Disyembre 1-15, 2020
![]() Rabiya Mateo |
|
![]() |
|
Alden Richards
|
|
![]() |
|
Angel Locsin |
|
![]() |
|
Lea Salonga |
|
![]() |
|
Andrea Torres & Derek Ramsay |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Jinkee Pacquiao |
|
![]() |
|
KC Concepcion, Gabby Concepcion
|
|
![]() |
|
Charice Pempengco a.k.a. Jake Zyrus |
|
![]() |
|
Piolo Pascual |
|
![]() |
|
April Boy Regino |
Rabiya Mateo, Miss Universe Philippines 2020
Sa kabila ng kaniyang kagandahan, kaseksihan at tagumpay ay nakasalansan pala sa nakaraang buhay ng tinanghal na Miss Universe Philippines ang napakakulay niyang buhay.
Pinanday pala sa kahirapan si Rabiya Mateo, ang ipinagmamalaking anak ng Iloilo. Literal na pagdarahop ang inabot nilang mag-iina nang bigla silang iwan ng kaniyang amang Bombay.
Pero hindi sila nawalan ng pag-asa, wala sa kanilang bokabularyo ang pagsuko. Iginapang ng kaniyang ina ang edukasyon nilang magkapatid. Nagtapos si Rabiya na nakadekorasyon ang mga medalya sa kaniyang dibdib mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo.
“Natutulog po ako sa banig. Pumapasok na konting-konti lang ang baon. Hindi po ako nahihiyang sabihin na nangungutang ang mommy ko para lang makapag-aral kami ng kapatid ko.
“‘Yung literal na bagyo, naranasan din po namin, ‘yun nu’ng panahon ng Yolanda. Ang kubo po namin, tumagilid. Nasalanta po kami.
“Dumaan man kami sa sobrang kahirapan. Kinapos man kami dahil iniwan kami ng dad ko. Hindi po ako nagtago ng galit sa puso ko. Nagkaroon naman po ng kapalit ang mga pinagdaanan ko,” litanya ni Rabiya Mateo sa panayam sa kaniya ni Jessica Soho.
Napakapositibo ng kaniyang pananaw. Ramdam na ramdam sa kaniyang pagsasalita ang mabuti niyang puso. Ang tanging hiling niya ngayon ay ang makaharap ang kaniyang ama na balita nila’y doktor at naninirahan sa Chicago, USA.
Naiiyak niyang mensahe sa kaniyang ama, “Ako po si Rabiya, ang anak n’yo. Miss Universe Philippines po ngayon.”
Haaaay, buhay.
Alden Richards, may nagtutulak para kumandidatong mayor ng Laguna?
Dahil sa kagandahan ng puso ni Alden Richards ay may mga nagtutulak sa kaniya para kumandidatong mayor ng kanilang bayan sa Laguna. Ang tulad daw ng sikat na aktor ang kailangang magkaroon ng posisyon sa pamahalaan.
Hindi man nagsasalita si Alden ay lumalabas din ang magagandang aksiyon na ginagawa niya, hindi lang para sa kanilang mga kababayan kundi maging sa marami pang ibang kababayan nating sinasalanta ng kalamidad.
Pero mukhang malayo sa bituka ni Alden ang mundo ng pulitika. Napakalayo. Sapat na para sa kaniya ang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
At naku! Wawasakin ng pulitika ang malinis na pangalan ng Pambansang Bae. Kung sa pagiging artista pa nga lang ay mayroon nang mga nanghihila sa kaniya pababa, kahit wala namang sapat na dahilan, paano pa kapag pinasok niya ang mundo ng pagseserbisyo-publiko?
Sabi ng kaibigan naming propesor, “Huwag na huwag siyang papasok sa politics! Mawawasak si Alden du’n! Kapag walang nakitang butas sa magandang pangalan niya, e, gagawa ng butas ang mga kalaban niya para lang siya ibagsak!
“Tama na ang pag-aartista niya. Tutal naman, e, para na rin siyang politician sa pag-ayuda niya sa mga nangangailangan!” madiing paalala-opinyon ni prop.
Totoo naman. Tama nang marami siyang pinasasayang kababayan natin sa maganda niyang pakikitungo at sa nagiging mapagkumbaba. Hindi na niya kailangan pang maupo sa anumang posisyon ng gobyerno.
Walang pakialam namang komento ng apo ng aming kaibigan, “Basta! Panonoorin ko ang concert niya sa December 8. Virtual concert ‘yun, malayo siya sa akin, pero parang pinanonood ko pa rin siya sa mismong venue!”
Vice Ganda at Direk Bobet Vidanes, nag-plastikan lang pala?
Ang buong akala ng publiko ay magkasundung-magkasundo si Vice Ganda at ang direktor nila sa It’s Showtime na si Direk Bobet Vidanes.
Nagpupurihan pa sila sa himpapawid, nagbibiruan. Mayroon pa silang pasumpa-sumpa na wala silang iwanan hanggang sa dulo ng laban.
Pero ngayong nagbitiw na bilang direktor ng noontime show ang direktor at lumundag na sa Brightlight Productions ay naglitawan na ang mga kuwento tungkol sa dalawa.
Litanya ng isang source na nakakasaksi sa pagpaplastikan ng direktor at ng bumibida sa show, “Matagal nang nabubuwisit si Direk Bobet kay Vice dahil parang nababalewala na siya sa show.
“Apat kasi ang nag-a-approve ng mga segments, si Direk Bobet ang pangatlo at ang final approval, kay Vice. Ramdam ni Direk Bobet na binabaril ni Vice ang aprubado nang mangyayari sa show.
“Si Vice na ang nasusunod. Nawawalan na siya ng boses sa show, kaya matagal na siyang inis na inis kay Vice! Nagkakatawanan nga sa production, e.
“Parang okey na okey sila, pero nagpaplastikan lang naman! Kilala n’yo naman si Vice, kapag ayaw ka niya, e, parang hangin ka lang. Ubod nang yabang si Vice Ganda!
“E, mayabang din naman si Direk Bobet, kaya ang tuksuhan, galit daw ang magnanakaw sa kapuwa niya magnanakaw! Pareho naman silang mayabang, pero hindi sila nagkakasundo!” impormasyon ng aming source.
Ayon kay Direk Bobet Vidanes ay kaniya raw ang kabuuang konsepto ng It’s Showtime. Sila raw ni DJ MOD ang nagbalangkas ng noontime show, pero kinokontra ‘yun ng mga kunektado sa programa.
Patuloy ng aming source, “Nu’ng sumikat ang Aldub, wala na talaga, bagsak na bagsak ang rating ng show, malapit na silang magsara!
“Huwag angkinin nina Vice Ganda at Direk Bobet na utak nila ang dahilan ng pagbangon ng show! TNT ang nasalba sa kanila, Tawag Ng Tanghalan, buong production ang nag-isip nu’n!”
Bilang consultant daw ang magiging posisyon ng lumipat na direktor sa Lunch Out Loud. Balita ring siya na ang magdidirek ng noontime show na sinimulan at pinagsunugan ng kilay ng team ni Direk Bjoy Balagtas na mula naman sa kampo ni Direk Johnny Manahan.
Teka lang muna, mukhang hindi naman magiging parehas para sa mga taong nag-isip, nagsikap na buuin ang Lunch Out Loud kung biglang si Direk Bobet Vidanes na ang hahawak ng pagkakapitan ng programa.
Sino ba ang dapat pagkatiwalaan? Ang mga taong tumulong sa Brightlight Productions para ipanganak ang Lunch Out Loud o ang taong nang-iwan sa lumulubog nilang barko?
DepEd, inalat sa kagagawan ng isang guro. Lea, Angel, pumalag!
Inaasinan talaga sa alat ang departamento ng edukasyon. Sunud-sunod ang mga pagpansin sa kanila ng publiko na kailangan nilang lapatan ng tugon.
Pagkatapos silang bulabugin ng international performer na si Lea Salonga sa inilabas nilang module na tinawag na ostrich ang nakalarawang owl ay heto na naman ang isa pa.
Hindi pa man nakababangon ang DepEd sa kapalpakang ginawa ng isang guro sa pamimintas at pangba-body shame kay Angel Locsin ay may bago na namang sasagutin ngayon ang departamento sa ayaw nila at sa gusto.
Sa isang learning module ay nakasaad, multiple choice ‘yun, “Ang tattoo ay simbulo ng A. pagiging kriminal, B. pagkaalipin, C. kagitingan at kagandahan, D. pagiging mababa ng katayuan sa lipunan.”
Sa key answer ng module ay A ang sagot. Ang pagkakaroon ng tattoo ay simbulo ng pagiging kriminal. Pinalagan ni Lea Salonga ang key answer, may tattoo lang ang tao ay kriminal na agad-agad, at mas kinontra ‘yun ng mga kababayan nating naniniwala na ang tattoo ay isang sining. Art.
Paltos na ay napakamapanghusga pa ng mga ipinakakalat na learning modules ng mga gurong nagbabalangkas ng mga impormasyon para sa mga kabataang Pilipino.
Galit na galit ang mga kilala naming tattoo artists. Oras nga naman ang binibilang bago nila mabuo ang obra sa katawan ng kliyente nila, pero ang interpretasyon lang pala sa kanilang sining ay simbulo ng pagiging kriminal?
Mapagpahalaga kami sa sining. Nirerespeto namin ang angking talento ng mga pintor, artista, mang-aawit at marami pang ibang linya.
Dugo, pawis at luha ang kanilang ipinupuhunan bago sila makabuo ng kanilang obra. Ibig bang sabihin, lahat ng mga tao sa buong mundo na nagpa-tattoo ay maituturing nang kriminal, nakapatay na, nanggahasa, nagnakaw sa kaban ng yaman ng pamahalaan para ituring na kriminal?
Kailangang mabigyan ng leksiyon ang gurong nagpakalat ng learning module na ang tattoo ay simbulo ng pagiging kriminal. Sila ang dapat bigyan ng module para maihiwalay nila ang impormasyon sa panghuhusga – ng kagandahang-asal sa kabastusan.
May ilang guro na inaapuntahan ng pagkainis sa mga estudyanteng may kahinaan ang ulo. Kinakapos sila sa pang-unawa na kaya nga sila tinawag na titser ay para linangin ang murang isip ng mga kabataan.
Paano naman kapag ganiyan na ni hindi nga alam ng gurong gumawa ng learning module ang pagkakaiba ng itsura ng ostrich sa kuwago?
Ano ang itatawag natin sa kanila?
Derek Ramsay, pinakakain ngayon ng ampalaya sa social media
Oo nga naman. Napakagaling lumusot ni Derek Ramsay sa mga kontrobersiyang kinapapalooban niya sa pakikipagreslasyon. Siya pa ang lumalabas na tagapagtanggol ng mga babaeng kinarelasyon niya pero hindi naman pinakakasalan.
Sagot siya nang sagot sa mga namba-bash sa kaniya. Ipinagtatanggol niya ang mga babaeng binibira. Napakagasgas na ng kaniyang linyang, “She is a great woman.”
Nagamit na niya ‘yun kay Solenn Heussaff, kay Angelica Panganiban, kay Joanne Villablanca at ngayon naman kay Andrea Torres.
Hindi siya nagbibigay ng interbyu para linawin ang pakikipaghiwalay niya, pero kapag may mga namba-bash sa kaniya, du’n siya sagot nang sagot.
Natatawang komento ng kaibigan naming propesor, “Di ba naman, para siyang knight in shining armour sa pagtatanggol sa mga nakakarelasyon niya? Siya ang dumedepensa, otra sagot siya agad, pinangangaralan pa niya ang basher!
“Kung talagang ayaw niyang mag-comment dahil sagrado raw sa kaniya ang relasyon, e, di i-block na lang sana niya nang i-block ang mga namba-bash sa kaniya?
“Napakadali namang gawin nu’n, kesa naman sa kunwari, e, ipinagtatanggol pa niya ang babaeng nakahiwalay niya!” inis na komento ni prop.
Si Derek Ramsay ang pinakakain ngayon ng ampalaya at pinalulunok ng apdo sa social media. Matindi ang paghusga sa kaniya. Mayroon kasing pinanggagalingan ang mga nakamasid. Maraming beses na siyang nagkarelasyon pero wala pa rin siyang pinakakasalan.
Nu’ng maging sila ni Andrea Torres ay ipinagtanggol niya si Joanne Villablanca sa pagiging single mom. Ngayon namang hiwalay na sila ni Andrea ay ipinagtatanggol din niya ang dalaga sa bintang ng iba sa pagiging asyumea.
Di ba naman, dakila pa rin si Derek Ramsay, hindi siya nagsasalita ng anumang ikasisira ng nakahiwalay niyang karelasyon?
Sabi uli ni prop, “Regalo talaga siya ng langit sa mga kababaihan sa lupa! Very protective siya, ipinaglalaban pa niya ang girl sa mga bashers! Enjoy na enjoy siya sa pagsagot, siya kasi ang man of the hour!”
Butas ng karayom ang kailangang lusutan ni Derek Ramsay sa hindi pagpapakasal sa mga nagiging karelasyon niya.
Angelica Panganiban, may bagong inspirasyon
Non-showbiz ang napapabalitang bagong nagbibigay ng inspirasyon ngayon kay Angelica Panganiban. Isang negosyante ito na may mataas na posisyon sa isang pangyayamaning industriya.
Gregg Homan ang pangalan ng lalaking nagpapaganda raw ng bawat gising ngayon ng magandang aktres. Isang simpleng mensahe lang sa social media ang naging susi kung bakit nalantad ang kanilang pagkakamabutihan.
Pinauuwi na ni Angelica ang lalaki na sumagot naman ng ilang araw pa at uuwi na ito. Ganu’n lang at marami nang naging masaya para sa magaling na aktres.
Totoo ang mga komento na panahon na para makakita ng lalaking mamahalin niya at magmamahal sa kaniya si Angelica. Mahaba na ang ibinibiyahe ng kaniyang buhay na wala siyang karelasyon.
At tama, mas makabubuti nga sigurong hindi artista ang maging karelasyon niya. Mas magiging tahimik kung pribadong lalaki ang pipiliin ni Angelica sa pagkakataong ito.
Ilang beses na siyang sumubok sa puro artista, pero palagi siyang bigo. Baka sakaling sa isang hindi artista niya makita ang matagal na niyang hinahanap na kaligayahan.
Isisingit lang namin ang eksena nila ni Paolo Avelino sa Walang Hanggang Paalam na napakaepektibo. Isang madramang eksena ‘yun nang makita nila ang senyal na pinatay ang kanilang anak.
Digmaan ng luha ang tagpo. Napakanatural ng kanilang pagganap. Tumatawid sa manonood ang napakahusay nilang pag-arte na parang wala sila sa harap ng mga camera.
Magagaleng!
Jinkee Pacquiao, nasa gitna na naman ng kumukulong tubig ngayon
Heto na naman. Parang paulit-ulit na lang ang takbo ng kuwento. Makakatikim siya ng mga bira sa social media, aaray lang siya sandali, pero balik na naman siya sa dati.
Nasa gitna na naman ng kumukulong tubig ngayon si Mrs. Jinkee Pacquiao. At ang masakit pa sa pagkakataong ito ay damay ang kaniyang mister na senador at kampeong boksingero.
Dati nang napag-iinitan sa social media si Jinkee dahil sa paglalantad sa kanilang kayamanan. Pandemya ngayon pero naglalabas siya ng mga retrato at video sa kaniyang IG account ng kaniyang mga luho.
Ngayon naman, sa kasagsagan ng kahirapan sa mga probinsiyang sinalanta ng magkakasunod na bagyo ay lumabas ang retrato nilang mag-asawa na puro branded na naman ang suot na damit at sapatos ni misis. Si mister naman ay nag-post na “little things” lang daw ang ipinakikita nilang mag-asawa.
May nakakilala sa background nila, ‘yun ang bahay nila sa Forbes Park na bilyon ang halaga, ‘yun daw ba ang tinutukoy ni Senador Manny Pacquiao na kasama sa “little things” lang na sinasabi nito?
Siguradong alam ng mag-asawa ang dinaranas ngayon ng mga kababayan natin sa Marikina, sa iba pang mga bayan sa Rizal, sa Cagayan at Isabela, sa Mt. Province at sa Kabikulan.
Hindi puwedeng hindi nila alam ang matinding pagdarahop ng mga sinalanta ng kalamidad. Kaya para sa mga netizens na nag-oopinyon na hindi ngayon ang tamang panahon para sa pagpapakita ng kanilang karangyaan ay may pinagmumulan. May katotohanan ‘yun.
Marami pang nalalabing pagkakataon para ipagmalaki nila ang yaman na mayroon sila, pero huwag lang muna ngayon, kung kailan napakaraming nawalan ng bubong, maraming sakahan ang tinunaw ng baha, may mga buhay na naibuwis sa kalamidad at ni wala ngang makain ang mga pinahirapan ng bagyo at baha.
Kontra-tiyempo ang pagpapakita nila ng mga luho. Napakalaking insulto ‘yun para sa mga nagugutom nating kababayan. Hindi naging maganda sa panlasa ng mga Pinoy ang inilbas nilang larawan.
Sabi nga ni prop, “Okey, pera naman nila ‘yun, wala naman silang ninakawan o inabalang kahit sino sa pagbili ng mga branded bilang kasuotan.
“Pero may tinatawag tayong tamang timing. Sa pagkanta, e, sintunado ang ganu’n, sa pagsayaw naman, e, kontra sila sa tugtog. Hindi man lang ba nila naiisip ‘yun?”
KC at Gabby Concepcion, nagkita. Sharon... walang dapat ika-insecure
Pinagpistahan ang kuwento tungkol sa pagkikita ng mag-amang Gabby at KC Concepcion. Larawan nga naman sila ng mag-amang parang taon ang hindi pagkikita kaya sobra nilang na-miss ang isa’t isa.
May pa-“I love you!” pa si KC sa kaniyang ama. At sa kuwento naman ni Gabby ay ayaw raw siyang pauwiin ng kaniyang anak pagkatapos nilang mag-bonding.
Ang ganda-ganda ng kuwento, pero natural lang na may pumuna sa kanila, lalo na kay KC na parang pinasasakitan daw ang Megastar.
Ano naman ang dahilan para pasakitan ni KC ang kaniyang ina? Kahit bali-baligtaran pa ang mundo, magputukan man ang lahat ng mga bulkan ay alam ni KC kung sino ang nagpala sa kaniya. Walang dapat ika-insecure si Sharon Cuneta sa pagiging malapit sa isa’t isa nina Gabby at KC.
Maganda nga ‘yan. Puwede nang bumawi si Gabby sa napakalaki nitong pagkukulang sa kaniyang anak. Lumaki at nagkaisip si KC na wala naman sa mapa ng mundo ang kaniyang ama at si Sharon lang talaga ang tumayong ama at ina niya.
Walang naging pagkukulang ang Megastar sa kaniyang panganay. Trabahong-kalabaw ang ginawa ng aktres para kay KC, kaya ano ang punto para makaramdam ng insekuridad si Sharon sa matamis na pagkikita ng kaniyang mag-ama?
Ang taong nakakaalam ng katotohanan, kailanman ay hindi papasukin ng inggit ang puso, tatawanan lang nito ang mga nagaganap.
At alam na alam ni KC ‘yun!
Charice a.k.a. Jake Zyrus, dedma sa panawagan ng lola Tessie niya
Maraming nang-uusisa sa amin kung bakit parang hindi naman pinansin man lang ni Charice Pempengco (a.k.a. Jake Zyrus) ang panawagan ng kaniyang Lola Tessie Pineda.
Sa lumabas na video ng panawagan ni Nanay Tessie sa mapusong broadcaster na si Raffy Tulfo ay sinabi nito, “Charice, anak, nasaan ka na? Nakakaya mong magpakain ng ibang tao, pero ako na lola mo, hindi mo man lang mabigyan nang kahit piso!”
Matindi ‘yun, Nangungunsensiya, lalo na’t ang kaniyang lola naman talaga ang palagi niyang kasama nu’ng pasali-sali pa lang siya sa mga amateur contest.
Ang unang inireklamo ng matanda ay ang kawalanghiyaan ng kaniyang anak na si Raquel, ina ni Charice. Lumayas ito sa bahay ng kaniyang anak dahil sa pambabato sa kaniya ang bote ng tubig na may yelo.
Tinugunan naman ni Raffy Tulfo ang mga hiling ni Nanay Tessie. Ipagagamot ito ng matapang pero mapusong broadcaster. Bibigyan din ng pambili ng mga gamot at pangkabuhayan showcase.
Pero ang reaksiyon ni Charice ang hinihintay ng ating mga kababayan. Bakit parang nananahimik lang ang magaling na singer? Kinalimutan niya na ba ang mga pagsasakripisyo ng kaniyang lola para matupad ang kaniyang mga pangarap?
Isang source ang tumawag sa amin. Mayroon itong ipinaalala, “Ayaw na sigurong makihalo pa ni Charice sa problema ng lola at mother niya. Matindi ang saloobin ni Charice kay Raquel. Inilabas niya ‘yun sa librong sinulat niya, di ba?
“At sa lola niya naman, hindi na rin siguro makakalimutan ni Charice ang sinabi ni Lola Tessie nu’ng mag-out na siya! Hanggang ngayon, e, nasa utak pa rin niya ‘yun.
“Ang sabi kasi nu’n ng lola niya, ‘Charice, hindi mo puwedeng baguhin ang pagkatao mo. Babae ka pa rin, buwan-buwan, rereglahin ka pa rin!’
“‘Yun siguro ang dahilan kaya tahimik lang siya ngayon sa mga sentimyento ng lola niya,” napapailing na pagtatapos ng aming kausap.
Piolo Pascual, sa U.S.A. magpa-Pasko kasama ng pamilya
Umalis pala si Piolo Pascual noong isang araw papuntang Amerika. Doon daw siya magdiriwang ng Pasko kasama ang kaniyang ina at mga kapatid.
Paano na ang Sunday show ng Brightlight Producitons na SNL? Mababawasan ng poste ang programa. Balitang sa Enero na ng susunod na taon ang balik ng singer-actor.
Sabi ng aming kausap, “Every year naman kasi, basta wala siyang ginagawang project, e, talagang lumilipad siya papuntang Amerika. Nasa Los Angeles na kasi ang pamilya ng mga kapatid niya, pauwi-uwi naman dito si Mommy Amelia.
“Since SNL lang naman ang pinagkakaabalahan niya ngayon, e, nag-decide siyang mag-spend ng Christmas kasama ang family niya,” impormasyon ng aming kausap.
May kuwentong kumalat na hindi raw masaya si Piolo sa SNL. Parang napipilitan lang siyang gawin ang show, bilang respeto sa kaniyang mentor na si Direk Johnny Manahan.
Isa pang dahilan ay napahiwalay siya sa kaniyang mga kaibigang regular sa ASAP Natin ‘To. Ilang dekada na kasi silang magkakasama at nakabuo na sila ng magandang samahan, na pinahahalagahan ni Piolo.
Pero medyo naguluhan kami sa isang kuwentong sinabi ng aming source. Nagpaalam din daw si Piolo sa mga ehekutibo ng ABS-CBN. Nag-iwan siya ng salita na babalik lang siya dito kapag mayroon nang project sa kaniya ang network.
Kapamilya pa rin pala si Piolo Pascual. Hindi pa siya nagpapaalam sa istasyon. Anumang oras ay babalik pa rin siya kapag may nakahanda nang trabaho para sa kaniya ang network.
Napakalaki naman kasi ng utang na loob niya sa ABS-CBN. Ang network na ipinasarado ang naging tahanan niya nang ilang dekada na ngayon, hindi niya ‘yun basta-basta maitatapon.
Maganda ang ginawa ni Piolo. Hindi siya nagsunog ng tulay na tinawiran niya nang mahabang panahon. Marunong tumanaw ng utang na loob ang papa ng bayan.
April Boy Regino, pumanaw na
Pumanaw na ang Jukebox Idol na si April “Boy” Regino sa edad na limampu’t siyam noong ika-28 ng Nobiyembre, nang alas tres nang madaling-araw.
Iniwan ng matagumpay na singer ang kaniyang misis na si Madel de Leon-Regino at ang kanilang mga anak na sina JC at Charmaine na nasa Amerika ngayon, kasama ang pamilya nito.
Acute respiratory at kidney disease stage 5 ang dahilan ng kaniyang pagyao. Itinakbo si April Boy ng kaniyang misis at anak na si JC sa Metro Hospital sa Antipolo noong Sabado nang hapon dahil sa hirap sa paghinga. Isang emergency dialysis ang kailangang gawin dahil sobrang taas na ang kaniyang creatinine.
Kuwento ng kaniyang misis na si Madel, “Ang palagi niyang sinasabi sa akin, ang kalooban ng Diyos ang magaganap. Napakatindi ng pananampalataya niya nitong mga huling taon na maysakit na siya.
“Naligtasan niya ang prostate cancer noong 2008. Nasa Amerika pa kami noon. Umayos ang kundisyon niya. Pumipila kami noon sa ospital sa Amerika para sa pagpapa-check-up niya.
“Nandoon na kami nang madaling-araw, nakapila kami, napakaginaw, pero tinitiis namin ‘yun. Hanggang sa umuwi na nga kami dito at nakakapag-show pa siya,” pag-alala ni Madel.
Maraming pinagdaanang paghamon ang tinaguriang Jukebox Idol. Noong gumaling na ang kaniyang prostate cancer ay tumindi naman ang kaniyang diabetes. Sa kaniyang pagpanaw ay umabot sa 854 ang taas ng kaniyang creatinine.
“Ang palagi po niyang sinasabi sa amin ng mga anak niya, ‘Pinagaling ako noon ng Panginoon, pagagalingin Niya pa rin ako ngayon.’ Puro ang pananalig po sa Diyos ang sinasabi niya kahit alam kong hirap na hirap na siya.
“Ako na po ang naging tungkod niya nang tatlong taon. Hindi na po kasi siya nakakakita. Gumanda man ang vision niya paminsan-minsan, nakakabanaag lang siya nang kaunti.
“Di po ba, ikinukuwento niya sa inyo na kailangang itim ang pinggan niya kapag kumakain siya para nakikita niya ang laman ng plato?
“Hanggang sa noong 2015, hiniling niya sa akin na putulan ko ang buhok niya dahil nahihirapan na siya. Alam po natin kung gaano niya kamahal ang mahaba niyang buhok.
“Tatak po niya ‘yun. Packaging niya, pero iyak ako nang iyak noong sabihin niyang magpapaputol na siya ng buhok dahil hirap na hirap na siya,” humahagulgol na pag-alala ni Madel.
Sa mga huling sandali ng buhay ng Jukebox Idol ay palagi niyang ihinahabilin kay Madel ang kanilang mga anak at apo.
“Palagi po niyang ihinahabilin sa akin sina JC at Charmaine, saka ang apo namin. Pero sabi niya, hindi siya pababayaan ng Panginoon. Pagagalingin pa rin siya.
“Dapat po, e, gagawin na nang ala una nang madaling-araw ang emergency dialysis niya, pero habang naghihintay kami, nakita ko na po ang matinding paghihirap ni April.
“Lumalabas na po ang dila niya. Hirap na hirap siyang huminga, hanggang sa i-revive po siya ng mga doktor. Ten times lang dapat, pero sabi ko, gawin pa naming twelve, baka sakaling mabuhay pa siya. Pero talagang hanggang doon na lang po ang buhay niya. Wala na po si April,” humahagulgol na kuwento ng una at huling pag-ibig ng Jukebox Idol.
Poste ng mundo ng musika si April “Boy” Regino. Hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino ang mga pinasikat niyang piyesang Di Ko Kayang Tanggapin, Umiiyak Ang Puso, Paano Ang Puso Ko, Esperanza, Yeye Bonel, Di Na Ako Iibig Pang Muli, Kahapong Nagdaan, Tanging Hiling, at marami pang iba.
Pandemya ngayon, susunod ang pamilya ng namayapang Jukebox Idol sa mga health protocol, pero kailangang ibigay ni Madel at ng kanilang mga anak ang hiling ni April Boy.
“Sa Idol Star po namin siya ibuburol, malapit lang po sa bahay namin sa M.H. Del Pilar sa Calumpang, Marikina. Para naman po madalaw siya sa huling pagkakataon ng mga kasamahan at kaibigan niya at ng mga supporters niya na hindi bumitiw sa kaniya hanggang sa huli,” impormasyon ng nagluluksang si Madel.
Paalam sa Jukebox Idol na nagbigay ng kaligayahan sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng kaniyang mga walang kamatayang awitin.
Mapayapang biyahe, Jukebox Idol, April “Boy” Regino. – CSF