Mayo 1-15, 2020
![]() Sarah Geronimo |
|
![]() |
|
Lani Misalucha
|
|
![]() |
|
BB Gandanghari |
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz & Elias |
|
![]() |
|
Carlo Caparas & Donna Villa |
|
![]() |
|
Imelda Papin |
|
![]() |
|
Pacquiao family |
|
![]() |
|
Willie Revillame |
Manay Lolit Solis – Nakakamiss ang aming bonding sa Take It, Per Minute
Tama ang sinabi ng isang kausap naming personalidad. Pagkatapos ng enhanced community quarantine ay isang bagong mundo na ang ating haharapin.
Kung hindi na magkakaroon ng ekstensiyon ang ECQ sa May 15 ay dalawang buwan tayong pumasok sa isang tunay na nakapaninibagong klase ng buhay.
Hindi natin ito hiningi, lalong hindi natin inasahang magkakaroon pala ng lockdown, pero kinailangan nating yakapin.
Bahala na si Batman, sabi ng mga pilosopo, anuman ang kahihinatnan natin kapag tinuldukan na ang lockdown ay abangan na lang natin.
Tama si Manay Lolit Solis, sobrang nakaka-miss na ang bonding namin tuwing Martes nang tanghali sa Take It, Per Minute.. Me ganoon, ang programang sinusuportahan lalo na ng mga kababayan natin mula sa iba-ibang dako ng mundo.
Para kasing hindi muna napapanahon ang talk show sa mga ganitong sitwasyon na naliligalig ang buong bayan dahil sa corona virus.
Konting panahon pa, ipagpatuloy lang natin ang pagdarasal na sana’y matuldukan na ang lockdown, para muli na tayong magkasama-sama sa programang kasalo ninyo sa pananghalian.
Sa mga panahong ito na parang kinatatamaran na rin natin ang tulog at pahinga ay talagang maghahanap tayo ng mga aktibidad na magpapalipas ng ating maghapon nang hindi tayo nabuburyong.
Aba, hindi na biro ang pinagdadaanan natin, ito ang pinakamahabang bakasyon sa ating buhay, pero isang uri ng bakasyon ito na walang labasan ng bahay, dahil bawal.
Sabi ng isang lkaibigan naming pilosopo, “Mali ang mga nagsabing mabilis lang na mawawala ang corona virus dahil made in China. Pero hindi pala! Buong mundo na ang pinahihirapan ng salot!”
Nagkatusak kasi ang mga produktong gawa sa Tsina sa merkado natin. Mas murang di hamak kesa sa mga produktong gawa dito sa atin.
Pero maraming kababayan natin ang umaangal, hindi raw matibay, napakadaling masira. Doon ikinumpara ng mga pilosopo ang corona virus na nagsimula nga sa Wuhan, China.
Sa Amerika ay hindi na nakapaghintay pa ang maliliit na negosyante, nagbukas na sila ng kailang negosyo, hindi na nila pinakinggan ang anunsiyong delikadong lumabas ng kani-kanilang bahay sa mga panahong ito.
At nakaisip naman ng ibang paraan ang mga Kano para sila mabuhay. Ang mga spa at parlor at iba pang mga opisina ay ginawa na nilang grocery, iyon kasi ang pinakasiguradong business ngayon, dahil sa mga pangunahing pangangailangan ng sambayanan.
Isang photographer naman ang hinuli ng mga otoridad sa Amerika, ilang ulit kasi itong nakakamayan na kuha nang kuha ng mga retrato ng mga sikat na lugar sa kanilang bansa, nagpakatotoo naman ang Puti sa kaniyang pahayag.
Isang araw, kapag natapos na raw ang pambubulabog ng COVID-19, ay saka nito ilalabas ang mga retratong hawak nito ngayon.
Pagtatabihin nito ang dating retrato ng lugar at ang naganap nang magkaroon ng lockdown. Simple lang ang kaniyang caption, “Before and after.”
Napakatindi nga naman ng binago ng corona virus sa buong mundo. Kapag natuldukan na ang enhanced community quarantine sa atin ay ibang-iba na ang ating gagalawan.
Maninibago na tayo, mangangapa na, dahil sa dalawang buwan na pananahimik lang sa loob ng ating tahanan.
Noong isang araw ay nag-download ng mga concert ng mga paborito naming banyagang grupo ang aming panganay na si BM.
Una naming pinanood ang unang farewell concert ng Eagles sa Australia. Napakagaling na grupo, suwabeng-suwabe ang atake, pero hindi mo bibitiwan.
Siyempre’y bumibida sa kanilang mga piyesa ang Hotel California na napalahaba ng intro. Nakapaglaba ka na, nakapagsampay ka na, malapit nang matuyo ang nilabhan mo ay saka pa lang matatapos ang balanseng-balanseng tunog ng kanilang mga instrumento para simulan na nila ang pagkanta.
Ang ikalawa naming tinutukan ay ang concert ng grupong Bee Gees, pinanood din namin ang istorya ng kanilang buhay at musika, doon kami naging emosyonal.
Ang mga miyembro ng grupo ay ang magkakapatid na sina Barry, Maurice at Robin. Ang panganay na si Barry lang ang natitirang buhay ngayon dahil pati ang kanilang bunsong si Andy ay namayapa na rin.
Sa isang bahagi ng kanilang concert sa Australia ay ihinandog nila kay Andy ang isang piyesa. Ipinakita sa wide screen ang masaya nilang kabataan, nangangabayo sila at naliligo sa dagat, matinding magmahalan ang magkakapatid.
Biglang iniluwa ng hologram si Andy na kumakanta, parang buhay na buhay na kinakanta ni Andy ang Don’t Throw It All Away (Our Love), nagtayuan ang audience habang pumapalakpak.
Standing ovation ang parteng iyon, iyak nang iyak si Barry, dahil siya nga naman ang pinakamatanda sa lahat pero bakit mas nauna pa ang kanilang bunso?
Paboritong grupo ng Bee Gees ang The Beatles na tunay namang nambulabog ang kasikatan sa buong mundo. Noong manguna sa record chart ang kanilang mga piyesa at nakita nila ang mga fans na naghihintay sa kanilang bumaba sa isang gusali ay biglang sinabi ni Barry, “OMG! We’re like The Beatles now!”
John Lloyd Cruz – Nag-aalala kung paano palalakihin ni Ellen si Elias
Habang alalang-alala si John Lloyd Cruz sa kinatatakutan niyang pagpapalaki sa kanilang anak ni Ellen Adarna na si Elias ay hayun naman ang nakahiwalay niyang sexy actress.
Isa lang ang pinagkakaabalahan ngayon ng mommy ni Elias, ang mga ginagawa nitong ritwal para mapanatiling nasa tamang kurbada ang kaniyang katawan, lalo na nga’t nagkaanak na ito.
Seksing-sexy si Ellen sa mga ipino-post nitong retrato, may isang picture pa nga itong ipinakita sa publiko na halos ang hiwa na lang ng kaniyang hiyas ang may takip, gusto pa yatang kumpetensiyahin ni Ellen ang hubadera rin sa mga retratong si Ivana Alawi.
Isang source na palaging kasama ni Ellen sa kaniyang mga sexy pictorials ang nagkuwento sa amin na totoong sexy ang ex ni JLC.
Pero ang kaniyang komento, “Palibhasa, e, tisay siya, marami siyang mantsa sa katawan. Mayroon din siyang mga peklat sa braso at binti na maputi nga lang, kaya hindi halatado.
“Magastos siya sa foundation, malalaki ang binibili niyang concealer. Kailangang takpan ang mga peklat niya para pantay ang kaniyang kulay.
“Nagtatanungan nga kami kung bakit marami siyang peklat, e, anak-mayaman naman siya? Puwedeng dahil mamam na siya nang mamam kahit noong teenager pa lang siya, e, nasusugatan siya kapag umuuwing lasing na lasing siya,” seryosong kuwento ng aming kausap.
Puwede! Dahil noong minsang makita ng isang grupo na lasing na lasing ang sexy actress sa isang bar ay paekis-ekis na raw kung magkalakad si Ellen Adarna.
Pero sige-sige pa rin ito sa kaiikot sa bar, pasuray-suray, dahil sa sobrang dami na ng kaniyang nainom. Iyon ang naging dahilan kung bakit sila naging magkarelasyon ni Lloydie.
Nagkasundo sila sa isang dibersiyon, ang walang patumanggang paglaklak, na para bang hindi kumpleto ang kanilang maghapon kung hindi masayaran ng agua de pataranta ang kanilang lalamunan.
Isinanla ni John Lloyd ang kaniyang karera sa naging relasyon nila ni Ellen, tinalikuran niya ang hanapbuhay na literal na nagpabago sa takbo ng kabuhayan ng kaniyang pamilya, pero wala ngang forever.
Itinuturing pang black hole ni Ellen ang halos tatlong taon nilang pagsasama ni JLC, wala itong binanggit na pangalan ng taong nagtulak sa kaniya sa depresyon, pero hindi naman tanga ang buong mundo para hindi matukoy kung sino ang taong isinasangkalan nito.
Kung babalikan siguro ni Lloydie ang nakaraan ay hindi niya iiwanan ang kaniyang career nang dahil lang sa isang babae. Kung alam lang niya ang magaganap sa kinabukasan, siguro’y nag-isip muna nang libong beses ang aktor, bago niya itinengga ang kaniyang mayabong na hanapbuhay.
Pero sabi nga ay dalawang argumento lang daw ang pinakamahirap ipanalo sa mundo. Relihiyon at pag-ibig.
Saanman sumuot ang pagtatalo, saanman mauwi ang pagpapalitan ng opinyon ay walang saysay, dahil hindi natin naipapanalo ang laban.
Direk Carlo J. Caparas – Hindi pa rin kayang mag-move on
Hanggang ngayon ay umiikot pa rin ang mundo ni Direk Carlo J. Caparas sa yumao niyang misis na si Tita Donna Villa.
Ilang taon nang namamayapa ang prodyuser na mahal ng showbiz pero ang paglimot sa naganap ay hindi pa kasali sa bokabularyo ni Direk Carlo.
Balot na balot pa rin siya ng lungkot, halos araw-araw siyang nasa libingan ni Tita Donna sa Mactan Memorial Garden, para ngang doon na rin halos naninirahan ang direktor.
Kung hindi dakilang pag-ibig iyon ay hindi na namin alam kung anong termino ang gagamitin namin sa sobrang pagmamahal na iniaalay ni Direk Carlo para kay Tita Donna.
Paminsan-minsan ay naililigaw rin naman ni direk ang kaniyang isip, kapag kasama niya ang mga anak at apo nila ni Tita Donna, parang naiiba kahit pansamantala lang ang pokus ng kaniyang buhay.
Aminado si Direk Carlo na para siyang nabalian ng pakpak sa pagpanaw ni Tita Donna. Ilang dekada kasi silang magkasama, pati sa trabaho ay silang dalawa pa rin ang nagdedesisyon, talagang mahihirapan ngang makabalikwas agad ang direktor sa pagkawala ng kaniyang kapareha sa buhay.
Sa Mactan, Cebu inabutan ng lockdown si Direk Carlo, ang lugar na nakasaksi sa pagkabata ni Tita Donna, ang espesyal na lugar kung saan isinabog sa karagatan ang kaniyang mga abo.
Pinipilit ni Direk Carlo na gawing kasing-normal na tulad nang dati ang ikot ng kaniyang buhay. Magtatrabaho siya uli, tututok sa pagsusulat at pagdidirek, pero hindi pa rin niya iyon magawa-gawa nang lubusan.
Sabi niya, “Hinahanap-hanap ko ang presensiya ni Donna. Para akong napilay noong mawala siya. Sa kaniya na kasi umikot ang mundo ko nang ilang dekada.”
Sabi namin kay Direk Carlo ay magiging payapa at masaya si Tita Donna sa kabilang buhay kung babalik siya sa pagiging aktibo sa trabaho.
“Alam ko iyon,” sabi ni direk, “Pero mahirap magtrabaho na ang isip at puso mo, e, nakasentro pa rin sa isang taong mahal na mahal mo pero biglang nawala sa tabi mo.”
Nasaksihan namin ang dakilang pagmamahalan nina Direk Carlo at Tita Donna. Literal silang hindi pinaghihiwalay ng panahon, kung nasaan si direk ay siguradong nandoon lang din si Tita Donna, kaya mahihirapan talaga ang direktor na pag-aralang mabuhay nang wala na ang ina ng kaniyang mga anak.
“Pilas ang mundo ko. Para akong pilay na tinanggalan ng saklay, kaya hindi ako makakilos,” paglalarawan pa ni Direk Carlo sa kasalukuyan niyang buhay.
Sen. Manny at Jinkee Pacquiao – Tinuturuan ng gawaing bahay ang mga anak
Dahil wala naman silang pamimilian at hindi sila ligtas sa lockdown ay ginagawang makabuluhan ngayon ng pamilya Pacquiao ang mahabang panahong magkakasama lang sila sa bahay.
Maganda ang ginagawa nina Senador Manny at Jinkee Pacquiao na paraan ng pagpapalipas nila sa nakabuburyong na maghapon.
Mga bagets pa ang kanilang mga anak, natural lang na dahil hindi sila nakalalabas ng bahay ay inaapuntahan na sila ng pagkainip, kalaban ng ECQ ang mga milenyal.
Parehong probinsiyano sina Pacman at Jinkee, laki sa hirap, hindi na bago sa kanila ang mga trabahong bahay na kinagisnan nila sa GenSan.
Sagana sila ngayon sa mga kagamitan sa bahay, mayroon silang washing machine siyempre, pero tinuturuan nilang maglaba sina Jimuel, Michael, Princess at Queenie.
Ang bunsong si Israel lang ang hindi kasali sa pagtuturo nila, sobrang bata pa nito, hindi pa kasali sa bilang.
Nanakit ang mga kamay nina Princess at Queenie sa kakukusot ng mga nilabhan nilang damit, tagasampay naman sina Jimuel at Michael, may kani-kaniyang toka ang magkakapatid.
Kahit pa bukod-na-pinagpala ang pamilya ay gusto pa ring turuang mamuhay nina Pacman at Jinkee ang kanilang mga anak nang independente, hindi nga naman sa lahat ng panahon ay mayroon silang mga yaya at kasambahay na maaasahan, kaya mabuti nang may alam sila kung paano mamuhay nang sila lang.
“Habang wala silang school, habang naka-lockdown tayong lahat, mas magandang maging productive sila. Hindi puwedeng puro gadgets lang ang hawak nila, kailangan nilang matuto ng mga gawaing bahay,” komento ni Senador Manny.
Napakagandang paraan ng pagpapalipas sa mahigit na isang buwan nang ECQ. Ang nakabuburyong na lockdown. Ang bakasyon na parang hindi na rin bakasyon dahil sa inip na hatid ng corona virus.
Sa madalas naming pagkukuwentuhan noon ni Pacman ay inaalala niya palagi ang nakaraan niyang buhay sa GenSan. Maaga pa lang ay tinuruan na silang magluto at maglinis ni Mommy Dionisia, pati ang paghahanapbuhay sa murang edad ay ginawa rin nilang magkakapatid, sanay na sanay siya sa hirap.
“Naglalako ako ng pandesal na inaangkat ko sa isang panaderia, kapag naubos na ang paninda ko, magpupunta naman kami sa bundok para mangahoy.
“Nakikiangkas kami sa malalaking truck na kukuha ng mga troso, nakasabit lang kami, buong hapon kaming nangangahoy sa bundok.
“Sanay na sanay ako sa hirap, hindi ako puwedeng takutin ng kahirapan, dahil galing ako doon. Kapag ikinukuwento ko nga ngayon sa mga anak ko ang mga hirap na pinagdaanan ko, e, parang ayaw nilang maniwala.
“Pero grabe talaga ang mga pinagdaanan ko, batambata pa ako, kung anu-ano na ang trabahong pinapasok ko,” pag-alala ng Pambansang Kamao.
Pero dahil sa pagsisikap at pagiging seryoso sa kaniyang mga pangarap ay napakalayo na ng buhay niya noon sa ngayon.
Nakatira na sila ngayon ng kaniyang pamilya sa isang mansiyon, may mga naipundar na siyang bahay dito at sa Amerika, marami pa silang pinauupahang apartment sa Los Angeles at Las Vegas.
Ang lahat ng mayroon siya ngayon ay produkto ng kaniyang mga kamao. Walong dibisyon ang hawak niyang titulo sa boxing, nagkakaedad man siya ay parang hindi niya iyon nararamdaman, kaya handa pa rin siyang makipagsalpukan sa lona hanggang ngayon.
At isang katangian kung bakit kinasihan ng kapalaran si Senador Manny Pacquiao ay ang kagandahan ng kaniyang puso lalo na sa maliliit.
Sikat na sikat man siya sa buong mundo ay estado lang ng kaniyang pamumuhay ang nagbago, hinding-hindi ang kaniyang ugali at pagiging mapagkumbaba, kapuri-puri ang paghawak niya sa tagumpay.
Imelda Papin – Ano kaya ang iniisip at nakikikanta sa mga Tsino ngayon?
Kakambal na talaga ng bokabularyo ng Sentimental singer na si Imelda Papin ang linyang “Hindi po magagawa ng isang Imelda Papin ang magtraydor sa kaniyang bayan.
“Si Imelda Papin po ay isang Pilipino at mananatiling Pilipino habambuhay.” At marami pang ibang litanyang palaging bumibida ang kaniyang pangalan.
Naalala tuloy namin si Congresswoman Vilma Santos noong aktibo pa ito sa lokal na aliwan. Kapag mayroong binabati sa telebisyon ang Star For All Seasons ay bukambibig na nito ang, “Always remember, you have a friend here, and her name is Vilma!”
Pinakakain ng ampalaya ngayon si Ms. Papin dahil sa pakikipagkantahan niya sa mga Tsino, ang korus nilang “Iisang Dagat,” na para sa pananaw ng mas nakararami ay isang higanteng propaganda.
Usapin iyon ng West Philippine Sea na inaagaw sa atin ng China, wala kayang alam ang singer-politician tungkol sa ipinaglalaban ng ating pamahalaan, kaya nakisali-sali siya sa kantahan?
“Ang tanging gusto lang po ng isang Imelda Papin ay ang magtawid ng saya sa pamamagitan ng pagkanta,” arya pa ng dakilang ina ni Maffi.
Kantiyaw ng isang kaibigan namin, “Mabuti naman at hindi nakisali sa propagandang iyon si Eva Eugenio!”
Naman! Hindi iyon papasukin ng isang Eva Eugenio. Mulat sa mga nagaganap sa ating kapaligiran si Ms. Tukso.
Willie Revillame – Marami paring pinasasaya sa Tutok To Win
Tuwing naririnig namin ang mga sigawan at sobrang tuwa ng mga tumututok sa Wowowin (Tutok To Win muna ang titulo ng show ngayon) ay nagiging emosyonal kami.
Pagkatapos kasi ng saya ay pag-iyak na ang kasunod noon. Umiiyak na nagpapasalamat kay Willie Revillame ang nananalo ng premyong sampung libong piso.
Sa panahong ito ng lockdown ay napakahalaga para sa atin ng anumang makapagtatawid sa atin sa maghapon, ang barya-baryang hindi pinapansin dati ay mutyang-mutya ngayon, lalo na’t nagkaroon pa ng ekstensiyon ang ECQ hanggang sa May 15 sa NCR.
Tumatawid sa amin ang emosyonal na reaksiyon ng mga tinatawagan ni Willie, karamihan sa kanila ay pambili ng gamot at bigas ang pinaglalaanan ng kanilang sampung libo, napakalaking tulong nga naman noon sa mga panahong ito ng kawitang-palakol kung tawagin.
Mula sa hirap si Willie, hindi kaila sa kaniya ang buhay na kapos na kapos, kaya ngayong mayroon na siyang kapasidad na mamahagi ng mga grasyang tinatanggap niya ay hindi siya nagdadalawang-isip na tumulong.
Ideya niya ang Tutok To Win, napakasimple ng paraan para manalo ang nanonood, magpaparehistro lang sila sa website ng Wowowin para matawagan sila ni Willie.
Napapanood ngayon ang kaniyang show sa GMA-7, You Tube, Facebook Live at Instagram. Mula sa helipad ng Wil Tower ay nasa 42nd floor na sila ngayon dahil mas maganda ang signal sa palapag ng kaniyang gusali.
Bagsak-bangon si Willie Revillame, pero palagi siyang itinatayo ng panahon, dahil sa mabuti niyang kalooban sa mga nangangailangan.
Napanood namin ang replay ng isang episode ng Wowowin na hindi namin napanood nang live. Nag-drums si Willie Revillame, ang kaniyang unang pag-ibig, kung makapalo siya ay parang wala nang bukas pa.
Grabe ang bilis ng kaniyang mga kamay at paa, isa ang instrumentong iyon sa pinakamahirap hawakan ayon na rin sa mga musikero, dahil pagod na pagod ang buong katawan ng drummer.
Kinse minutos yata siyang palo nang palo, parang beinte anyos lang ang nagda-drums, hindi tulad ni Willie na malapit nang maging senior citizen.
Maraming alaala ang linyang iyon kay Willie. Matagal muna siyang naging drummer ng banda, hanggang sa kunin na siya ni Randy Santiago, hanggang sa magkaroon na siya ng sariling programa.
Barya-barya lang ang kinikita niya noon sa pagiging drummer, pero dahil bata pa lang ay pangarap na niyang humawak ng drums, hindi niya alintana ang maliit lang niyang kinikita.
Aalis siya nang pagabi na sa inuupahan niyang kuwarto, eksaktong pamasahe lang ang laman ng kaniyang bulsa, malalamnan lang iyon kapag nakuha na niya ang talent fee niya para sa halos magdamag na pagpalo.
Tama si Willie, kapag gusto mo ang ginagawa mo, ang trabaho ay parang nagiging laro na lang. Hindi ka napapagod, balewala sa iyo ang lakas na ibinibigay mo, dahil masaya ka sa ginagawa mo.
Sabi, ang mga drummer daw ay emosyonal na tao, ang galit nila sa mundo ay idinadaan na lang nila sa pagpalo ng drums.
Sabi ni Willie, “Hindi rin! Kapag gusto mo ang ginagawa mo, e, balewala na ang lahat-lahat. Ako, kahit isang oras akong pumalo nang pumalo, wala akong nararamdamang pagod.
“Parang therapy ko iyon, pang-alis ng stress, dahil happy hormones ka lang habang ginagawa mo ang pagda-drums. Saka hindi ko puwedeng kalimutan ang pagiging drummer.
“Doon nagsimula ang lahat-lahat sa buhay ko. Ang dalawang drum sticks na iyon ang nagtulak sa akin para magsikap at mangarap.
“Kahit matandang-matanda na ako, magda-drums pa rin ako, iyon ang first love ko,” masayang kuwento ng sikat na aktor-TV host.
BB Gandanghari – Kawawa pa rin, hindi pa rin tanggap ng pamilya
Buong akala nati’y maayos na ang relasyon ni BB Gandanghari sa kaniyang pamilya. Pag-asa ng marami ay natanggap na ng kaniyang ina at mga kapatid ang tunay niyang kasarian.
Pero hindi pa pala. Si BB Gandanghari mismo ang naglalabas sa kaniyang social media account kung gaano siya kalungkot dahil mabuti pa ang ibang tao at tinanggap at minahal siya bilang siya.
Sa mga salitang pinakakawalan ni Robin ay parang wala nang pader sa kanilang pagitan, parang wala nang problema sa paglalantad ng dating si Rustom sa kaniyang gender, pero hanggang salita lang naman pala iyon.
Napakalungkot na nga ng kaniyang buhay sa Amerika ay mas matinding lungkot pa ang nararamdaman ni BB Gandanghari dahil sa kawalan diumano ng suporta ng kaniyang pamilya mismo sa sitwasyon niya.
Ano kaya ang ibig sabihin ni BB Gandanghari sa kaniyang sinabi na akala niya’y susuportahan siya pero gagamitin lang naman pala?
Ginamit lang ba siya sa publisidad? Para mapag-usapan lang ang kaniyang pamilya? Malalim ang pinanggagalingan ni BB Gandanghari.
Nakilala kasing puro brusko ang magkakapatid na Padilla. Nakikipag-upakan sa pelikula, astig ang dating, pagkatapos ay mayroon pala silang kapatid na bading.
Tama naman ang sentimyento ni BB Gandanghari na mabuti pa nga ang mga taong hindi niya kadugo at minamahal at sinusuportahan siya.
Pero bigo sa kaniyang pamilya si BB, kung sino pa ang mga unang-unang inaasahan niyang makaiintindi sa kaniyang sitwasyon ang nagkait pa sa kaniya ang pang-unawa at pagmamahal, sobrang sakit nga naman noon sa kalooban niya.
Nand’yan na ‘yan, nagpakatotoo na si BB Gandanghari sa kaniyang tunay na kasarian at maligaya na siya sa kaniyang katayuan ngayon, hindi pa rin ba matatanggap iyon ng kaniyang pamilya?
Kesa naman sa habambuhay siyang magpanggap na lalaking-lalaki siya, pero lalaki rin naman pala ang kaniyang hanap, napakahirap noon para sa kaniya.
Magugutom ba ang kaniyang pamilya kung tatanggapin ng mga ito ang katotohanan tungkol sa kaniyang gender?
Mababahiran ba ang kanilang pangalan dahil sa kanilang kapatid na nagpakatotoo lang naman? Sa kanilang pamilya lang ba nangyayari ang ganito?
Kung tunay na kaligayahan naman para kay BB Gandanghari ang makakapalit ng kanilang pang-unawa at pagtanggap ay ibigay na sana nila ngayon ang inaasam-asam ng kanilang kapatid.
Hindi sakit na nakahahawa na tulad ng corona virus ang pagiging gay. Hindi iyon dapat pandirihan. Ang bakla ay ipinanganganak na bakla at mamamatay na bakla.
Sarah Geronimo – Sasaya lang pag tanggap na ng mga magulang si Matteo
Napakaganda ng pangarap ni Sarah Geronimo. Maligaya siya ngayon kasama ang kaniyang asawang si Matteo Guidicelli, walang kuwestiyon doon, pero magiging buo lang ang kaniyang kaligayahan kapag natanggap na sila ng kaniyang mga magulang.
Mahirap ang posisyon ni Sarah ngayon. Oo nga’t natupad ang pagpapakasal nila ni Matteo ay bumabagabag sa kaniya ang nararamdaman nina Daddy Delfin at Mommy Divine.
Mabait na anak at kapatid pa naman si Sarah, sa pinakamahabang panahon ay inuna muna niyang tuparin ang pangarap niya para sa kanilang pamilya, isinantabi niya muna ang personal na kaligayahan.
Lumaki na siya at nagkaisip na ang mundo niya ay ang kaniyang pamilya lang, nalalabas na lang siya sa hawla nang mag-artista siya, pero unang prayoridad pa rin ng singer-actress ang kaniyang mga magulang at kapatid.
Siguradong masaya man siya ngayon kasama si Matteo ay nasa likod pa rin ng kaniyang isip ang pamilya niya. Ibang-iba kasi ang relasyong may basbas ng mga magulang. Kumpletong kasiyahan ang pakahulugan noon.
Ang pangarap ngayon ni Sarah ay dumating na sana ang araw na malaya na silang puwedeng makipagkita sa mga magulang niya.
Sinunod niya lang ang kaniyang personal na kaligayahan, nasa wastong edad na siya para mag-asawa, pero ang panghihingi ng paumanhin sa kaniyang mga magulang ay hindi maituturing na krimen.
May matinding dahilan naman kung bakit nila inilihim ni Matteo ang kanilang pagpapakasal, kundi nila ginawa iyon ay wala nang paraang matupad ang kanilang planong matagal na, pero nasaktan nila sina Daddy Delfin at Mommy Divine.
At kapag may nasasaktan at kailangang may gumawa ng paraang mag-sorry. Kahit pa nagmamatigas ang kabilang kampo ay hindi tayo dapat magsawa sa pakikipagkita sa gitna.
Kapag nangyari iyon ay saka pa lang natin masasabing maligayang-maligaya nga si Sarah Geronimo sa kaniyang estado ngayon bilang misis ni Matteo.
Lani Misalucha – Mas maganda kapag manipis lang ang make-up
Mas maganda si Lani Misalucha kapag manipis lang ang kaniyang make-up. Kapag simpleng-simple lang ang kaniyang ayos. Nawawala ang tapang ng kaniyang itsura.
Maraming nagbago sa mukha ng magaling na singer, hindi niya naman iyon maitatago, napakalayo ng kaniyang itsura noon sa ngayon.
Pero kahit ang mga kaibigan naming matagal nang naninirahan salas Vegas na nakakasabay ni Lani sa paggo-grocery ay nagsasabing mas maganda siya sa personal.
Kuwento ng aming kaibigan, “Nakakatawa nga. Pinanood namin siya isang gabi. Ang galing-galing niyang mag-perform, may pagkakomedyante pa nga siya, kaya no dull moment talaga watching her.
“So, siya ang naging kuwentuhan namin sa bahay pag-uwi namin hanggang noong next day. Magaling talaga kasi siya, hindi sayang ang ipinambayad namin ng ticket sa show niya.
“Heto na. Nag-grocery kami noong bandang hapon na. Nakita si Lani ng anak ko, nandoon daw sa meat section. Hinanap namin siya, kasi nga, we just watched her the previous night.
“Nagulat kami! Naka-duster lang siya, iyong presentableng duster naman, saka nakatsinelas lang siya. Nakapusod ang buhok, napakasimple niya!
“Sinabi namin sa kaniya na pinanood namin siya, naku, sobra ang pasasalamat niya sa amin, tanong siya nang tanong kung nagustuhan ba namin ang performance niya.
“Nagpa-picture kami sa kaniya, wala siyang arte, pose siya agad, napaka-generous niya. Mas maganda siya kapag simple lang, saka napaka-approachable niya,” kuwento ng aming kaibigan.
Noong isang linggo ay napanood namin siya sa ASAP Natin ‘To, nasa bahay lang siya habang kumakanta, konting-konti lang ang make-up niya.
Totoo nga ang sabi ng aming kaibigan, mas maganda si Lani Misalucha kapag simpleng-simple lang ang ayos niya, hindi pala siya alipin ng make-up.
–CSF