Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Abril 16 – 30, 2016

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 16 – 30, 2016

  Alden Richards
 
Alden Richards
  Manny Pacquiao & Mommy D.
 
Manny Pacquiao & Mommy D
   John Lloyd Cruz
 
John Lloyd Cruz
  Bea Alonzo
 
Bea Alonzo
   Ritz Azul
 
Ritz Azul

Alden Richards – Marunong humawak ng pera ang Pambansang Bae

Ilang kababayan nating naninirahan sa Nuvali ang nagkuwento sa amin na hindi nababakante ang mga karpinterong nagtatrabaho sa ipinatatayong bahay ni Alden Richards sa nasabing lugar.

Ilang panahon pa at lilipat na raw doon ang Pambansang Bae, five-bedroom house ang ipinare-renovate niya, may sukat na 300 sq.m. ang bakuran.

“Minsan pa lang siyang nakikita ng mga kasambahay namin sa site, ang father niya ang madalas doon. Hindi nahihinto ang paggawa dahil mayroon siyang enough budget. Nagtatagal lang naman ang paggawa kapag kulang sa materyales ang mga gumagawa, di ba?

“Pero dahil malakas ang kita ni Alden, walang hinto ang construction ng ipinaaayos niyang house. Sa Ayala gate ang bahay, mahigpit doon, lahat ng pumapasok at lumalabas na hindi homeowners, talagang binubusisi ng mga guwardiya,” rebelasyon pa ng aming kaibigan.

Marunong humawak ng pananalapi ang singer-actor. Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na niya ang panahong hindi na kagandahan ang kaniyang estado bilang artista. Alam ni Alden Richards kung saan dadalhin ang kaniyang pinaghihirapan.

Sabihin na ng iba na sobrang laki ng mga eyebags niya; sabihin na ng mga miron na mukhang palagi siyang inaantok dahil sa sobrang pagod, kinakayang tanggapin ni Alden ang mga ganoong komento para sa kaniyang pamilya.

Ang mga sasakyang pinapangarap niya noon ay ngayon pa lang niya nabibili. Dati’y nakikisabay lang siya sa production crew, nagtitiyaga siyang maghintay, ngayon ay hali-halili na niyang ginagamit ang mga dream cars niya.

At mauunawaan iyon, regalo ni Alden para sa kaniyang sarili ang mga ari-ariang binibili niya ngayon. Iyon ang pakonsuwelo ng binata sa kaniyang mga pagsasakripisyo.

Mommy D – Walang tutol sa planong retirement ni Pacman si PacMom

Mas madalas na naiinterbyu ngayon ng mga reporters sa Amerika si Mommy Dionisia Pacquiao. Nagpahinga kasi ang Pambansang Kamao, bumabawi ito sa ilang buwang pagte-training at sa mismong laban nila ni Timothy Bradley, kaya si Mommy Dionisia muna ang humaharap sa mga reporters.

Sa kaniyang mga panayam ay palaging katabi ni Mommy D ang kaniyang boyfriend na si Michael Yamson. Palagi itong nakaalalay sa kaniya, lalo na kapag pinagkakaguluhan ng mga Pinoy ang ina ng Pambansang Kamao para sa pagpaparetrato.

Pero hindi maepal si Michael, pansin na pansin namin ang matindi nitong pagtanggi noong hinihingan na ito ng komento tungkol sa pagreretiro ni Pacman sa mundo ng boksing.

Bukod sa umiiling na si Michael ay sumesenyas pa ang mga daliri nito, itinuturo sina Mommy D at Buboy Fernandez na co-trainer ni Pacman, mas may alam daw ang mga katabi nito.

Kaya pahiya ang mga nagkokomento noon na makikiamot lang daw ng popularidad ang lalaki kay Mommy Dionisia. Makikiangkas lang daw ito sa kasikatan ni Pacman. Gagamitin lang daw ni Michael si PacMom.

“Wala akong kasingsaya ngayon, talagang nagsabi na si Manny na titigil na siya sa boksing. Sa wakas, mapapahinga na rin ang isip ko. Aysus! Mahirap ang kalagayan ko tuwing may laban ang anak ko.

“Kung hindi mapakali si Jinkee, ako rin! Gusto kong akyatin sa ring ang kalaban niya at hampas-hampasin ko ng bag! Mahirap maging nanay ng boxer!” pagtatapat ni Mommy Dionisia.

Kapag may laban pala si Congressman Manny Pacquiao ay iniipon ni Mommy Dionisia ang kaniyang mga prayer warriors. Karamihan sa kanila ay mga kamag-anak din ng pamilya, ang iba nama’y mga amiga niya, sinasabayan nila ng panalangin ang pagte-training ni Pacman.

“Walang tigil iyon! Hali-halili kami ng mga kasama ko sa pagdarasal para sa kaligtasan ni Manny. Habang nagte-training siya, kami naman, dasal nang dasal,” kuwento pa ni Mommy Dionisia.

Ang bawat suntok na tumatama sa Pambansang Kamao ay ramdam na ramdam ni Mommy D. Mas masakit pa nga raw ang tama noon sa kaniya. Iyon daw ang dahilan kung bakit kapag nanonood siya ng laban ni Pacman ay umiiwas-iwas din siya at nakikisuntuk-suntok.

“Ganoon ang ina. Ang sakit ng anak, doble noon ang sakit sa nanay. Mas nararamdaman ko ang sakit, kaya kahit nakaupo lang ako, giwang ako nang giwang na parang ako ang sinusuntok!” nakakaaliw pang kuwento ng dakilang ina ni Pacman.

At bilang panghuling pahayag ni Mommy D, “Uuwi na si Manny. Mangangampanya na siya. Mag-iikot na siya sa buong Pilipinas dahil nanalo na siya sa laban.

“Uuwi na ang ating senador!” wagas na wagas na sabi ni Mommy Dionisia kasunod ang magalang na pagpapasalamat sa mga nag-interbyu sa kaniya.

Nag-iisa lang talaga si Mommy D!

John Lloyd Cruz – Loveless, single pa rin. Si Bea kaya?

Malinaw ang deklarasyon ni John Lloyd Cruz, loveless siya ngayon, very single. Hindi na natin kailangan pang magtanong, bigay na bigay na ang kaniyang sagot, tapos na ang relasyon nila ni Angelica Panganiban.

Nasa patagilid na sagot ni JLC ang kumpirmasyon na wala na sila ni Angelica. Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit noong nakaraang Mahal Na Araw ay isang destinasyon lang ang pinagbakasyunan nila, pero magkaiba ang grupo nila.

Maraming nanghihinayang sa relasyon nila ni Angelica. Maraming umasa na sa altar na iyon mauuwi, pero hindi pa rin pala. Ipinakipaglaban nila ang relasyong tumagal din naman. Nakikipagsagutan ang aktres sa mga tumutuligsa kay John Lloyd, pero sa hiwalayan din pala iyon mauuwi.

Hindi pa nga siguro umaagaw sa isip ni John Lloyd ang pagpapakasal. Kahit nasa edad na siya ngayon para magbuo ng sariling pamilya ay hindi pa rin iyon ang kaniyang prayoridad.

Kailan kaya makikipagrelasyon ang magaling na aktor na sa altar na ang tuloy? Masuwerte ang babaeng susunod niyang makakarelasyon kung ito na nga ang ihaharap niya sa dambana.

Si Bea Alonzo na nga kaya ang ihaharap ni JLC sa altar? Ito na nga kaya ang magiging ina ng mga pinapangarap niyang maging anak?

Kris Aquino – Laman pa rin ng social media araw-araw

 “Parang hindi naman nagpaalam sa showbiz si Kris Aquino!” Iyon ang parang sarkastikong komento ng isang kakuwentuhan namin. “Alam din naman ng publiko ang mga nangyayari sa kaniya, pati sa mga anak niya, pati nga ang blood pressure niya, e, alam na alam ng buong mundo!”

Hindi kasi napanindigan ni Kris ang kaniyang sinabi na maging sa social media ay didistansiya muna siya. Mananahimik daw muna siya at ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby ang kaniyang sesentruhan, lalo na ang kaniyang kalusugan, kailangan daw niyang magpalakas para sa kaniyang mga mahal na anak.

Pero wala pang ilang oras pagkatapos niyang mangako ay muling hinarap ni Kris ang pagpo-post ng mga nagaganap sa kaniyang buhay sa social media, detalyado pa nga iyon, pati ang BP niya sa araw-araw ay ipinaaalam niya sa publiko.

Mahirap kasing iwanan ang mundong napamahal na sa iyo, pati ang mga bagay-bagay na nakasanayan mo na ay siguradong babalik-balikan mo, ganoon ang nangyayari kay Kris sa kabila ng pagsasabi niya na pansamantala niyang tatalikuran ang showbiz.

Pero para hindi siya napupuna at bina-bash ay huwag na lang kasing magsalita at mangako na hindi naman kayang gawin at panindigan. Minamarkahan ng publiko ang mga salitang binibitiwan ni Kris Aquino at doon din mismo siya hinuhusgahan.

Sabi nga, no talk, no mistake.

Nora Aunor – Magaling na aktres pero walang suporta mula sa Noranians

Nakakapanghinayang ang mga ginagawang de-kalidad na pelikula ng Superstar. Puring-puri siya ng mga kasamahan niya sa pelikula, maging ng mga kababayan nating nakakapanood ng proyekto, pero agarang nawawala sa sinehan ang mga pelikulang pinagbibidahan niya.

Ikinuwento ni Ogie Narvaez-Rodriguez na magagaling ang mga artista ng Whistleblower, wala ka raw itaitapon sa mga ito, lalo na si Nora Aunor na walang pakialam na humaharap sa mga camera nang halos walang make-up.

“Makikita mong hindi siya conscious sa itsura niya, makikita mo ang mga dumi niya sa balat, lalo na sa leeg niya, wala siyang pakialam!

“Pero ang acting ni Guy, wala siyang kupas! Mata pa lang niya, e, nagkukuwento na, ang galing-galing talaga niyang umarte!” kuwento ng aming anak-anakan.

Pero nakalulungkot naman ang kuwento ng iba naming mga kaibigan, iilan lang silang nanonood nang sadyain nila ang sinehang pinagpapalabasan ng pelikula, maginaw sa sinehan dahil walang body heat.

“At hinanap pa namin ang sinehan dahil na-pullout na ang Whistleblower sa maraming movie house. Hahanapin mo talaga iyon para mapanood mo.

“Walang gaanong tao, kaming lima lang ang nandoon, nadagdagan man bago matapos ang movie, e, mabibilang mo pa rin sa mga daliri mo kung ilan lang ang pumasok pagkatapos nang isang oras na halos.

“Sayang, sana lang, e, sinuportahan naman ng mga fans ni Nora ang pelikula ng idolo nila. Pero sa nangyari, e, parang hindi man lang sila kumilos, parang pinabayaan lang nila si Nora, iyon ang kaibahan ng mga Vilmanians.

“Kapag may pelikula ang Star For All Seasons, buhay na buhay talaga sila!” komento ng aming mga kausap.

Ritz Azul – TV5 noon, kumpirmadong Kapamilya na ngayon

Kumpirmado nang Kapamilya ang dating homegrown talent ng TV5 na si Ritz Azul. Pagkatapos nang mahabang salaysayin ay pumirma na ng dalawang-taong eksklusibong kontrata sa ABS-CBN si Ritz.

Bukod sa mga ehekutibo ng Dos ay ang tagapamuno ng Dreamscape Productions na si Deo Endrinal ang hahawak sa karera ng maganda at magaling umarteng batang aktres.

Pagdating kay Deo Endrinal ay wala kaming kuwestiyon, wala kaming pag-aalinlangan, palaging panalo ang kaniyang proyekto sa bakuran ng Dos. Alam na alam ni Deo kung ano ang gagawin para mas magmarka ang husay sa pagganap ni Ritz Azul.

At sa pagtatapos ng kaniyang ilang taong kontrata sa TV5 ay bitbit hanggang ngayon ni Ritz ang pagtanaw ng utang na loob sa istasyon. Magiging maganda ang kaniyang kinabukasan sa Dos dahil maaalagaan siya nang husto at marunong siyang lumingon sa kaniyang pinanggalingan.

Magkaiba ang kuwento ng paglipat ni Ritz kesa kay Alex Gonzaga, lumipat ito na masama ang loob sa kaniya ng isang dating ehekutibong isinangkalan nito sa kaniyang pagkabilang-bakod, aalis na lang ay nag-iwan pa ng hindi magandang marka si Alex sa istasyon.

Gawad Tanglaw – Binibigyang halaga ang mga tabloid writers

Maraming salamat sa pamunuan ng Gawad Tanglaw. Ginanap ang ika-14 na taon ng kanilang pamimigay ng parangal noon nakaraang Biyernes sa De La Salle Zobel sa Ayala Alabang.

Maraming salamat sa lahat ng mga grupong nagbibigay-importansiya sa mga alagad ng sining, pero aminado kami, espesyal para sa amin ang Gawad Tanglaw dahil ang bumubuo ng kanilang hanay ay mga akademisyan. Mga guro mula sa iba-ibang unibersidad at paaralan.

Produkto kami ng mag-asawang guro sa pampublikong paaralan sa aming nayon sa Nueva Ecija. Alam na alam namin ang mga sakripisyong pinagdadaanan ng mga guro, sa pribado man o sa pampublikong paaralan sila nagtuturo, magampanan lang nila ang sinumpaang tungkulin na linangin ang isip ng mga kabataan.

Emosyonal kami kapag nakakakita ng lampara. Wala pang kuryente noon sa aming baryo, gabi-gabi ay kinukumpleto nina Tatay at Nanay ang kanilang lesson plan na gamit ang aandap-andap na lampara, kinabukasan kasi ay kailangan nilang ilatag sa mga estudyante ang takdang-aralin na kanilang tututukan.

Maraming salamat sa Gawad Tanglaw dahil ibinabalik nila kami sa payak pero produktibong propesyon ng aming mga mahal na magulang.

Huling pagtanggap na namin ito ng parangal mula sa Gawad Tanglaw. Ikalimang ulit na ito at kapag ganoon ay iniluluklok na nila ang mga personalidad, manunulat, programa sa radyo at telebisyon sa Hall Of Fame.

Makabuluhan ang huling ito para sa amin. Nahaharap ngayon ang mga manunulat ng tabloids at ang mga tabloids mismo sa pambubulabog ng isang grupo ng mga tagasuporta nina Alden Richards at Maine Mendoza na tumawag sa aming hanay bilang trash o basura.

Ang aming mga kolum ay hindi para sa kanila lang, ang aming panulat ay iniaalay namin sa publikong ginawa nang kultura ang pagsubaybay sa mga tabloids, hindi nila maaaring kontrolin ang opinyon ng mga kolumnista ng tabloids at lalong hindi nila marerendahan kung ano ang gustong ilabas ng mga tabloids na tinatawag nilang basura.

Kaya ibayong pasasalamat ang nais naming itawid sa mga tagapamuno at miyembro ng Gawad Tanglaw. Patuloy nilang itinataas ang kalidad ng mga tabloids. Maraming salamat sa ibinibigay nilang respeto at pagpapahalaga sa mga manunulat ng tabloids.

Kung ang mga tulad nilang lantay sa talino ang magbabahagi ng parangal sa hanay naming mga manunulat ay mapapahiya ang mga taong puro papuri lamang ang gustong mabasa tungkol sa kanilang mga iniidolo.

Maraming salamat at mabuhay ang Gawad Tanglaw!

Have a comment on this article? Send us your feedback


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles