Setyembre 1-15, 2019
![]() |
|
Gerald Anderson & Bea Alonzo |
|
![]() |
|
Julia Barretto & Gerald Anderson
|
|
![]() |
|
John Lloyd Cruz |
|
![]() |
|
Ellen Adarna |
|
![]() |
|
Angelica Panganiban |
|
![]() |
|
Kathryn Bernardo & Alden Richards |
|
![]() |
|
James Reid |
|
![]() |
|
Ion Perez & Vice Ganda
|
|
![]() |
|
Kris Aquino & sons
|
|
![]() |
|
Nora Aunor |
|
![]() |
|
Sanya Lopez |
|
![]() |
|
Angel Locsin |
|
![]() |
|
Morissette Amon |
|
![]() |
|
Andrea Torrres & Derek Ramsay |
Bea Alonzo – Hindi pinatulan ang nanay ni Gerald
Parang nagsalita lang sa hangin ang ina ni Gerald Anderson dahil ni katiting na sagot ay walang ibinalik sa kaniya si Bea Alonzo. Ang mga tagasuporta lang ng aktres ang sumasagot sa ina ng aktor.
May kuwentong lumabas na kaya raw ayaw ni Mrs. Evangeline Opsima kay Bea ay dahil hindi siya pinapansin ng aktres noong sila pa ni Gerald.
Kapag nagkikita raw sila ay malamig sa kaniya ang aktres, dire-diretso lang, hindi katulad ng mga nakarelasyon ni Gerald na malapit sa kaniya.
Tumutukoy sa respeto ang kuwento. Parang hindi naman kayang gawin ni Bea ang ganoon dahil siyempre, lahat ng mahal ng kaniyang boyfriend ay mahal na rin ni Bea, puwede ba namang hindi rumespeto ang aktres sa ina ng kaniyang mahal?
Hinihingi ng pagkakataon ang makabuluhang pananahimik ni Bea. Hindi nito kailangang makipagpalitan nang maaanghang na salita sa ina ni Gerald.
E, ano naman ngayon kung hindi type ni Mrs. Evangeline Opsima si Bea para sa kaniyang anak, makababawas ba iyon sa kagandahan ng aktres?
Alam ni Bea ang kaniyang posisyon. Walang kailangang magdikta sa kaniya na kapag pumatol ang aktres sa nanay ni Gerald ay ito mismo ang mapupulaan.
Puro papuri ang tinatanggap ngayon ni Bea Alonzo dahil sa kaniyang pananahimik. Tao lang siyang nasasaktan sa mga sinasabi ng mga taong walang magawa sa buhay pero pinaiiral pa rin ng magandang aktres ang kaniyang pinag-aralan.
At siguradong alam ni Bea Alonzo na ang latang maingay ay walang laman.
Gerald Anderson – Ang nanay niya ang bina-bash ngayon
Kaliwa’t kanang pamba-bash ang inaabot ng nanay ni Gerald Anderson ngayon.
Hinusgahan din ni Mommy Evangeline ang napapabalitang pakikipagrelasyon ng kaniyang binata kay Julia Barretto. Parang kilalang manghuhula kapag year-ender na tahasang sinabi ng ina ni Gerald na hindi rin sila magtatagal ng young actress.
Alam kaya ni Mommy Evangeline habang nagpapa-interview siya kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang mga rebelasyon? May nakapagpayo kaya sa kaniya na huwag nang makihalo pa sa kontrobersiya dahil siguradong maba-bash lang siya?
Siguro nga ay walang nakapagpayo sa kaniya o baka naman nakahanda na ang kaniyang kalooban sa kung anumang magiging kapalaran niya mula sa kampo nina Bea at Julia.
Heto na ngayon ang resulta. Kaliwa’t kanang pamba-bash ang inaabot ni Mommy Evangeline, jingle lang ang pahinga niya ngayon, dahil talagang sunog na sunog siya sa kaniyang mga pinagsasabi.
Sobra raw naman ang pagka-believe niya kay Gerald, guwapung-guwapo raw ang ina sa kaniyang anak, pinagtutulungan siyang i-bash ngayon ng mga kampo nina Bea at Julia.
Kailangan nang sabihan ng “Welcome to the club!” ni Marjorie Barretto si Mommy Evangeline Opsima sa magkapareho nilang kapalaran ngayon.
Julia Barretto – Nagpahayag na hindi niya BF si Gerald
Iniihaw na naman nang tustado ngayon sa social media si Julia Barretto. Sa isang panahon na ang akala ng mas nakararami ay nagiging malagihay na ang kontrobersiya sa pagitan nila ni Bea Alonzo nang dahil kay Gerald Anderson ay hindi pa pala.
Nagsalita pa rin ang young actress sa isang interview na ang kaniyang pahayag, “No, hindi ko siya naging boyfriend at hindi ko siya boyfriend ngayon. Therefore, wala akong inagawan ng boyfriend.
“Wala akong inahas at wala akong nilandi!” tahasang deklarasyon ni Julia sa kanila ni Gerald Anderson.
Idinagdag din ni Julia na hindi siya nililigawan ng aktor at hindi ito ang naging dahilan ng kanilang break-up ni Joshua Garcia. Wala raw third party sa kanilang hiwalayan ng magaling na young actor.
Pero maayos ang pagsasarado niya sa interview, humihingi siya ng pagrespeto dahil hindi raw madali ang pinagdadaanan nila nina Bea at Gerald, sana raw ay igalang naman ang kanilang pinagdadaanan dahil hindi iyon simpleng problema-karanasan lang.
Diretso niyang sinagot ang tanong tungkol sa kanila ni Gerald, pero sa bandang uli ay nandoon ang kunsiderasyon, ramdam na ramdam din niya ang sakit na pinagdadaanan ngayon ni Bea Alonzo kahit pa hindi niya binanggit ang pangalan ng aktres.
John Lloyd – Sana’y matauhan na at bumalik na sa showbiz
May mga kaibigan kaming nakita nang malapitan si John Lloyd Cruz sa isang pampublikong lugar. Napakasimple ng kaniyang gayak. Naka-rubber shoes lang siya, lumang t-shirt at shorts.
Tanong ng isang kausap namin, “Bakit parang ermitanyo na siya? Of course naman, naliligo siya, pero bakit parang hindi?
“Parang hindi na siya nananalamin, parang nawalan na siya ng ganang pumorma. Parang pinababayaan na niya ang sarili niya,” tanong-opinyon ng aming source.
May dahilan naman kung bakit nagkakaganyan si Lloydie, galing siya sa isang nawasak na relasyon, wala namang nakikipaghiwalay na masaya pa.
Sana nga ay maging senyal na ang paghihiwalay nila ni Ellen Adarna para maisipan na niyang magbalik sa trabahong mahal niya at mahal din siya.
Magtatatlong taon na siyang nababakante, miss na siya ng kaniyang mga tagahanga, panahon na para balikan ni John Lloyd ang kaniyang trabaho. Gawin niyang positibo ang nangyayari sa kanila ni Ellen.
Nakapanghihinayang naman kung basta tatalikuran na lang niya ang pag-aartista. Pangarap niya ito, bata pa siya ay nangarap na siyang makilala, kay sana’y huwag niyang basta-basta sayangin ang pagkakataon.
Ellen Adarna – Bumalik na sa trabaho, tapos na si JLC
Mas maagang nagbalik sa gitna ng aksiyon si Ellen Adarna kesa kay John Lloyd Cruz. Ayon sa aming source, noong nakaraang buwan pa ay naging abala na ang sexy actress sa pictorial para sa ineendorso niyang aesthetic center, parang hindi raw nanganak si Ellen ayon sa aming kausap.
“Ang ganda-ganda niya, mas nagkaroon siya ng character noong magkaanak siya. Si Ellen pa? Maalaga siya sa katawan. Nanganak man siya, e, hindi niya pinabayaan ang sarili niya,” papuri ng aming source.
Sutil daw ang sexy actress. Noong nagpi-pictorial sila sa isang hotel at pasakay na sila sa elevator ay nagkakandahaba ang leeg ng mga kalalakihang nadadaanan nila.
“Alam mo kung ano ang ginawa ni Ellen? Ibinukas niya ang robe na suot niya! Ipinakita niya talaga ang katawan niya doon sa mga usisero!
“Nag-Bisaya pa nga siya na ang ibig sabihin, e, ‘Hirap na hirap pa kayo, baka mabali ang leeg n’yo, kaya ayan na, o!’ Naku, iyong mga guys ang parang nahiya!” kuwento ng aming impormante.
Napabalita na ang panghihingi niya ng TPO (Temporary Protection Order) sa husgado. Iyon ang nagpatibay sa kuwentong tapos na nga ang relasyon nila ni Lloydie.
Wala pang nagiging pahayag ang sexy actress tungkol sa hiwalayan, tahimik lang si Ellen, habang si John Lloyd naman ay idinadaan sa mga lyrics ng kanta ang kaniyang kalungkutan.
Pareho nilang isinakripisyo ang kanilang career nang magdesisyon silang magsama na sa Cebu. Pero pagkatapos lang nang dalawang taon ay tumamlay rin ang kanilang pagmamahalan na nauwi na nga sa hiwalayan.
Siguradong isisigaw isang araw ni John Lloyd Cruz, “Wala nga palang forever!”
Angelica Panganiban – Sa kaniya ang huling halakhak
Ano kaya ang ginagawa ni Angelica Panganiban ngayon? Humaharap kaya siya sa salamin at saka ngumingiti siya nang palihim?
Iyon ang tanong ng ating mga kababayan sa paghihiwalay nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna. Si Angelica ang karelasyon ni JLC nang biglang pumasok sa eksena ang sexy actress.
Wala rin silang pormal na hiwalayan ni Lloydie, sila ang orihinal na naghiwalay nang walang pagsasarado ng pintuan ng kanilang mga puso, hindi sina Bea Alonzo at Gerald Anderson.
Siyempre’y hindi naman ipagbubunyi ni Angelica ang paghihiwalay ni Ellen at ng kaniyang ex, pero sa likod ng kaniyang utak ay iyon ang nakatatak, lihim at sarkastikong pagngiti na lang talaga ang magagawa ngayon ng dalaga.
Ang akala kasi noon ng aktres ay sila pa rin ni John Lloyd, pero mayroon na palang iba ang kaniyang boyfriend, kaya umaray na lang nang umaray sa social media si Angelica sa sobrang sakit.
Paasa ang dating noon ni Lloydie sa pananaw ni Angelica, pinaniwala siyang sila pa rin, pero lumipad na pala sa Cebu ang aktor para kasamahin si Ellen Adarna.
Matagal na panahon ding ginamot ni Angelica ang nagnanaknak niyang sugat dahil sa pang-iiwan sa kaniya ni Lloydie, bina-bash na nga siya nang kaliwa’t kanan, dahil hinahabol daw niya ang aktor na maligaya na sa piling ni Ellen.
Pagkatapos nang dalawang taon ay ibang-iba na ang takbo ng teleserye ng kanilang buhay, hiwalay na sina Lloydie at Ellen Adarna, nakanino nga naman ngayon ang huling halakhak?
Kathryn Bernardo – Panahon talaga ngayon, back-to-back hits
Panahon talaga ngayon ni Kathryn Bernardo. Milya-milya ang inilayo ng kaniyang career sa mga kasabayan niyang kabataang artista.
Kino-congratulate ngayon ang young actress dahil siya ang pinakaunang Pinoy actress na nagkaroon ng back-to-back na tagumpay sa dalawang pelikula niyang umabot nang walong daang milyong piso ang kinita, ang The How’s Of Us, saka ang Hello, Love, Goodbye.
Walang pagsidlan ng kaligayahan ngayon si Kathryn dahil masaya na ang kaniyang lovelife ay matagumpay pa ang kaniyang career. At wala na rin siyang mahihiling pa dahil damay rin sa mga biyayang tinatanggap niya ngayon ang KathNails na negosyo ng kanilang pamilya.
Pareho lang sila ng kaniyang patrner sa huli niyang pelikula na si Alden Richards na hindi na humihiling pa ngayon, puro pasasalamat na lang ang nasasabi ng Pambansang Bae, dahil parang nagtatagpu-tagpo ngayon ang mga suwerte sa kaniyang buhay at career.
Maganda ang takbo ng mga negosyo ni Alden na nakalinya naman sa mga pagkain. Madadagdagan uli ang sangay ng kanilang Concha’s Restaurant at palaging punumpuno ang sangay ng kaniyang McDonald’s sa Laguna.
At marunong humawak ng oras sina Alden at Kathryn, binibigyan nila ng panahon ang kanilang mga negosyo, kaya naman patuloy na nagtatagumpay ang mga mundong pinapasok nila.
James Reid – Napag-iwanan na ni Alden Richards
Napag-iwanan na sa karera si James Reid. Si Alden Richards ang tinatawag na Box-Office King ngayon dahil sa matinding tagumpay ng pelikula nila ni Kathryn Bernardo na malapit nang sumampa sa isang bilyong piso ang kinikita.
Milya-milya na ang agwat sa kaniya ngayon ni Alden na lumaki at tumaas ang premium dahil sa Hello, Love, Goodbye, sila na ni Daniel Padilla ang pinagsasabong ngayon, out na sa argumento si James Reid.
Pakialamero raw kasi ang tatay ni James Reid, opinyon ng mas nakararami, sobra ang panghihimasok nito sa karera ng kaniyang anak kaya lumagapak ang karera ng guwapong aktor.
Opinyon ng marami ay parang nagsisimula na naman ngayon si James Reid. Hindi na siya pumirma ng panibagong kontrata, nagpa-release na siya sa Viva Artists Agency, ang kaniyang ama na raw ang mamamahala sa kaniyang career ngayon.
Napakalaki ng ibinagsak ng popularidad ni James Reid, hindi rin kagandahan ang mga komentong lumulutang tungkol mismo sa kaniya, lalo na sa kampo ng mga nakakatrabaho niya sa paggawa ng TVC.
Kapag hindi nagbago ang kalakaran sa career ni James Reid ay wala nang mangyayari sa kaniya sa karera, habambuhay na lang siguro siyang gagawa nang gagawa ng mga music video na kinahihiligan niya, lalo na kapag nawala pa sa kaniya si Nadine Lustre.
Vice Ganda – Basta maligaya siya kay Ion, tama na iyon
Alam natin ang kalakaran na kahit walang katotohanan, kapag nakipagrelasyon ang isang lalaki sa becki ay iba kaagad ang naiisip ng marami, pera lang ng bakla ang habol ng lalaki.
Palaging ganoon. Walang ibang takbo ang utak ng mga miron kundi pera lang ang gusto ng lalaki sa becki. Pinagtataasan ng kilay ang kuwentong mahal na mahal niya talaga ang becki kaya siya pumatol.
Siguradong iyon ang senaryong iniingatang matikman ni Ion Perez kaya kapag tinatanong siya kung karelasyon ba niya si Vice Ganda ay pagkakaibigan lang ang kaniyang tugon.
Iyon ngang hindi siya kumikibo ay pinagbibintangan na siyang pera lang ng TV host ang kaniyang habol, ang sabihin pa kaya niya nang lantaran na sila na nga, di lalo siyang nabaon sa paghusga ng mga hindi nakaiintindi?
Plastic daw si Ion, sabi ng kaniyang mga bashers, halos sa mansiyon na raw ni Vice Ganda siya nakatira ay kinakaya pa ng kaniyang sikmura na idenay ang kanilang relasyon.
Sana’y maintindihan din siya ng mga bumabatikos, kapag ipinagsigawan pa niya ang relasyon nila ni Vice ay mananakaw na noon ang kaniyang pagkatao, walang ibang sasabihin ang makakarinig kundi talagang pera lang ni Vice ang kaniyang ganansiya at hindi naman pakikipagmahalan.
Huhusgahan siya agad na wala namang hangad ang lalaki sa isang milyonaryong becki kundi pera. Kahit walang alam ang tao tungkol sa sinseridad ng pagmamahal nila sa isa’t isa ay pera pa rin ang paniniwalaang dahilan ng kahit sino kaya siya nakipagrelasyon kay Vice.
Mahirap ang kalagayan ni Ion Perez. Magdenay siya ay plastic ang ikakabit na paglalarawan sa kaniya. Umamin siya ay hustler naman at mukhang pera ang ipanghuhusga sa kaniya.
Saan nga ba naman siya pupunta?
Kris Aquino – Talagang OA kapag nakahawak ng mike
Kapag nakahawak na talaga ng mikropono si Kris Aquino, asahan mo nang kung anu-anong rebelasyon ang bibitiwan niya, makaganda man ang kaniyang sinasabi o hindi tungkol sa taong pinatutungkulan niya.
Parang baril ang tingin ni Kris sa mikropono, isang armas na napakamakapangyarihan, ang problema nga lang kung minsan ay baril lang siya nang baril nang walang direksiyon.
Sa ika-36 na taon ng pag-alala sa pagpaslang sa kaniyang ama ay napakalinaw ng naging pahayag ni Kris sa harap ng puntod ng kaniyang mga magulang.
Ang sabi ni Kris dahil maraming naghahanap kay dating Pangulong Noynoy, “He is sick. He is not okay. I’m not at liberty to say what’s wrong with him.”
Idinagdag din ni Kris na nag-iisa lang na naninirahan ang kaniyang kuya sa Times Street. Humingi pa siya ng panalangin. May kakambal na patutsada rin ang kaniyang pahayag sa mga taong dating nakapalibot sa kaniyang kuya noong nanunungkulan pang pangulo pero nang bumaba na sa posisyon ay lumundag na sa ibang kuwadra ang mga kaalyado nito.
Natural, nang-imbita ang kaniyang litanya ng kaliwa’t kanang opinyon ng buong bayan. Sukat ba naman niyang sabihin na wala siyang karapatang sabihin kung ano ang sakit ni P-Noy!
Maraming nagpalagay na siguro’y matinding sakit sa lungs ang kaniyang sakit dahil alam naman ng buong bayan kung gaano kalakas manigarilyo ang dating pangulo.
Pero pagkatapos nga lang ng dalawang oras ay heto na ang opisyal na pahayag ng dating pangulo na wala itong nakaaalarmang sakit. Dahil lang daw siguro sa pagpapabagu-bago ng panahon ang kaniyang kundisyon kaya wala ito sa pag-alala sa ika-36 na anibersaryo ng pagpaslang sa kaniyang ama.
Hay, naku! Ito talagang si Krissy, umo-OA din basta may time!
Nora Aunor – Senior na, madali nang mapagod
Superstar si Nora Aunor, kaniyang-kaniya ang titulong iyon at walang sinumang makaaagaw sa kaniyang trono, pero tao pa rin ang Superstar at hindi imortal.
Sa kaniyang edad ngayon na 66 na ay natural lang na mayroon na siyang mga nararamdamang kakaiba sa kaniyang katawan, kailangan na niyang humingi ng tulong sa mga vitamins, maitatago ang edad pero ang nararamdaman ay hindi.
Sakitin na ngayon si Nora, pero mga ordinaryo namang sakit iyon na sabi nga ay malayo sa bituka, iyon ang dahilan kung bakit nagbibigay siya ng oras sa kaniyang pagtatrabaho.
Maaga siyang dumarating para maaga rin siyang makunan, maaga rin ang kaniyang pack-up, hindi na siya puwede sa magdamagang pagtatrabaho.
Sa pakikipagkuwentuhan namin sa magandang aktres na si Sanya Lopez na kasama ng Superstar sa bago niyang pelikula ay hindi matapus-tapos ang papuri ng magandang dalaga sa Superstar.
Sabi ni Sanya, “Napakasuwerte ko po dahil nabigyan ako ng chance na makatrabaho ang Superstar. Iba po, ibang-iba ang experience, napakahusay po talaga niyang umarte.
“Kapag tinititigan ka na niya, mayroon pong ibang feeling na hindi mo alam kung saan nanggagaling, basta, mame-mesmerize ka na lang sa kaniya,” masayang kuwento ni Sanya Lopez.
Sabi nga, napakaraming bituin sa langit pero may isang uri ng bituin na nakasisilaw ang liwanag, iyon ang bituin ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
Sanya Lopez – Never nagkaroon ng boyfriend since birth
Nakilala na namin nang personal si Sanya Lopez. Siya ang dahilan kung bakit palagi naming pinanonood noon ang seryeng Cain At Abel.
Bukod sa gandang-ganda na kami sa dalaga ay marunong din siyang umarte. Hindi siya nakakahiyang panoorin, tututukan mo ang husay niya sa pagganap lalo na sa madadramang tagpo, aktres si Sanya Lopez.
Naging guest namin siya sa Take It. Per Minute, Me Ganoon. Katabing-katabi namin si Sanya kaya nakita namin at nakilatis ang kaniyang mga katangian. Malinis siya sa katawan, puwede siyang maging endorser ng toothpaste sa ganda ng kaniyang mga ngipin, hindi mo rin siya maiba-blind item dahil pati ang kaniyang mga kuko ay malinis na malinis.
Nakakatuwang malaman na wala pa pala siyang nagiging boyfriend mula nang ipanganak siya. Tama, no boyfriend since birth si Sanya, napakasuwerte ng kaniyang pakakasalan dahil talagang wala pa siyang anumang karanasan tungkol sa kamunduhan.
“Naligawan din naman po ako, pero talagang ayoko munang makipagrelasyon. Mahirap po kasing pagsabayin ang lovelife at ang career.
“Para sa akin kasi, e, heto na ang magagandang opportunities, sayang naman kung palalampasin ko pa,” katwiran ni Sanya.
Doon na pumasok sa utak namin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang pagrereto kay Sanya sa nakasabayan niyang mag-guest na si Javi Benitez, ang humble na anak ni Congressman Albee Benitez
Libreng makipagrelasyon ang binata, wala itong karelasyon, kaya para kaming mga matchmakers talaga sa pang-uulot kay Javi na ligawan si Sanya.
Walang masama!
Angel Locsin – Kering-keri ang added weight, ang ganda!
Totoong nadagdagan ang timbang ni Angel Locsin, kitang-kita naman iyon sa kaniyang seryeng The General’s Daugther, hindi iyon maitatago ng kahit anong anggulo pang gawin ng mga camera.
Palagi siyang naka-jacket, magandang pangtago ng mga sobra-sobrang timbang ang makapal na jacket, pero naman!
Kung ang babae namang madadagdagan ng timbang ay kasingganda ni Angel Locsin ay tapos na ang argumento. Kering-keri niya ang ganoon dahil sa kagandahang mayroon siya, napakaganda ng aktres lalo na kapag konting-konti lang ang kaniyang make-up, saka nakapusod ang kaniyang makintab at malusog na buhok.
Komento ng isang kaibigan naming young lawyer, “Napakasuwerte naman talaga ni Neil Arce! Nakakatawa nga, kapag tinatanong ako ng mga friends ko kung kailan ako makikipagrelasyon, ang lagi kong sagot, e, hinihintay ko lang na maging single si Angel Locsin!
“Saka carry niya naman kung tumaba man siya, hindi siya dapat i-bash, dahil kung ganoon naman kaganda ang lumaking babae, e, panalo pa rin siya!” sabi ng abogado naming kaibigan.
Korek na korek!
Morissette Amon – Kontrang-kontra ang ama sa boyfriend
Kaya naman pala ganoon kagaling kumanta si Morissette Amon na bigay na bigay ang emosyon ay dahil napakalalim ng kaniyang pinaghuhugutan. Siya ang unang female singer na narinig naming kumanta ng Versace On The Floor.
Ang ganda-ganda ng boses ni Morissette, abot na abot niya kahit ang pinakamatataas na tono na parang effortless lang siya, puso ng dalaga ang kumakanta at hindi basta bibig lang niya.
Ilang buwan na siyang hindi umuuwi sa kanilang bahay, magkakontra sila ng kaniyang ama na ipino-post pa ang kanilang mga problema at hindi na lang nila pag-usapan nang sila-sila lang, nakatinda tuloy sa social media ang hindi nila pagkakasundo.
Kontrang-kontra ang kaniyang ama kay Dave Lamar, ang musikerong boyfriend ng magaling na singer, nasa wastong edad na siya para makipagrelasyon pero kung bakit galit na galit ang kaniyang tatay.
Hindi totoong nakikipag-live-in na si Morissette sa kaniyang boyfriend, nasa pangangalaga siya ng kaniyang manager, walang katotohanan ang kuwentong lumabas na ipinagpalit niya ang kaniyang pamilya kay Dave Lamar.
Hindi rin totoong pinabayaan na lang ni Morissette ang kaniyang pamilya, lahat ng naiipon niya ay naiwan sa mga ito, ipinagpatayo pa niya ng bahay ang kaniyang pamilya.
Nakakalungkot lang ang kuwento tungkol sa mga personalidad na kumikita na nang malaki. Sa kanila na lang umaasa ang kanilang mga pamilya. Wala namang masama sa ganoon pero sana’y kumikilos din ang kanilang mga mahal sa buhay para magkatulung-tulong sila.
Mabigat na responsibilidad ang ganoon para sa anak, lalo na’t hindi naman siya ang padre de pamilya na dapat gumanap sa tungkulin, nababagot ang personalidad sa ganoon na nauuwi sa pagsasarili na lang sa buhay.
Derek Ramsay – Hiyang-hiya kay Andrea Torres
Hindi na lang pinagkaabalahang sagutin pa ni Derek Ramsay ang mga bashers ni Andrea Torres pero siguradong sobrang hiyang-hiya ngayon ang hunk actor sa kaniyang leading lady.
Grabe naman kasi ang mga salitang ibinabato ng mga kampi kay Joanne Villablanca, dating karelasyon ni Derek, laban kay Andeng.
Ang unang pinagdiskitahan ng mga ito ay ang dibdib ni Andrea na ayon sa kanila ay hindi naman natural kundi salamat po, doktor lang.
Retokado rin daw ang kaseksihan ni Andrea, fake, walang-wala raw kumpara sa natural na kagandahan ng dating girlfriend ni Derek.
Mahaba man ang pisi ng pasensiya at malawak ang pang-unawa ng edukadang si Andrea ay natural lang na nasasaktan siya sa grabeng pamba-bash sa kaniya ng mga tagasuporta ni Joanne Villablanca.
Ano nga ba naman kasi ang naging kasalanan niya, siya ba ang third wheel sa hiwalayan nina Derek at Joanne, samantalang wala naman siyang kaalam-alam tungkol doon?
Habang pinipintasan at sinasaktan ng kampo ni Joanne si Andrea ay lalo siyang mapapalapit sa kalooban ni Derek Ramsay. Alam ni Derek ang totoo, hindi si Andrea ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Joanne, kaya hindi dapat kinakaladkad ang kaniyang pangalan sa naging problema ng dalawa.
Nakaka-insecure naman kasi talaga ang kaseksihan ni Andrea Torres, siya ang pinagkakaguluhan ngayon ng mga kalalakihan, kaya ganyan na lang ang galit sa kaniya ng mga kampi sa ex ni Derek. – CSF