Hunyo 16 – 30, 2015
![]() |
|
Toni Gonzaga & Paul Soriano
|
|
![]() |
|
Grace Poe Llamanzares |
|
![]() |
|
Kris Aquino, Bimbi & Josh
|
|
![]() |
|
Sharon Cuneta |
|
![]() |
|
KC Concepcion
|
|
![]() |
|
Anne Curtis |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban & John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
Direk Paul at Toni Gonzaga – Itinago sa publiko ang kasalan
Ginanap na ang pag-iisang dibdib nina Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga nitong nakaraang June 12 sa Taytay. Ito ang kasalang itinago nila sa publiko, ito ang okasyong literal na ipinagdamot ni Toni sa kaniyang mga tagahanga, dahil ayaw raw nilang maging circus ang isang napakahalagang okasyon sa kanilang buhay ni Direk Paul.
Komento ni SOS, “Grabe naman sina Direk Paul at Toni! Para silang sina JC Intal at Bianca Gonzales na feeling mga super sikat na as if naman dudumugin ang wedding nila, kaya isinekreto sa publiko ang mga detalye.
“Dapat nga po, sa halip na itago, e, ipinagsisigawan sa buong mundo ang ganoon, gaya ng ginawa nina Dingdong at Marian at Senator Chiz-Heart na higit namang mas sikat kesa kina Direk Paul at Toni at JC at Bianca!” pagsasarado ni SOS sa kaniyang mahabang komento.
May katwiran ang katwiran. Madaling intindihin na gusto nilang maging sagrado ang araw ng kanilang kasal dahil markado iyon sa kanilang buhay at relasyon.
Pero sana’y nagbigay rin sina Direk Paul at Toni ng masarap na konsolasyon para sa kanilang mga tagasuporta, lalo na sa panig ni Toni, na gumanda ang buhay at karera dahil sa mga taong nagtiwala at nagsulong sa kaniyang mga pangarap.
At ngayong mag-asawa na sila ni Direk Paul Soriano, ayon kay Toni Gonzaga ay malaya na nilang magagawa ngayon ang mga bagay-bagay na karaniwang nakasanayan na ng mga magkarelasyon, sex ang unang pumasok sa utak ng mga nakarinig sa kaniyang deklarasyon.
Matagal nang sinasabi ng aktres-TV host na ang kaniyang puri ay ibibigay niya lamang sa lalaking pakakasalan niya. Isa lang ang tinutukoy ni Toni, ang kaniyang pagkabirhen, ang walang bahid-dungis niyang puri bilang babae.
Sabihin nang sa mga panahong ito ay parang imposible nang humarap sa altar ang isang babaeng malinis na malinis ang pagkababae. Sasabihin ng iba, may ganoon pa ba ngayon, mayroon pa ba?
Alagang-alaga sa pangaral ng kanilang mga magulang sina Toni at Alex Gonzaga. Bukod sa kanilang pagiging Kristiyano ay madalas ipaalala sa kanila ni Daddy Carlitos na ang pagiging birhen ang pinakamagandang regalong maibibigay ng isang babae sa kaniyang makakatali sa altar ng matrimonya.
Parang may walking CCTV camera ang kanilang mga magulang, palagi nilang kasama iyon kahit saan, kaya hindi nabigyan ng pagkakataon sina Direk Paul at Toni na gawin ang isang mapusok na desisyon habang hindi pa sila kasal.
“Mamatey?” tanong ng isang kaibigan namin. Parang ayaw nitong maniwala na sa loob nang halos walong taon (July 2007 nang maging magkarelasyon sila) ng kanilang pagiging mag-boyfriend ay walang namagitang seksuwal na anggulo sa dalawa.
Ewan sa iba pero kami’y naniniwalang sakdal-linis si Toni Gonzaga nang humarap sa altar noong Biyernes nang hapon.
Iyon ang dahilan kung bakit kung minsan ay “Gigil Queen” ang tawag sa aktres-TV host-singer ng kaniyang mga kaibigan.
Kris Aquino – Totohanin kaya ang paglipat sa US?
Ayan, nagsalita na naman si Kris Aquino na sa susunod na taon daw ay sa Amerika na sila maninirahan ng kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby. Gusto raw niyang maranasan ng kaniyang bunso ang isang buhay na simple lang at malayo sa mata ng publiko.
Buhay nilang mag-iina iyon, may karapatan si Kris na idrowing ang klase ng buhay na gusto niyang matikman ng kaniyang mga anak, walang makakukuwestiyon sa gusto niyang mangyari.
Pero sa kaniyang deklarasyon ay maaaring kuwestiyunin si Kris. Wala na kasi siyang kredibilidad pagdating sa mga pinagsasasabi niya, sabi ng mga kababayan natin ay labingdalawa ang mali sa bawat sampung sinasabi niya.
Matagal na niyang sinasabi na aalis na silang mag-iina at maninirahan na sa Amerika. Pero hindi naman niya iyon ginagawa, nandito pa rin siya, kaya maraming nag-aalok ng kanilang serbisyo ng paghahatid sa kanilang mag-iina sa airport kahit pa sa madaling-araw kapag talagang desidido na siyang umalis.
Noong magkaroon sila ng problema ni Mayor Joey Marquez ay nagpaalam siya sa kaniyang mga programa. Siya raw kasi dapat ang nagtatawid ng balita sa publiko at hindi iyong siya mismo ang balita.
Pero pagkatapos lang nang ilang linggo ay bumalik uli siya sa kaniyang talk show. Ganoon din ang ginawa niya noong malantad ang kuwento tungkol sa kaniyang mister na si James Yap at kay Hope Centeno na empleyado ni Dra. Vicki Belo.
Lumiban siya sa kaniyang mga programa, pero bumalik din uli, dahil sa kaniyang katwiran na: “Wala o nandito ako, may mga issues pa rin about me. I’ll better go back and get paid for the intrigues.”
Marami ring nagbibigay ng opinyon na hindi kayang iwanan ni Kris ang Pilipinas dahil sa estado ng kaniyang career dito. Bukod sa kilalang-kilala na siya ay milyones pa ang kaniyang kinikita.
Balik sa aming kausap, “Huwag na ang kikitain pa niya, sobra-sobra na ang mga pera niya para ikabuhay nilang mag-iina, ang hindi kayang talikuran ni Kris, e, ang fame na blood plasma ng buhay niya.
“Hindi siya magiging masaya sa isang lugar na hindi siya bumibida. Nakasanayan na niya ang public life. Hindi siya mabubuhay nang hindi siya ang pinag-uusapan araw-araw.
“She loves the limelight! She loves being talked about more than talking!” mas madiin pang komento ng aming kausap.
Sen Grace Poe Llamanzares – Maligalig na ang dating tahimik na buhay
Maligalig na rin ngayon ang dating matahimik na buhay at propesyon ni Senadora Grace Poe-Llamanzares. Kakambal na ng mundo ng pulitika ang nagaganap ngayon sa kaniya, kapag nakaramdam ang isang partido tungkol sa pagtakbo ng kanilang katunggali, siguradong maraming butas ang sisilipin laban sa kaniya.
Ang kaniyang residency, ang pagiging ampon niya, sa mga susunod na panahon ay tiyak na mas maraming-marami pang isyu ang ibabato laban sa kaniya dahil sa maugong na balita ng kaniyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon.
Isa lang kami sa maraming Pilipinong medyo tinabangan kay Senadora Grace nang hindi niya pahalagahan ang pagkakaibigan nagtatali sa kaniyang kinagisnang amang si FPJ at kay Vice-President Jejomar Binay.
Pilipino kasi kaming may matinding pagpapahalaga sa pinagsamahan at pagtanaw ng utang na loob. Noong mga panahong dapang-dapa ang Hari Ng Aksiyon dahil sa pandaraya ng kaniyang mga katunggali sa pulitika ay isa si VP Binay sa nagbigay nang matinding suporta at malasakit sa namayapang aktor.
Huli na nang malapatan niya ng paliwanag ang kaniyang pahayag. Malinaw ang kaniyang sabi, ang kaniyang serbisyo at damdamin ay nasa bayan, hindi sa kahit sino.
Pero nakikisimpatya kami kay Senadora Grace Poe sa pambabato sa kaniya ng akusasyon sa pagiging ampon. Para sa amin kasi, ampon o legal na anak man ang tao ay kailangang bigyan ng parehas na karapatan, dahil legal na anak man o ampon lang ay parehong nanggaling sa sinapupunan.
Samantala, biglang dinagsa ng media ang Jaro, Iloilo. Dinadayo ngayon ng mga mamamahayag ang simbahan ng siyudad na pinaniniwalaang pinag-iwanan sa isang sanggol na babae.
Ayon sa mga kuwento ay basta na lang iniwan sa sakristi ng simbahan ang sanggol, nakabalot ng malinis na lampin, saka pinahiga sa isang baby basket.
Isang kasambahay na nagngangalang Sayong ang nakakita sa sanggol. Iniuwi siya sa pinaglilingkuran nitong pamilya, kinupkop-inalagaan ng pamilya Ledesma ang napulot na sanggol sa simbahan.
Sandaling-sandali lang na nakasama ng pamilya ni Gng. Tessie Ledesma ang sanggol. Ipinasa nito ang bata sa kaniyang kaibigang si Ms. Susan Roces. Ang mag-asawang Manang Inday na at Fernando Poe, Jr. ang kinagisnang magulang ng sanggol na si Mary Grace Poe.
Mary dahil mala-birhen ang hitsura ng inosenteng sanggol, Grace ang ikalawa niyang pangalan, dahil itinuring siyang grasya-biyaya ng langit para kina Manang Inday at Tito Ronnie.
Iba naman ang kuwento ng isang urban legend. Anak daw ng dating aktres na si Rosemarie Sonora na kapatid ni Ms. Susan Roces si Mary Grace kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Hindi raw matanggap-tanggap ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos ang pagkakaroon ng anak ni Macoy sa ibang babae kaya inampon ni Manang Inday ang bata.
Isang malaking kalokohan ang nasabing kuwento. Katulad din iyon ng sabi-sabi tungkol kay Senador Bongbong Marcos, ibang Bongbong na raw ang nakikita natin ngayon dahil ang tunay na Bongbong Marcos ay napatay sa rambol sa isang bar.
Sharon Cuneta – Bakit ba ibinibilad sa social media ang shortcomings ni KC?
Nagkasakit si Sharon Cuneta at ang kaniyang mga anak sa Bangkok, Thailand. Inatake sila ng virus, nagkasipon at nagkaubo ang Megastar at ang kaniyang mga anak na sina Frankie, Miel at Miguel.
Sa halip na maawa sa kaniya ang mga regular niyang bashers ay natuwa pa ang mga ito. Sa wakas ay nanahimik daw ang singer-actress. Kundi pa raw siya nagkasakit ay hindi niya tatantanan ang pang-uupak kay KC Concepcion. Mabuti raw naman at namahinga siya sa kapo-post ng kung anu-anong emosyon niya sa social media.
Nang-iimbita ng personal na opinyon ang hidwaang nagaganap ngayon sa pagitan ng mag-ina.
Hindi nagugustuhan ng Megastar ang mga komento ng mga bashers, pero hindi niya mapipigilang makilahok sa usapin ang ating mga kababayan, dahil naging pampubliko rin ang kanilang emosyon sa pamamagitan ng social media.
Komento ni SOS, “Sana po, eh, hindi pinipintasan ni Sharon indirectly si KC o sinasabihan ng mga nega, dahil sa kaniya rin po magre-reflect iyon. Sino po ba ang mag-isang nagpalaki kay KC?
“Dapat pa ngang maging proud si Sharon kay KC dahil ambassadress siya para sa food program ng UNICEF. Wala ring malaking iskandalong kinasangkutan si KC, kaya nananatili siyang role model para sa mga kabataan.
“Kung anuman pong personal issues na mayroon sila, dapat, eh, hindi na iyon inilabas pa sa social media ni Sharon dahil too personal nga iyon. Sa ginagawa po bang indirect na pagbanat ni Sharon kay KC, sa palagay po ba niya, eh, mareresolbahan ang mga emote niya?
“Kung talagang mahal din po niya si KC, dapat, eh, hindi niya ibinibilad sa publiko ang kung anumang shortcomings ng anak niya. Hindi po namin gusto na para lang itaas niya ang isa, eh, kailangan pa niyang ibagsak ang isa.
“Hindi po kaya bitter lang si Sharon dahil kahit siya lang ang nagpalaki kay KC, eh, nag-effort pa rin ang anak niya na maging close kay Gabby Concepcion? Nagtatanong lang po,” mahaba at makabuluhang pagbibigay ng opinyon ni SOS.
Hindi naging maganda ang panlasa ng publiko sa kaniyang mga papuri nang todo kay Frankie na panganay nila ni Senador Kiko Pangilinan. Hindi ang mga papuri ang nabasa doon ng mga kababayan natin, kundi ang panglalaglag niya kay KC.
Nananatiling tahimik si KC sa lahat ng mga inilalabas na posts ng kaniyang ina.
Tantanan lang daw ni Sharon ang kapo-post sa kaniyang FB account ay matatagpuan niya ang katahimikan ng kalooban. Pero hanggang ipinaaalam niya sa publiko ang mga disgusto niya ay habampanahon din siyang makakatikim ng mga hagupit ng dila ng mga taong hindi nagkakagusto sa mga ginagawa niya.
Anne Curtis – Natural na napakaganda, walang retoke tulad ng iba
Kung nawiwindang ang maraming babaeng personalidad kapag wala ang kanilang make-up artist ay hinding-hindi naman iyon problema para kay Anne Curtis.
Wala siyang make-up artist kahit sa It’s Showtime, nagpapa-make-up lang siya kapag may sinu-shoot na TVC at kapag nagho-host siya ng mga awards night, pero sa kaniyang regular show ay wala siyang kasamang make-up artist.
Kuwento ng aming source na katrabaho ng magandang aktres, “Wala po talaga. Basta dala-dala niya ang pula niyang lipstick, iyon na iyon! Wala na, tapos na, basta lipstick lang ang inilalagay niya, salang na siya agad!
“Kung kailangang rematsehan nang ilang layers ang mukha ni Vice Ganda, si Anne, kahit manipis lang na foundation, hindi siya gumagamit.
“Wala siyang ibang inia-apply sa mukha niya, lipstick lang talaga ang kailangan niya. Napakaganda ni Anne, natural ang ganda niya, matipid siya sa make-up,” papuri pa ng aming kausap.
Si Anne Curtis pala ang babaeng Willie Revillame pagdating sa pagiging organisado sa kaniyang mga kagamitan, masinop din siya na tulad ni Willie, napakalinis ng kaniyang bahay lalo na ng kaniyang kuwarto.
“Ganoon din siya kay Willie. Kung ano ang kulay ng mga t-shirts niya, nakatiklop iyon nang maayos according to color. Pareho rin silang mahilig sa white, mula sa wall hanggang ceiling hanggang sa mga kagamitan, puro puti ang gusto niya. Babaeng pambahay si Anne,” impormasyon pa ng aming source.
John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban – Nagkasawaan na!
Nagkasawaan. Ganoon kung ilarawan ng mga close kina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban ang kinauwian ng kanilang relasyon. Sa sobrang pagsasama nila ay pumasok agad ang sawa factor na itinuturong dahilan kung bakit nanamlay ang kanilang romansa.
Pero napakabilis naman. Nagtagal nang maraming taon sina Angelica at Derek Ramsay, nag-live-in din naman ang dalawa, samantalang hindi naman nagsama sa isang bubong sina JLC at Angel.
Isang miron ang nagbulong sa amin, “Sawain talaga sa babae si John Lloyd. Kapag wala nang idi-discover sa girl, tinatabangan na siya.”
Maraming beses nang nagkakaroon ng tampuhan sina Angelica at John Lloyd, pero naiaayos naman nila iyon, kaya itinuturing na kakaiba ng kanilang mga kaibigan at kasamahan itong huling nangyari sa kanila.
Minsan ay may nakapagkuwento sa amin na stubborn girlfriend si Angelica. Matigas ang ulo, may sariling mundo, walang pinakikinggang mga payo.
“Saka palaaway si Angel, hindi ganoon ang tipong gusto ni John Lloyd, alam n’yo naman ang pagka-consevative ng lalaking iyon! Lumang tao si John Lloyd, kaya nauntog na siguro siya sa katotohanan na hindi si Angelica ang gusto niyang makarelasyon nang matagalan,” dagdag ng aming impormante.
Tama ang sinabi ng isang magaling na aktres, sa pakikipagrelasyon daw ay sitenta porsiyento lang dapat ang ibinabahagi ng babae sa lalaki, ang natitirang treinta porsiyento ay kailangang inaangkin ng babae na sa kaniya lang.
“Araw-araw, kailangang may excitement, may bagong dini-discover ang guy. Kapag nakalantad nang lahat, ano pa ang saysay ng isang relasyon?” paalala pa ng magaling na aktres.
Willie Revillame – Tagumpay muli sa kaniyang Wowowin!
Nakabalik nang matagumpay si Willie Revillame! Mula noong May 10 sa unang sultada ng kaniyang Wowowin hanggang noong nakaraang Linggo nang hapon ay walang patumangga niyang kinabog ag mga programang katapat niya.
Masayang-masaya ang kaniyang staff, ang kaniyang mga sponsors, at napakasaya rin ng GMA-7 sa magandang ratings ng Wowowin. At may mas sasaya pa kaya ngayon kesa kay Willie?
“Ang lahat ng ito, eh, hindi mangyayari kundi dahil sa ginagawang paghahanda ng buong staff ng show. Masisipag sila, excited ang lahat kapag may production meeting, may saysay kasi ang mga ginagawa nilang paghahanda sa bawat episode.
“Hindi lang ganito ang puwede naming ibigay sa mga televiewers, maraming-marami pa, medyo kulang lang kasi kami sa oras kaya hindi pa kami makatodo.
“Pero masayang-masaya kami, napakaganda ng ibinibigay na sorpresa sa amin ng mga kababayan natin every Sunday afternoon,” pahayag ni Willie nang makakuwentuhan namin.
Isa na lang ang hinihiling ng mga tagasuporta ng aktor-TV host, ang pagiging daily na ng Wowowin, para makumpleto na ang kanilang kaligayahan.
Tuwing matatapos ang programa ni Willie ay isang mensahe lang ang palagi naming tinatanggap, “Bitin!” Sana raw ay madagdagan pa siya ng oras para mas marami pang segments ang maihain nila sa publiko. Dagdag na oras at dagdag na araw.
Wala nang kailangan pang patunayan si Willie Revillame. Siya lang ang personalidad na mahigit na isang taong nawala pero nang magbalik-telebisyon ay dalawang-kamay pa ring niyakap ng ating mga kababayan.