Disyembre 1-15, 2019
![]() Judy Ann Santos |
|
![]() |
|
Vhong Navarro & John Lloyd Cruz
|
|
![]() |
|
Marjorie Barretto |
|
![]() |
|
Alden Richards |
|
![]() |
|
Kris Aquino |
|
![]() |
|
Carlo Aquino, Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Vice Ganda |
|
![]() |
|
Andrea Torres & Derek Ramsay |
|
![]() |
|
Maricel Soriano |
|
![]() |
|
Regine Velasquez |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
|
![]() |
|
Gerald Sibayan & Ai Ai Delas Alas |
Judy Ann Santos – Best Actress sa Cairo International Film Festival
Naalala namin si Mama Alfie Lorenzo, ang halos nagpalaki at gumabay sa pagiging artista ni Judy Ann Santos, nang malaman naming siya ang tinanghal na Best Actress sa Cairo International Film Festival.
Sa madalas kasi naming kuwentuhan ng namayapang manager ni Juday ay madalas nitong sabihin nang may pagmamalaki na ang kaniyang alaga ang tatanghaling pinakahuling Movie Queen.
Mangangarap daw ang marami, pero wala nang susunod pa sa yapak ng kaniyang alaga, pagmamalaki pa ni Mama Alfie.
At heto na nga, habang nagluluto si Judy Ann Santos ng kaniyang kinakarir na pambentang adobo ay isinigaw ng host ng Cairo International Film Festival na siya ang nagwaging Best Actress para sa pelikulang Mindanao na pinamahalaan ni Direk Brillante Mendoza.
Napakalaking karangalan nito hindi lang para kay Juday at sa buong produksiyon, 1995 pa nang huling maiuwi ng isang Pilipino ang nasabing parangal, si Nora Aunor ang bumandera noon sa pelikulang The Flor Contemplacion Story na obra naman ni Direk Joel Lamangan.
Pagkatapos nang 24 na taon ay heto, kinabog ng isang Pilipino ang lahat ng magagaling na artista na naglaban-laban sa prestihiyosong Cairo Film Festival, wagi si Judy Ann Santos.
Kalahok sa darating na MMFF ang Mindanao, pagtatalunan pa ba natin ngayon kung sino ang pararangalang Best Actress sa gabi ng lokal na pestibal, may iba pa ba?
Karla Estrada – Kulay rosas ang paligid dahil kay Jam Ignacio
Parehong may balidong punto ang mag-inang Karla Estrada at Daniel Padilla tungkol sa palaging kulay rosas na mundo ngayon ng singer-actress.
Sa mga nakasubaybay sa mga paghamon at problema sa buhay ni Karla Estrada ay isa lang ang kanilang sasabihin. May karapatang lumigaya ang ale, dahil naitaguyod niya naman nang maayos ang kaniyang mga anak, sukdang mamalimos siya at magpakapal ng mukha sa mga taong nilalapitan niya noong walang-wala siya.
Batambata pa noon sina Daniel at JC na mga anak niya sa magpinsang Rommel at Naldy Padilla, nakakaunawa na ang magkapatid, pero hindi pa ganoon kalalim ang kanilang memorya.
Tatay at nanay noon si Karla Estrada. Mapuputulan sila ng ilaw, pinapaypayan niya nang magdamag sina Daniel at JC, iyon ang pinakamatatagal na umaga sa kaniyang buhay huwag lang mainitan at lamukin ang kaniyang mga anak sa lumipas na gabi.
Lantaran nang ipinaparada ngayon ni Karla ang kaniyang bagong pag-ibig na si Jam Ignacio. Isinasama na niya ito sa malalayong biyahe ng kanilang show nina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.
Hiwalay sa asawa si Jam, may kambal na anak, sasandali pa lang silang magkakilala ni Karla ay nanligaw na ito agad sa singer-actress.
At buo ang tapang ni Jam, hindi nito niligawan si Karla sa kalye at sa bar, nagpunta ito sa bahay ng mag-iina at pormal na humarap sa pamilya ng singer-actress.
May kuwentong lumabas na hindi boto sa lalaki ang mga anak ni Karla, partikular na si Daniel, pero hindi pala iyon totoo.
Nasa isang estado naman si Daniel na nakita nito ang mga pakikipagrelasyon ng kaniyang ina. Mas marami ang lungkot kesa sa ligaya. Natural, anak lang ito na nagmamalasakit sa kaniyang nanay kaya hindi pa nito isandaang porsiyentong tanggap si Jam Ignacio.
Pero ang tanong – may nanalo na ba sa giyera ng puso? Hindi ba’t argumento lang naman ng pag-ibig at relihiyon ang walang malinaw na kinauuwiang panalong resulta?
Ibang-iba ang aura ngayon ni Karla, kulay rosas kasi ang kaniyang paligid, hindi na ang kape na iniendorso nila ni Daniel ang dahilan ng bawat paggising niya sa umaga kundi si Jam Ignacio na.
Isang araw ay magkikita rin sa gitna ng katwiran ang mag-inang Karla at Daniel. Basta nandoon ang respeto, pagmamahal at malasakit ay walang imposible sa mundo.
Lea Salonga – Inawit ang We Win As One para sa SEA Games
Napakapositibo ng mga kuwentong naririnig namin tungkol kay Lea Salonga. Mismong mga cameramen ng produksiyon na namahala sa recording-taping ng sikat na female singer ang may kani-kaniyang papuri kay Lea.
Ginawa nila ang live singing ni Lea para sa SEA Games, ang We Win As One, walang kahirap-hirap na natapos iyon dahil sa galing at husay makisama ng Pilipina singer na nagsulat ng pangalan ng ating bansa sa mapa ng mundo dahil sa kaniyang pagganap bilang bida sa Miss Saigon.
Kuwento ng isang anak-anakan naming cameraman, “Napaka-smooth po ng trabaho namin. Wala kasing kaarte-arte si Ms. Lea. Siya mismo ang nagre-request kay Maestro Ryan Cayabyab na ulitin ang part na hindi siya masyadong sure kung nakuha niya talaga ang tono.
“Perfect naman ang mga ginawa niya, pati ang pakikipaglaro niya sa mga camera, e, perfect din, pero siya pa ang nagre-request na ulitin ang pagkanta niya,” kuwento ng cameraman.
Kahit ang glam team ng sikat na singer ay wala ring masabi kay Lea Salonga, sobrang propesyonal daw kasi, ni kaunting kaangasan at kayabangan ay walang bitbit ang pinakasikat na bumida sa Miss Saigon.
Mahal na mahal ni Lea Salonga ang kaniyang propesyon, kailangang kumuha ng seminar sa kaniya ang mga kasamahan niyang singers na kapos sa propesyonalismo, kaya nalalagay ang mga ito sa kontrobersiya.
Pahabol pa ng kausap naming cameraman, “Saka mapagpahalaga po siya sa mga katrabaho niya. Noong matapos na po ang trabaho namin, e, isa-isa niya kaming nilapitan at pinasalamatan.
“Siya pa nga ang nagsasabing makipag-selfie kami sa kaniya, napaka-down to earth po talaga ni Ms. Lea, kaya naman hanggang ngayon, e, sikat na sikat pa rin siya,” papuri ng aming anak-anakan.
John Lloyd Cruz – Nahanap na sana ang kaniyang sarili
Sana nga ay tapos na ang mahabang panahon ng paghahanap ni John Lloyd Cruz sa kaniyang sarili. Sa mahabang panahon ng pag-iwas niya sa tutok ng mga camera ay natagpuan na sana ng magaling na aktor ang hinahanap niya.
Kahit pa maraming-marami nang nasasabik na mapanood uli siya ay nirespeto ng mga kababayan natin ang kaniyang pananahimik. Iyong kasabihang “It’s lonely at the top” ay inintindi ng publiko.
Noong minsan ay dinig na dinig namin ang naging komento ng isang aktor na matagal nang nangangarap na maging si JLC, “Ano pa kaya ang hinahanap ni Lloydie sa success na mayroon na siya?
“Kung ako ang bibigyan ng ganyang kapalaran, naku, hindi ko na iyon sasayangin! Napakasuwerte na nga niya, di ba, pero mayroon pa pala siyang hinahanap?” sabi ng kasamahang male persoanlity ni Lloydie.
Palaging ganoon ang mga komentong maririnig, sinasayang daw ni JLC ang napakagandang pagkakataon at oportunidad na ibinigay sa kaniya, pero hawak ba naman natin ang isip at puso ng magaling na aktor?
Sabi ng isang kaibigan naming direktor, “Marami na akong nasaksihang ganyan. Iyong parang mayroong hinahanap ang artista, kahit pa nasa kaniya na ang lahat-lahat.
“Natural lang ang ganyan. Nangyayari talaga ‘yan. Pero one day, e, masosorpresa na lang tayo. Babalik din siya. Hindi niya puwedeng kalimutan ang showbiz, ang magagandang karanasan niya, ang magandang buhay na ibinigay sa kaniya ng mundong nagmamahal sa kaniya,” positibong pahayag ni direk.
Na totoo naman. Sa isang mundong punumpuno ng pag-asa ay palaging may nakabukas na pintuan, bintana at bubong para sa isang personalidad na mayroon nang napatunayan.
Marjorie Barretto – Laging nagsisimba kahi hindi araw ng Linggo
Maraming nakakita kay Marjorie Barretto na nagsisimba kahi hindi araw ng Linggo. Regular siyang dumadaan sa simbahan, nakikita rin siya sa Adoration Chapel ng mga kababayan natin, bahay-simbahan lang daw ang ikot ng buhay ngayon ng aktres.
At sa isang interview ay sinabi ni Marjorie na pinapayuhan niya ang kaniyang mga anak na ipagdasal na lang ang mga taong walang nakikitang positibo sa kanilang pamilya.
Lalo na si Julia na nadadamay sa mga kontrobersiya, panay-panay ang pagpapayo ni Marjorie na huwag masyadong masaktan-malungkot ang kaniyang anak, dahil nad’yan naman si Lord na palaging gumagabay sa kanilang mag-anak.
Kuwento ng isang kaibigan ni Marjorie sa amin, “Napakaaga niyang gumigising, working mom talaga siya, dahil inaasikaso niya ang mga anak niya sa pagpasok sa school.
“Siya mismo ang nagluluto para sa mga anak niya, pati ang healthy food na kailangang ibaon ng mga bata, siya mismo ang nag-aasikaso.
“Anuman ang nangyayari sa kanila, e, napaka-positibo ni Marjorie. Nasasaktan siya sa mga bira sa kanilang mag-iina, pero ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang lahat,” kuwento ng kaibigan ng aktres.
Alden Richards – Parang Himala ni Ate Guy ang The Gift
Text ng isang kaibigan naming nahuhumaling sa panonood ng The Gift ni Alden Richards, “Naku, hindi kaya maging Himala na ni Nora Aunor ang maging takbo ng kuwento ng serye ni Alden?”
Sa mga huling ekena kasi ng seryeng pinagbibidahan ng Pambansang Bae ay marami nang dumadayo sa kanilang bahay para magpagamot. Mayroon na ring mga nagpapahula.
Maraming beses na kasing nagaganap ang kaniyang mga pangitain na dati’y pinagtatawanan lang. Ang pinakahuli ay ang pagkasunog ng isang ospital kung saan naka-confine ang kalaban niyang si Jared na nagpasabog mismo para ito makatakas nang hindi makulong.
Kahit saan ay pinagkukuwentuhan na ang mga eksena sa The Gift. May nawawalang kagamitan ang isang staff namin sa radyo, hindi nito makita-kita, kaya gusto raw nitong makipagkita kay Alden.
“Ang dami-dami na nating naghahanap, pero hindi pa rin natin makita ang gadget, magpapahawak na lang ako sa braso kay Sep, para makita niya kung sino ang kumuha!” hagalpakan ang lahat sa sinabi ng aming staff na lalaki na tutok na tutok din pala sa serye.
Ang mga kababaihan siyempre ay ang kaguwapuhan ni Alden ang palaging ikinukuwento, kung ganoon daw kaguwapo ang makikita nilang bulag ay aampunin na lang nila, kesehodang sila pa ang gawing tungkod.
Senyal ng tagumpay ng isang palabas ang mga ganoong komento, ibig sabihi’y maraming nanonood at interesado sa serye ni Alden, dahil pati ang napakahabang commercial gap ay kinaiinipan na rin ngayon ng ating mga kababayan.
Kris Aquino – Hindi naging irrelevant kahit walang movie
Kahit kailan, kahit pa ilang taon na siyang hindi napapanood sa telebisyon, ay hindi naging irrelevant si Kris Aquino!
Kung magbobotohan ngayon ang sambayanang Pinoy kung sinu-sino ang nasasabik na sa kaniyang pagbabalik ay siguradong landslide ang botong makukuha ni Kris.
Ang isang tulad niya na nakapagtatak na ng marka ng kaniyang kahusayan bilang TV host sa publiko ay hindi kailanman makakalimutan. Wala pa ring mauupo sa binakante niyang silya sa kaniyang pamamahinga.
Siya pa rin ang hinihintay ng silyang iyon, siya pa rin ang pinakahihintay na magbalik ng ating mga kababayan, dahil nag-iwan siya ng tatak na kaniyang-kaniya lang at hindi mapaplakado ninuman.
Ganyang wala nga siyang TV show ay siya pa rin ang pinagkukuwentuhan kahit saan kung kailan siya magbabalik. Miss na miss na si Kris ng mga tagasubaybay ng mga talk shows, ang kaniyang atake pa rin ang hinahanap-hanap ng publiko, kahit pa sabihing maarte siya at bratinella.
Hindi na niya kailangang magpasabog pa ng kung ano para lang siya mapag-usapan. Lalong hindi niya na kailangang mang-away pa ng kaniyang kapatid para lang siya maging headline ng mga pahayagan, isang kapirasong post lang niya ay pinagpipistahan na agad, ganoon ba ang irrelevant?
Ang taong ganoon, magpagulung-gulong man sa kalsada ay dinededma na, hindi na umeepek sa taumbayan. Ganoon ang personalidad na hindi na uso at walang saysay.
Maigsing panahon na lang ang hinihintay ng mga loyalista ni Kris Aquino, konting-konting tiis na lang, at kapag nangyari iyon ay siguradong mabubulabog ang buong bayan.
Patutunayan ni Kris Aquino na ang binakante niyang trono ay kaniyang-kaniya pa rin, hindi naagaw ng kahit sino, dahil ang upuan ng reyna ay nakasukat at nakalaan lang para sa kaniya.
Angelica Panganiban – Hindi pa rin maka-move-on after Carlo
Maraming nakikisimpatya kay Carlo Aquino dahil sa mga negatibong salita na ibinabato sa kaniya ni Angelica Panganiban.
Hanggang ngayon kasi, konting sundot lang kay Angelica tungkol sa nakaraan nilang relasyon ng dati niyang bestfriend na si Carlo ay mayroon na agad siyang komento, hanggang ngayon daw ay hindi pa rin nakapagmu-move-on ang magandang aktres.
Kung totoong napatawad niya na si Carlo, dapat ay hindi na rin siya nagkokomento nang negatibo, pero nilinaw ng dalagang aktres na pinatawad lang niya si Carlo para sa kaniyang sarili at hindi para sa kapakanan ng binatang aktor.
Masaya na ngayon si Carlo sa bago nitong girlfriend, si Angelica ay wala pa ring karelasyon, punumpuno pa rin ng mapapait na alaala ang kaniyang puso na nakahaharang sa dapat ay kaligayahang nararamdaman na niya ngayon.
Hindi naman kailangan ng babae ang bagong karelasyon, kahit sa kaniyang pag-iisa ay makakaramdam siya ng saya, kailangan lang niyang basyuhin ang kaniyang puso ng mga hindi kagandahang alaala na nagpapalungkot sa kaniya.
May bagong hirit pa si Angelica na kaya lang gusto ni Carlo na magkaayos na sila ay dahil gusto nitong gumawa pa uli sila ng bagong pelikula.
Para namang wala nang magiging trabaho si Carlo Aquino kung wala siya. Hindi iyon maganda sa panlasa at pandinig.
Vice Ganda – May dahilan kung bakit laging bonggang-bongga
Bonggang-bongga palagi ang mga isinusuot ni Vice Ganda sa kaniyang mga shows. Lalo na kapag espesyal ang okasyon, magagarbong gown ang isinusuot ng sikat na komedyante-TV host, iyong halos hindi na makadikit sa kaniya ang kahit sino dahil sa super-bonggang disenyo ng kaniyang suot.
May pinanggagalingan pala iyon kung bakit. Noon palang nagtatrabaho pa lang siya bilang stand-up comedian na hindi kalakihan ang kaniyang kinikita ay wala siyang pambili ng kaniyang mga kagamitan.
Minsan nga ay pinauwi pa pala siya ng may-ari mismo ng comedy bar na pinagtatrabahuhan niya, pinagbihis siya, dahil hindi presentable ang kaniyang suot.
Ganoon katindi ang pinagdaanan ni Vice Ganda, gusto niyang makisabay sa kaniyang mga kapuwa stand-up comedians, pero wala naman siyang pambili ng isusuot niya.
May mga pagkakataon pang nanghihiram siya ng damit at sapatos sa kaniyang mga kaibigan, kailangan niyang gawin iyon, para hindi naman siya mapag-iwanan ng kaniyang mga kasamahan sa entablado.
At kung saan tayo pinagdamutan ay doon tayo bumabawi kapag maganda-ganda na ang ating kinikita. Lahat ng wala tayo noon ang ating pinupunan, iyon ang tinututukan natin, tulad ngayon ni Vice Ganda na bilyonaryo nang maituturing.
Mga bonggang gown. Mga branded na sapatos. Mga may mamahaling etiketa ng t-shirts at pantalon. Lahat ng iyon ay pinagkakagastusan ni Vice dahil doon siya pinagdamutan noong hindi pa siya sikat at barya-barya pa lang ang kaniyang kinikita.
At dapat lang niyang regaluhan ang kaniyang sarili dahil sa pagpapagod at pagpupuyat niya. Siya ang hari-reyna ng kaniyang bulsa, saanman niya dalhin ang kaniyang salapi ay labas na tayo, basta maligaya siya.
Derek Ramsay – Lahat ng luho ibinibigay kay Andeng
Spoiler si Derek Ramsay. Alam iyon ng mga nakarelasyon niya. Lahat-lahat ay kayang ibigay ng hunk actor para lang mapasaya ang kaniyang girlfriend.
Una, kayang-kaya namang gastusan ng aktor ang mga luho na ibinibigay niya, hindi na niya kailangan pang magtrabaho para lang magkapera dahil milyonaryo ang pamilya ng aktor.
Passion lang ni Derek Ramsay ang pag-arte, gusto lang niyang maipakita ang mga talentong mayroon siya, isa si Derek sa pinakamadaling kausapin tungkol sa isyu ng pera o talent fee.
Personal na naming nakilala ang kaniyang mga magulang noong aktibo pa siyang artista ng TV5, hindi sila namimili ng makakarelasyon ni Derek, kung saan at kanino maligaya ang kanilang anak ay doon na rin sila.
Ngayon ay kitang-kita naman ang ebidensiya na maligaya ang aktor sa piling ni Andrea Torres. Halos hindi na sila maghihiwalay, ganoon kasi ang gusto ni Derek, ang palagi niyang kasama-katabi ang kaniyang girlfriend.
Tinuturuan na niyang mag-golf si Andeng, baka sa susunod ay frisbee naman ang matutuhan ng seksing dalaga, hindi imposible iyon dahil ang gusto ni Derek ay magkapareho sila ng hilig ng kaniyang karelasyon.
Maraming kumokontra sa kanilang relasyon, kayamanan lang daw ni Derek ang habol ni Andrea, na para bang kung saan lang napulot ng aktor ang dalaga at ngayon lang namamantikaan ang nguso.
Aysus, kilalanin muna sana nila ang pinagmulang pamilya ni Andrea Torres, ang lengguwahe ni Derek Ramsay ay lengguwahe rin ng pamilya ni Andeng.
Maricel Soriano – Balik na ang mataray at galawgaw na Diamond Star
Bumabalik na ang dating Maricel Soriano na mataray, diretsong sumagot at galawgaw. Matagal na panahon ding na-miss ng ating mga kababayan ang Diamond Star na kanilang hinahangaan.
Nagkaroon nang matinding depresyon si Marya nang pumanaw ang kaniyang inang si Mommy Linda Martinez. Hindi niya iyon kinaya.
Sa loob nang ilang dekada ay sila ni Mommy Linda ang sparring partners, magkasama silang nagdyi-gym, ang magkaututang-dila.
Sobrang depresyon ang umatake kay Maricel, hindi niya matanggap na sa mas maagang panahon pala ay iiwan silang magkakapatid ni Mommy Linda, napakatagal na panahon bago niya natanggap ang pagkawala ng kaniyang mommy.
Iyon ay sa tulong na rin ng kaniyang mga kapatid, panay-panay ang payo sa kaniya nina Beckbeck, Mikee, Junior at Mel na mas magiging masaya si Mommy Linda sa kabilang buhay kung aayusin niya ang kaniyang sarili.
Matagal na hindi siya nagtrabaho, napakaraming oportunidad ang kaniyang pinalampas, hanggang sa isang araw ay nauntog din siya sa katotohanan na hindi gusto ni Mommy Linda ang kaniyang pagmumukmok.
Masakit talaga, pero kailangan niyang tanggapin na hiram lang ang ating buhay, sa takdang panahon ay kailangan na nating isauli iyon sa tunay na nagbigay sa atin.
May sakit pa rin siyang nararamdaman hanggan ngayon, pero kailangang tuloy pa rin ang buhay sa pagkawala ng ating minamahal, balik na sa pagiging aktibo ang Diamond Star.
Nagbalik na siya sa telebisyon, kitang-kita ang ebidensiyang walang ipinagbago ang kaniyang husay sa pag-arte, ngayon naman ay pelikula na ang kaniyang pinagkakaabalahan.
Maligayang pagbabalik sa Diamond Star!
Regine Velasquez – Isang taon na pala sa ABS-CBN
Napakabilis naman talaga ng panahon. Nakakaisang taon na pala ang Asia’s Songbird sa ABS-CBN. Parang kailan lang iyon nang kumabilang-bakod si Regine Velasquez sa Dos mula sa GMA-7.
Marami nang naganap mula noon, tuloy ang ikot ng mundo ng GMA-7, tuluy-tuloy pa rin ang The Clash, ang iniwanang talent show ni Regine sa network, bagong bihis ang show.
Pambato namang singer ngayon ng ASAP Natin ‘To! si Regine, siya ang nagrereyna sa biritan sa variety show ng ABS-CBN, kasama ang mga naiwang singers nang pumasok siya sa programa.
Hanggang sa susunod na buwan na lang ang apat na taong Sunday PinaSaya, balitang papalitan iyon ng Studio 7, matagal na panahon ding pinadapa sa rating ng mawawala nang programa ang ASAP Natin ‘To!
Ganoon lang naman sa mundo ng telebisyon, walang katiyakan kung hanggang gaano katagal tatakbo ang isang programa, pero kapag hindi talaga iyon pumapalo sa ratings ay napapaaga ang pagpatay ng show.
Kahit sa labanan ng mga serye ay ganoon din ang kalakaran, suwerte ng mga nagre-rate, dahil kahit parang lastiko nang hinihila na lang ang istorya ay tuloy pa rin sa ere.
Negosyo ang telebisyon. Ang pangsuweldo ng programa sa cast at production staff and crew ay nanggagaling sa kanilang advertisers, kaya kapag walang masyadong commercials ang isang programa, hindi naman tatagal ang istasyon sa puro pag-aabono.
Tigbak agad ang show.
Willie Revillame – Doctor’s order: Huwag araw-araw sa Wowowin
Maraming nang-uusisa sa amin kung bakit lumiliban sa pagho-host ng Wowowin si Willie Revillame? Siya ang dinadayo ng mga kababayan nating lumuluwas pa mula sa malalayong probinsiya, siya ang gustong makita nang personal ng kaniyang mga tagahanga, pero nabibigo sila.
Kaya namang mag-host ni Willie nang araw-araw, hinahanap ng kaniyang katawan ang ilang dekada na niyang ginagawa, pero ang kaniyang mga doktor ang hindi pumapayag.
Madalas na tumataas ang kaniyang blood pressure, kadalasan ay stress ang itinuturong dahilan kapag ganoon, kaya payo ng kaniyang mga doktor ay ipahinga niya naman paminsan-minsan ang kaniyang katawan.
Kung kilala nga namin ang aktor-TV host ay laban na laban sa kaniyang kalooban ang ganoon, naaawa siya sa mga kababayan nating naglalaan nang sapat na panahon para lang makapanood ng Wowowin, pagkatapos ay wala naman pala siya sa programa?
Pero pinakamahalaga ang kalusugan, aanhin nga naman natin ang malaking kita kung ang malalagay naman sa hindi magandang kalagayan ay ang ating katawan, kailangang sundin ni Willie ang mga payo ng kaniyang mga doktor.
Si Willie pa? Kaligayahan niya na ang makitang nagsasaya ang kaniyang mga tagasuporta, makita lang niyang nakangiti ang kaniyang mga kalahok ay wala nang katumbas na anuman iyon para sa kaniya, kaya siguradong pinaghahandaan niya ang panahon ng Pasko para makapagbigay ng aginaldo sa kaniyang mga tagahanga.
Stress ang bawal na bawal, wala pang eksaktong gamot na nadidiskubre sa matinding stress, puro remedy lang at hindi cure.
Kailangang umiwas ni Willie Revillame sa matinding stress. Ke sa trabaho man niya iyon o sa iba pang aspeto ng kaniyang buhay.
Ai-Ai delas Alas – May 4 na taon nang puro organic ang kinakain
May apat na taon nang puro organic ang kinakain ni Ai-Ai delas Alas. Saksi kami doon. Hindi na siya kumakain ng karne, marami siyang iniiwasang kainin, dahil sa kaniyang psoriasis.
Mula nang sundin niya ang ganoong proseso ay hindi na siya inaatake ng pangangati ng katawan, hindi rin siya nagkakasakit, dahil puro natural at organic lang ang kaniyang kinakain.
Kasabay ng pag-ayos ng kaniyang kundisyon ang pagkalungkot naman ng Comedy Concert Queen dahil mauudlot ang pagkakaroon nila ng anak ni Gerald Sibayan sa pamamagitan ng in vitro.
Siya rin kasi ang magdadalantao, kailangan niyang uminom ng mga gamot para palakasin sila ng kaniyang dinadala, na hindi puwede dahil mula nang puro organic na ang kaniyang kinakain ay hindi na halos siya umiinom ng gamot.
Paano nga naman kung muling umatake ang kaniyang psoriasis, hindi siya puwedeng uminom ng mga gamot dahil makasasama iyon sa kaniyang dinadala, kaya napakalungkot ngayon ng komedyana.
Seryoso na nilang pinag-usapan ng kaniyang asawa ang posibilidad ng hindi na nila pagkakaroon ng anak dahil sa health reasons, malungkot si Gerald, pero nauunawaan naman nito ang kundisyon ng kaniyang misis.
Malakas ang pananampalataya ni AiAi delas Alas, maraming pagsubok na ang kaniyang pinagdaanan na nalampasan niya, hindi siya bibitiw sa kaniyang paniniwala na kapag niloob ng Panginoon ay walang maaaring humarang. –CSF