Quantcast
Channel: Cristy Per Minute
Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Cristy Per Minute • Abril 2020

$
0
0

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 2020

      Ogie Alcasid Regine Velasquez
Ogie Alcasid & Regine Velasquez
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  Angel Locsin 2
 
Angel Locsin sa PGH
  Coco Martin
 
Coco Martin
  Ellen Adarna
 
Ellen Adarna
  Iza Calzado
 
Iza Calzado
  Willie Revillame
 
Willie Revillame
  Kris Aquino
 
 Kris Aquino​

ABS-CBN – Tuloy pa rin kahit naka-quarantine ang mga talents

Eksaktong dalawang linggo na tayong nakapailalim sa enhanced community quarantine kahapon. Ganoon din kahaba ang panahon na hindi namin nasisilip ang langit dahil literal lang kaming nasa loob ng bahay.

Sa mga tulad naming palaging abala sa trabaho sa labas ay napakahirap ng ganitong sitwasyon. Ang bagal-bagal ng oras. Nakakainip, nakakaburyong at iba pang mga terminong maaaring gamitin sa ganitong sitwasyon.

Kung nagtanim nga kami ng kamote ay may talbos na ngayon. May pangsahog na sana kami sa sinigang na hindi na kailangang bumili pa sa palengke.

Naka-house arrest din ngayon ang mga artista, pero nakagagawa ng paraan ang ABS-CBN na makapagtawid ng kanilang programa nang live sa pamamagitan ng Zoom, nasa kani-kanilang bahay lang ang mga singers at artista nila.

Sa isang panahon na lalong kumakabog ang ating dibdib dahil sa padagdag nang padagdag na bilang ng mga kababayan nating dinadapuan ng mapamuksang virus ay masarap namang kahit paano’y malibang tayo sa pamamagitan ng pagkakantahan ng mga personalidad.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “For a change naman. Dalawang linggo na tayong pinanenerbiyos ng COVID-19, kaya malaking bagay ang ginagawa ng ABS-CBN.

“Nalilibang tayo kahit paano, nawawala ang stress natin, iyon pa naman ang matinding kalaban ng katawan natin ngayon. Kapag stressful tayo, bumababa ang immunity natin.

“Ang ganda ring makita ang mga performers na hindi naka-make-up, hindi kuntodo ang bihis, literal lang silang nasa bahay. Malalaman mo talaga kung sino ang natural na maganda at alipin ng make-up,” naglilibang na komento ni prop.

Walang ipinagbabago ang boses ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez nasa gitna man siya ng entablado o basta nakaupo lang. Birit kung birit pa rin siya habang nasa piano naman si Ogie Alcasid na kumpleto sa technical rider sa kaniyang studio.

Napakataas pa rin ng boses ni Regine, walang kadaya-daya, tunog lang ng piano ang umaakumpanya sa kaniya. Sa ganoong pagkakataon natin mabibigyan ng kredito ang mga singers na walang pinipiling panahon sa pagpe-perform. 

Angel Locsin – Anghel na ipinadala ng langit sa mahihirap

Ang nakikita naming kawangis ng sikat na banyagang TV host na si Oprah Winfrey dito sa atin ay si Angel Locsin.

Iniidolo namin si Aling Oprah dahil sa kagandahan ng kaniyang puso. Mas marami itong tinutulungan sa likod ng mga camera kesa sa hayagan nitong binibigyan ng ayuda sa kaniyang programa.

Bahaghari ang kulay ng kaniyang buhay. Napakarami nitong paghamong nilampasan, ang masakit na panglilibak sa kaniya bilang Black American noong bata pa lang, pero ang mga karanasang iyon ang nagpatibay sa kaniyang dibdib sa paglaban sa buhay.

Sabi ni Aling Oprah, ang pinakamabisang armas sa paglaban ay ang pagsesemyento ng palibot ng ating puso, kapag nga naman matibay na ang pundasyon ng ating dibdib ay wala na tayong hindi kakayanin.

Ang bagyo ay magiging ambon na lang. Ang matinding lagnat ay magiging sinat na lang.

Sinsero ang kaniyang pagtulong dahil mas matindi pa sa mga inilalapit na problema sa kaniya ang nagpatatag sa kaniyang damdamin.

Iyong mula sa pusong pagtulong na ganoon ni Orah Winfrey ay nakikita namin ngayon kay Angel Locsin.

Bagay na bagay sa dalaga ang kaniyang pangalan. Isa siyang anghel na walang pakpak na ipinadadala ng langit para sa mga kababayan nating kapuspalad at may matinding pangangailangan sa buhay.

Ginagawa niya iyon nang bukal sa kaniyang kalooban, wala siyang pinipili, hindi selektibo ang kaniyang puso sa paghahandog ng mga biyaya.

Nagkaroon ng giyera. Nangwasak ng buhay at kabuhayan ang matinding bagyo. May pumutok na bulkan. At may salot ngayon na pumupuksa nang nakaparaming buhay sa buong mundo.

Sa lahat ng kalamidad at sitwasyong nabanggit ay ramdam na ramdam ang mapusong presensiya ni Angel Locsin. Puso niya ang nagdidikta sa pagtulong, wala siya ni sa hinagap lang na pangarap na maging lingkod-bayan, maligayang-maligaya ang kaniyang puso sa pagsisilbi sa mga nangangailangan.

Abalang-abala ngayon si Angel sa pagbabalangkas ng mga pansamantalang tirahan ng mga frontliners sa pagsugpo sa COVID-19.

Ang kaligatasan ng mga doktor, nurses, nursing aide at ng iba pang mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga ospital ang kaniyang pinagmamalasakitan.

Kakambal ng malasakit na iyon ang mga pamilya ng mga frontliners na napakalaki ng posibilidad na kapitan ng mikrobyo dahil sa kanaturalan sa pagtupad ng propesyong sinumpaan nila.

Nananawagan ang aktres sa kaniyang mga kapuwa artista at sa mga kababayan nating may sobra-sobra sa buhay. Mga teheras, kumot, unan, upuan at mga kagamitan sa pagtulog at pamamahinga ang kaniyang hinihiling.

Naglalabas ng sarili niyang pera si Angel. Pinaghirapan niya ang halagang iyon sa pagpupuyat at pagpapagod sa pagiging artista.

Hindi iyon mula sa ating buwis, personal niyang pinagsakripisyuhan ang perang ginagamit niya sa pagtulong, napakadakila ng puso ng dalagang ito.

Sana’y marami pang Angel Locsin na ipinanganak sa mundo. Sana’y maging buhay na modelo siya ng mga taong punumpuno ang bulsa pero parang bilanggo naman na hindi malayang naglalabas ng mga biyaya.

Sabi nga ni Aling Oprah, “We go as we come into this world. In the end, nothing is ours to keep.” 

Coco Martin – Pagtatanim ang dibersyon ngayong lockdown

Sa panahon ng enhanced community quarantine na pinaiiral ng ating pamahalaan ay inip na inip na ang maraming personalidad.

Ngayon magkakaalaman kung sinu-sinong artista ang puwedeng maging kapaki-pakinabang ang panahon kapag ganitong hindi sila puwedeng lumabas ng bahay.

Ang una naming naisip ay si Coco Martin. Sa tabing-tabi ng kaniyang mansiyon sa isang eksklusibong subdivision ay ginawa niyang taniman ng mga gulay ang malaking lote.

Kumanta ka man ng bahay-kubo ay siguradong nandoon ang karamihan sa mga gulay na sinasabi sa piyesa. Napakaganda ng kaniyang gulayan, sariwang-sariwa ang mga puno, dahil kapag may trabaho siya ay mayroon siyang itinatalagang mag-aalaga ng kaniyang mga pananim.

Magsasaka talaga ang peg ng action star kapag nasa malawak na lote siya. Nakabota, naka-jacket, lahat ng dumadaan sa tapat ng kaniyang bahay ay humihinto para makapagparetrato sa kaniya.

Iyon ang pangtanggal niya ng stress, hindi biro ang papel na ginagampanan niya sa Ang Probinsyano, dahil bukod sa siya ang bida sa serye ay kasama pa rin siya sa creative team.

Umaarte na siya ay nagdidirek pa, may kamay rin siya sa takbo ng istorya, kaya sa tatlong beses nilang taping sa bawat linggo ay talagang mauubusan na nga naman siya ng lakas at creative juices.

Kaya minabuti niyang gamitin ang kaniyang oras sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay sa tabi ng kaniyang mansiyon. Malaking-malaki ang kaniyang pakinabang sa dibersiyong ginagawa niya.

Libre na ang pangsahog nilang mga gulay sa ulam ay nakapagreregalo pa siya sa kaniyang mga kaibigan at kasamahang artista.

Kaya ngayong nakapailalim tayo sa lockdown ay siguradong mas nadagdagan pa ang mga pananim ni Coco Martin. Marami siyang naka-stock na binhi, armado siya ng mga buto, nagagamit niya sa kapaki-pakinabang na paraan ang enhanced community quarantine. 

Willie Revillame – Tuloy pa rin ang Wowowin kahit nasa Mindoro

Kahit pinag-abutan ng enhanced community quarantine sa kaniyang beach house sa Puerto Galera si Willie Revillame ay hindi dahilan iyon para pigilan siyang mag-abot ng tulong sa ating mga kababayan.

Sa pamamagitan ng Facebook at You Tube ay tuloy ang pagsahimpapawid ng Wowowin, tuloy-tuloy ang ginagawa niyang pagmamagandang-loob sa Mindoro, lalo na sa mga kababayan nating Mangyan.

Ang pusong likas na matulungin ay hindi kayang harangan ng anumang unos at kalamidad. Hindi natutulog ang pusong mabuti.

Kaya naman patuloy rin ang mga pagpapalang dumarating kay Willie, hindi niya lang kasi sinasarili ang kaniyang mga biyaya, ibinabahagi niya iyon sa mga nangangailangan. 

Ellen Adarna – Itinulad sa ‘black hole’ ang pagsasama nila ni JLC

Ayaw magpakabog ni Ellen Adarna sa COVID-19 na sentro ng atensiyon ngayon ng buong mundo. Kung may mga rebelasyong inilalabas ang DOH at ang ating pamahalaan tungkol sa mapamuksang virus ay ganoon din ang Cebuanang aktres.

Wala siyang binabanggit na sinuman sa kaniyang mga kuwento, pero ang tatlong taon na tinutukoy niya ay ang inakala nating maliligayang araw nila ni John Lloyd Cruz, pero naging black hole pala.

Sa biglang tingin ay parang walang pakialam sa mundo si Ellen Adarna, parang kahit virus ay matatakot na kumapit sa kaniya, pero sa pagmamatapang na iyon ng sexy star ay nakatago pala ang isang malaking kaduwagan.

Iyon ang dahilan kung bakit siya dumayo pa sa Bali, Indonesia para sumailalim sa dalawang linggong mental training.

Ibang-iba na kasi ang kaniyang nararamdaman, naninigas na ang mga muscles niya at hindi na raw siya nakahihinga nang maayos, kaya iyak na lang ang nagagawa niya.

Mabuti na lang at mas nauna ang pagpapagamot niya sa Indonesia kesa sa pagputok ng corona virus, ang mga dahilan kasing ikinukuwento niya ay katulad ng nararamdaman ng isang positibo sa COVID-19, mabuti na lang talaga.

Ihinalintulad din ni Ellen ang kaniyang sarili sa isang robot. Dahil sa matinding depresyon na umatake sa kaniya ay inom lang siya nang inom ng tranquilizer, kaya tulog lang siya nang tulog, hindi na rin niya nakukuhang maligo.

Ang mga kuwento ni Ellen ay walang ipinagkaiba sa istorya ng mga personalidad na umasa na lang sa gamot para makapagnakaw ng tulog. Downers ang tawag sa ganoon.

Sa mga kuwento ngayon ni Ellen Adarna ay ano kaya ang nararamdaman ni John Lloyd Cruz? Alangan namang magdenay pa sa kaniyang sarili ang aktor na hindi ito ang tinutukoy ng aktres sa black hole na klase ng buhay na kaniyang napasukan?

Nakakalungkot lang isipin na ang akala ng buong mundo noon ay napakaligaya nilang dalawa, napakarami nilang isinakripisyo, dahil sa ngalan ng pag-ibig.

Pero hindi naman pala ganoon kaayos at kaganda ang serye ng kanilang pagmamahalan ayon na rin sa mga rebelasyon ni Ellen Adarna.

Sa simula ay paraiso ang kanilang pinagsaluhan, kaya nga may isang Elias sila ngayon, pero kung paniniwalaan natin ang mga rebelasyon ni Ellen Adarna ay iyon din pala ang pinakamadilim na bahagi ng kaniyang buhay. 

Iza Calzado – Positive sa Covid-19, nagpapagaling pa

Positibo sa COVID-19 ang magaling na aktres na si Iza Calzado. Pero mas positibo pa siya kesa sa virus, ang pagiging positibo niyang iyon ang naging dahilan kaya tinanggalan siya agad ng respirator, maayos na ang kaniyang kalagayan ngayon.

Sa halip na magpatalo sa matinding nerbiyos ay nakipagbiruan pa siya sa kaniyang manager, “Nasa akin ang Corona,” sabi niya kay anak-anakang Noel Ferrer.

Ang sagot naman ng kaniyang manager, “Basta, walang turnover ceremonies ‘yan, ha?” Maraming salamat sa mga humiling para sa maagang pagbuti ng kundisyon ni Iza Calzado.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor na lantarang tagahanga ni Iza Calzado, “Napakaganda niya para mamatay.”

Balik-tanong namin, bakit mga pangit lang ba ang dapat mamaalam, saka kami naghalakhakan na parang ang normal-normal ng ating kapaligiran ngayon. 

Kris Aquino – Mahina ang immune systema, dapat mag-ingat

Si Kris Aquino ang palaging inuusisa sa amin ng marami kung kumusta ang kalagayan ngayon. Ang aktres-TV host din naman kasi ang matagal nang nagsasabi na may kahinaan ang kaniyang resistensiya sa mikrobyo.

Auto immune system. Doon may problema si Kris kaba mabilis siyang tamaan ng allergy. Wala siyang matinding panlaban sa mga tinatawag na foreign bodies.

Ang ganda-ganda ng mga bulaklak na ipinadadala sa kaniya ng mga kaibigan pero hindi man lang niya mahawakan. Bawal kasi sa kaniya ang pollen, agarang umaandar ang kaniyang allergy, mabilis na namamaga ang kaniyang mukha at hirap siyang huminga.

At sa panahon ngayon na pinagdadaanan natin dahil sa mapamuksang COVID-19 ay panay-panay ang payo ng DOH na kailangang patatagin natin ang ating resistensiya bilang panlaban sa virus.

Sapat na tulog, balanseng pagkain, mga bitamina at dobleng pag-iingat-pag-aalaga sa ating sarili ang palaging ipinapayo ng mga dalubhasa.

Kayang-kayang sustinihan ni Kris ang kaniyang sarili ng anumang bagay na maaaring magpatibay sa kaniyang resistensiya. Sa kayamanang mayroon siya ay hindi siya aatakihin ng virus dahil kayang-kaya niyang sundin at gawin ang mga kailangan para mapaglabanan ang pandemic na COVID-19.

At wala pang COVID-19 ay iyon na ang madalas naming sulatin, ang sana’y maging ligtas si Kris sa anumang karamdamang magpapabagsak sa kaniya, panalangin din ‘ yun ng kaniyang mga mahal na tagasuporta.

Sana’y matibay na matibay na ang resistensiya ni Kris Aquino bilang armas ngayong matinding giyera sa COVID-19 ang lumulukob sa buong mundo. 

Virus ka lang, Pinoy ako! – Kaya natin ito!

Sa gitna ng tensiyon ng buong bayan ngayon dahil sa COVID-19 ay hindi pa rin talaga bumabaklas sa mga kuwentong-artista ang marami nating kababayan.

Komento ng isang kaibigan namin ay pambalanse raw nila ngayon sa sobrang pag-aalala at nerbiyos ang pagtutok pa rin sa showbiz.

Noong una ay tutok na tutok pa sila sa news tungkol sa virus, pero pakiramdam daw nila, habang ganoon ang kanilang pinanonood ay nakakaramdam sila ng panghihina ng katawan.

Puwedeng totoo iyon, lalo na kung nerbiyoso ang nakatutok, pero kailangang mulat pa rin tayo sa nagaganap sa ating paligid para makaiwas tayo sa sakit.

Maaaring kontra ang isang mensaheng tinanggap namin mula sa mga kaibigan pero ang pagiging positibo kasi sa pananaw sa buhay ay mas mabisa pa kung tutuusin kumpara sa mga anunsiyong naririnig natin.

Mula sa isang psychologist ang mensahe na ganito ang sinasabi. Puwedeng paniwalaan ito at hindi, puwedeng iaplay at puwede ring dedmahin lang, pero ito ang punto ng mensahe.

  1. Isolate yourself from news about the virus. (Everything we need to know, we already know).
  2. Don’t look for additional information on the Internet, it would weaken your mental state.
  3. Avoid sending fatalistic messages. Some people don’t have the same mental strength as you (Instead of helping, you could activate pathologies such as depression).
  4. If possible, listen to music at home at a pleasant volume. Look for board games to entertain children, tell stories and future plans.
  5. Maintain discipline in the home by washing your hands, putting up a sign or alarm for everyone in the house.
  6. Your positive mood will help protect your immune system, while negative thoughts have been shown to depress your immune system and make it weak against viruses.
  7. Most importantly, firmly believe that this will pass and that the universe is in the hands of God. He is a God of love and not of punishment.

Parang sitwasyon din ng ating pangkabuhayan showcase ang mensahe ng psychologist. Huwag daw nating sinasabing wala tayong pera, ang kailangan daw nating sabihin ay may parating, pero hindi pa lang natin hawak.

Kailangang negatibo lang tayo sa virus pero ang pagiging positibo sa buhay ay gumagawa ng magandang resulta sa ating buhay.

Huwag tayong magpapatalo, kailangang lumaban tayo nang sabayan, kakambal pa rin ang pag-iingat at ang napakahalagang panalangin sa mga panahong ito na laganap ang salot sa buong mundo.

Napakaraming unos na ng buhay ang pinagtagumpayan natin. Lindol, bagyo, sakit, giyera, pagputok ng bulkan at marami pang ibang kalamidad.

Pero ibang-iba ang ating lahi, minolde tayo nang napakatibay, para tayong pusa na may siyam na buhay.

“Virus ka lang, Pinoy ako!” sabi sa t-shirt na suot ng magigiting nating frontliners. Totoong-totoo, sa anumang larangan ay palaging wagi ang Pinoy, para tayong talbos ng kamote at sanga ng malunggay na kahit saan mo itanim ay agarang tumutubo.

–CSF


Viewing all articles
Browse latest Browse all 233

Trending Articles