawasan ang kislap ng bituin ni Nora Aunor.

Nagsasarado pa rin naman ang mga sinehan ngayon kapag ipinalalabas ang mga makabuluhan nyang pelikula, pero hindi na dahil sa hindi makayanan ng mga sinehan ang laksa-laksang manonood, kundi dahil sa numipis na ang higanteng bilang ng makapal niyang mga tagasubaybay.

At hindi kami papayag na tawaging laos na ang Superstar. At kung ipipilit pa rin ng iba na laos na si Nora Aunor ay may pambangga pa rin doon ang kaniyang mga tagahanga.

“At least, nalaos man si Nora Aunor, e, naabot niya ang pinakamataas na antas ng kasikatan, hindi tulad ng iba d’yan na hindi pa nga sumisikat, e, nalalaos na agad!”

Liza Soberano – Marespeto, parehas at malalim

Sa lahat ng mga personalidad ng ABS-CBN na umapela para sa muling pagbubukas ng istasyon ay katangi-tangi ang inilabas na pahayag ni Liza Soberano.

Marespeto. Parehas. Malalim. Punumpuno iyon ng pagtanaw ng utang na loob sa kaniyang home network pero nailatag iyon ng magandang aktres sa paraang wala siyang sinusumbatan at inilalaglag.

Pagkatapos naming mabasa ang apela ni Liza Soberano ay naisip namin, ibang-iba talaga ang tabas ng dila at galaw ng utak ng taong ginagamit ang kaniyang pinag-aralan at sentido komon, nasisimulan at natatapos niya ang kaniyang litanya nang wala siyang sinasaktan.

Malalim ang pagpapahalaga ni Liza sa tulong at pag-aalaga sa kaniya ng ABS-CBN (bukod siyempre sa kaniyang manager na si Ogie Diaz). Ang ipinasarang istasyon ang nagtiwala sa kaniyang kapasidad bilang artista at lahat-lahat ng anumang mayroon siya ngayon ay napakalaking partisipasyon ang ginagampanan ng network.

Ang mahalaga, ayon pa kay Liza, ay ang pagkakaisa. Ganoon ang pinakamakabuluhang atake. Utak ang pinagagana at hindi ang emosyon.

Sa isang giyera ay si Liza Soberano dapat ang tagapamuno. Siya ang magbibigay ng senyal kung susugod na ba ang kaniyang tropa o hindi pa muna.

Siya ang Heneral. Tagasunod niya lang ang iba.

Catriona Gray – Sam Milby na ang boy friend ngayon

Sa napakaligayang pag-amin ni Sam Milby tungkol sa tunay na relasyon nila ni Catriona Gray ay ang dating boyfriend naman siguro ng beauty queen ang pinakamalungkot na lalaki sa mundo.

Matagal silang naging magkarelasyon ni Catriona, siya ang kasama-sama ng dalaga sa lahat ng laban nito matalo man o manalo, pero ngayon ay tapos na ang yugto ng kanilang pagmamahalan.

May iba nang mahal ang kaniyang dating reyna, maligaya na ito sa piling ni Sam Milby, walang makapipigil kay Clint Bondad sa paglalabas ng kaniyang saloobin ngayon sa social media.

Tumatawid ang kaniyang emosyon sa publiko, lalo na nang alalahanin niya ang mga panahong silang dalawa ang magkahawak-kamay sa hirap at ginhawa, pero ngayon ay tinatanaw niya na lang nang malayuan ang kaniyang dating girlfriend.

Walang paninira kay Catriona si Clint, panghihinayang lang.

Ganoon talaga ang buhay, walang forever, sabi nga. Maligaya na ngayon ang beauty queen kay Sam Milby, kaya talagang wala nang ibang magagawa si Clint Bondad kundi ang tanawin na lang nang malayuan ang babaeng nakasama niya sa kaligayahan nang maraming taon, nakapanghihinayang na relasyon.

Heart Evangelista – Dinadalaw rin pala ng kalungkutan at depresyon

Natutukan namin ang panayam ni Jessica Soho kay Heart Evangelista sa KMJS. Titingnan nating napakapabolosa ng aktres, nasa kaniya na yata ang lahat ng materyal na bagay sa mundo, pero dinadalaw pa rin pala siya ng kalungkutan at depresyon.

Halatadong may pinagdadaanan si Heart dahil sa isang tanong lang ng TV host ay para na siyang gripong binubuksan sa pagluha.

Ganoon ang taong nakapailalim sa depresyon, sa isang kalabit lang ay umiiyak na, naghahanap na ng saklay para siya makatayo.

Sabi ng kaibigan naming psychiatrist, “Loneliness comes from within. May nararamdaman kang lungkot na hindi mo naman masabi talaga kung saan nanggagaling.

“Kapag umaatake ang depression, all the more na kailangan tayong maging matatag, kasi, kapag nagpadala tayo, alam na natin kung saan iyon papunta,” sabi ng aming kaibigang doktor.

At kadalasan pala ay malalaking tao sa lipunan ang nagiging biktima ng depresyon, mga kilalang personalidad, dahil sensitibo ang kanilang posisyon.

Hindi masamang malungkot tayo, lalong hindi krimeng maituturing ang pagtanggap na paminsan-minsan ay natatalo tayo sa laban, pero iisa lang ang buhay.

Kapag nawala na ay tapos na rin ang biyahe natin sa mundo bilang turista.

Kris Aquino – Nananahimik na nga tungkol sa ABS-CBN, binabash pa rin

Mahirap din ang kalagayan ni Kris Aquino. Kapag nananahimik siya ay gustong marinig ng bayan ang kaniyang boses. Pero kapag nagsalita naman siya ay parang nabubuhayan ng loob ang mga bashers at troll sa paghagupit at pagkontra sa kaniya.

Saan nga ba naman siya lulugar?

Tuloy ay nakakatikim siya ngayon ng mga paghusgang wala namang basehan. Dahil sa kaniyang pananahimik lang ay naging sentro siya ng paksa tungkol sa kawalan ng utang na loob kaugnay ng pagpapasarado ng ABS-CBN.

Dapat daw, kahit pa hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ng istasyon, kahit paano ay magparamdam naman siya ng saloobin bilang suporta sa network na nagtiwala sa kaniya.

Nakakaawa si Kris sa mga pinakahuling larawang inilabas niya sa social media. Magang-maga ang kaniyang mga mata dahil nagkamali raw siya ng ininom na gamot sa kaniyang allergy.

Napakasensitibo pa naman ng sistema ni Kris, makaamoy nga lang siya ng kung ano ay inaatake na siya ng allergy, hindi rin siya puwedeng magpunta sa garden dahil sa mga lumilipad na pollen na magpapahirap din sa kaniya.

Sa tagal na ng mga iniinom niyang gamot ay kailangang ingatan na ni Kris ang pagdampot ng kung ano ang kailangan niya. Wala kasi siyang kasamang yaya ngayon, siya lang ang nag-aasikaso sa kaniyang sarili, pati kina Josh at Bimby.

Kailangang maging handa siya sa mga pagkakatoang walang mamamahala sa mga pangangailangan niya. Kailangang maging independente na siya.

Kathryn Bernardo – Bina-bash dahil sa makasaysayang pagkasakang

Naging matinding mitsa ng giyera ng salitaan ang makasaysayang pagkasakang ni Kathryn Bernardo. Talagang literal siyang pinipintas-pintasan at nilalait-lait ng mga bashers sa social media.

Kung pikon ang dalagang aktres ay talagang papatulan niya nang walang patumangga ang mga namimintas sa kaniyang mga binti.

Para kasing isang malaking krimen ang pagiging sakang, para bang ang dami-dami niyang tinatapakan at sinasagasaang tao nang dahil sa pagiging sakang niya, parang ganoon ang upak ng mga bashers sa kaniya.

Pero hinarap ni Kathryn nang mahinahon ang kaniyang kapintasan. Hindi krimen ang pagkakaroon ng mga binting sakang ni Kathryn.

Hindi rin nag-iisip nang malaliman ang mga pumupuntirya sa mga sakang na binti ni Kathryn. Ang dapat nilang itanong sa kanilang mga sarili ay kung bakit sumikat ang dalaga ganoong mayroon siyang napakalinaw na kapintasan sa kaniyang katawan.

Maliwanag ang dahilan. May talento siya, magaling siyang umarte.

Ang dami-daming artistang hindi naman sakang, pero dinidinig ba ng kapalaran ang kanilang hiling?

Sakang man o hindi, nang ipanganak si Kathryn Bernardo ay nakaguhit na sa kaniyang palad na isang araw ay sisikat siya, walang makakokontra sa destinasyon ng kahit sino.

Kung si Daniel Padilla nga na boyfriend ni Kathryn ay tanggap na ang kaniyang kapintasan, sino ang mga bashers at trolls na ito para problemahin ang kung tutuusin ay hindi naman problema, inaagawan ba sila ng pagkain ni Kathryn sa hapag nila?

Inuulit namin, napakaraming nangangarap na personalidad na walang kapintasang panlabas, pero hanggang ngayon ay nakikipagsuntukan pa rin sa buwan para magtagumpay.

Pero dahil nagsikap, nangarap at nagsipag si Kathryn Bernardo, ang mga planeta ng kaniyang pangarap ay luminya nang maayos, kaya mayroon na siyang sariling upuan ngayon sa ituktok ng tatsulok.

Vice Ganda – “Bait-baitan” daw ngayon, hindi na siya nagtataray

Napansin ng aming mga kaibigan na ibang-iba na ang mga pananalita ngayon ni Vice Ganda sa kaniyang mga social media account.

Naging pino na ang kaniyang mga komento, sa terminong ginamit ng isang kausap namin ay “bait-baitan” daw ngayon ang komedyante, hindi na siya nagtataray.

Sensitibo si Vice bilang tao, alam niya na hindi ito ang mga oras na humihingi ng negatibong reaksiyon, hindi iyon napapanahon.

At kahit pa sabihing kung minsan ay lumalabis ang kaniyang dila sa pagsasalita ay alam niya ang kahinahunan ang kailangang gawin sa mga panahon ng paghamon at paghihirap ng buong mundo.

May mga nagkokomento nga na parang wala raw utang na loob si Vice Ganda dahil hindi siya palaban sa pagpapasarado sa kanilang istasyon.

Mabuti pa raw si Coco Martin at patay kung patay ang naging postura sa pagtatanggol sa kanilang network, pero si Vice ay suwabe lang, kahit sumasangga rin naman siya.

Magkakaiba ang atake sa paglaban ng iba-ibang tao. Kung nagpakabayani si Coco sa paglaban ay iba rin naman ang atake ni Vice Ganda.

ABS-CBN – Nakakapanibago pa rin ang pagkawala ng ABS-CBN sa ere

Marami kaming nakakuwentuhang mga dating katrabaho sa ABS-CBN. Kung ang matinding negatibong epekto lang ng ECQ ang iniintindi natin ay doble ang sa kanila.

Pagkatapos ng lockdown ay mayroon pang babalikan ang mga pinagbawalang magtrabaho, pero sila ay wala na, hanggang hindi nakakakuha ng bagong prangkisa ang kanilang network.

“Alangan namang sabihin ko sa mga anak ko na huwag na muna silang kumain. Saka na lang, kapag may franchise na uli ang pinagtatrabahuhan ko,” malungkot na sabi ng isa naming kaibigan.

Ang pinakamahirap sa buhay na ito ay iyong wala ka nang babalikan. Iyon ang nawawala na ngayon sa maraming nagtatrabaho sa istasyon, lalo na’t buhay na buhay pa sa kanilang isip ang sinabi noon ni PRRD na anuman ang mangyari ay hinding-hindi nito hahayaang makapagsahimpapawid pa ang network, parang punyal iyon na nakatarak sa puso at isip nila.

Sa kasalukuyang panahon ay pag-asa ang nawawala na sa mga empleyado at artista ng istasyon, matagal kasi ang kailangan nilang ipaghintay, kaya ang iniintindi nila ay kung paano ang kanilang gagawin sa pagitan ng kanilang paghihintay.

Masuwerte ang mga personalidad na nakapag-ipon habang kumikita sila nang milyones, wala silang iniintindi, kaya nga lang ay puro palabas ang pera nila at walang pumapasok.

Nakakapanibago ang pagkawala ng ABS-CBN sa himpapawid. Talagang anumang nakasanayan na ay hinahanap-hanap natin. Naliligaw pa rin paminsan-minsan ang aming mga daliri sa remote control.

Napipindot namin ang numero dos, kapag nakita na naming blangko ang screen ay saka kami magugulat, oo nga pala.

Hindi natin ikinatutuwa ang ganitong pangyayari, lalo na’t alam nating napakaraming apektado sa pagkawala ng network, buhayin natin sa ating mga puso ang pag-asa na isang umaga ay magigising na lang tayo na nandy’an na pala uli ang ABS-CBN.

Coco Martin – Endorsement contracts, maraming hindi nag-renew

Umiikot ang kuwento ngayon na dahil sa lantarang pagsasalita ni Coco Martin bilang pagdepensa sa ipinasarado nilang istasyon ay sa kaniya bumalik ang negatibong epekto ng kadulasan ng kaniyang galit na galit na dila.

Ilang buwan pa lang ang nakararaan ay parang nagkakatusak ang pag-eendorso niya ng iba-ibang produkto. Lahat na lang ay siya ang nagmomodelo.

Kasi nga ay sikat na sikat siya bilang bida ng kaniyang seryeng walang kamatayan, kasi nga ay epektibo siyang tagapag-endorso, pero dahil nga sa sobrang paglalabas niya ng saloobin sa pagpapasarado ng ABS-CBN ay sa kaniya nag-boomerang iyon.

Maraming ahensiyang hindi na raw nag-renew ng kaniyang kontrata bilang endorser, napakalaking negosyo ang nawala kay Coco, dahil hindi naman barya-barya lang ang kaniyang talent fee.

Natural, puwedeng mangyari talaga ang ganoon dahil sarado na nga ang kanilang istasyon, hindi na napapanood si Cardo Dalisay gabi-gabi sa kaniyang serye.

Iyon ang naglalagay sa kaniya sa itaas ng laban, iyon ang dahilan kaya siya kinukuhang tagapag-endorso ng mga produkto, pero ngayong wala na ang kanilang network sa himpapawid ay hihina na talaga ang puwersa ng action star.

Tama ang opinyon ng mas nakararami nating kababayan na masyadong ginasgas ng kaniyang istasyon si Coco, parang siya ang naging pambala sa kanyon, sa pag-asang magkakaroon ng mga positibong pagbabago kapag naglabas na ng saloobin ang malalaking artista ng network.

Take It, Per Minute. Me Ganoon – Babalik na sa ika-2 Martes ng June

Bago pa ipahayag ng ating pangulo na sasailalim na tayo sa GCQ ay napakarami nang nagtatanong sa amin kung kailan magbabalik sa ere ang Cristy Ferminute at ang Take It, Per Minute. Me Ganoon.

Iba kasi ang panghalina ng talk show. Sabi nga, habang naghihirap ang isang bansa ay lalong nalululong ang mamamayan sa entertainment, hinahanap natin ang nakasanayan na nating panoorin.

Nangilin kami. Hindi kasi napapanahon na mag-show kami at maghalakhakan habang dumudugo ang sugat ng buong mundo dahil sa corona virus.

Pero malapit na tayong magkita-kita, ilang tulog at gising na lang ay magkakabalitaan na tayo.

Mas mauunang umere ang Take It, Per Minute… Me Ganoon, sa ikalawang Martes ng June ay eere na kami, susundin namin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang social distancing at pagsusuot ng facemask.

Limitado lang muna ang puwedeng manood nang live sa Mga Obra Ni Nanay, ang aming prodyuser lang na si Salve Asis at ang aming mga cameraman ang nandoon, saka ang aming production designer na si Japs Gersin at ang aayudang sina Tina Roa, Richie at PJ Villarta.

Dahan-dahan lang muna ang mga galawan, pasasaan ba’t isang araw ay babalik na rin tayo sa normal, nakapaninibago lang pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan na habang wala pang bakunang madidiskubre para panglunas sa COVID-19 ay mangangapa pa tayo sa isang mundong punumpuno ng pagbabago.

–CSF


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles