Pebrero 1-15, 2020
![]() Angel Locsin |
|
![]() |
|
Alex Gonzaga |
|
![]() |
|
Sharon Cuneta & Frankie |
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
Kathryn Bernardo |
|
![]() |
|
Gerald Sibayan & Ai Ai Delas Alas |
|
![]() |
|
Jiro Manio |
Angel Locsin – Tumutulong sa Taal victims nang walang fanfare
Pagdating sa tahimik na pagtupad sa mga charity works ay nangunguna sa litahan si Angel Locsin. Wala siyang kaingay-ingay na tumutulong sa mga kababayan nating hinahagupit ng iba-ibang uri ng kalamidad.
Walang camera, walang coverage ang kaniyang pagtulong, sa ibang tao pa natin nalalaman ang kabutihan niyang ginagawa para sa ating mga kababayan.
Pero nitong huli, sa pagsabog ng bulang Taal, ay naging diretso siya sa paglalabas ng kaniyang damdamin sa Twitter. Gusto niyang malaman kung anu-ano ang mga pangangailangan ng mga sinalanta at hanggang ngayo’y pinahihirapan pa rin ng pag-aalburoto ng Taal volcano.
Galing sa sarili niyang bulsa ang ipinambibili nila ng mga pagkain at kagamitang naka-schedule kung saan-saang evacuation center nila dadalhin.
Mismong sumasama ang magandang aktres sa pagbabalot ng mga pangtulong nila, nagpupuyat at nagpapagod siya sa paghahanda, hindi siya basta tagabigay lang ng mga detalye.
Maraming kababayan natin ang nagtutulak kay Angel Locsin para kumandidatong senador sa susunod na halalan. Ang tulad daw niya ang kailangan ng ating bayan.
Sigurado namang maipapanalo niya ang laban, pero mukhang malayo sa bituka ni Angel Locsin ang pagpasok sa mundo ng pulitika, gasgas man ang linyang sinasabi niya ay totoo namang maaari siyang makatulong sa mga nangangailangan kahit wala siyang upuan sa ating pamahalaan.
Alex Gonzaga – Binabash ng mga kampon ni Mocha
Maraming kampon si Mocha Uson na walang binabantayan kundi pintasan ang mga personalidad na mapusong nagbibigay ng donasyon sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa halip na magpasalamat sila dahil may mga artistang niregaluhan ng mabuting puso sa pagtugon sa gibik ng mga biktima ay pilit pa rin silang hinahanapan ng mga butas para i-bash nang wagas.
Nagbigay ng tulong si Alex Gonzaga sa mga evacuation center, marami siyang nabahaginan, masaya ang mga biktimang nakatanggap ng kaniyang tulong.
Pero ano ang napala ni Alex sa pagpapairal niya ng magandang kalooban, ang pintasan lang ng mga bashers ang kaniyang ipinamigay, dalawang latang sardinas lang daw iyon na nakalagay pa sa lukut-lukot na eco bag!
Sana man lang, ang mga bashers na iyon na tumatalak-namimintas ay nakapagbigay nang kahit isang lata lang ng sardinas na puwedeng pagsaluhan ng mga biktima, kaso nga ay hanggang talak lang naman ang alam nilang gawin.
Milyun-milyon daw ang kinikita ni Alex sa kaniyang You Tube at vlog pero iyon lang daw pala ang kaya niyang i-share?
Unang-una ay hindi obligado ang kahit sino na magpadala ng tulong. Magandang puso ng tao ang nagtutulak sa kaniya para magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan.
Ang ganoong akto ay ipinagpapasalamat, hindi pinipintasan, hindi bina-bash. Maraming may sobra-sobrang biyaya na hindi natitinag ang puso sa paghahandog ng tulong.
Hindi sukatan ang pagkakaroon nang sobra-sobrang biyaya para tumulong sa mga naghihirap nating kababayang nagiging biktima ng kalamidad. Maraming ganoon pero walang pakialam.
Pasalamat na lang tayo dahil may mga artistang hindi naman itinutulak na magbahagi ng kung anumang mayroon sila pero nagkukusa.
Ke isang lata lang ng sardinas ang ibinigay ay biyaya pa rin iyon, biyayang mula sa puso, biyayang makatutugon sa mga gutom na bituka ng mga kababayan nating nagtatanong ngayon kung kailan sila makababangon.
Sharon Cuneta – May basher-magnet dahil sa kapo-post sa social media
Napakabilis ng pagbaligtad ng senaryo tungkol sa mag-inang nagkakatampuhan. Kung noong una ay halos ipako na sa krus ng mga netizens si KC Concepcion dahil sa diumano’y kawalan ng utang na loob at pagpapahalaga sa kaniyang ina ay biglang kambiyo na ngayon ang mga nagagalit sa anak ni Sharon Cuneta.
Ito na ang kanilang kinakampihan ngayon, ang Megastar na ang bina-bash, ang kadaldalan daw ni Sharon ang ugat ng mga nagaganap na kontrobersiya sa personal nilang buhay.
Eksaktong komento ng isang basher ng aktres, “Di ba, you and your big mouth lang ang dapat sisihin kung bakit malayo ang loob sa iyo ng anak mo?
“Ilang beses mo na ba siyang inilaglag in public? Puro ka pasaring! Pupurihin mo nang pupurihin si Frankie, halos luhuran mo na ang kabaitan ng anak n’yo ni Kiko, pero ang gusto mo lang namang ipaalam sa post mo, e, walanghiyang anak si KC?
“Sana, magpurihan na lang kayong mag-ina sa bahay n’yo! Huwag mo nang ipino-post pa iyon para kawawain mo si KC!” inis na sabi ng kaniyang basher.
Nasasaktan si Sharon, wala raw alam ang mga bashers sa nagaganap sa buhay nilang mag-ina, kaya huwag silang makialam.
Ay, lalo siyang niresbakan ng kaniyang mga bashers, mas wagas ang mga aryang ipinatikim laban sa kaniya!
Pag-iisahin na lang namin ang buod ng kanilang komento dahil pare-pareho lang naman, si Sharon pa rin ang kanilang sinisisi, dahil kung hindi niya ipinahiya si KC on national television at sa kaniyang mga posts ay talagang wala naman sanang alam ang publiko tungkol sa kanilang mga problema.
Sabi ng isa, “Kung ayaw mong nanghihimasok ang mga tao sa buhay n’yo, tumigil ka sa pagpo-post! Tantanan mo ang mga kadramahan mo! Sarilinin mo na lang ang kaartehan mo!” Aray ko!
John Lloyd Cruz – Balik-pelikula, kinasasabikan pa rin ng lahat
Maraming nagpapalagay na ang pagbabalik sa trabaho ni John Lloyd Cruz ang nagseselyo sa balitang lumabas na tapos na ang lahat sa kanila ni Ellen Adarna.
Matagal nang lumabas ang kuwento ng kanilang hiwalayan, pero wala pang kumukumpirma, parehong tahimik lang sina John Lloyd at Ellen.
Dapat lang namang bumalik na sa tinalikuran niyang trabaho si JLC sila pa rin ni Ellen o hindi na dahil sayang na sayang ang panahon at mga oportunidad na pinalalampas niya.
Sa dalawang taon niyang pagtalikod sa mga camera ay marami nang mga bagong mukha na naglalabasan, magagaling ding umarteng tulad niya, pero ang kinasasabikan pa rin ng marami ay ang pag-arteng tatak John Lloyd Cruz.
Sila ni Shaina Magdayao ang magkatambal sa pagbabalik-pelikula ng magaling na aktor, may pag-uusapan, may babalikan ang publiko sa kanilang tambalan, ang pelikulang Servando Magdamag.
Ayos na ang promo ng obra ni Direk Lav Diaz, panalung-panalo na ang pagbebenta sa kanilang proyekto, pero pinakamahalaga pa ring maging maayos ang pelikula para sulit naman ang desisyon ni JLC na magbalik-trabaho na.
Ang tulad ni John Lloyd Cruz na nawala man nang matawagal na panahon sa paningin ng manonood ay siguradong mayroon pa ring babalikan dahil sa matibay na pundasyon sa pag-arte na matagal niyang pinagpaguran.
Kathryn Bernardo – Binabash dahil nagmura nang nagulat
Tao lang ang mga artista, sikat man o nagsisimula pa lang, na nagugulat, natatakot, nagagalit, natutuwa. Hindi sila naiiba sa mga taong hindi humaharap sa mga camera.
May mga namba-bash ngayon kay Kathryn Bernardo dahil sa hindi niya naman sadyang pagbibitiw ng salitang PI sa isang vlog noong malapit na siyang madulas sa malaking bloke ng yelo.
Nagulat ang dalaga, natural lang na reaksiyon ang pagsasabi ng PI, dahil sa sobrang pagkagulat. Pero minasama iyon ng mga taong mapanghusga, hindi raw siya magandang ehemplo sa mga kabataan, dahil nagmumura siya.
Naaalala namin si Claudine Barretto sa isang episode ng ASAP. Glamorosong-glamorosong naglalakad ang aktres sa tentablado, pero nasilat ang kaniyang paa, kaya isang pagkalakas-lakas na “Ay, p√*≈ng-ina!” ang kaniyang naging reaksiyon.
Hindi iyon sinasadya ni Claudine, natural na reaksiyon lang ang mapamura, lalo na’t malapit na talaga itong mahulog sa entablado.
Ganoon din ang naganap kay Kathryn, malapit na siyang madulas-bumagsak, kaya natural lang ang mapamura ang kahit sino sa ganoong pagkakataon.
Saka sige, sino ba ang hindi napapamura kapag nagugulat, nagagalit at malapit nang malagay sa aksidente? Dalawa-singko na lang ngayon ang pagmumura.
Kapag nabubuwisit ang mga motorista sa matinding trapik ay ano ba ang kanilang nabibitiwang saltia, di ba’t PI rin?
Walang nakaliligtas sa pagmumura, hinihinging reaksiyon ang ganoon sa pagkagulat, pero ang seryosong pagmumura ay hindi dapat kinukunsinti.
Lagi nating iisipin na ang mga tinitiliang artista ay napapatili rin kapag nanonood ng mga pelikulang katatakutan.
Sumasakit din ang kanilang ulo, ngipin at katawan, hindi sila bukod na pinagpala na hindi nakakaramdam ng natural na nararamdaman ng mga ordinaryong tao, hindi sila imortal.
Ai Ai delas Alas – Masaya at tahimik dahil kay Gerald
Hawak ngayon ni Gerald Sibayan, mister ni Ai Ai delas Alas, ang kaniyang lisensiyang makapagpalipad ng private plane.
Kailangan niyang mag-level-up sa mga darating na buwan, lisensiya naman ng pilotong makapagpapalipad na ng commercial plane ang kaniyang inaasinta, hindi iyon imposible dahil masikap ang asawa ng Comedy Concert Queen.
Kuwento ni Ai Ai, “Noong nag-aaral pa lang siya sa La Salle, e, nakita ko na kung gaano siya kadeterminadong makapagtapos. Gumigising siya nang madaling-araw para hindi mahuli sa school niya.
“Pagkatapos niya sa school, takbo naman si Gerald sa pagte-training ng mga members ng national team sa badminton. Sabi ko, grabe ang taong ito, talo pa ako sa professionalism!” masayang kuwento ni Ai Ai.
Mas bata siya kesa sa komedyana, pero ang takbo ng kaniyang isip ay daig pa ang matanda, isa-isa nang natutupad ang mga pangarap ni Gerald Sibayan.
“Kahit po noong magkakilala kami, e, hindi ko naman tiningnan ang wife ko na sikat. Ordinary lang. Hindi po ako affected ng popularity niya,” sabi ni Gerald.
Mabilis na sagot ng komedyana, “Napansin ko iyon! Parang balewala lang sa kaniya ang mga naging achievements ko! Parang wala lang, basta laro lang kami nang laro ng badminton!” tawa nang tawang reaksiyon ng bumibida sa pelikulang D’Ninang na palabas na bukas.
Aminado si Ai Ai na regalo sa kaniya ng Diyos si Gerald, “Mabait siya, very low key, walang kaepal-epal. Trabaho lang siya nang trabaho. Ako pa nga ang talakera, e!”
Hindi naaapektuhan ng mga bashing ang mister ng komedyana. Kilalang-kilala niya kasi ang kaniyang sarili, alam niya na hindi siya umaasa lang sa kaniyang misis, matatag ang pundasyon ng kaniyang mga pangarap.
Jiro Manio – Balik-kulungan, binale-wala ang mga tulong
Totoo namang nakapanghihinayang nag kinahinatnan ng isa sa pinakamahusay na aktor ng ating bayan na si Jiro Manio. Mula sa kaniyang ipinakitang galing sa pag-arte sa pelikulang Magnifico ay kung anu-ano nang hindi kagandahang karanasan ang kaniyang pinagdaanan.
Nakita siyang palabuy-laboy noong 2015 sa aiport, ang kaniyang dahilan, gusto niyang makita nang personal ang kaniyang amang Japanese kaya naghihintay siya ng flight ng eroplanong maghahatid sa kaniya sa Japan.
Isandaang porsiyentong suporta ang ibinigay sa kaniya ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas, hindi barya-barya lang ang ginastos ng komedyana sa pagpapa-rehab sa kaniya, pero wala ring nangyari dahil nagpilit siyang lumabas.
Magbabalik na raw siya sa pag-arte, kailangan daw niyang buhayin ang kayang mga anak, pero hindi naman iyon nangyari. Iniwanan din niya ang magandang trabahong ibinigay sa kaniya ng rehab, kumikita siya doon, hindi naman libre lang ang kaniyang serbisyo.
Laman na naman ng mga pahayagan ngayon si Jiro Manio, naghihimas siya ng malamig na rehas na bakal, sa asuntong frustrated homicide.
Ang kuwento ni Jiro Manio ay isang buhay na patotoo na walang nagagawang positibo sa tao ang paggamit ng droga. Lalong walang maaasahang magandang kapalaran ang kahit sinong nagpapatalo sa bisyo. – CSF