Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Nobyembre 16-30, 2019

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 16-30, 2019

      Willie Revillame
 
Willie Revillame
  Sarah Geronimo & Matteo Guidicelli
 
Sarah Geronimo & Matteo Guidicelli
  Morissette Amon
 
Morissette Amon
  Mario Dumaual
 
Mario Dumaual
  Gretchen, Claudine & Marjorie Barretto
 
Gretchen, Claudine & Marjorie Barretto 
  Vhong Navarro
  Vhong Navarro
 
Vhong Navarro 
  Bong Revilla
 
Sen. Bong Revilla & GMA execs
  Leah Navarro
 
Leah Navarro
  Angel Locsin
 
Angel Locsin

Willie Revillame – Nagbabala sa mga ‘scammers’

Hanggang ngayon, kahit pa panay-panay na ang pagpapaalala ni Willie Revillame sa kaniyang programa na huwag maniniwala sa mga fixers, ay mayroon pa ring nabibiktima ang mga ito.

Kailan lang ay isang grupo ng mga kababayan natin ang nagpunta sa Wanted Sa Radyo para ireklamo kay Kuya Raffy Tulfo ang diumano’y staff ng Wowowin na nangakong magiging kalahok sila sa game show.

Ang kapalit, tatlong libong piso sa bawat miyembro ng grupo, dahil malaki raw naman ang kanilang mapapanalunan na siguradong mapapasakamay nila pagkatapos ng programa.

Noong malapit na ang sinasabing taping day ng tropa ay hindi na nila makita ang lalaking kumontrata sa kanila, hindi na rin sumasagot sa numayroong ibinigay nito, naraket ang mga kababayan natin.

Walang pananagutan si Willie at ang produksiyon sa senaryo, sa labas ng studio nangyayari ang transaksiyong ilegal, walang kinatawang pinaiikot ang Wowowin para sa pagkuha ng kanilang mga contestants.

May proseso iyon na nasa website mismo ng game show, dumadaan sa mahabang interbyuhan ang mga grupong napapabilang sa mga kalahok ng show, kaya isang malaking modus ang ginagawa ng mga taong nambibiktima sa ating mga kababayan para makasali lang sa Wowowin.

Sabi ni Willie, “Naiintindihan ko ang sinasabi nila na napakahirap ng buhay ngayon, game of chance ang mga games namin sa Wowowin, kaya gusto nilang makasali.

“Pero dapat, e, sa legal na paraan. Huwag silang naniniwala sa mga taong nagpapanggap na staff namin, sa loob lang ng bakuran ng GMA-7 ginaganap ang audition at interview sa mga contestants, hindi sa labas.

“At wala pong bayad ang pagiging contestant ng Wowowin, kami ang namimigay ng mga papremyo, hindi kami naniningil,” paunawa ng host ng Wowowin.

Naglipana po ang mga modus ngayon, maging maingat tayo dahil mahuhusay magsalita ang mga raketero, huwag maging biktima.

Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo – Lumabas na rin ang totoo

Lumabas din ang totoo. Ilang beses na naming isinusulat na may plano nang magpakasal sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo pero parang hindi nila pinapansin ang kuwento.

Ilang impormante na ang nakapagbulong sa amin na sa kasalan na mauuwi ang anim na taong relasyon nina Matteo at Sarah, may mga kinakausap na kasi silang mga taong malapit sa kanilang mga pamilya para maging ninong at ninang nila sa kasal, hindi puwedeng maitago ang ganoong istorya.

Ngayong naglabas na ng pahimakas si Matteo na engaged na sila ng magaling na singer-actress kasabay ng pagpapakita ng ibinigay nitong engagement ring sa kaniyang girlfriend ay natural lang na magbunyi ang kanilang mga tagasuporta.

Panahon na talaga para premyuhan ni Sarah ang kaniyang sarili, dekada nang nagtatrabaho ang Popstar na ang nakasangkalan ay ang pagganda ng buhay ng kaniyang pamilya, nararapat lang namang asikasuhin naman ng dalaga ang kaniyang personal na kaligayahan.

HIndi na bumabata si Sarah Geronimo, kailangang humabol siya sa biyahe para makapagbuo sila ng masayang pamilya ni Matteo, sa loob nang anim na taon nilang relasyon ay walang kahit anong aligasngas na napabalita tungkol sa kanilang pagmamahalan.

Maligayang bati sa mga ikakasal!

Morissette Amon – Dati’y ‘Asia’s Phoenix,’ ngayon ay ‘Asia’s Finish’

May kalupitan kay Morissette Amon ang mga bashers. Tinanggap na ng kaniyang producer ang panghihingi niya ng dispensa sa ginawa niyang pagwo-walkout sa concert pero parang hindi pa rin iyon sapat para sa mga hindi nagkagusto sa kaniyang unprofessionalism.

Binago na nga ng iba ang titulong ibinigay sa kaniya bilang singer, ang Asia’s Phoenix ay naging Asia’s Finish na, dahil sa ginawa niyang paglayas sa venue ng tinanguan niyang kumpromiso.

At may napansin ang mga kababayan natin, nang ipalabas ang video pagkatapos ng interview sa kaniya ni Mario Dumaual ay yumakap pa pala siya nang nakangiti sa beteranong reporter, pero ilang minuto lang ay inuntog-untog na niya ang kaniyang ulo sa dingding dahil nasaktan daw siya sa interview.

Sabi ng isang post sa social media, “Napaka-plastic din pala ng Asia’s Finish na iyon! Idinahilan pa niya ang interview, samantalang kitang-kita sa video na todo-ngiti pa siya at nagbeso-beso pa at yumakap sa nag-interview sa kaniya!

“Iyon ba ang devastated? Sana, pagkatapos ng interview, e, ipinakita rin niyang nasaktan siya, hindi iyong ganoon na naka-smile pa siya habang yumayakap sa reporter!” may puntong pagpansin ng nagkomento.

Hindi mahihingi ni Morissette AMon ang pang-unawa ng publiko, kusa na lang na mamamatay ang isyu kapag nagtagal na, umabot man nang ilang araw bago siya humingi ng paumanhin ay maganda na ring inamin ng singer ang kaniyang pagkakamali.

Wala siyang ibang lulusutan, kahit saang anggulo daanin ang ginawa niyang pagwo-walkout ay maling-mali talaga ang pinaiiral niyang asal, tanging apology lang ang makapagsasalba sa kaniya sa sitwasyon.

Claudine Barretto – Pinakamaligalig sa magkakapatid

May kapaguran din ang tao. Kapag paulit-ulit na lang ang kaniyang ginagawa ay kinasasawaan din niya iyon. Lalo na kapag hindi naman sumasagot ang kabilang panig na iniinis niya ay talagang titigil din siya sa pang-iinis.

Sa malaking umpukan ay napag-usapan ang magkakapatid na Barretto na palaging laman ng lahat ng linya ng komunikasyon hanggang sa umabot na nga iyon sa ibang bansa.

Dumadalang na ang pagpapatutsada ngayon nina Gretchen at Claudine sa kanilang kapatid na si Marjorie, sa halip, nagpo-post na lang sila ng mga retratong magkakasama sila ni Mommy Inday Barretto sa mga okasyong dinadaluhan nila.

Nakaganda ang binitiwang salita ni Marjorie na hindi na nito papatulan pa ang mga dirty tactics ng kaniyang mga kapatid, mapapagod ang dalawa sa kapaparinig sa kaniya, pero wala na lang itong magiging reaksiyon.

Dahil doon ay nagiging malagihay na ang sitwasyon, hindi na mainit ang pagpapalitan ng pahayag ng magkakapatid, si Claudine na lang ang natitirang walang walang kasawa-sawa sa pagpapasimuno sa gulo.

Nagkakaisang opinyon ng magkakaumpukan, kung titigil lang si Claudine sa kauurot kay Gretchen ay matatahimik na ang kanilang mundo. Kay Claudine kasi nanggagaling ang mga video at kuwento na pinakikinggan-pinapatulan naman ng kaniyang ate.

Masyado kasing libre ang oras ni Claudine, wala siyang pinagkakaabalahan, kaya kung anu-anong senaryo ang pumapasok sa kaniyang kukote na hindi nakagaganda sa buhay nilang magkakapatid.

Sabi nga ni prop, “Makina man, e, pinagpapahinga, ang bibig pa kaya ng magkakapatid na ‘yan ang hindi mapapagod? Overkill na sila!”

Vhong Navarro – Pakakasalan na si Tanya Bautista

Hinog na hinog na talaga ang panahon para pakasalan ni Vhong Navarro ang dekada na niyang girlfriend na si Tanya Bautista.

Wala nang kailangan pang patunayan si Tanya, dakila ang puso ng karelasyon ng dancer-comedian, sa lahat ng bagyo sa kaniyang buhay ay hindi siya iniwan ni Tanya.

Hindi pa nalilimutan ng sambayanan ang napakatinding kontrobersiyang kinasangkutan ni Vhong ilang taon na ang nakararaan. Babae ang tinutukoy na dahilan ng gulo na ilang taon ding ipinaglaban niya sa husgado.

Pero hindi siya iniwan ni Tanya, nanatili sa kaniyang tabi ang dalaga, ni hindi kinapos ng tiwala sa kaniya ang babaeng kung tutuusi’y kinaliwa nga niya.

Sa November 29 ang nakatakdang pagpapakasal nina Vhong at Tanya sa Japan, ang itinuturing nilang ikalawang bansa sa kanilang buhay, kaya napili nilang doon ganapin ang kanilang pagharap sa altar.

Mahaba na ang naging pagbiyahe ng buhay-pag-ibig ni Vhong Navarro, nagkaanak na sila ni Bianca Lapus, may iba rin siyang nakarelasyong artista pero ang ihaharap niya sa altar ay si Tanya Bautista.

Magkakaroon ng partisipasyon sa kanilang kasal ang dalawang anak ni Vhong at ang mga kasamahan niya sa It’s Showtime.

Isa lang ang ikinalulungkot ni Vhong Navarro sa mahalagang bahaging ito ng kaniyang buhay, hindi na masasaksihan ng kaniyang ama ang kasalan, kaya siguradong mamumugto ang mga mata ng komedyante sa mismong araw ng kasal nila ni Tanya.

Sen. Bong Revilla – Hinuhusgahan ngayon ni Jim Paredes

Dahil na rin siguro sa kaniyang pagkakaedad ay napakadali nang makalimot ni Jim Paredes. Masyado na siyang malilimutin. Pati ang inabot niyang matinding kahihiyan sa publiko dahil sa kaniyang pinagpistahang sex video ay nawala na rin sa kaniyang kamalayan.

Pansamantala lang siyang nanahimik para palipasin ang nakadidiring istorya tungkol sa kaniya, pero sa kaniyang pagbabalik, si Senador Bong Revilla ang napili niyang pakialaman.

Nagmamarunong na naman ang matandang singer na kailan lang ay nilalaro-laro ang kaniyang hindi naman maipagmamalaking ari, pinagtripan niya ang aktor-pulitiko tungkol sa nalalapit na pagbabalik-telebisyon nito, kung anu-anong komento ang itinatalak ngayon ni Manong Jim.

Pera-pera lang daw iyon, kinukunsensiya pa niya ang GMA-7, hindi raw magandang gawing ehemplo para sa mga kabataan ang aktor-senador.

Sandali lang naman. Ang pangalan ni Senador Bong Revilla ay nilinis na ng lahat ng hukuman sa Pilipinas. Pinawalang-sala na siya ng Sandiganbayan sa mga bintang ng mga kalabang pulitiko kontra sa kaniya.

Malayang-malaya na sa anumang pananagutan sa batas si Senador Bong, hindi ito nakalaya nang dahil lang sa piyansa, buung-buong nilinis ng hukuman ang kaniyang pangalan.

E, itong si Jim Paredes? Makakalimutan ba ng sambayanan ang kaniyang sex video na ikinasuka ng marami? Napakadali niya namang makalimot, dapat ay ang kaniyang kahihiyan na hindi magandang ehemplo sa mga kabataan ang atupagin niya, hindi ang buhay ng isang taong nakabangon na at muling itinatayo ang kaniyang pangalan na pinagplanuhang wasakin ng kaniyang mga kalaban sa pulitika.

Mahiya naman sana si Jim Paredes sa face niya! Siya ba ay puwedeng maging huwaran para sa mga kabataan? Isang matandang hukluban na pero nagpakita pa sa kaniyang sarili na nilalaro-laro ang kaniyang maliit na sandata na may padila-dila pa?

Kailangang manalamin si Manong Jim Paredes para ang mismong kunsensiya niya ang magpaalala sa kaniya na wala siyang karapatang humusga sa kaniyang kapuwa dahil siya ang kahusga-husga!

Vice Ganda – Hinamon si Pastor Apollo Quiboloy

Tinanggap ni Pastor Apollo Quiboloy ang mga hamon ni Vice Ganda sa It’s Showtime. Dahil sa dokumentadong pahayag ng pastor na siya ang nagpatigil ng lindol sa Mindanao ay hinamon siya ng Unkabogable Star.

Sige nga, sabi ni Vice, dahil sa pagyayabang mo, e, pahintuin mo nga ang Ang Probinsiyano! Pahintuin mo rin ang traffic sa EDSA!

Para sa mas nakararami ay biro lang ang mga ikiniyaw ng komedyante sa himpapawid, pero may mga nag-interbyu kay Pastor Quiboloy, na pinatulan naman ng pastor.

Hindi lang daw ang serye ni Coco Martin ang mahihinto, sabi ni Pastor Apollo, baka nga raw ang mismong istasyon pa. Kailan daw ba gusto ni Vice na mawala na ang serye, isang buwan, dalawang buwan o apat na buwan?

Siyempre’y mulat sa mga nagaganap sa ating bayan ang pastor, alam niya na nanganganib ngayon ang ABS-CBN sa usapin ng renewal ng franchise ng network, hanggang sa Marso ng susunod na taon na lang ang kanilang operasyon.

At sakop ng ikaapat na buwan na sinasabi ni Pastor Quiboloy ang hanggang ngayo’y wala pang linaw na pagbibigay ng prangkisa ni PRRD sa istasyon.

At mali raw ang salitang ginamit ni Vice tungkol sa traffic, ang papilosopong hirit ng pastor, “Paano mo pahihintuin ang nakahinto na nga? Ang dapat niyang sinabi, e, pabilisan! E, naka-stop na nga, di ba?”

Sa bandang huli ay pinuri ng pastor si Bossing Vic Sotto. Sabi niya ay mabait daw ang komedante-TV host, walang kayabang-yabang at maraming natutulungan, kaya ang dapat suportahan ng publiko ay ang Eat. Bulaga!

Kinabog ni Pastor Quiboloy ang Unkabogable Star! Pinagpipistahan ng buong bayan ang isyu sa kanilang pagitan. Ewan kung sasagot pa uli si Vice Ganda sa mga patutsada ng pastor.

Ang showbiz at ang mundo ng pulitika ay walang ipinagkakaiba. Pati ang mundo ng relihiyon ay kasali na rin sa bilang.

Leah Navarro – Persona non grata sa General Santos City

Idineklarang persona non grata ng mga taga-General Santos City si Leah Navarro. Ibig sabihi’y puwede siyang magpunta sa lahat ng lugar sa ating bansa pero hindi siya maaaring papasukin sa nasasakupan ng GenSan.

Nagkomento kasi ang singer na kaya madalas na nililindol ang Mindanao na nakasasakop sa GenSan ay dahil isang retribution ang kaganapan. Ibig sabihin ay karma iyon, paghihiganti ng kalikasan sa Mindanao, na inalmahan siyempre ng mga tagaroon.

Kilalang Dilawan si Leah Navarro, kalaban ng kaniyang grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na anak ng Mindanao (Davao), maaring doon nag-ugat ang pagngangalit sa kaniya ng mga taga-GenSan.

Natural lang na masaktan ang mga mamamayan ng GenSan, ano naman ang kanilang kasalanan at kinalaman sa paglalaban-laban ng mga paksiyon ng pulitiko sa ating bayan, bakit kailangang madamay ang lahat ng mga taga-Mindanao sa pagpipingkian nila ng paninindigan?

Binura na ni Leah Navarro ang kaniyang post at humingi na siya ng dispensa sa mga nasaktan pero sarado pa rin ang isip at puso para sa kaniya ng mga taga-GenSan.

Idineklara pa rin siyang persona non grata, sarado pa rin ang lahat ng pasukan (himpapawid, tubig, kalsada) ng General Santos City para sa singer, pinaliit ni Leah Navarro ang kaniyang mundo.

Angel Locsin – Maganda na ay busilak pa ang kalooban

Napakabango ng pangalan ni Angel Locsin ngayon. Walang kasimbango. Maraming naiinggit kay Neil Arce dahil hindi lang daw basta maganda ang aktres kundi napakaganda pa ng kalooban.

Nasulat na namin ilang taon ang nakararaan ang walang kaingay-ingay na pagdalaw ni Angel sa mga sinalanta ng bagyo. Kasama ang kaniyang mga kaibigan ay nagdala siya ng mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayang sama-samang pansamantalang naninirahan sa mga eskuwelahan.

Walang publisidad iyon, walang dalang camera si Angel, naiayos nila ang paghahanda sa kanilang mga pambigay nang walang kaingay-ingay.

Ilang araw na ang nakararaan ay naulit ang senaryo, sa Mindanao naman, na niyanig nang mapamuksang lindol ang buong rehiyon.

May nakakita kay Angel sa isang grocery na namimili ng mga importanteng produkto, may kinuha silang lugar para sa pag-aatado ng mga pambigay, pagkatapos ay nakipag-ugnayan na sila sa mga opisyales ng mga lugar na nilindol.

Napakagandang puso. Minsan man ay hindi natin nakita ang aktres na ipinaglaladlaran sa publiko ang mga branded niyang kagamitan. Mayroon siya, marami, pero hindi niya ipinamumukha sa buong bayan ang kung anumang mayroon siya.

Pero sa panahon ng kalamidad ay tahimik siyang kumikilos, hindi niya iyon pinakukunan ng coverage sa anumang istasyon, nagsisimula at natatapos ang pagmamagandang-loob niya nang walang fanfare.

Yun ang pagkakaiba ni Angel Locsin sa mga kasabayan niyang mga artista. Tahimik siyang tumutulong, hindi niya ipinaaalam sa kanan niyang kamay ang ginagawa ng kaliwa, doon nag-uugat ang tunay na indulhensiya sa pagtulong.

Sabi nga ng mga kaibigan naming sumasaludo sa kagitingan ng mga ginagawa ni Angel Locsin, “Kung gaano siya kaganda, ganoon din kaganda ang kalooban niya.”

Ganoon ang tunay na indulhensiya ng pagtulong, iyon ang binibilang ng Diyos, ang kusang-loob na pag-ayuda nang walang anumang kapalit at walang pagpapabango ng pangalan para sa kandidatura.

Si Angel Locsin ang tunay na ehemplo ng isang taong magandang-maganda na ay busilak pa ang kalooban. – CSF

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles